By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
NOTE: Ito iyong matagal na at pinakauna kong kuwentong isinumite sa dalawang contests noong 2010. Gusto ko lamang siyang ipost dito.
1. Nanalo ito sa PBA (Phil Blog Award, Visayas)
2. Nanalo ito ng People's Choice Award at Most Liked and Commented Entry sa PEBA (Philippine Expat Blog Award, International Category), bagamat surrounded by controversy ang pagsali ko dahil ang blog kong "Michaelsshadesofblue.blogspot.com" ay isang blog daw na nagpo-promote ng kabaklaan at kalaswaan, halos madisqualify ito.
----------
Palagi kong nakikita ang dalawang ibon na iyon sa malaking kahoy sa tapat lang ng aking maliit na tindahan. Hindi ko alam kung anong klase o anong pangalan ang mga ito ngunit may brown na kabuuang kulay, may matingkad na dilaw ang kanilang mga tuka, at kapag lumilipad, makikita ang puting stripe sa kanilang mga pakpak.
Ngunit ang nakapagbigay pansin sa akin ay ang pagiging palagi nilang magkasama na tila ang isa’t-isa sa kanila ay hindi alam ang gagawin kapag wala sa tabi ang isa. Minsan nakikita kong mistula silang nag-uusap, o naghahalikan, o nagkikilitan. Kapag nanginginain sa damuhan sa ilalim ng malaking kahoy kung saan paborito din nilang pahingahan, ang isa’t-isa ay nasa di kalayuan lang. Kapag lilipad naman, sabay din silang tutungo sa parehong direksyon at lugar.
Sobrang nakakaaliw silang pagmasdan. Pakiramdam ko ay nawawala ang pagod ko at naiibsan ang mga hinaing ko sa buhay kapag ganyang nasilayan ko ang dalawang ibong iyon.
Kada alas tres ng hapon ay halos hindi sila pumapalyang dumadayo sa malaking punong-kahoy. At araw-araw sa ganoon ding oras, lihim ko silang pinagmamasdan.
Isang araw, napansin kong isang ibon na lang ang naglalakad, palundag-lundag na nanginginain sa damuhan. Laking pagtataka ko kasi hindi naman ganoon ang eksenang palagi kong nakikita. Noong lumipad ito patungo sa isang sanga, nakita kong may pugad na pala sila at habang ang isang ibon ay naglimlim, ipinagdadala naman ito ng pagkain ng isang ibon.
Napahanga ako sa ipinamalas nilang pagtutulungan. Para silang mga magsing-irog, o dalawang taong nagmamahalan. Iyong pagdadala ng pagkain para sa naglimlim na kapareha; iyong pagtutulungan nilang itayo ang pugad, at iyong pagbuo nila mismo ng isang pamilya kung saan katuwang nila ang isa’t-isa… nakakaramdam din kaya ng awa at pagmamahal ang mga ibon?
Inamin ko; nainggit ako. “Bakit kaya hindi magawa ng ibang tao ang ginawa nila? Bakit sadyang may mga taong mapanlinlang, taksil, mapaglaro, manggagamit…?” ang naitanong ko tuloy sa sarili sabay bitiw ng malalim na buntong-hininga.
Oo, napakasimple ng buhay ng mga ibon at bagamat maituturing na mababa lang ang level ng kanilang utak. Ang sabi pa nga ng mga eksperto ay hindi nila kayang gamitin ang utak nila sa pag-iisip at wala silang kakayahang magmahal. Ngunit sa nakita ko, naipamalas nila ang kahalagahan ng pagtutulungan, ang pagbigay-suporta, ang pagdamay, ang pigiging tapat, at ang pagpapahalaga…
May nabasa akong mga pagsusuri tungkol sa panghabambuhay na partnership o pagka-monogamous ng ibang klaseng ibon; na kapag nakahanap na ang mga ito ng partner, hanggang sa kamatayan na. May isang article din akong nabasa tungkol sa isang wild black swan na na-attract sa isang puting swan boat ng isang recreation park. Bagamat ilang doble ang laki ng swan boat sa kanya, hindi na umaalis ang maitim na swan sa gilid ng bangka. May ilang buwan din iyon, hanggang sa isang araw ay nakahanap din siya ng isang tunay na swan na siyang naging partner niya sa habambuhay. Nakakamangha. Nakakapagbigay ng inspirasyon. Nakakaantig ng damdamin.
Kaya minsan, nasabi ko sa sarili. “Sana ay naging ibon na lang ako. Nakakalipad, malayang napupuntahan ang mga lugar. At bagamat hindi nito taglay ang katalinuhan ng tao, hindi rin kumplikado ang tinatamasa nilang buhay. Simple lang. Walang maraming iniisip, walang maraming iniintindi, walang maraming tanong... Ano ang silbi ng katalinuhan kung sarado naman ang isip? Ano ang silbi ng pagiging tao kung ang isip naman ay mas mababaw pa kaysa hayop? Ano ang silbi ng kakayahang magmahal kung hindi naman kayang panindigan ito?”
Kaya, hindi maitatago ang inggit ko sa dalawang ibon na iyon. Naikukumpara ko kasi ang mapait na karanasan sa pag-ibig na kabaligtaran sa nasaksihan ko sa dalawang ibon.
Magda-dalawang taon na ang nakaraan, hindi pa rin ako makapag move-on sa naranasang sakit kung saan pinagtaksilan at hinudas ako ng taong aking minahal.
Limang taon din akong nagtrabaho sa abroad bilang isang nurse. Napagdesisyonan kong mangingibang-bansa dahil sa hirap ng buhay.
Si Lito… ang asawang tinutukoy kong nagtaksil sa akin. Tatlong taon kaming nagsama bago ako nangibang bansa. Kagaya ng ibang nagmamahalan, nagsumpaan kami na walang iwanan; na habambuhay kaming magdamayan at magtulungan upang makamit ang aming mga munting minimithing pangarap bilang isang buo at masayang pamilya. At sa tatlong taon naming pagsasama, biniyayaan kami ng isang malusog na batang lalaki; si Andy.
Masasabing kumpleto na sana ang pamilya namin at masaya na sana sa ibinigay na biyaya. Subalit walang trabaho si Lito at ang kita ko ay hindi sapat para sa aming lumalaking pamilya. Dahil dito napagdesisyonan kong mangibang-bansa.
Sa pangingibang-bansa ko naranasan ang matinding sakit at hirap na mapalayo sa pamilya. Mistula akong mababaliw sa sobrang pananabik, sa pakiramdam na nag-iisa lang mundo, walang karamay, nahihirapan sa trabaho… Ngunit tiniis ko ang lahat mabigyan lang ng magandang kinabukasan ang aking anak at upang matupad ang pangarap naming mag-asawa na magkaroon ng maliit na negosyo na siyang magpatatag pa sa aming pagsasama kapag ako ay titigil na sa pangingibang-bansa.
Ngunit kabaligtaran ang naging nangyari. Panlimang taon ko na sa abroad iyon at abot-kamay ko na lang sana ang katuparang ako ay uuwi na at hindi na muling babalik pa sa pangingibang-bansa noong isang masaklap na balita ang ipinarating sa akin ng aking kapatid: may ibang babae si Lito.
Mistulang gumuho ang mundo ko sa pagkarinig sa balitang iyon. Iyon ang pinakamasaklap na mensaheng narinig ko sa buong buhay ko. At kasabay noon ay ang pagkawasak ng aking mga pangarap. Hindi ko alam ang gagawin. Nanginginig ang buong katawan sa magkahalog poot at awa sa sarili. Maraming bagay ang pumasok sa isip, at kasama na dito ang pagkitil sa sarili kong buhay. Mabuti na lang at nanaig ang katinuan ng aking isip noong naalaala ko ang aking anak. At bagamat nag-iiyak ako, nagtitili, naglupasay sa sobrang sakit na naramdaman, pinilit kong magpakatatag para sa aking anak.
Dali-dali akong nag-resign sa trabaho at noong makauwi, nakumpirma ko ang buong katotohanan. Tatlong taon na pala akong niloko ni Lito at napag-alaman kong nagkaroon din sila ng anak ng babae niya. At ang masaklap pa, sinimot niya ang lahat ng savings namin sa bangko at ginastos ito sa pagpatayo ng bahay para sa bago niyang pamilya. Mabuti na lang at may ipinagkatiwala ako sa kapatid kong babae na isang maliit na sari-sari store. Ito ang naiwan sa akin at ito rin ang nagsilbing munting pag-asa ko na ipagpatuloy ang buhay at buuin ang pangarap ko para sa aking anak.
Pinanindigan ko na rin na pakawalan si Lito. Naisip ko na kapag idaan ko pa sa legal na proseso ang hiwalayan namin ay gagastos lamang ako ng malaking halaga na wala ring patutunguhan. Wala rin naman kasi akong mahahabol na financial assistance sa kanya dahil wala siyang trabaho at binubuhay lang ng kanyang babae. Pinilit kong magpakataag; pinilit kong maging bato ang aking puso sa kabila nang pagtatanong ng anak ko kung nasaan ang papa niya at kung bakit ang ibang mga bata ay mayroon nito samantalang siya ay wala. Mistulang pinagsasaksak ang puso ko sa bawat pagbigkas niya sa tanong na iyon.
Lumipas ang isang taon at sa wakas, dumalaw din si Lito. Nagkataon ding ipinasyal ng kapatid ko ang anak naming si Andy kaya hindi rin sila nagkita.
Masama ang balita ni Lito. Sumama sa isang Amerikano ang babae niya at nagpakasal ang dalawa sa Amerika. Huli na noong malaman niya ito. Ang naiwan na lang sa kanya ay ang kanilang apat na taong gulang na anak na isinama pa niya sa pagdalaw niyang iyon sa akin. Ang masaklap, wala siyang trabaho at may iniindang karamdaman – diabetis. Putol na ang kaliwa niyang paa. Ito ang dahilan kung bakit siya iniwanan ng kanyang asawa. Wala na siyang silbi para sa kanya. At naibinenta na rin niya ang lahat ng mga ari-arian nila, kasama na ang bahay na nanggaling sa pera ko. At… ubos na rin ang lahat ng pera.
“Karma?” ang sarcastic kong paninisi sa kanya. “May Diyos pala talaga, ano? May kabayaran pala talaga ang mga ginagawa nating kababuyan sa kapwa ano? Pero alam mo, kulang pa iyan eh. Hindi pa iyan sapat kumpara sa sakit na naramdaman ko sa ginawa mong panloloko sa akin! Dapat sana ay natodas ka na!”
Hindi na magawang sumagot ni tumingin ng diretso sa akin si Lito. Tahimik lang siyang nakayuko hanggang sa nakita kong dumaloy ang mga luha niya sa kanyang pisngi at ang nasambit ay, “P-patawarin mo ako, Mira… alam kong matindi ang sakit na naramdaman mo sa ginawa kong panlilinlang sa iyo… Napakasama ko. Ngunit nagsisisi na ako. Gusto ko na kayong makapiling ng anak natin. Sana ay tanggapin mo ako.”
“Tanggapin? Baliw ka ba? Akala mo ganyan lang kadali iyon? Wala… wala akong patawad na maibibigay sa iyo. Nandito pa sa puso ko ang poot. At hindi kita mapapatawad hanggang buhay pa ako! Ngayon, kung nandito ka upang humingi ng tulong sa akin, pasensya na. Sinimot mo na ang lahat ng perang pinaghirapan ko! Wala nang natitira pa para ipamigay sa iyo!”
“K-kahit patawad na lang Mira… p-para sa ating anak. Iyon na lang. Sana bago ako mamatay ay may kapatawaran galing sa puso mo. Ramdam ko na ang maraming kumplikasyon sa sakit ko. May high blood ako, malabo pa ang paningin, at natatakot akong ang sunod na maapektuhan ay ang kidney ko.”
“Ang kapal mo talaga ano? Sa panahon ng aking pagluluksa at sakit na naramdaman sa ginawa mong pagtraydor, anong ginawa mo? Ni hindi ka man lang dumalaw o nagpaliwang o kahit na mag text man lang… Hindi kita naramdaman, alam mo ba iyon? Tapos ngayon…? Sorry, wala kang mapapala sa akin! At huwag ka nang bumalik pa dito dahil kinamumuhian kita! Mamatay ka na sana!” Bulyaw ko.
Iyon lang. Bakas sa mukha ang matinding kalungkutan, walang imik na itinukod ang isang kamay sa upuan samantalang ang isang kamay ay inarko sa dalang crutches at noong makatayo na, hinawakan si Junjun na ang pakilala pa sa akin ay Tita Mira, at tinumbok nila ang pintuan.
May kirot din sa puso ang tagpo na iyon. Nahirapang maglakad, ang damit na suot ay gusgusin na parang sa isang pulubi. Nakakaawang tingnan lalo na noong bago tuluyang lumabas sila ng bahay, lumingon pa sa akin si Junjun, na sa kabila ng kanyang musmos na pag-iisip at nakakaawang mukha ay bakas sa mga mata ang pagkalito at ang binitiwang tingin sa akin ay mistulang nagtatanong, “Bakit puno ng galit ang puso mo para sa papa ko?”
Ngunit, sadyang sintigas ng bato na ang puso ko. “Winasak na nga niya ang mga pangarap ko, hanggang sa kasiraan ba ng buhay niya, idadamay pa niya ako?” bulong ko sa sarili.
Iyon ang huling pagkikita namin ni Lito, tatlong buwan na ang nakalipas.
Alas tres ng hapon at pinagmasdan kong muli ang dalawang ibon. Doon ko nadiskubre na inakay na pala ang mga nilimlimang itlog. Naririnig ko pa ang mga munting iyak ng mga ito kapag pasulpot-sulpot sa pugad ang mag-asawang ibon upang pakakainin sila.
Sa eksenang iyon, naihalintulad ko ang sarili. Naghahanap sila ng makakain para sa anak nila at ako, napadayo sa ibang-bansa, lumipad din kumbaga sa malayo, upang mabigyan ng magandang bukas ang aking anak. At kagaya ng pagtutulungan nila, ganoon din kami ni Lito. Bagamat sa simula nga lang…
Habang nag-enjoy akong pinagmasdan sila, nagulat naman ako sumunod na nangyari. Aksidenteng nahagip ng dumadaang sasakyan ang isa sa mag-asawang ibon habang lumilipad ito patungo sa kanyang pugad. Bumagsak ito sa damuhang parte sa ilalim ng puno, malayo-layo sa kalsada. Hindi na nito magawang lumipad pa.
Hindi ko alam ang gagawin sa nasaksihan. Nataranta na rin ako sa sobrang pagkabigla, hindi alam kung kukunin ko ba ito at gamutin, o hayaan na lang sa kinalalagyan. Ngunit napag-isip-isip ko na wild ito, at baka kapag kinuha ko, magpipiglas lang at lalong makasama.
At doon ako namangha at naantig ang damdamin noong makita ng kapartner ng ibong natamaan ang nangyari. Lumapit siya dito at mistulang pinapalakas nito ang loob ng kapartner na nasaktan, nag-iingay na parang nagsisigaw o may sinasabi, hindi niya ito iniwan. Noong makitang hindi na talaga ito makalipad, saka niya ito iniwan pansamantala at noong bumalik, dala-dala sa kanyang bibig ang pagkain.
Ngunit patay na ang partner niya.
Hindi ko alam kung ano ang tunay na naramdaman ng naiwanang ibon sa pagkakita niyang lugmok na ang kanyang kabiyak. Tinuka-tuka niya ang pakpak nito na pilit ipinabalik ang malay. Lumulundag-lundag paikot sa patay na katawan, patuloy ang pagtutuka dito hanggang sa marahil ay nawalan na ng pag-asa, huminto din siya. Ngunit patuloy pa rin itong nag-iingay na parang isinisigaw ang kanyang paghihinagpis.
Maya-maya, lumipad siya patungo sa isang sanga at humapo doon. Nagpalipat-lipat; hindi mapakali o ni makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari.
Hindi ko lubos maisalarawan ang naramdaman. Isang hayop lang ito ngunit dama ko ang paghihirap niya. Alam ko ang tindi ng sakit ng mawalan ng minahal. Ramdam ko pa rin ito sa puso ko.
Naalala ko ang mga inakay niya; awa ang naramdaman ko para sa kanila sa pagkawala ng isa sa kanilang mga magulang.
Maya-maya din lang, lumipad ito at bumalik sa pugad, ipinagpatuloy ang pagpapakain sa kanyang mga inakay. Naantig naman ang aking damdamin. Sa kabila ng nangyari, instinct para sa kapakanan ng mga inakay niya pa rin ang sinunod. Nawala man ang partner niya, pilit pa rin niyang binuo ang pamilya niya, ipinagpatuloy ang pagtaguyod na mabuhay ang mga inakay na umaasa sa kanya.
Sobrang napa-“Wow!” ako sa ipinakita niyang kagandahang-loob. Oo nasaksihan ko ang masaklap na nangyari sa kanya, na maituturing na kasing sakit din ng naramdaman ko. Ngunit hindi ito naging dahilan upang magalit siya sa mundo; upang sirain niya ang buhay niya at ang buhay ng mga umaasa sa kanya… Isang munting hayop ang nagbukas ng aking mga mata sa kahalagahan ng pagmamahal; sa kahalagahan ng pagtaguyod at pagbuo ng buhay at pamilya.
Biglang pumasok sa isip ko si Andy at ang palagi niyang pagtatanong kung nasaan na napunta ang kanyang ama. Sumagi din sa isip ko ang inosenteng mukha ni Junjun at ang titig nitong binitiwan na mistulang may ibinatong tanong na kumurot sa aking puso, “Bakit puno ng galit ang puso mo para sa papa ko…?”
Hatak-hatak ang anak naming si Andy, agad kong tinungo ang address kung saan sinabi ni Lito ang tirahan niya. Alas syete ng gabi noong matunton ko ang lugar na sinabi; isang squatter area. Tinahak ko ang makitid na eskinita at noong marating ko ang bahay niya, napansin kong madilim ang loob.
“Natutulog na po ang mag-ama!” sabi sa akin ng isang kapitbahay. “Madalas maagang natutulog ang mga iyan.” Dugtong pa niya.
“Lito!” Sigaw ko.
Maya-maya, lumabas si Junjun, kinuskos-kuskos ng isang kamay niya ang mga mata at noong makita ako, napasigaw ng “Tita Mira!” sabay takbo palapit sa akin at nagmano.
Ewan ko, ngunit sa inasal ni Junjun kung saan kusa na lang itong lumapit sa akin kahit hindi pa niya ako lubusang kilala, pakiramdam ko ay lumambot ang puso ko. Alam ko na kung si Andy ay sabik na sabik na makita at makasama ang kanyang ama, si Junjun ay naghahanap din ng pagkalinga ng isang ina.
“O bakit hindi ka pa natulog?” ang tanong ko sa kanya.
“Hindi kasi ako makatulog e.”
“Bakit?”
“Nagugutom po ako. Sabi kasi ni papa, matulog na lang kami kasi wala kaming pagkain. Bukas na lang daw po maghahanap si papa…”
Mistulang namang piniga ang puso ko sa narinig. At naalimpungatan ko na lang ang sariling niyakap at kinarga ko ang bata sa aking mga bisig. At habang karga-karga ko siya, hindi ko maiwasang hindi pumatak ang aking mga luha.
“O… e… dapat lang na hindi ka pa matulog dahil kakain tayo kasama ang kuya Andy mo sa labas e!” Ang sambit ko.
“T-talaga Tita! Yeeeee!” sigaw niya, ramdam sa boses niya ang sobrang kagalakan.
“Oo naman!”
Maya-maya lumabas naman si Lito, kitang-kita niya ang kasayahan namin ni Junjun.
Tinitigan niya ako. “N-napatawad mo na ako?”
Binitiwan ko ang ngiti bagamat dumadaloy pa rin sa pisngi ko ang mga luha. “Tinatanong pa ba iyan?” sagot ko. At sabay lingon sa anak naming si Andy, “Andy… siya ang papa mo. Naalala mo pa ba siya? Hug ka sa papa mo, dali!” ang paghikayat ko.
Hindi ko lubusang masisalarawan ang kasiyahang naramdaman sa pagkakita ko sa eksanang nagyakapan ang mag-ama, bakas sa kanilang mukha ang ibayong kaligayahan at kasabikan sa isa’t-isa. Muli akong napaiyak.
“Anak, miss na miss ka na ni papa… Pa-kiss nga si papa.” sambit ni Lito sabay halik sa pisngi ng anak.
“Na-miss din kita papa…” ang inosenteng sagot din ni Andy.
At naalimpungatan kong nagyakapan na kaming apat.
Iyon ang simula ng pagkabalikan namin ni Lito at ang muling pagkabuo ng aming pamilya. Masayang-masaya ako dahil sa muli naming pagsimula, nadagdagan pa ito ng isang munting anghel – si Junjun. At dahil napalago ko rin naman ng paunti-unti ang sari-sari store ko, kahit papaano ay naitataguyod pa rin namin ang aming mga pangangailangan pati na ang regular na check-up at maintenance na gamot ni Lito.
Ngayon, sinimulan na naming muling buuin ang aming mga pangarap. Ipinangako rin namin sa isa’t-isa na kahit ano man ang mangyari, patuloy naming itaguyod at panatilihing buo at mas matatag ang aming pagsasama bilang isang pamilya. Hindi na namin hahayaang mawasak muli ang aming binuong mga pangarap, lalo na para sa aming mga pinakamamahal na supling na sina Andy at Junjun.
Alam ko na marami pang darating na bagyo at unos ang magtangkang sumubok sa aming pagsasama. Ngunit handa naming harapin ang mga ito; gaano man katindi, gaano man kahirap…
Hindi ko na nakita pang muli ang ibon at ang kanyang mga inakay sa sanga na iyon. Ang taging nakikita ko na lamang ay ang kanilang pugad na nagsilbing ala-ala ko sa simpleng leksyon na natutunan ko sa buhay. Saan man sila napadpad, alam kong malaya na rin silang lumipad, tumahak, at humarap sa mga sariling pagsubok sa kanilang buhay.
Wakas.