Kabanata 23

1315 Words
Ilang minuto na ang lumipas ngunit nasa loob pa rin ng banyo ang dalawa. Hindi maalis ang malaking ngiti sa mga labi ni Lala habang pinagmamasdan ang bata habang nagpapatuloy siya sa ginagawa. Nahirap siya sa buhol-buhol na buhok nito at kinailangan niya pang buhusan ng napakaraming langis ng niyog para mapadulas at mapalambot lamang ito. Nang maalis na nga ang mga buhol, doon lumantad ang kahabaan at nang malinis na niya nang husto, lumabas naman ang tunay na kulay ng buhok ng bata na hindi niya akalain na kulay puti pala na parang nyebe. Pinusod niya muna nang matapos siya at ang balahibo naman ang kaniyang pinagtuunan ng pansin. Ginanahan siya sa pagpapaligo sa bata at inunti-unti ang kay rumi nitong balahibo magmula sa mukha pababa sa katawan. Hindi inisip ni Lala na mauubos sa madungis na nilalang ang isang bote ng liquid soap na dala niya galing pa sa mundo ng mga mortal dahil ang matinding kagustuhan niya'y magmukha itong malinis at higit sa lahat, mawala ang amoy na masangsang. Ngiti ng tagumpay ang sumilay sa kaniyang mga labi nang malapit na siyang matapos. Nabawasan na niya ang dumi at tila maitim na grasa na dumikit sa balat at siyang nagpatigas sa balahibo nito. Limang beses niya itong sinabunan. Pitong beses na paulit-ulit na kinuskos ang buong katawan. Pagod na pagod man siya nang matapos na, tila kaniyang nakalimutan dahil nakamamangha ang itsura ng bata sa kaniyang mga mata. Pinatuyo na niya ang balahibo nito. "Ang cute-cute mo naman," kaniyang komento habang matamang nakatingin dito. Ang bata ay tila nanibago naman sa kaniyang katawan na gumaan at bumango. Wala na ang nakapal na dumi at amoy bulaklak na ang kaniyang buhok, maging ang balahibo. Binihisan na rin niya ito. Nagkasya ang mga damit ni Rio dahil malaki ang bulas ng kaniyang anak kumpara sa katawan ng nilalang na maliit at payat. Problema nga lang ang panloob dahil brief ang mayroon at wala naman siyang panloob na kasya sa bata kaya naman short na lamang at t-shirt. Niyaya na niya itong lumabas at hinanap agad ni Lala.ang kaniyang mag-ama habang hawak ang kamay ng nilalang. Sa kusina nila sila natagpuan. Kasalukuyang nagluluto pa rin si Raven ng kanilang agahan at nang makita ng mag-ama ang kasama ni Lala, laking-gulat nila dahil hindi na nila ito nakilala. "Wow!" naibulalas ni Rio. "Siya pa rin ba 'yan? Bakit parang ibang bata na itong kasama mo?" tanong naman ni Raven sa kaniyang asawa matapos pakatitigan ang bata. "Siya pa rin 'yan. Nakagugulat hindi ba? Ang cute niya nga e," sagot ni Lala na kita rin sa mukha ang labis na pagkamangha. "Ang galing mo, ma!" puri ni Rio sa kaniyang ina na gaya niya ay tuwang-tuwa sa resulta. Naiintindihan ng bata ang mga sinasabi nila. Siya naman ay hiyang-hiya sa kanilang mga papuri. Maging siya rin ay hindi alam na ganoon ang kaniyang tunay na kulay dahil mula ng magmulat s'ya sa lugar na kaniyang pinanggalingan ay ni minsan, hindi niya naranasan ang maglinis ng katawan. "Ngayon tapos na kayo, kumain na pala tayo," ani Raven at ipinaghila naman ni Lala ang bata ng upuan bago inalalayan sa pag-upo. Napansin na naman niya ang paraan nitong maglakad. Nang pinaliliguan niya ang bata, kinapa niya at inobserbahan ang magkabilang binti nito. Lalo na ang baluktot upang alamin kung ano kondisyon. Hindi siya sigurado kung magagawan niya pa iyon ng paraan gamit ang kaniyang kapangyarihan dahil mistulang ipinanganak ang bata na ganoon na ang kondisyon at napabayaan pa kaya lumalala na lamang sa pagdaan ng panahon. Pinaupo niya sa tabi ni Rio ang bata. Ngitian naman siya ni Rio nang makalapit na sa kaniya ngunit bigla itong yumuko. Kitang-kita ang hiya nito sa binata na hindi niya alam na mas bata pa sa kaniya kung tutuusin kung tunay na edad ang pagbabasehan ng dalawa. Tinulungan ni Lala si Raven sa paghahain. Naamoy ng nilalang ang mga pagkain na nasa ibabaw ng lamesa. Naglalaro ang mabangong amoy sa loob ng kaniyang ilong na hindi pamilyar sa bata. Dahil dito, nag-angat siya ng ulo at tiningnan isa-isa ang nasa may kalakihang lalagyan. Napansin ng mag-asawa ang pagsinghot ng bata na hawig sa tipikal na paraan kung paano suminghot ang mga hayop kapag may nalanghap na kakaiba o masarap sa kanilang panlasa. May ningning sa mga mata nito dala ng galak sa naamoy na lang masarap. Nang mapagtanto kung ano at saan, kaniya agad binalingan. Si Raven ang may hawak ng kaniyang naamoy. Pinipritong hita ng manok. Mistulang nakuha ni Raven kung bakit ganoon na lamang ito makatingn sa kaniyang hawak na ulam. "Gusto mo ba nito?" tanong niya rito sabay lapit ng hawak na plato upang pakuhanin ang bata. Mabilis na nabura ang kanina lang ay nagniningning nitong mga mata. Napalitan ng takot na baka siya'y saktan ng nag-aalok sa kaniya ng makakain dahil ganoon ang karaniwang ginagawa ng mga kawal sa kaniyang pinanggalingang kulungan. Aalukin ng karne na kanilang inihaw ngunit hindi naman talaga bibigyan at ang kaniyang matatanggap ay suntok at sipang hindi mabilang. Hindi siya kinuha sa inaalok sa kaniya, bagkus ay bumalik na lamang mula sa pagkakayuko kahit ang kaniyang tiyan ay naririnig na niya't ramdam ang matinding pagkalam ngunit nag-iba ang sitwasyon nang maamoy niya ang masarap na aroma na sa sandaling 'yon ay lumapit na. Dahan-dahan siyang nag-angat ng ulo. Tinignan kung saan at ano. Laking-gulat niya nang makita ang isang pinggan na gawa sa kahoy sa kaniya mismong harapan na puno ng laman at ang kaniyang naamoy na nilutong karne ng manok ay nasa ibabaw mismo ng sinangag na kanin at pinipritong itlog at talong. Maliban doon, sa paglingon niya sa mag-asawa, nakita niya ang mga ngiti sa mga labi nila. "Kumain ka na. Masarap 'yan!" sambit ni Lala. Hindi niya alam kung totoo ba ang narinig niya o guniguni lamang. Naghintay muna siya ng ilang sandali upang makatiyak na hindi kukunin ang pagkain na sa itsura pa lamang ay alam niyang malinis, may lasa dahil siya'y natatakam sa amoy. Pinauna niya silang kumain at nang nagsimula na nga ang tatlo ay dahan-dahan niyang kinuha ang manok at muling yumuko upang itago ang kaniyang pagkain. Sa unang kagat, isang patak ng luha ang mabilis na dumaloy mula sa kaniyang mga mata. Isa na nasundan pa hanggang sa tila ayaw ng tumigil. Pinakain na siya ng nakahuli sa kaniya, ngunit ang maulit muli iyon ay iba ang hatid na saya dahil babago lamang siya makakain ng ganoon. Maayos niluto, hindi binaboy, malinis at may lasa. Dahil nasa tabi niya si Rio, hindi nakaligtas sa batang biglang nagbinata ang kaniyang mga hikbi at ang ilang beses nitong pagpunas sa kaniyang mga luha na dumadaloy sa pisngi. "M-Ma—," tawag ni Rio sa atensyon ng kaniyang ina. "Bakit, anak?" tanong naman nito sa kaniya nang nakangiti. Sumenyas ang binata sa direksyon ng kaniyang katabi at nang mapunta roon ang tingin ni Lala ay mabilis na nabura ang ngiti sa kaniyang mga labi. "A-Anong nangyari? Hindi ba masarap? Naku, Raven! Napaalat mo ba?" Naalarma agad ni Lala. "Hoy, hindi—" Hindi na tinapos ni Raven ang sasabihin dahil nahahabag siya sa itsura ng bata. Ganoon ang tagpo na nadatnan ni Eros. "A-Anong nangyayari? Teka—sino 'yan?" takang-tanong niya sa tatlo na kahit isa ay wala ring alam na isasagot sa unang tanong nito, ngunit nang maalala niya kung paano tumangis ang nilalang na kaniyang nahuli noong kaniyang bigyan ng makakain ay nasagot na ang pareho. "H'wag kayong mag-alala, ayos lang siya," aniya sa kanila. Sinabayan na niya ang apat sa pag-aalmusal. May kinuha lamang siyang libro sa isang kakilala dahil may nais siyang malaman. Nang matapos sila sa pagkain, isang kapirasong papel ang inabot sa kaniya ni Lala. Iginuhit niya ang markang nakita niya sa likod ng bata na tila isang malaking paso ng nagbabagang bagay kaya nanatili ang ganoon ang itsura nang ito'y naghilom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD