Whoosh! Boom! Whoosh Booom!
Ang pagsabog na narinig niya ay may kasunod pa. Hindi niya alam kung sila ba ang pinapatamaan o kung sila ang tumitira sa kung anuman ang nasa labas. Hindi niya naman makita nang sumilip siya sa awang sa pinto. Maging sa dingding ay naghanap siya ng butas na kaniyang pwedeng masilipan ngunit wala siyang makita.
Whoosh!
Nakadama siya ng takot dahil yumayanig ang kanilang barko. Naging sunod-sunod na rin ang mga pagsabog at wala siyang ibang ginawa kundi magtago ang maghintay kung ano ang sunod na mangyayari. Nang makadama siya ng mga yabag ng mga paa ay nagmadali siyang magtago muli. Isasara na niya ang pinto ng ng kaniyang pinagkukublihan nang isang kamay ang humawak sa pinto at pinigilan iyon magsara.
Kinabahan siya nang husto nang makita ang kamay ngunit nawala rin naman iyon agad at nakahinga siya nang maluwag nang makita niya kung sino ang nagmamay-ari ng kamay na iyon. Ang binatang may kapayatan na nakakita sa kaniya na hindi niya pa alam kung ano ang ngalan.
Boom!
Napatakip ng tainga si Sage dahil nakakabingi ang mga pagsabog sa labas.
“Anong nangyayari?” tanong niya sa lalaking dumating na pinagdalhan siya ng almusal.
“Sa totoo lang binibini ay naguguluhan ako kung anong nangyayari. May pinatatamaan silang lugar ngunit ang mga bala ay hindi nakakapasok sa mismong lugar,” anito na bakas sa mukha ang pagkalito.
“Ibig mong bang sabihin ay sumama ka sa paglalayag na ito na hindi alam kung ano at saan talaga kayo pupunta?” tanong ni Sage sa kaniya.
“Ganoon na nga po,”
“Paano? Hindi ba sinabi sa inyo?” Nagulat si Sage sa sagot ng binata. Hindi siya makapaniwala.
“Hindi po e, ang sabi lamang sa amin ay maglalayag ng ilang araw. Ipinagtaka ko na nang kailanganin nila ng mga taong marunong humawak ng baril at gumamit ng kanyon. Pareho po akong hindi marunong ngunit sanay ako sa dagat. Ang ina ko ang nakiusap kay Ginoong Skull na isama ako dahil malaki ang bayad at malaking tulong po sa amin kaya narito po ako,” paliwanag ng binata.
Pinagmasdan siya ni Sage. Sa tantiya niya’y bata pa ito. Matangkad lang para sa kaniyang edad at dahil naisip niya na rin ang edad nito ay kaniya nang tinanong.
“Labing-lima po,” sagot nito. Tama nga siya mas bata ito sa kaniya. Siya ay labing-walo na.
Pakiramdam ni Sage ay tila ba nalinlang ang mga kalalakihan na sakay ng barko. Nilinlang ng kaniya bang ama? Sumagi rin sa kaniyang isip na baka alam naman ng iba kaya sila sumama.
Ayaw niyang pag-isipan ng masama ang kaniyang ama kaya naman ang utak niya ay ganoon na lamang kung mag-isip.
Samantala sa isla, ang mga pagsabog ay ang siyang gumising sa lahat ng mga nilalang na kasalukuyan pang nagpapahinga. Kasisikat pa lamang ng araw nang mga oras na iyon at isang pagsabog ang gumambala sa lahat galing sa isang parte ng isla. Napalabas ang lahat ng mga nilalang at napatingala sa kalangitan. Natamaan ng bala ng kanyon ang baluti na nagtatago sa isla at dahil sa baluting iyon ay hindi nakapasok ang bala ng kanyon sa loob ng kanilang tahanan.
“Anong nangyayari?” pare-pareho nilang tanong sa isa’t-isa. Walang makasagot kung ano iyon at kung saan nanggagaling maliban sa mga sirena na nasa tubig at napaahon ang karamihan sa kanila upang alamin kung ano ang nangyayari sa labas.
Ramdam na ramdam nila ang mga pagsabog dahil gumayanig hanggang sa kailaliman ng dagat at nang makita nila ay isa ang nagmadaling lumangoy pailalim upang iparating sa diwata ang kaniyang nakita.
LUMABAS ng kweba si Merrick nang marinig ang unang pagsabog at gaya ng iba ay nagimbal sa nasaksihan.
“Anong kalokohan nanaman ito?” may galit sa boses niyang tanong sa sarili. Wala ang kaniyang ina-inahan nang magising siya kaya naman dali-dali niya itong. Nagpunta siya sa sentro ngunit wala ito roon.
“Nasaan si ina?” natataranta niyang tanong sa mga duwende na takot na takot habang pinapanood ang mga bala ng kanyon na pinauulan mula sa labas at dumasabog sa tuwing tatama sa baluti. Dahil kagigising lang ng halos lahat ay walang may alam kung nasaan ang diwata nang mga sandaling iyon.
Si Merrick na ang nag-ikot upang hanapin ito.
Boom! Booom! Ingay mula sa labas na nakakabingi lalo na sa isang nilalang na matalas ang pandinig.
Nagliliparan na ang mga ibon na nabulabog. Ang mga hayop sa kagubatan ay natataranta na rin dahil sa lakas at walang tigil na mga pagsabog.
“Ina!” malakas na tawag ni Merrick sa diwata. Kada hakbang ay lumilingon siya sa paligid at nagbabakasakali na kaniyang masumpungan. Nag-aalala na siya. Sumagi sa kaniyang isip na baka napaano na ito kaya hindi nita makita.
“Inaaa!” muli niyang tawag. Mas malakas sa nauna at mas mahaba.
Naisip niyang magpalit ng anyo para mas mabilis itong makita. Sa ganoong paraan ay mas mapabilis siya sa paghahanap dahil nasa himpapawid siya ngunit nana akmang magpapalit na siya ng anyo ay may narinig siyang tumawa sa kaniyang ngalan.
Nagpalinga-linga siya sa paligid at hinahanap sa pag-aakala na ang kaniyang ina na iyon ngunit , isang malakiskis na nilalang na may kalahating isda at kalahating tao na nasa pampang ang kaniyang nakita. Kumakaway ito sa kaniya at sa paraan ng pagkaway nito ay masasabi ng kahit sino na ito ay balisa. Patakbo siyang lumapit sa sirena upang alamin kung ano ang nasa labas. Nang makalapit ay ang diwata rin ang kaniyang hanap.
“Hinahanap ko nga rin ngayon e,” kamot niya ng ulo dahil hindi niya rin alam kung nasaan ang kaniyang ina nang mga oras na iyon.
“Saan naman kaya nagpunta iyon?” may pag-aalalang tanong ng sirena.
“Bakit mo nga pala siya hinahanap? Sino ang mga nasa labas?” magkasunod na tanong ni Merrick.
Boom!
Pinatamaan nanaman ang baluti at pareho silang nagulat sa malakas na pagsabog na halos nasa tapat lamang nilang dalawa tumama. Kita ang takot sa mukha ng sirena. Napagapang pa siya nang husto sa pampang palapit kay Merrick dala ng kaniyang takot.
“Nais ko sanang sabihin sa diwata ang mga impormasyong mayroon ako, pasensya na Merrick,” sagot nito at paghingi ng paumanhin.
Ang impormasyong dala niya ay batid niyang hindi magugustuhan ni Merrick kaya ayaw niyang ibahagi sa binata. Baka kung ano ang kaniyang gawin kapag nalamang niya kung sino ang nasa labas.
“Wala nga si ina, hindi ko pa nahahanap. Sabihin mo na sa akin para ako na ang magsasabi sa kaniya kapag nakita ko siya,” pilit ni Merrick sa babaeng sirena.
“Sige, sasabihin ko ngunit mangako ka muna na wala kang gagawing kahit ano matapos mong marinig. Hanapin mo muna ang diwata bago ka kumilos,” anang sirena na pinagtakhan ni Merrick nang husto dahil may kondisyon pa itong hinihingi sa kaniya.
“Sige, nangangako ako,” mabilis niyang tugon dahil sa kagustuhang malaman ang mga impormasyong mayroon ang sirena.
Tinitigan muna siya ng sirena sa mga mata at makalipas ng ilang segundo ay nagsalita na ito.
“Ang piratang ni Skull ang nariyan at umaatake. Sampung barko ang dala niya na may malalakas na klase ng kanyon,” anang sirena na hindi man lang kumurap habang sinasabi ang mga iyon.
Baka kasi bigla na lamang mawala sa paningin niya si Merrick at agad sumugod sa mga nasa labas. Mapapahamak lamang siya dahil hindi biro ang mga dala nilang mga armas.
"Skull ba kamo? Ang Skull Von Heather na sumalakay noon at pumatay sa mga magulang ko?" tanong ni Merrick.
"Oo, siya nga ang nasa labas,” kumpirma ng sirena.
Kitang-kita ng nilalang na nakadapa sa buhangin at nakatingala kay Merrick kung paano nagtagis ang panga ng binata. Tumalim ang tingin at lumingon sa dagat kung saan naaninag niya ang mga barkong nagpapaulan ng mga ng pampasabog sa kanila nang mga oras na iyon.
Habang naroon ang dalawa, ang diwata kasalukuyang nasa isang panig ng isla at naghihintay ng tulong mula sa kaniyang mga kapatid sa malalayong panig ay hindi maintindihan kung bakit natatamaan ng bala ng kanyon ang baluti nila at hindi tumatagos ang mga iyon.
Dati-rati kasi ang anumang bagay, bangka o barko ay tumatagos lang sa isla ngunit ang mga bala ng kanyon ay tinatamaan ang baluti at para bang alam na alam ng mga nasa labas kung nasaan ang kanilang isla.
Si Skull na nakasakay sa pinakamalaking barko at nagbibigay lamang ng utos sa kaniyang mga tauhan ay hindi makapaniwala na tama siya ng kalkulasyon. Nahanap niya ang isla kahit pa nagkukubli ito at ang baluti na mistulang higanteng bolang krystal sa kanilang harapan at nagkakaroon ng hugis sa tuwing tatamaan ng bala at kapag sumasabog ito sa labas mismo ng baluti.
Nagagalak ang puso niya at may kasamang galit din siyang nadarama. Nais niyang pasukin ang isla ngunit kung hindi kaya ng bala ng kanyon na makapasok sa loob ay duda siyang kaya rin ng isang tao.
Ang utos niya ay patamaan lamang nila ang nasa kanilang harapan. Karamihan sa kanila ay di batid kung ano ang kanilang pinatatamaan. Kinikilabutan sila sa tuwing matatanaw mula sa kanilang kinaroroonan kung paano tumatama at sumasabog lang ang kanilang mga bala sa labas.
“Amo? Ano ang malaking bagay na iyan?” Naglakas-loob na ang isa sa kanila na magtanong.
Binalingan siya si Skull at nginisian.
“Iyan ang misteryosong isla sa alamat,” sagot niya na may pagmamayabang.
Nanlaki ang mata ng lalaking nagtanong. Ang mga nakarinig ng sagot ng kanilang amo ay nagulat.
“A-ng isla na puno ng kayamanan?” sunod na pang tanong ng tauhan.
“Oo, ngunit hindi kayamanan ang pakay natin,” tugon ni Skull at iniwan na ang lalaking nag-uusisa.
Naiwan ang lalaki at ang iba pa na tulala at kahit nakakabingi ang mga pagsabog sa kanilang mga tainga ay para bang wala sila naririnig. Akala nila ay isang normal na lugar lamang ang kanilang pupuntahan. Makahaharap ang mga normal na tayo at makakalaban ngunit ang isla ay pinaniniwalaang tirahan ng mga kakaibang nilalang at noon pa nga sa kwento ay may dragon pa raw.
Ang piratang si Skull ay naririnig lamang nila sa kwento. Mabagsik at walang puso. Ang ngalan na ayon sa kwento ay siyang nakatagpo ng isla at nakapatay ng dragon. Kwentong bayan lamang iyon na galing sa malayong lugar. Akala ng mga tao sa Willow Island at mga karatig isla ay kapangalan lamang iyon ng Ginoo dahil malayo ang ugali nito sa Skull na nasa lumang kwento at hindi nila alam ang itsura ng piratang Skull ay nabura rin sa kanilang isip ang pagdududa sa pagkatao nito.
Ang iba sa kanila ay nalilito ngunit may ilan na nakukuha na ang mensahe at katotohanan sa likod ng pagkatao ng kanilang kasamang Skull nang mga oras na iyon.
“Siya ba ang piratang si Skull?” pabulong na tanong ng isang lalaking nasa pinakamalapit sa kaniya na gaya ng iba ay naguguluhan pa.
“Mukhang oo,” pabulong na sagot naman nito at pareho silang nakadama ng takot.
Ang mga nasa ibabang bahagi ng barko ay walang kaalam-alam sa kanilang napag-alaman. Sige lang sila sa pagpapatama ng kanyon sa baluti at gaya ng utos ay ubusin ang dala nilang bala.