Irene
Ilang araw matapos gumaling si nanay, pinayuhan kami ng doktor na huwag muna siyang palabasin ng ospital hangga't hindi pa siya fully recovered. Nag-isip na rin ako ng maaaring tuluyan ni nanay sa oras na lumabas na siya ng ospital at naghanap na ng mauupahan.
Sa ngayon, masaya ako dahil kahit paano, hindi na gaanong nagtatanong si nanay tungkol sa kinaroroonan ni Irene. Madalas din kaming mag-usap sa telepono upang maibsan ang kanyang kalungkutan. Ngunit hindi ko alam kung hanggang kailan ko ito mapaninindigan.
***
Isang buntong hininga ang aking ginawa habang nakatingin sa aking cell phone. Kasalukuyan akong nakahiga sa kama namin ni Third at malalim na pinag-iisipan ang mga dapat kong gawin.
Mabuti na lang at abala si Third ngayon sa trabaho kaya malaya akong nakagagalaw sa mansion. Malaya akong nakakalabas mula dito upang bisitahin si nanay.
Maya-maya lang, halos maitapon ko ang hawak kong cell phone nang bigla itong tumunog, saka ko nakita ang pangalan ni Clara na naka-flash sa screen. Agad ko naman itong sinagot.
"Hello?" panimula ko.
"Balita ko nagising na raw ang nanay mo?" bungad ni Clara.
"O-Oo, maraming salamat sa 'yo, Clara."
"You're welcome, my dear. Hindi mo naman siguro ako tatakbuhan ngayong magaling na ang iyong ina, hindi ba?"
"Hindi!" mariin kong sambit. "Hindi ko gagawin 'yun. Tutupad ako sa napagkasunduang kontrata. Isang taon, Clara. Isang taon kong gagampanan ang tungkulin ko at habang buhay kong tatanawin ang utang na loob ko sa 'yo."
"Very good! Mabuti nang nagkakaintindihan tayo."
"O-Oo, Clara."
"By the way, how's Third? Masarap ba siya?"
Tila uminit ang aking mukha nang banggitin ni Clara ang bagay na iyon. Pakiramdam ko ay nabalot ng matinding hiya ang buo kong katawan nang ipaalala niya sa akin ang maiinit na sandali kasama ang kanyang asawa. Dahil dito, hindi ko mahanap ang aking itutugon sa tanong niya.
Nabalutan ng katahimikan ang magkabilang linya, hanggang sa wakas ay muli siyang nagsalita.
"Anyway, It's okay. Ako pa rin naman ang asawa at nakikitikim ka lang," wika niya na kumurot sa aking puso. "I don't mind if you'll have s*x with my husband. Just do your job properly," dugtong niya.
Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang mga ganitong salita o kung paano niya ito nasasabi. Pero kung ako ang nasa kanyang kalagayan, pakiramdam ko ay hindi ko kakayanin na may m*katalik na iba ang taong mahal ko.
"Honey, hindi ka pa ba tapos d'yan sa telepono –"
"Sshh! Shut up!" mabilis na pagputol ni Clara sa taong tumawag sa kanya na honey.
Nanlaki naman ang aking mga mata nang mapagtanto na ang tinig na iyon ay mula sa isang lalaki.
M-May kabit siya? sa isip ko.
"Tandaan mo, Irene. Wala kang ano mang narinig," ma-otoridad niyang utos sa akin.
Agad na naputol ang kabilang linya nang tuluyang ibaba ito ni Clara. Naiwan naman akong tulala sa mga bagay na aking nalaman.
Kung ganoon, pinagpanggap niya ako bilang siya upang makasama ang kabit niya? Paano? Paano na aatim ni Clara na gawin ito sa kanyang asawa? Si Third na mahal na mahal siya.
Hindi ko mapigil na hindi makaramdam ng awa para kay Third. Hindi ko alam kung ano ang kanilang nakaraan, ngunit para sa akin, mali ang ginagawa ni Clara.
Isang buntonghininga ang aking ginawa, saka sinalampak ang katawan sa kama na aming hinihigaan.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap ang nalaman ko. Nais kong tulungan si Third ngunit alam kong wala akong karapatan.
Sa patuloy kong pagtitig sa malayong kisame, maraming bagay ang tumatakbo sa aking isip. Nais kong tulungan ang pamilyang ito na maayos at baguhin ang lahat kay Clara. Taliwas ito sa aking trabaho ngunit sa tingin ko, kung maibabalik ko ang pagmamahal sa puso ni Clara at Third, masusuklian ko ang kabutihang ginawa niya para sa akin.
Habang iniisip ko ang ganitong mga bagay, hindi ko mapigil ang masaktan.
Hindi ako tanga upang hindi maisip ang bagay na aking nararamdaman para kay Third. Dahil sa kabaitan at pag-aalaga na pinakita niya sa akin, kahit mali, hindi ko mapigilan ang matutuhan siyang mahalin.
Oo, siguro nga ay tuluyan ko na siyang nagustuhan. Tuluyan na akong nilamon ng aking nararamdaman at hindi ko ito gusto. Pero anong magagawa ko? isa lang akong marupok na babaeng tuluyang nahulog sa isang lalaki.
"S-Senyora?"
Isang pagtawag mula sa pinto ang pumutol sa mga bagay na aking iniisip. Tila tinig ito ng isang kasambahay.
"Bakit, may problema ba?" mataray kong tanong.
Kailangan ko pa ring talasan ang aking tinig upang hindi ako mahalata.
"A-Ano po kasi, p-pwede po bang pumasok? Magpapaalam lang po sana," sunod-sunod na wika ng katulong na nasa kabilang bahagi ng pinto.
"No, wait me in my office room," wika ko.
"S-Sige po."
Narinig ko ang paglayo ng kasambahay sa pinto ng kwarto. Isa sa mga bilin ni Clara na walang sino man ang maaaring pumasok sa silid nila ni Third at hindi ko maaaring papasukin ang kasambahay na iyon.
Matapos kong ayusin ang sarili, agad akong lumabas ng silid. At tulad ng aking sinabi, nagtungo ako sa office room ni Clara. Natagpuan ko naman roon na nakatayo sa harap ng pinto ang kasambahay na kausap ko kanina.
Gamit ang susi, binuksan ko ang pinto at pinapasok ang katulong na iyon.
Halos humahampas pa ang aking baywang sa paglalakad patungo sa study table, saka eleganteng umupo sa swivel chair na nandoon.
"So, what's your problem now?" taas kilay kong tanong.
"G-Gusto ko lang po sanang magpaalam, senyora.
"For what?"
"K-Kasi po..."
Kumunot ang aking noo nang makita ko ang panginginig ng kamay ng kasambahay na nasa aking harapan. Tila takot na takot ito sa akin dahil sa tuwing ako ay nagsasalita, tumataas ang balikat niya na animoy nagugulat.
"Bilisan mo, sayang ang oras ko," matalas kong wika.
"A-Alam ko pong suntok sa buwan ang ipagpapaalam ko, senyora. Pero gusto ko po sanang umuwi sa probinsya namin."
Muli na namang tumaas ang aking kilay dahil sa kanyang sinabi.
"At bakit?"
"M-May sakit po si nanay at matagal na panahon ko na po siyang hindi nakikita."
Matapos niyang sabihin ang bagay na iyon, malakas siyang humagulgol sa aking harapan. Pakiramdam ko, ilang taon na siyang hindi umuuwi sa kaniyang pamilya, siguro, ganito i-trato ni Clara ang kanyang mga kasambahay.
Hindi ko alam ang itutugon sa kanyang sinabi. Ramdam ko ang pag-init ng aking mukha dahil sa pagpigil ko sa aking luha. Alam ko ang pakiramdam ng magkaroon ng ina na may sakit, kaya hindi ko mapigil ang pagbugso ng damdamin. Ngunit hindi ko maaaring ipakita ang side ko na ito, dahil kung magkataon, baka mabisto nila ako.
"Alam mo na ang sagot ko riyan," tugon ko, saka inikot ang swivel chair at tumalikod sa kanya.
"Pero, senyora." Hindi na niya tinuloy pa ang sasabihin nang mapagtanto niyang wala na akong balak pang harapin siya. Narinig ko na lang ang sunod-sunod niyang paghikbi habang lumalabas mula sa aking opisina.
Nang tuluyan siyang makalabas, mariin kong tinakpan ang aking bibig upang hindi lumabas ang malalakas kong paghikbi. Sunod-sunod ang pagpatak ng aking mga luha dahil sa bigat na nararamdaman ko sa aking puso.
Hindi ako ito. Hindi ko kayang gawin ang mga bagay na ito sa mga taong nasa paligid ko. Sorry, patawarin mo ako dahil sa aking sinabi. Kung ako ang masusunod, papayagan ko siyang umalis at puntahan ang kanyang ina. Ngunit wala akong karapatang baguhin ang lahat dito sa bahay.
Napakasakit para sa akin na gawin ang ganoong desisyon, ngunit kailangan.
Isang bungonghininga ang aking ginawa, saka mariing pinahiran ang luha sa aking mga mata. Matapos iyon, muli kong inikot ang swivel chair at isang papel na naka-ipit sa drawer ang tumawag sa aking pansin.
Hindi pa man ako nakababawi sa mga pagluha, pilit kong tiningnan ang papel na ito at doon ko napagtanto na ito ay ang kontrata na pinirmahan ko kay Clara.
"Sandali, bakit nandito ito? Paano na lang kung makita ito ni Third?" mahina kong sambit.
Alam kong imposible niya itong makita dahil si Clara lang ang may hawak ng susi ng opisinang ito. Ngunit kahit na ganoon, kailangan ko pa ring mag-ingat.
Nang akmang irorolyo ko na ang papel, hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip dahil bigla ko na lang binasang muli ang kontrata.
Ang mga nakasaad dito ay ang mga bagay na dapat kong gawin sa aking pagpapanggap. Ngunit wala ritong nakalagay na hindi ako maaaring magbago ng ugali.
Magbago ng ugali?
Muli kong tiningnan ang mga nakasulat sa kontrata, saka ko naisip ang mga bagay na magpapadali sa aking pagpapanggap.
***
Sa paglipas ng mga araw, unti-unti kong binabago ang mga bagay at pakikitungo sa mga tao na nasa aking paligid. Hindi naman siguro masama kung naisin ng isang Clara Montenegro ang magbago. Ngunit kailangan ko pa ring hindi magpahalata sa aking mga ginagawa.
Kinabukasan, sinadya kong magtungo sa maids room area kung saan kahit kailan ay hindi pumupunta si Clara. Naabutan ko ang mga kasambahay doon na masayang nagkukwentuhan.
Wala sa sariling napangiti ako sa mga ito habang sila ay minamasdan, ngunit agad ko ring iniling ang aking ulo upang matanggal ang ngiti sa aking mukha.
"Michelle," pagtawag ko sa kasambahay na lumapit sa akin noong nakaraang araw.
Nanlaki ang mata ng mga ito nang makita nila akong nakatayo sa may pinto.
"S-Senyora?" gulat nilang saad saka sabay-sabay na tumayo, humilera, at yumuko sa aking harapan.
Huminga ako nang malalim saka humalukipkip at matalas na tumingin kay Michelle.
"Mag-empake ka. Pinapayagan na kitang umuwi sa inyo pero hindi ka pwedeng magtagal," sunod-sunod kong sambit, saka tumalikod sa kanila.
Lumakad ako palayo at agad na tumungo sa isang pader kung saan ay hindi na nila ako nakikita.
"A-Ano raw?" sambit ni Michelle.
"Hala! Pinapayagan ka na ni senyora umuwi."
"Totoo ba ito?"
"First time to mangyari."
"Hala! naluluha ako sa saya."
Usap-usapan ng mga kasambahay na aking narinig.
"Hindi nyo ba napansin, parang may nagbago kay ma'am Clara?"
"Oo nga. Pero kung ano man ang nangyari at nagbago siya, sobra akong nagpapasalamat."
Napangiti na lang ako sa sarili nang marinig ko ang mga bagay na ito. Huwag sana silang mag-alala, dahil habang ako pa si Clara, magbabago ang lahat sa bahay na ito.
"What are you doing there?
Halos tumalon ang aking balikat nang marinig ko ang tinig ng isang lalaki. Mas lalo pang nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Third na ngayon ay paakyat sa hagdanan at nakatanaw sa akin.
"T-Third, k-kanina ka pa ba d'yan?"
Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin. Nakita niya kaya ako kanina?
"No, kadarating ko lang. Nagtaka lang ako dahil ngingiti-ngiti ka riyan. Is there something wrong?" pagtataka niya.
Hindi ko alam kung matatawa o kakabahan ako dahil sa kanyang sinabi, dahil naabutan pala niya akong nakangiti kanina.
"W-Wala naman, Third," nauutal kong tugon at pagpilit ng ngiti sa labi. "Let's go upstairs," pag-aya ko sa kanya sabay lakad patungo sa kanyang kinaroroonan.
Agad kong inangkla ang aking kamay sa kanyang braso at animoy nagpapa-cute pa sa kanyang harapan. Sumilay naman ang magandang ngiti sa mukha ni Third na lubos na nagpapabilis sa t***k ng aking puso.
"Okay, let's go," aniya sabay pagpatong ng kamay sa aking balikat at mahigpit akong kinabig sa kanyang dibdib.
Halos mamula ang aking pisngi nang maamoy ko ang mabangong perfume ni Third. Kahit na galing pa siya sa trabaho, mukha pa rin siyang fresh at hindi mukhang haggard.
***
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya sa akin.
Kasalukuyan akong nakaupo sa aming kama at nakatingin sa kanya, katatapos niya lang din kasing mag-shower na madalas niyang ginagawa.
Ngumiti ako saka tumango bilang tugon sa kanyang sinabi.
"Mabuti naman," maiksi niyang tugon saka isinabit sa towel holder ang kanyang tuwalya.
Tila lumipad ang aking isip sa alapaap nang makita ko ang dahan-dahan niyang paglapit sa aking kinaroroonan habang bathrobe lang ang nakatakip sa hubad niyang katawan.
Mas bumilis pa ang t***k ng aking puso nang umupo siya sa aking tabi at hinawak ang mainit niyang kamay sa aking pisngi.
"I'm sorry for being hard on you. 'Wag kang mag-alala, hindi na kita aabusuhin," aniya na mas nagpatindi ng nararamdaman ko.
Hindi ko mabilang kung ilang pulgada ang layo ng mukha namin sa isa't isa, ngunit dahil sa paglapit ng kanyang mukha, hindi ko napigilan ang bugso ng aking damdamin.
Mariin akong napalunok nang matamaan ng aking tingin ang kanyang labi. Pakiramdam ko ay uhaw ako sa kanyang halik dahil matagal na rin na walang nangyayari sa amin. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip, dahil bigla ko na lang nilapat ang aking labi sa labi ni Third.
Hanggang sa maya-maya lang, naramdaman ko ang pagtugon niya sa aking halik.
Siguro nga ay nahihibang na ako at mali ang bagay na ito. Ngunit hindi ko na kaya pang pigilan ang nararamdaman ng aking puso.