Ang Siga Na Transferee

3886 Words
By: Michael Juha Fb: Michael Juha Full   “Anong pakialam mo kung magtatapon ako ng basura rito sa loob ng silid-aralan? Ha? May janitor naman tayo ah! Ano pa ang tatrabahuhin niya kung malinis na ang lahat? Dapat nga ay magpasalamat siya dahil may gagawin siya. Dahil kung walang basura, walang janitor!” ang boses na narinig ko. Papasok pa lang ako noon sa classroom.   “Bawal kasi iyan dito, pare… magagalit ang guro natin, istrikto si Mr. Cervantes. Kapag ganyang may kalat, magtatanong iyan kong sino ang nagkalat. Hindi lang ikaw ang mapapahamak, pati buong klase. Ganyan kabagsik ang homeroom adviser natin,” ang narinig kong sagot. Nang nasa loob na ako, si John ang nakita kong nakikipagtalo sa Sgt.-at-Arms ng klase na si Tony.   “Anong nangyari, pare?” ang tanong ko kay Tony.   “Ito kasing si John ay inilaglag na lang basta ang mga papel at basura niya dito sa loob ng classroom natin eh. May basurahan naman,” ang daing ni Tony.   “Tangina… pumasok ang isang epal,” ang pagsingit ni John na halos pabulong ang pagsasalita, hindi tumingin sa akin.   “John, pare, sumunod na lang tayo sa rules, okay? Please?” ang pakisuyo ko.   “Paano kung hindi ako susunod? May magagawa ka ba?”   “Ako ang class president pare. Hinalal ako ng mga estudyante. Kaya pakisuyo ko na sana ay sumunod na lang tayo sa rules. Para din naman ito sa kaayusan ng ating klase at ambag na sakripisyo na rin natin para sa ikabubuti ng ating section. Kaunting disiplina lang sa sarili,” ang paliwanag ko.   “Wala akong pakialam sa pagkapresidente mo ah! At anong disiplina ang pinagsasabi mo?”   “Sige na pare. Nakiusap ako sa iyo.”   “Hindi,” ang matigas na sagot niya habang tiningnan ako. Iyong tingin na nananadya.   “Okay. Wala akong magagawa kung ganyan ka, ganyan ang ugali mo, ganyan ang trato mo sa mga kaklase mo. Bahala na ang teacher sa iyo.” At baling ko sa mga ka-klase. “Guys, kapag nagtatapon pa si John ng kung anu-ano rito sa klase, pulutin na lang natin. Mababa ang tingin niya sa atin eh. Palibhasa, anak mayaman, ganyan ang trato niya sa ating mga mahihirap,” ang smabit ko sabay pulot sa mga papel, plastic, at iba pang kalat. Nagsisunuran naman ang lahat ng mga kaklase. Pati si Joy na crush na crush siya ay nakipulot din.   “Woi, makita ka sa crush mo na nakisimpatiya ka sa akin. Minus ganda-points ‘yan sa iyo!” ang pasaring ko.   “Mr. President, between the pogi and the tama, doon na ako sa tama. Dapat niyang matutunan ang kahalagahan ng rules, no. Ke guwapo siya, ke mayaman siya, dapat ay nasa tama pa rin. Minus pogi-points na rin ‘yan sa kanya. Patas na kami. Hmpt! Atsaka... Ibinoto kita kaya nasa iyo ang aking suporta.”   “Thanks,” ang sagot ko.   Nakatunganga na lang si John na nanuod sa amin. Siguro, hindi niya inaasahan na magkaisa ang mga estudyante sa likod ko. Maya-maya ay lumipat siya ng upuan, sa likuran ko mismo. Late kasi ang estudyanteng naka-assign sa upuang iyon kaya doon siya pumuwesto. “Hoy, ba’t mo nasabing mayaman ako, ha?” ang sumbat niya sa akin. Inilapit pa talaga niya ang kanyang mukha sa tainga ko.   Hindi ko siya nasagot agad. Hinugot ko muna ang nakabalot na tinapay sa ilalim ng aking desk. Kumuha ako ng isa atsaka kinain iyon. Halos kada umaga kasi ay dinadalhan ako ng tinapay ni Emily dahil alam niyang minsan ay hindi ako nag-aagahan kapag ganyang nagmamadali ako sa pagpasok.   “Hoy! Tinatanong kita!” ang pangungulit ni John nang makitang kumain pa ako. “Bakit mo nasabi iyon?”   “Hindi ako ang nagsabi noon. Itanong mo sa kanila,” turo ko naman sa kinaroroonan nina Joy. Sila kasi ang nagsabi sa akin. “Joy, halika rito, may itatanong si John sa iyo,”   “Ba’t mo tinawag ang babaeng iyon?” ang pigil na boses na pagsasalita ni John. Halatang ayaw niya kay Joy.   “May itatanong ka, ‘di ba?” ang pigil na boses ko ring pagsagot na hindi tumingin sa kanya, patuloy lang na kumakain.   Bago pa man nakasagot si John ay nakalapit na sa amin si Joy. “Hi John! My encyclopedic mind is ready. Free questions only for a special person like you, What is it, John my dear?” ang malambing at pabirong sambit ni Joy.   Tiningnan ni John si Joy, inismiran, sabay sabing, “Thanks. I forgot my question.”   “Then let me be the one to help you remember the question John dear. I know of a unique technique to refresh your mind...”   “No thanks, I’d better be off not remembering it,” sabay subsob ng kanyang ulo sa desk at nagkunyaring humilik.   “Gusto mong i-massage kita, John dear? Magaling akong magmassage, iyong sensual,” ang pangungulit ni Joy habang marahang hinahaplos ang likod ni John.   Inangat ni John ang kanyang mukha kay Joy, “Gusto mo ito?” ang pagpakita niya kay Joy sa kanyang kamao.   Wala nang nagawa si Joy kundi ang bumalik sa kanyang upuan habang nagmamaktol.   Last subject namin sa araw na iyon at ang aming homeroom-adviser na si Mr. Cervantes ang naghandle. “Class, alam niyo na siguro na bilang homeroom adviser ninyo ay istrikto ako at hindi ko pinapalampas kapag may napansin ako o nabalitaan na paglabag sa ating rules, lalo na sa rules natin dito sa classroom. ‘Di  ba?”   “Yes Sir!” ang sagot namin na kinabahan sa tono ng kanyang paunang salita.   “Nabalitaan ko na may estudyante rito na nagkalat ng basura niya sa loob ng classroom kaninang umaga. Maaari bang tumayo ang estudyante na iyon?” ang tanong niya.   Tahimik. Yumuko ang iba, ang iba naman ay lihim na tumingin sa akin, bakas sa mga mata ang kaba at tila nagmamakaawang iligtas ko sila sa bagsik n gaming guro. Hinintay kong tumayo si John.   Ngunit nagmatigas siya.   “Kapag walang umamin, o magsalita kung sino ang estudyante na iyon, kayong lahat ang makatikim ng parusa,” ang pagbanta ni Mr. Cervantes.   Dahil sa sinabing iyon ng aming guro ay nilingon ko si John, ipinakita sa mga kaklase ko na lumingon din sila kay john. Isa-isang nagsilingunan ang mga estudyante kay John hanggang ang lahat na ay nakatutok na ang tingin sa kanya.   Wala nang nagawa si John kundi ang tumayo.   “So ikaw pala ang nagtapon ng mga kalat sa room na ito?”   Tumango si John, ang facial expression ay halatang nagmatigas pa rin.   “I’ll give you a chance to explain, to to justify what you did. And if I find your explanation to be acceptable, I’ll do away with the punishment,” ang paliwanang ni Mr. Cervantes.   Ngunit nagmatigas si John at hindi nagsalita kahit naghintay ang guro ng halos 5 minutos para sa kanyang paliwanag. Dito na nagalit si Mr. Cervantes. Dumadagundong ang boses niyang sumigaw. “Come here in front!”   Tumalima naman si John. At nang nasa harap na siya ng klase, “Squat!” ang utos ni Mr. Cervantes sa kanya.   Nag-squat si John.   “Hold your hands up as you squat!” dugtong ng guro.   Itinaas ni John ang kanyang kamay.   “Stay in that position for 10 minutes!”   Habang nasa ganoong posisyon si John, bakas sa kanyang mukha ang galit. At lalo na nang nagkasalubong ang aming mga mata, tila nagbabaga itong nakatutok sa akin. Nakuha ko kaagad kung ano ang nasa isip niya – ako ang nagsumbong kay Mr. Cervantes dahilan upang siya ay maparusahan.   Habang patagal nang patagal ang pag-squat niya, nakikita ko ang panginginig niya, ang malalaking butil ng pawis na nagsimulang pumapatak mula sa kanyang ulo, noo, at mukha. Pero nagmatigas pa rin siya. Pinanindigan niya ang parusang ibinigay ni Mr. Cervantes. Sa totoo lang, nakaramdam din ako ng awa. Alam kong mahaba ang 10 minutes para sa isang squat.   “I’m warning you, Mr. Iglesias, kapag may nakarating uli sa akin na lumabag ka sa rules ng classroom na ito, makakatikim ka ng mas matindi pang parusa. Remember that!” ang babala ni Mr. Cervantes nang matapos nang magsquat si John.   Bumalik si John sa kanyang upuan sa likuran ko. Nang napadaan siya sa akin, nakayuko lang siya at nakasimangot. Ngunit nang umupo, padabog niyang inusog ang kanyang desk patungo sa akin at ibinundol niya ito sa sandalan ng aking upuan. Bigla akong napalingon sa kanya. Ngunit hindi siya tumingin sa akin. Gusto ko sanang mag-sorry ngunit hindi ko rin magawa dahil baka isipin niyang ako talaga ang nagsumbong bagamat pati ako ay nagulat din kung bakit nakarating kay Mr. Cervantes ang ginawa niya sa loob ng classroom. Hinayaan ko na lang siya.   Oras ng uwian. Habang nagkukuwentuhan kami sa ibang mga lalaking classmates, nagulat na lang ako nang may biglang sumagi sa aking katawan. Muntik akong masubsob. Nang tiningnan ko kung sino, nakita ko si John. Siya pala ang dumaan at sinadyang isagi ang kanyang katawan sa katawan ko. Tuloy-tuloy lang siya sa kanyang paglalakad na mistulang walang inaabala.   Hinabol ko siya. “Hey!” ang sigaw ko.   Hindi siya lumingon. Ngunit nang hinawakan ko ang kanyang balikat, saka siya huminto at hinarap ako. “Bakit?” ang matigas niyang tanong.   “Hindi ka man lang ba mag-sorry? Sinagi mo ako eh. Sinadya mo iyon, ano? Galit ka ba sa akin?”   “Oo, galit ako sa iyo! At oo sinadya ko iyon. Bakit may reklamo ka? At bakit naman ako mag-sorry sa iyo? Ikaw ba ay nag-sorry sa akin nang isinumbong mo ako kay Mr. Cervantes?”   Bigla akong nahinto. “Pare, hindi ako ang nagsumbong sa iyo. At hindi ko gawain ang magsumbong. Simula nang hinirang akong class president ng batch namin, noong Grade 7 pa lang kami, hindi ko ugaling magsumbong hanggang kaya ko pang hawakan ang sitwasyon sa klase. Ako mismo ang hahawak ng problema. Ako mismo ang maghanap ng paraan upang mahanapan ng paraal at malutas ang problema. Hindi ako nagsusumbong. Nagulat na nga lang ako nang nakarating na pala iyong kay Sir, eh!”   “Dami mong drama. Hindi ako naniniwala sa iyo! Kung tutuusin, kasalanan mo kung bakit nagka-violation ako eh1”   “Hah? Ako uli ang may kasalanan? Paano nangyari iyon?”   “Bilang president ay dapat ikaw ang nag-orient sa akin. ‘Di  ba sinabi ni Mr. Cervantes na ikaw ang mag-orient sa akin sa mga rules and regulations ng klase? Bakit wala akong narinig sa iyo?” ang panunumbat niya habang ang kanyang hintuturo ay idinidiin pa sa aking dibdib.   “Bakit pare? Puwede ka namang lumapit sa akin ah! Puwede mo namang sabihin sa akin na kailangan mo ng time para mag-orient ako sa iyo. Kahit saan, kahit anong oras basta nandito ako sa school, hindi kita puwedeng tanggihan dahil una, responsibilidad ko iyan at pangalawa, hindi ako namimili ng kaibigan. Atsaka… oo, hindi nga kita na-orient, pero hindi mo ba talaga alam na ang pagtapon ng basura lalo na sa loob ng klase ay mali? Kailangan pa ba iyang ituro sa mga ganitong edad natin?”   “Ba’t ba ang dami mong tanong?” ang sambit niyang halatang nairita, sabay tulak sa akin.   Napa-atras ako dahil sa pagtulak niya. Medyo nag-init ako sa ginawa niyang iyon ngunit pinigilan ko ang aking sarili. “So, iyan ba ang dahilan kung bakit ka galit sa akin?” ang tanong ko.   Muli niya akong tinulak at iginiit ang kanyang sarili sa akin. “Oo!” ang sagot niya habang tinitigan ako nang matulis.   Sa pangalawang pagtulak niya ay hindi ko na napigilan ang aking sarili. Handan a sana akong paulanan siya ng suntok. Ngunit hinarangan naman ako ng mga kaklase kong lalaki. Hinawakan naman ni Tony ang aking braso. “Huwag pare, ikaw ang talo niyan. Magagalit sa iyo si Mr. Cervantes kapag pinatulan mo!” ang sabi niya.   Hindi na ako nakakilos. Tiningnan ko na lang si John na tumalikod at nagmamadaling umalis.   “Tingnan mo ang ugali ng taong iyon?” ang sambit ni Jeff. Kung hindi lang ako nagpipigil ay talagang uupakan ko na iyon eh! Ang yabang!”   “Huwag. Ako lang ang kinaiinisan niya. Kaya huwag kayong makialam,” ang sabi ko na lang sa aking mga kaklase.   Kinabukasan ay nasa likuran pa rin ng aking puwesto nakaupo si John. Nang tiningnan ko ang kanyang dating puwesto, doon na pala nakaupo ang dating nakaupo sa puwesto sa aking likuran. Hindi ko na ito pinansin pa dahil baka nagpalitan lang sila ng puwesto.   Nang kinapa ko sa ilalim ng aking desk kung may tinapay na bigay sa akin si Emily, wala akong nakapa. Nasanay na kasi ako sa ganoong setup kapag umaga. Kadalasan kasi ay may tinapay sa ilalim ng aking desk.   Recess time, hindi ako lumabas ng klase. Nasa upuan lang ako, nagbabasa ng notes. Halos lahat ng mga ka-klase ko ay lumabas, either kumain o nag-CR. Maya-maya ay isinagi na naman ni John ang kanyang desk sa likurang sandalan ng aking upuan. Napalingon ako sa kanya. Nang tiningnan ko siya, kumakain siya ng tinapay. At mistulang nang-iinggit pa. Ngunit ang napansin ko ay ang tinapay na kinakain niya. Kapareha sa tinapay na palaging ibinibigay ni Emily sa akin!   “Kain ka?” Ang nang-iingit niyang pag-alok.   Umiling lang ako at bumalik sa aking pagbabasa. Hindi ako nagpahalatang nalito ako kung bakit wala akong tinapay ngunit may tinapay siyang kinakain na katulad sa tinapay na galing kay Emily. “Baka siya ang binigyan ni Emily?” ang tanong ng isip ko.   “Hoy! Bakit ikaw ang kumain niyan!” ang narinig kong boses. Bigla akong napalingon kay John. Sinita pala siya ni Emily.   “Anong bakit ako ang kumain?”   “Bigay ko iyan kay Timmy! Ba’t ikaw ang kumain?” ang pag-ulit ni Emily sa kanyang sinabi.   “Bakit ikaw lang ba ang may ganitong klaseng tinapay? Pagmamay-ari mo ba ang bakery na pinagbilhan ko nito?”   “Oo. Sina Emily ang may-ari ng bakery na gumagawa ng tinapay na iyan,” ang pagsingit ko.   “Eh..,” ang sagot ni John na natameme. “Bakit, pati ba design ng tinapay na ganito sila lang ang marunong gumawa?”   “Sikat ang tinapay na iyan dito sa lugar na ito. At sa kanila lang mabibili iyan” ang dugtong ko. “Masarap ‘di   ba? At least natikman mo. Bukas pag may ibibigay si Emily sa akin ay hati tayo ha?” ang pang-aasar ko rin dahil sa pagkabuking na ninakaw pala niya tinapay na bigay ni Emily.   “Binili ko ‘to ah!” ang palusot ni John.   “Hay naku..,” ang inis na sabi na lang ni Emily sabay talikod.   “Saan ka pupunta?” ang sigaw ko kay Emily.   “Hintay ka lang,” ang sagot naman niya sa akin.   Nang nakalabas na ng classroom si Emily. “Sarap pala ng may nagka-crush dito ‘no? May nagbibigay ng tinapay. Ba’t kaya walang nagbibigay sa akin? Guwapo naman ako…” ang patutsada ni John.   “Iyong ugali mo kasi... iyan ang importante,” ang sagot ko sabay irap sa kanya at balik uli sa pagbabasa.   “Bakit? Binago na ba ang standard ng kabaitan? O iba lang talaga ang meaning ng kabaitan dito sa probinsiya ninyo?” ang pang-iinis pa niya.   Hindi na ako kumibo pa. Ayaw kong magkainitan na naman kami.   Maya-maya lang ay nakabalik na si Emily. May dalang sandwich at softdrink. Iyong softdrink na tinanggal sa bote ang laman, inilagay sa plastic at may nakasiksik na straw. “Heto, bumili na lang ako nang para sa iyo,” ang sabi niya sabay abot ng mga iyon sa akin. “Ang hirap na pala rito sa klase ngayon. Hindi na tayo safe. Pati pagkain ay nagkawalaan!” ang pasaring ni Emily kay John.   “Ganoon ba? Mabuti na lang at sinabi mo iyan sa akin. At least, next time ay itatago ko na talaga ang mga pagkain ko!” ang sarkastikong pagsingit ni John.   “Kapag pagkain mo, kahit idisplay mo pa iyan sa harap mismo ng klase, walang gagalaw niyan. Pero kapag kami, kahit itatago pa namin, mawawala!” ang sagot naman ni Emily.   “Ow? Ganyan ako ka love ng kawatan?” ang pang-aasar pa rin ni John.   “O isya, huwag mo na siyang patulan,” ang sambit ko kay Emily. “Ba’t ka pa kasi bumili pa ng pagkain. Binawasan mo iyang pang-lunch mo,” dugtong ko.   “Ano ka ba, may pera pa ako rito.”   Tinanggap ko ang sandwich at softdrinks ni Emily sabay lingon kay John at inalok siya, iyong respetong pag-alok lang. Kulang pa kaya sa akin ang pagkain. “Kain ka?”   “Huwag mong bigyan iyan! Inubos na nga niyan ang tinapay mo, eh!” ang pasigaw na pagsingit ni Emily.   Ngunit bago pa man ako nakasagot ay hinablot na ni John ang sandwich sa aking kamay at kinagat ito. Malalaking kagat ang ginawa niya at nginuya iyon, dahilan upang ang natira ay kalahati na lang ng sandwich.   Mistula kaming nag-freeze ni Emily na nagkatinginan. At baling niya kay John. “Bakit mo kinagatan iyan?!!’ ang sigaw niya kay John.   “Inalok niya akong kumain eh. Anong magagawa ko?” ang halos hindi maintindihang sagot ni John dahil sa nagsiksikang sandwich sa kanyang bibig, kitang-kita ang paglobo ng magkabila niyang pisngi. Mabilis diin niyang ibinalik muli sa akin ang natirang sandwich. “Sa iyo na, pare. Ubusin mo na. Hindi ko kayang ubusin iyan. Salamat ha?”   Nagkatinginan uli kami ni Emily habang hawak-hawak ko na ang natirang sandwich. At baling niya uli kay John, “Salbahe ka talaga!”   “Slight lang naman. Eh, inalok nga niya ako. Nakita mo naman eh!” ang pangangatuwiran ni John habang pilit na nginuya ang sandwich. At baling sa akin. “’Di ba pare?”   “Ninakawan mo ng pagkain si Timmy! Alam mo bang hindi nag-aalmusal iyan minsan sa umaga dahil--”   “Urkkk!” ang biglang narinig namin. “N-nabulunan ako pare... p-ahingi ng s-softdrinks!” ang pagutal-utal na sambit ni John, hawak-hawak ang kanyang leeg na tila namimilipit at halos hindi maintindihan ang kanyang sinasabi.   Kaya dali-dali ko ring inabot ang softdrinks na nasa isa kong kamay. Agad niya itong ininum.   “Hayan. Karma. Dapat ‘di   mo na pinainum ang softdrink mo eh. May clinic naman d’yan sa baba!” ang sambit ni Emily.   “Iyong clinic ang iinumin ko?” ang sagot naman ni John matapos makainon sa soft drinks at natanggal na ang sandwich na bumara sa kanyang lalamunan.   “Tanga! Ang clinic ang sasagip sa buhay mo upang masagip ka dahil diyan sa kasibaan mo!”   “Ang sama mo naman!” ang sagot din ni John.   “Tama na. Tama na. Okay lang iyon,” ang pagsingit ko. Kinain ko na lang ang tirang sandwich ni John. Ininum ko rin ang natirang softdrink gamit ang straw na ginamit din ni John sa pag-inom.   TAPOS NA akong mag-lunch at pumasok na ako ng classroom. May 20 minutos pa bago magsimula ang klase at naisipan kong habang naghintay sa oras, matulog muna sa aking upuan. Ngunit nang nakapasok na ako ng classroom, nadatnan ko si John na nanigarilyo. Nakatingin sa akin ang ibang estudyante na naroon na, iyong tingin na gustong magsumbong ngunit ‘di   magawa dahil sa takot.   Agad kong nilapitan si John. “Bakit ka naninigarilyo rito sa loob ng classroom? Alam mo bang bawal ang manigarilyo rito?”   “Hindi. Hindi mo naman ako in-orient sa rules, ‘di   ba? Kaninong kasalanan iyan ngayon?”   “Pare... ang tigas talaga ng ulo mo. ‘Di  ko alam kung nananadya ka, eh.”   “Nananadya nga ako, pare. Ano ngayon? May reklamo ka? Kasalanan mo iyan.”   Nasa gitna kami ng pag-aargumento ni John nang dumating naman sina Jeff at Tony. “Tok, heto, o... nakita namin sa ground floor, sa gilid ng hagdanan,” ang sabi ni Tony, hawak-hawak ang bag na warak na at puting polo-shirt na uniporme na gutay-gutay na rin.   Tiningnan kong maigi ang mga ito. “Knapsack at uniporme ko ito ah!” ang sambit ko. Ang bag at uniporme ko kasi kapag lunch ay inilalagay ko sa loob lang ng classroom. At iyong uniporme naman, dahil nag-iisa lang, tinatanggal ko at isasabit sa sandalan ng aking upuan upang hindi siya marumihan.   “Tsk! Ang nag-iisa kong bag at uniporme! Sino kayang tangina ang gumawa nito!” ang pagmamaktol ko. “Nasaan ang ibang gamit ko sa bag?” ang tanong ko kina Jeff at Tony.   “Nandito pare, nagkalat doon pa rin sa ground floor, sa tabi ng bag mo. Pinulot ko na lang,” ang sagot ni Jeff habang inabot ang mga iyon sa akin.   Tinanggap ko ang mga gamit at tiningnan si John. “May kinalaman ka ba rito?”   Inikot ni John ang kanyang paningin sa aming mga nakapaligid na nakatutok ang mga mata sa kanya. “Oo, ako ang may gawa niyan. Kaya isumbong ninyo ako kay Mr. Cervantes. Paninigarilyo, pagnakaw ng pagkain, at pagsira ng uniporme at bag mo. D’yan ka magaling sa sumbong-sumbong eh,” ang sambit ni John habang nakatingin sa akin.   “Jeff, Tony, paki-tawag ang lahat ng class officers. Mag-emergency meeting tayo ngayon na. May 10 minutes pa tayo.” Dala-dala ang sirang bag, uniporme, at mga gamit ko, nagmamadaling tinumbok ko ang meeting room.   “Kasama ba ako?” ang tanong ni John.   “Ano sa palagay mo?” ang mataray kong sagot. At baling kay Emily na nandoon din, “Huwag ka munang mag-attend ngayon Emily. Kami lang muna mga officers.”   Tumango naman si Emily. Ayoko lang kasing sabihin ni John na unfair ang hindi pagsali sa kanya sa meeting. Issue kasi tungkol sa kanya ang aming tatlakayin. Hindi maganda na naroon din siya. Kaya minabuti ko na lang na ang muse ay hinid kasali upang may dahilan ako na hindi rin siya isinali.   “May dalawang issues akong dapat nating talakayin ngayon. Una, kung paano natin malaman kung sino ang gumawa nito sa mga gamit ko. Pangalawa, ang issue ng paninigarilyo ni John sa silid-aralan,” ang sabi ko sa mga officers nang naroon na kaming lahat sa meeting room.   “Sa palagay ko ay related ang dalawang issues na iyan pare. Si John lang ang puwedeng gumawa niyan sa iyo. At nakita naman natin na siya lang ang may lakas ng loob na sumalungat sa mga rules natin,” ang sabi ni Tony.   “Hindi naman siguro. Ang sure na issue kay John ay ang paninigarilyo lang. Ngunit ang pagsira sa gamit mo, Tok... bigyan natin siya ng benefit of the doubt dahil wala naman talaga tayong ebidensya na diretsahang mag-link sa kanya eh,” ang pagsingit naman ni Joy.   “Woh! Ganyan si Joy dahil ‘Hang’ kasi niya si John eh,” ang pagsingit naman ni Jeff. “Pero kung ako, sa tingin ko ay tama si Tony. Walang ibang suspect na gagawa niyan kundi si John lang. Galit siya sa iyo, pare, tandaan mo dahil nga sa parusa niya na akala niya ay ikaw ang nagsumbong kay Mr. Cervantes.”   Sa lahat ng officers nanaroon ay wala silang ibang tinutumbok kundi si John talaga. Ngunit dahil wala kaming katibayan na siya nga, ang napagpasyahan na lang namin ay ang gumawa ng kumite na siyang mag-imbestiga. Pinangunahan ito ng Vice President na si Joy, Sgt.-at-Arms na si Tony, at Secretary na si Fe. At tungkol naman sa paninigarilyo ni John sa loob ng classroom, ipinaubaya na lang ng mga officers sa akin ang pag-deal sa kanya. Napagkasunduan din namin na huwag munang magsumbong kay Mr. Cervantes at sabihin ito sa lahat ng ka-klase para hindi mag-leak ang ginawa ni John na paninigarilyo.   Nang bumalik na kami sa classroom, hindi pa nagsimula ang klase. Hindi pa rin dumating ang guro. Dali-daling lumapit sa akin si Emily “Tim, anong nangyari sa meeting?” ang tanong niya. Nilingon ko si John, pahiwatig na ‘di   ako pede magsalita dahil naroon iyong suspect namin.   Naintindihan naman ni Emily. At ang nasabi na lang niya ay, “Ah... h-huwag ka palang mag-alala dahil bukas ay dadalhin ko ang pinaglumaang uniporme at bag ng kuya ko. Ibigay ko sa iyo.”   “Hayan ka na naman eh. Huwag kang mag-alala. Ako na ang gagawa ng paraan. Sa polo-shirt naman, puwede ko pa siguro itong tahiin. Sa bag naman, dadalhin ko ang mga gamit ko sa kamay ko. O kahit plastic bag lang muna, puwede naman iyon,” ang sagot ko.   “Tahiin ang polo shirt? Eh, tagpi-tagpi ang labas niyan! Ang warak kasi niyan ay nasa gitna mismo ng damit, hindi sa mga dinadaanan ng tahi.”   “Okay lang sa akin iyan. Basta huwag kang mag-alala,” ang sagot ko kay Emily. “O sya, nariyan na si teacher, balik ka na sa upuan mo,” ang dugtong ko.   Natapos ang araw na hindi nakarating kay Mr. Cervantes ang paninigarilyo ni John sa loob ng klase. Hindi siya naparusahan at nakahinga kami nang maluwag.   Nang nakarating naman ako ng bahay, nilabhan ko ang aking polo at tinahi ang mga napilas na parte nito. Kahit nagmukha siyang damit ng pulubi, wala akong choice. Ang importante ay may maisuot akong uniporme. Hindi ko na rin ito sinabi sa aking inay. May karamdaman kasi siya at ayaw kong mag-alala siya at madagdagan ang kanyang pag-alala.   (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD