Kabanata 2: Tawag

2386 Words
Kabanata 2: Tawag 2027 Sumagi agad sa isip niya na unang tawagan si Louis dahil sa Baliuag din ito nakatira. Kung nasa Baliuag ang banta, siguradong nasa panganib din si Louis. Kinuha ni Vincent ang cell phone niya at tinawagan ang cell phone number na nakita niya sa Facebook account ni Louis. Hindi ang kaibigan niya ang sumagot. Nagpakilala ang babae na asawa ni Louis na si Mica De Jesus. Nagpakilala si Vincent sa kausap sa telepono bilang kaibigan ng asawa nito. “Nandiyan po ba siya? Kukumustahin ko lang po. Medyo matagal na kaming hindi nagkakausap.” Tanong ni Vincent. Pinipilit niyang alisin ang panginginig ng boses. Malumanay at may lungkot sa boses ng asawa ng kaibigan. “Wala na siya.” Agad nanlambot ang mga binti ni Vincent. Muntik na niyang mabitawan ang cell phone niya. Lalo pang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib at muling pinagpawisan sa mukha. Alam na niya ang kahulugan ng sinabi ng babae. “Pasensya na. Nakikiramay ako.” Nararamdaman na niya ang pananakit ng dibdib. Bumalik sa kanya nang doble ang sakit na naramdaman niya no’ng nawala rin ang ilan pa niyang kaibigan. “Ano’ng... nangyari?” Halata sa boses ng asawa ni Louis ang pagsisikap nitong maging matatag. “Nagpakamatay siya nu’ng isang araw. Binaril niya ‘yung sarili niya. Nakita na lang naming siya na nasa opisina niya, hawak niya ‘yung baril. Hindi nga naming alam na may baril pala siya. “ Lalo pang nanghina si Vincent sa narinig na kuwento. Alam niya agad kung ano ang tunay na nangyari. “Nu’ng nakaraang buwan, namatay ‘yung tatay niya. Dinamdam niya ng sobra ‘yon. Iyon lang ‘yung nakikita naming motibo ng pagpapakamatay niya.” Nagsimula nang humikbi ang kausap. “Bukod do’n, maayos naman kaming pamilya. Maayos ‘yung negosyo niya. Wala naman siyang pinagkakautangan, sabi niya. Nakaburol siya ngayon dito. Pupunta ka ba?” Hindi nangako si Vincent. Hindi na siya dapat magsayang ng oras. Wala na siyang panahon para dumalaw sa kaibigan. Nagbigay pa ng mga salita ng pakikiramay si Vincent bago putulin ang pag-uusap. Tumulo nang tuluyan  ang mga luha niya. Hinayaan lang niyang umagos ang mga ito. Binitiwan niya ang telepono at dumukdok sa mesa. Sapat na ang ilang minuto na ‘yon sa pagluluksa. Kailangan na niyang tipunin ang mga natitira pa sa lalong madaling panahon. Titipunun niya ang tropa hindi na lang para protektahan ang isa’t isa, para na rin sa paghihiganti. Kailangan nilang bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga kaibigan. Tangina ka. Gumagamit ka na ng baril ngayon. Ako mismo ang papatay sa ‘yo ‘pag nagkita tayo. Gago ka. Gago ka talaga. Hindi na mabilang ang mga mura sa isip ni Vincent. Nagkaroon siya ng motibasiyon na  kanina ay natatabunan pa ng takot. Naisip niyang haraping mag-isa ang may sala, pero alam niya ang lakas n’on. Guro lang siya. Wala siyang laban kung mag-isa siya. Kailangan niya ang tulong ng mga kaibigan. Tinawagan ni Vincent si Jerry. Tumira ito sa Caloocan matapos ang ilang buwan pang pananatili sa Bulacan pagkatapos ng insidenteng nangyari sa kanila. Base sa pananaliksik ni Vincent sa facebook account ng kaibigan, nagtatrabaho si Jerry sa isang kumpanya na nagpropoduce ng mga hand sanitizer at alcohol. Nakita niya ang litrato ng asawa nito at nag-iisang anak. Tiningnan niya ang profile picture. Nakatayo si Jerry katabi ang sasakyang kulay pula. Isa sa mga pinakabagong modelo ng Mitsubishi. Napansin din ni Vincent na hindi pa rin katangkaran si Jerry. Kaunti lang ang itinangkad nito. Nag-aalala siya na baka hindi na siya makilala nito. Laking tuwa ni Vincent nang naalala pa siya ni Jerry. Saglit silang nagkumustahan at hindi na nag-aksaya si Vincent ng panahon. Sinabi na niya ang pakay ng kaniyang pagtawag. Hindi agad nakasagot si Jerry. Alam ni Vincent na ayaw na nitong balikan ang nakaraan. Kahit sino sa kanila. Ngunit laging bumabalik ang nakaraan nang walang pahintulot ng tao. “Kailangan ko ang tulong mo,” sabi ni Vincent. “Pasensya ka na, pre,” tugon ni Jerry. “May sarili na kasi akong pamilya. Kailangan nila ako. Di ko ibubuwis ‘tong buhay ko…” “Tayong lima ang pakay ng sira ulong iyon. Ngayon, bumalik na siya. Kahit tapos na kung ano man ang kontrata niya, hindi niya hahayaang hindi matapos ang pakay. Pagkatapos ng twelve years, hindi pa niya tayo nakalimutan.” Alam na ni Jery kung sinu-sino ‘yung lima na ‘yon. Hindi pa binanggit ni Vincent ang trahedya na nangyari kay Louis. “Pero…” “Jerry, hindi pa siya tapos sa atin. Tandaan mo, lima pa tayo.” “Pero yung pamilya ko. Pa’no kung mamatay ako? Pa’no na sila?” “Alam naman natin dati pa na wala siyang pakialam sa pamilya natin. Pero akilangan mong lumayo. Malamang susundan ka niya. Pero hindi ka mag-iisa. Lima tayo. Kaya kung ayaw mong madamay ang pamilya mo, lumayo ka sa kanila para malayô mo siya sa pamilya mo.” “Ba’t naman kasi tayo pa ang kailangan kumilos, Vincent? May mga pulis naman. Ba’t di na lang sila ang sabihan mo? Trabaho nila ‘yan, eh.” “Naaalala mo pa ba ‘yung ginawa ng tarantadong pulis sa atin nu’ng sinubukan nating humingi ng tulong sa kanya?” Naaalala pa ni Vincent. Dahil sa paghingi nila ng tulong sa mga maling tao ay nakompromiso ang kaligtasan ng isa sa kanila. “Pero hindi naman lahat ng puli—“ “Wala na akong tiwala sa kanila. Kahit sino sa mga pulis na ‘yan ay posibleng katulad lang n’ung dati. Mas ligtas kung walang magiging involvement ang pulis dito. ‘Gat maaari, lumayo tayo sa kanila. Hindi ko hahayaan na mangyari uli ‘yung nangyari dati.” Hindi nakasagot si Jerry. Ang naririnig lang ni Vincent ay ang mabigat nitong paghinga. “Ano, boi? Kita tayo? Do’n sa San Ildefonso. Dito sa dati nating tinatambayan nu’ng highschool tayo.” “Vincent, di ko puwedeng layuan ang pamilya ko. Hindi mo puwedeng asahan kung ano ang magiging takbo ng isip ng taong ‘yon. Kung lumayo ako, o ikaw, baka pagdiskitahan pamilya natin. Hindi malabo ’yon.” “Tandaan mo, hindi siya pangkaraniwang tao. Sinusunod lang niya ang nakasulat sa kontrata. Naalala mo ang sinabi ni Kapitan Jojo no’n tungkol sa kontrata niya sa kaniya?” Muling nanggigil si Vincent. Ang demonyong may pakana ng lahat. “Papatay lang siya ng inosente kapag nakakahadlang sa misyon niya. Pinilit pang magpakasanto ng gago. Naalala mo nu’ng nakita natin si Mang Pol no’n?” “Oo. Buhay siya. Walang galos. Pero patay si… si…” Hindi na siya pinatapos ni Vincent.“Basta. Ayon. Hindi niya idadamay ang pamilya mo, puwera na lang kung humadlang sila. Alam na ba nila ang nangyari no’n sa ‘tin?” “Hindi ko sinabi sa kanila.” “Tiwala ka sa ‘kin. Hindi niya papatulan ang pamilya mo. ‘Wag kang mag-alala para sa kanila. Mag-alala ka dapat sa sarili mo. Ikaw ang nasa panganib.” “Pero…” “Kita tayo ro’n, ha. Aayain ko pa ‘yung tatlo. Bukas. Mga bandang alas-otso.” “P’re, pasensiya ka na,” ito ang sinabi ni Jerry bago niya pinutol ang tawag. “Puta” na lang ang nasabi ni Vincent. Hindi niya alam kung bakit hindi pa niya sinabi ang nangyari kay Louis. Baka nagkaroon din si Jerry ng motibasyong maghiganti. Pero alam ni Vincent na mahina ang sikmura ni Jerry. Halos hindi ito makakilos ng maayos sa buhay nang mangyari ang nangyari kay Paul. Kung sasabihin niya na namatay rin si Louis, hindi niya alam kung ano’ng mangyayari kay Jerry. Sunod na tinawagan ni Vincent ang number ni Benjie. Lumipat sa Nueva Ecija si Benjie pagkatapos ng nangyari sa kanilang nakaraan. Gaya ng iba niyang kaibigan, taon na rin ang lumipas no’ng huli niyang nakausap ito. Tinype niya sa search bar ng facebook ang “Benjie Calderon” at lumabas ang maraming resulta. Pinili niya ang pinakauna. Ang profile picture ay picture ng isang batang babae at isang mas matanda. Magkamukha ang dalawa kaya malamang ay mag-ina ang mga ito. Nakilala ni Vincent ang babae. Ito ang girl friend noon ni Benjie na nakita niya sa dati nitong account. Tiningnan niya ang timeline ng account. Hindi nakikita ang mga post dahil siguro sa privacy setting ng account ni Benjie. Hindi niya makikita ang mga post ng kaibigan kung hindi siya nito friend sa Facebook. May dating account si Benjie na nasa friendlist ni VIncent. Na-hack ito at tuluyang na-deactivate. Pagkatapos no’n, wala na siyang naging koneksiyon sa kaibigan sa internet. Nakatago ang mga post, pero hindi ang mga personal na detalye. Nakita ni Vincent ang cell phone number ni Benjie.   “Hello,” sabi ni Vincent. “Hello?” Isang batang babae ang sumagot. Hinulaan ni Vincent na iyon ang batang babae sa profile picture ng facebook account ni Vincent. “Nandiyan ba ang papa mo?” Hindi sumagot ang bata. “Hello? Nandiyan ba si--? Narinig ni Vincent sa kabilang linya ang sigaw ng isang lalaki. “Layla! ‘Nak! Di ba sabi ko sa ‘yo ‘wag mong sinasagot ‘yung telepono kapag nagri-ring?” Hindi nakilala ni Vincent ang boses. “Hello? Sino po sila?” Malalim ang boses ng nasa kabilang linya. Malayong-malayo sa boses ng binatang Benjie. “Ikaw ba si Benjie?” “Opo. Sino po ito?” “Vincent. Vincent Umania.” “Vincent? Vincent... Vincent... Ah! Si Vincent!” Natuwa ang magkaibigan na nagkausap sila uli. Saglit din silang nagkumustahan, pagkatapos, sinabi na ni Vincent ang mga dapat niyang malaman, kasama ang trahedya ng pagkamatay ni Louis. Nabigla rin si Benjie sa sinabi ng kausap. “Ano, brad? Bukas?” Naintindihan agad ni Benjie ang sitwasiyon nila kaya pumayag agad ito sa paanyaya ni Vincent. “Sige boy. Bukas,” “Salamat, boy,” sabi ni Vincent. May binilin siya kay Benjie na dalhin bago pinutol ang tawag. Natuwa siya na naalala pa ni Benjie ang tawagan nila. Bahagya rin siyang nalungkot dahil hindi na bakas sa boses ng kaibigan ang pagiging masayahin nito no’ng mga araw nila. Tila ba nilumpasay ng malulupit na taon ang masayahin at masigla nitong persona. Ang huli sa listahan niya ay si Ricky. Ang programming genius ng tropa. Lumipat siya sa Pampanga at nagtatrabaho bilang isang freelance programmer. Nakapag-develop na rin siya ng isang mobile game na nasubukang laruin ni Vincent. Desente naman ang laro, pero hindi masasabi na nagstand-out sa ibang mobile games. Naging sikat si Ricky dahil sa pagdevelop ng isang laro laban sa kasalukuyang administrasiyon. Umani ito ng maraming papuri mula sa mga pilipinong laban sa administrasiyon, at syempre, hindi mawawala ang pambabatikos mula sa mga taong suportado ang administrasiyon. Nabalita pa si Ricky sa 24 Oras at sinabi niya ro’n na nakakatanggap siya ng mga banta. Pero hindi rin nagtagal ang pagiging sikat ni Ricky. Natabunan na ito ng iba’t ibang balita. Nakita ni Vincent ang facebook account ng kaibigan. Wala itong asawa. Mga alagang kuneho at computer lang ang kasa-kasama sa buhay. Tiningnan niya ang mga litrato nito na naka-upload. Mabibilang lang sa daliri ng isang kamay ang mga litrato niya. Ang kadalasang mga naka-post ay litrato ng mga alaga niya, computer, at advertising material para sa mga ginagawa niyang laro. Tinawagan ni Vincent ang telepono. Laking gulat niya nang makilala siya agad ng kaibigan kahit hindi pa nagpapakilala. “Nakilala mo agad ako?” tanong ni Vincent. “Oo. Tatawagan sana kita. Naka-save na ‘yung number mo sa phone ko. Kinuha ko sa Facebook account mo.” “Ba’t mo ‘ko tatawagan? Mangangamusta?” “Puwede rin,” bahagyang tumawa si Ricky. “Pero may iba pang dahilan. Pakingshit, men. Nakita ko ulit siya.” Alam na kaagad ni Vincent ang tinutukoy ng kausap. “Saan?” “Sa SM Baliuag. Tumingin ako ng parts ng PC para maayos ko na ‘yung ginagamit ko.” “Taga-Baliuag ako, Ricky. Nakita ko rin siya. Kanina.” “Pakingshitshitshitshit. Hindi pa niya tayo titigilan, ‘no? Di pa siya tapos sa ‘tin.” Mangiyak-ngiyak na ang boses ni Ricky. “Oo. Di pa siya tapos. Bukas. Kita tayo. Inaya ko na si Benjie. Pumayag na. Si Jerry, hindi pa. Susubukan ko uli kausapin mamaya. Bukas. Alas-otso. Sa San Ildefonso. Wala tayong pamilya rito.” “Eh hindi naman siya nandadamay ng inosente, ‘di ba?” “Oo. Pero mainam nang maingat. Saka do’n nagsimula. Doon na natin tapusin.” “Teka. Si ano… si Louis. Di mo nakausap?”  “Nadale siya. Inuna na siya. Nu’ng isang araw lang. Nagpakamatay raw. Pero alam natin na hindi siya nagpakamatay. Nakita natin pareho ‘yung gago sa Baliuag.” Sa kabilang linya ay maririnig ang paulit-ulit na english na mura ni Ricky, pero pabulong lang. “Ayos ka lang, Ricky?” “’Kay lang. Sige, bukas. Sa SI.” “Takits.” Pinutol na ni Ricky ang tawag. “Wait! Teka lang!” sabi ni Vincent. Hindi na siya narinig ng kausap. Iti-next na lang niya kay Ricky ang parehong paalala kay Benjie. Nag-reply si Ricky sa message niya. “San ako kukuha nun?” Tumugon si Vincent sa pamamagitan na rin ng text. “Wla ka bng klala jan na meron?” Ilang minuto ang lumipas bago nag-reply si Ricky. “May kilala ako. Inaalok na ko dati. Bigay lang. Kausapin ko mamaya o tom. Di kaya mahuli ako Vincent?” “Hndi yan. Bsta marunong ka mgtago.” “Ok.” Si Jerry na lang ang kailangan niyang mapapayag. Sinubukan ulit tawagan ni Vincent ang cellphone number ng kaibigan, pero hindi na ito sumasagot. Ayaw niya itong pilitin dahil hindi garantisado ang kaligtasan sa plano nilang gawin. Hindi rin naman niya pupuwedeng pabayaan na lang ang kaibigang mapag-isa. Ngayon, responsibilidad na niya ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD