Chapter 16

2156 Words
Sabrina "Anak, kay Tita Maggie, ka muna uuwi paglabas mo sa school ha?" bilin ko sa anak ko bago s'ya papasukin sa loob ng paaralan nila. Face to face na kasi ang pagtuturo rito unlike sa ibang school na online or module pa rin. "Opo Mommy, ingat po kayo," sabi niya sa akin bago ngumiti ng bahagya. Alam ko naman na nalulungkot pa rin siya dahil iniwan kami ng kan'yang Daddy, hindi man siya magsalita ay nararamdaman ko iyon. Ang bilis ng araw, isang linggo na agad ang nakalipas simula ng iwanan kami ng magaling kong asawa. Maghahanap ako ngayon ng trabaho para may pagkunan kami ng panggastos ng anak ko. May iniwan naman pera si Charles, na one hundred thousand pesos bago s'ya umalis na nakita ko lang sa ibabaw ng center table kinabukasan pagkatapos n'ya kaming iwanan. Mabilis lang maubos ang pera, sa mahal ng bilihin ngayon tapos nag-aaral na ang anak ko t'yak na saglit lang ang perang iniwan ni Charles, isa pa ayaw kong umasa sa perang 'yun at sa perang ipapadala n'ya pa para sa anak namin, gusto kong kahit paano ay may sarili akong pera na galing sa sarili kong sikap. "Sige na anak, pasok ka na sa loob, behave ka lang palagi ha?" isang tango lang ang sagot niya sa akin. "Mahal kita anak," sabi ko pa bago sya halikan sa noo. "Mahal din po kita Mommy, pasok na po ako," sagot n'ya. Tumango ako kaya naglakad na s'ya papasok, pero nakakailang hakbang pa lang s'ya ay muli s'yang lumingon sa akin. Nag-wave ang anak ko para magba-bye, nakangiti na s'ya ng malaki kaya napangiti rin ako. Sa anak ko lang ako kumukuha ng lakas para magpatuloy sa buhay. Noong unang araw matapos kaming iwanan ni Charles, ay hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Para akong masisiraan ng bait dahil sa biglang pagbabago ng sitwasyon namin. Pakiramdam ko gumuho ang mundo ko dahil iniwan n'ya kami. Si Charles at ang anak ko ang mundo ko, sa kanila lang umikot ang buhay ko, kaya parang hindi ko kakayanin. Naglakad na ako paalis sa paaralan ng anak ko, para pumunta sa Makati, doon ako maghahanap ng trabaho. Naipagbilin ko naman na si Allie kay Maggie, kapit-bahay namin s'ya, may anak din s'ya na kasing edad ng anak ko tapos magkaklase rin sila kaya walang problema. Mabuti nga at may mabait akong kapit-bahay na kagaya n'ya na puwedeng pag-iwanan sa anak ko kagaya ngayon, at kapag nakahanap na ako ng trabaho. Sumakay ako ng jeep papunta sa Makati City, madami kasi roon na mga establishment kaya roon ko naisipang maghanap ng trabaho, mag-a-apply ako kahit waitress o kahit taga hugas lang ng plato o kahit na anong trabaho. Hindi naman kasi ako puwedeng mag-apply sa factory dahil nag-iiba ang schedule ng pagpasok doon dahil nagge- graveyard shift minsan. Pagdating doon ay naglakad-lakad ako para maghanap ng mga may karatula na nangangailangan ng waitress, helper, o tindera at iba pa, pero mukhang hindi 'ata ako swerte dahil hindi ako matanggap. Ang dahilan nila ay may nakuha na sila o 'di kaya naman ay ayaw nila sa may anak dahil malimit daw pag gano'n ay laging absent sa trabaho. Hapon na ng tumigil ako sa paghahanap ng trabaho, bukas na lang 'uli ako susubok. Nakakapagod at nakakagutom ang maghanap ng trabaho, tapos ang hirap pang makanap, lalo at hindi pa rin tapos itong pandemic na 'to kaya mas naging mahirap makahanap ng trabaho dahil maraming business ang humina ang kita o kaya ay nagsara. Bago ako umuwi ay bumili muna ako sa isang tindahan na nadaanan ko at bumili ng dalawang pirasong tsokolate para pasalubong ko sa aking anak. Pagbaba ko sa tricycle na sinasakyan ko ay nag-alcohol muna ako ng kamay, braso, damit at maging sa mukha para sure na kahit paano ay malinis ako bago ako nag-doorbell sa bahay nina Maggie. "Sabrina, ikaw pala pasok ka muna, nasa loob si Allie," sagot ni Maggie sa akin ng buksan n'ya ang gate ng bahay nila. "Naku 'wag na Maggie, galing ako sa labas, hindi pa ako nakakapagpalit ng damit," nakangiti kong tanggi sa kan'ya. "S'ya sige, sandali at tatawagin ko na lang si Allie," nakangiti rin na sagot niya sa akin bago pumasok sa loob ng bahay nila para tawagin ang anak ko. "Mommy!" sigaw ni Allie ng makita ako at patakbong yumakap sa akin. Niyakap ko naman din agad ang anak ko. Nakangiti lang kaming pinanuod ni Maggie. "Salamat sa pag-aalaga sa anak ko habang wala ako Maggie," sabi ko ng matapos kaming magyakapang mag-ina. "Sus! Wala 'yon ano ka ba, basta kung kailangan mo ng mapag-iiwanan dito kay Allie 'wag kang mahihiyang magsabi sa akin," nakangiti niyang sagot. "Kamusta pala ang paghahanap mo ng trabaho?" tanong ni Maggie. Nakatingin lang sa amin ang anak ko. "Wala akong nahanap eh, ang hirap kasi maghanap ngayon, susubukan ko na lang 'uli bukas," sagot ko. "Ah, gano'n ba sige ako na lang 'uli ang bahala rito kay Allie bukas, try ka lang ng try at makakanap ka rin," sabi n'ya. "Salamat uli, sige mauna na kami," paalam ko. "Sige, bye Allie," nag-wave si Maggie sa anak ko. "Bye po Tita Maggie, bukas po 'uli." sagot ng anak ko, at nag-wave rin s'ya pabalik. Naglakad na kami ng anak ko papunta sa bahay namin. "Kamusta ang Baby ko?" tanong ko ng makaupo kami sa sofa. Magkatabi kami habang naka-akbay ako sa kan'ya. "Okay lang po ako Mommy, 'wag n'yo na po akong alalahanin, big girl na po ako," nakangiti na sagot niya. "Alam ko naman 'yun anak, pero syempre dahil mahal na mahal kita lagi pa rin kitang inaalala, ikaw lang ang kayamanan meron ako," hinawakan ko ang magkabila n'yang pisngi at pinaghahalikan s'ya roon kaya tawa ng tawa ang anak ko. "Mommy, nakikiliti po ako," tumatawang saad niya dahil sa patuloy kong paghalik sa kan'ya na umabot na sa kan'yang leeg. "Baho mo anak," biro ko ng tumigil ako sa paghalik sa kan'ya. "Grabe ka naman Mommy, mas mabaho nga po kayo kesa sa akin," tumatawang sabi niya, kaya nagkatawanan 'uli kaming dalawa. "Manuod ka muna ng TV anak at magluluto muna ako ng hapunan natin," sabi ko sa anak ko. "Opo Mommy," sagot niya sabay kuha ng remote ng TV at binuhay iyon. Nagpunta na ako ng kusina para magluto, hinanda ko ang lahat ng gagamitin ko sa pagluluto ng adobong baboy. Pagkatapos kong magsalang ng sinaing ay inumpisahan ko na rin lutuin ang adobo. "Anak, halika na rito at kakain na tayo," sabi ko pagkatapos ko magluto, nandito pa rin ako sa kusina. "Okay po Mommy," dinig kong sagot ng anak ko. Naglagay na ako ng kanin at ulam sa mangkok at inilgay iyon sa ibabaw ng lamesa. Pagkaupo ng anak ko sa hapag ay ipinaglagay ko na siya ng pagkain sa plato n'ya bago ako kumuha ng sa akin. Kumain lang kami ng tahimik pagkatapos naming magdasal. Pagkatapos namin kumain ay pinapunta ko uli s'ya sa sala dahil maglilinis pa ako rito sa kusina. Hinugasan ko lahat ng mga ginamit namin sa pagkain at maging iyong mga ginamit ko sa pagluluto ay hinugasan ko rin. "Anak, tara na sa taas at lilinisan na kita ng katawan," sabi ko. Kaagad naman niyang ini-off ang TV, at lumapit sa akin. Umakyat kami papunta sa k'warto niya, deretso kami sa banyo para maligo ng mabilis bago matulog. "May home work ka ba anak?" tanong ko pagkatapos ko s'yang bihisan ng pantulog. "Wala na Mommy, nagawa ko na po kanina, tinuruan naman po ako ni Tita Maggie," nakangiting sagot niya. "Mabuti naman pala kung gano'n anak, bukas pala ay roon ka muna 'uli kina Tita Maggie ha?" "Okay po Mommy," sagot n'ya sa akin, na hindi na nagtanong kung bakit, alam naman na niya ang sitwasyon namin. Pinahiga ko na s'ya sa kama para matulog. "Good night anak, i love you," hinalikan ko s'ya noo. "Good night din po Mommy, love you too po." Lumabas na ako ng k'warto ng anak ko at nagpunta sa k'warto namin ni Charles na ngayon ay k'warto ko na lamang. Dumeretso ako sa banyo para maligo rin kahit saglit, feeling ko kasi ay nanlalagkit na ako dahil sa naging pawis ko at sa alikabok ng kalsada, isama na ang usok ng mga sasakyan sa paghahanap ko kanina ng trabaho. Ng makapagpatuyo ako ng buhok ay nahiga na agad ako sa kama dahil sobrang pagod na ang pakiramdam ko. Mabilis naman akong nakatulog dahil sa sobrang kapaguran ko. __________________ "Maggie, ikaw na muna 'uli ang bahala sa anak ko, pasensya na ha?" sabi ko, kahit na nahihiya na ako sa kan'ya dahil hanggang ngayon ay wala pa akong nakikitang trabaho, ilang araw na akong naghahanap pero wala pa rin hanggang ngayon. "Ano ka ba wala naman problema sa akin, isa pa ako rin naman ang mag-aalaga kay Allie kapag nagkatrabaho ka na kaya 'wag ka ng mahiya pa. Tayo-tayo lang din ang magtutulungan, ewan ko ba naman d'yan sa asawa mo at talagang nakuha pa kayong iwan," sabi niya ng nakangiti noong una pero ng binanggit ang about kay Charles ay sumimangot s'ya bigla. Mabuti na lang at nasa loob na ng bahay ang anak ko, hanggang maaari kasi ay ayaw ko ng maalala pa ni Allie ang ginawa ng kanyang ama sa amin. "Salamat," pinili ko na lang hindi magkomento tungkol sa nangyari sa amin ni Charles. "Ano pa lang sabi ng mga magulang mo, buti hindi ka nila pinapauwi na lang?" "Pinapauwi nga ako pero tumanggi ako, rito na kasi sanay si Allie, isa pa rito rin s'ya nag-aaral, saka na lang siguro kami uuwi," sabi ko. Hindi na s'ya sumagot sa sinabi ko, isang may pagsimpatya na ngiti lang ang tanging naging reaksyon niya. "Sige Maggie, aalis na ako," paalam ko, maghahanap kasi ako 'uli ngayon ng trabaho, walang pasok sina Allie kaya rito ko na s'ya agad hinatid kina Maggie. "Sige, ingat ka at good luck," nakangiting sabi niya sa akin. "Salamat," sabi ko. Nagpunta ako sa sakayan ng jeep papunta 'uli sa Makati. Nakakailang ikot na ako ay wala pa rin akong nahahanap na trabaho, pagod na ako kaya naisipan ko munang maupo sa isang upuan dito sa labas ng coffee shop na pinag-apply-an ko rin pero wala raw silang bakante. Ang sakit na ng binti ko kakalad, may takong pa man din ang sapatos na suot ko, na kahit 2 inches lang ay masakit pa rin sa binti lalo at kanina pa ako naglalakad. Pagkaupo ko ay kinuha ko ang baon kong tinapay sa loob ng bag ko, nagutom ako bigla dahil sa amoy ng mga pagkain sa loob ng coffee shop na pinasukan ko. Gusto ko sanang mag-order pero halata kasing mamahalin ang mga sine-serve nila roon kaya hindi ko na lang itinuloy. Kinuha ko ang tubig sa bag ko ng maubos ko na ang tinapay, baon ko rin ang tubig na ito, mas makakatipid kasi ako kapag nagbaon ako kesa ang bumili pa. "Hi, puwedeng maupo?" tanong ng isang babae na lumapit sa akin, nakatungo ako kanina ng magsalita s'ya dahil nagtatakip ako ng bottled water na dala ko. "Sige lang," nakangiting sagot ko ng mag-angat ako ng tingin, mukhang pamilyar ang babae na 'to sa akin hindi ko lang matandaan kung saan ko s'ya nakita. Ah! Baka sa TV, mukha kasi s'yang artista, ang ganda at ang kinis kasi niya, mukhang mayaman. Naupo ang babae sa tabi ko as in sobrang lapit sa akin kaya na conscious tuloy ako, pawis na pawis na kasi ang balat ko at t'yak din na amoy araw na ako dahil sa paglalakad ko kanina pa. "Nagkita 'uli tayo Sabrina," nakangiting sabi n'ya sa akin kaya napakunot ang noo. Iniisip ko kung bakit n'ya ako kilala? Natawa s'ya ng bahagya sa naging reaksyon ko. "Hindi mo na naman ako matandaan?" sabi muli n'ya kaya umiling ako. "Sorry, magkakilala ba tayo?" tanong ko, pilit kong inaalala kung kilala ko ba s'ya o kung saan ko s'ya nakita. "Oo magkakilala tayo, hindi mo na ba natatandaan na naging ex girlfriend mo ako?" seryosong saad n'ya sa akin. Ano daw? Ex girlfriend? Seryoso?! "Sorry, what? Ex girlfriend?" gulat na gulat kong tanong, muntik na nga akong masamid sa sarili kong laway dahil sa sinabi n'ya. Tumawa ito ng sobrang lakas , as in tawang-tawa, nakahawak na nga s'ya sa t'yan n'ya dahil sa sobrang katatawa. "Luh?! Sira ulo 'ata itong babae na 'to, sayang ang ganda pa naman," sabi ko sa isip-isip ko. Tumayo na ako dahil baka tama ang hinala ko na baliw s'ya, baka mamaya lang ay bigla na lang manakit, mahirap na. Lalakad na sana ako ng pigilan n'ya ako sa kamay. "Wait!" sabi niya at pilit kinakalma ang sarili, "Sorry, natakot ba kita? Don't worry, matino ako." Katatapos pa lang n'yang sabihin 'yun ay natawa s'ya 'uli. Matino raw s'ya? Kung matino s'ya sa lagay na iyon, wala na sanang baliw sa mundo. Tsk!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD