MUGTO na ang mata ko sa kakaiyak. Para na kong hinehele din sa antok dahil sa pagod. Nanatili ako doon ng halos treinta minutos.
"Who's there?!"
Naudlot ako sa pag-iyak at napatuwid ng upo. Nagliwanag ang buong mukha ko ng marinig ang boses ni Kayden.
“H-Help! Help me, please! Na-lock ako sa loob!” sigaw ko at kinalampag ang pinto. Nabuhayan ng pag-asa dahil makakalabas na ko dito.
"Oli?" I heard him ask.
Tumango ako kahit hindi naman niya nakikita.
“O-oo. T-tulungan mo ko, please. Kanina pa kasi ako dito…” nahihiya kong sagot at muling tumulo ang luha dahil naawa na sa sarili. Napahikbi akong muli habang nanatiling nakatayo sa tapat ng pinto.
“Okay, okay. Calm down. Iiwan muna ki—“
“Ha?! Huwag mo ko iwan dito!” Natataranta kong sabi at napaiyak na ulit.
“Oli, I’m gonna ask someone in the faculty. Wala akong susi. Kailangan kitang iwan agad dito baka makauwi na kasi sila. Saglit lang babalik ako, okay?” mahinahon niyang sabi.
Hindi ako nagsalita pero patuloy lang sa pag-iyak. Nanghihina ako pero ng marinig ko ang boses niya tila lumakas ako. Kaya lang ng sabihin niya sa akin ang mga iyan parang nahaplos ang puso ko. Bukod kay Cindy ay wala ng ibang may nagpakita ng concern sa akin.
Kapag binu-bully ako wala silang pakialam. Ngayon lang may nagpakita sa akin ng concern at iba pala sa pakiramdam.
“Oli?” tawag niya sa pangalan ko.
Tumikhim ako dahil sa bara sa aking lalamunan.
“Babalik ako, promise,” aniya at narinig ko na ‘yong yabag ng paa niya ng tumakbo ito.
Umupo ako at sumandal sa hamba ng pintuan. Niyakap ko ang suot na shoulder bag at nag-antay sa kanya. Panay ang sipat ko sa suot na relo. Lagpas na limang minuto pero wala pa siya. Naiintindihan ko kasi malayo ang faculty dito. Baka naghahanapan din sila ng susi.
Yumuko at pumikit. 8pm na at tingin ko hinahanap na ko nila Mommy. Nag-aalala na siguro sila. Nag-angat ako ng tingin at tumayo ng marinig ang paprating na yabag.
“She’s inside, Maam,” dinig kong sabi ni Kayden. Napatayo na ako habang yakap ang aking bag.
"Ms. Dela Rama, gaano ka na katagal diyan?" tanong ng babeng professor sa akin habang sinususian na ang door knob.
"Lagpas isang oras na po," sagot ko. Nakahinga ako ng maluwag ng marinig ko ang click ng doorknob. Tumulo ng tuluyan ang luha ko ng bumukas ang pinto. Bumungad sa akin si Maam at nasa likod si Kayden na nakatingin lang sa akin.
"T-thank you po, Maam!" sabi ko at umiyak habang yakap ang aking bag.
Niyakap niya ako at iginaya palabas sa banyo.
"Mr. Valdez, ikaw na ang mag-lock," utos niya kay Kayden.
"I'm Ms. Esliba, physics professor. Tell me, sino ang nag-lock sa'yo sa loob?" tanong ni Ms. Esliba. Dinungaw ako dahil nakatungo ako habang umiiyak. Nanginginig pa ang aking mga kamay.
"Naku, teka at doon tayo sa faculty para makainom ka ng tubig," aniya at sinenyasan si Kayden na maglakad na.
"Here."
Natigil ako sa pag-iyak ng makita ang bottled water na binigay ni Kayden. Nanginginig ko iyong kinuha.
"T-thank you..." mahina kong sagot. Hindi makatingin sa kanya.
"Uminom ka muna. Buti meron kang dala, Valdez," ani ng professor habang tahimik akong umiinom ng tubig.
Naglakad kami at pinaupo niya ako sa may bench para kausapin. Kung pupunta pa kasi sa faculty ay masyadong malayo. Uuwi na din kasi ako.
"Hindi mo pa sinabi sa amin sino ang gumawa nito sa'yo? I will report this tomorrow para mabigyan ng disciplinary action ang gumawa nito sa'yo," may halong pagbabantang sabi ni Ms. Esliba.
Napalunok ako. Naalala ko iyong sinabi ni Micah. Magugulo kasi kung isusumbong ko pa siya.
Umiling ako. Mula sa gilid ng aking mata ay kitang-kita ko si Kayden na bitbit na ang duffel bag nito habang pinapanuod kami ni Ms. Esliba na nag-uusap ng masinsinan.
"Wala? Paano ka nakulong doon mag-isa?" may bahid na ng pagdududa ang boses ni Maam.
"Sobra pong antok ako kanina. Nakatulog po ako sa cubicle. Bale, pagod po kasi ako dahil tinapos namin 'yong projects. This week po puyat ako dahil pinaghahandaan ko din ang finals. Paggising ko po na-lock na ang pinto. Hindi ko alam na matagal akong nakatulog, Maam," kagat-labi ako pagkatapos kong magsinungaling.
I avoided their gaze dahil sa oras na tignan ko sila ay mahuhuli ako sa aking mga mata.
"Ha? Eh bakit nagtagal ka doon ng hindi ka tumawag man lang sa inyo. Wala ka bang cellphone? My god, paano kung wala ng tao dito?" she asked.
I bit my lower lip. Pinapanuod nila ako habang pinaglalaruan ko ang daliri ng aking mga kamay. Nanatilia kong nakayuko.
"Low batt po ang cellphone ko. Nagpaalam ako sa amin na male-late ako dahil may dadaanan ako sa mall mamaya kaya hindi ako masusundo ng driver," sabi ko at this time totoo na iyon. Gusto ko ng umuwi dahil for sure hinahanap na ko sa amin kaya lang kinakausap pa ko nila Maam. Nakakahiya naman. Sila na nga tumulong sa akin tapos uuwian ko agad.
"Good thing, naisip ni Kayden dito sa kabilang CR maligo dahil diretso na din sana ang uwi niya. Paano kung hindi siya napadaan? Iyong mga kasama niya sa kabila dumaan, eh," ani ni Maam.
"Ibig sabihin tapos na maglinis ang janitress bago ka pumasok. Tapos nakatulog ka na. Bumalik ang staff at ni-lock ang pinto kaya hindi ka niya napansin? Ganoon ba, Oli? Hindi ba si Micah ang may gawa nito?"
Nag-angat ako ng tingin at sunod-sunod akong umiling kay Kayden.
"Hindi! Hindi! Nakatulog talaga ako. Oo, linis na 'yong banyo kanina bago ako pumunta. Kaya no'ng ni-lock ng janitress hindi niya na tinignan 'yong sa loob. May tao pa pala," sabi ko sabay bagsak ng mga mata sa lupa. Napalunok ako ng matindi.
Ramdam ko ang mariin niyang tingin sa akin. Tila hindi kumbinsido sa alibi ko.
"Oli, kakausapin natin ang Dean bukas na bukas din para hindi na ito maulit. Kung matatakot ka, palagi nilang gagawin sa'yo, 'to. Hindi ka nagsusumbong kahit noon pa. Tapos kapag tinatanong ka sasabihin mo, okay lang. Si Micah ba?" Dinungaw ako ni Maam.
Umiling ako at tumayo na.
"Maam, hindi po. Bully man po sila sa akin pero hindi po talaga sila ang may gawa nito," sabi ko at nilagay sa balikat ko iyong bag ko. Iniiwasan pa rin ang mga tingin nila.
"I understand that you're scared to report Micah because her family is powerful. But if you wake up one day, feel like you have a lot of courage and decide to be brave. Other bullied kids and I will be at your back. Kailangan lang may magsalita, and the rest will follow. Hindi natin alam kung anong mangyayari pero hanggat hindi natin nasusubukan wala tayong malalamang resulta," aniya.
Tumango ako pero desidido ako na huwag na lang aminin ang lahat.
"Opo, Maam. Mauna na po ako. Uh..." Nag-angat ako ng tingin at bumaling kay Kayden na pinapanuod ang bawat galaw ko. Mabilis kong binaling sa ibang direksyon ang aking tingin.
"Uhm... s-salamat din, Kayden. Thank you talaga. Uh, Maam. Mauuna na po ako kasi hinahanap na ko sa amin," paalam ko dahilan para tumayo na rin si Maam Esliba.
"Mr. Valdez, sabayan mo na siya sa daan. Uuwi ka na din 'di ba? Kukunin ko pa kasi ang gamit ko sa faculty," suhestyon ni Maam.
Umiling ako at todo ang hiya dahil sobrang inabala ko na sila.
"H-hindi na! Okay na po ako!" sabi ko at bumaling kay Kayden na hindi pinansin ang sinabi ko. Nagpaalam siya kay Maam at nilagpasan niya ako.
Ayoko magsabay kami dahil nahihiya ako. Alam ni Kayden na gusto ko siya. Sariwa pa sa akin iyong nangyaring pambubuking nila Micah sa akin. Iyong letter ko na halos lahat narinig iyong confession ko sa kanya. Iniiwasan ko na nga siya dahil naalala ko 'yon palagi pero lately, napapadalas iyong pagtatagpo namin kahit na hindi naman kami classmate. Tapos ngayon, siya pa ang tumulong sa akin.
"Sige na, pareho na din naman kayo ng way," sabi ni Maam Esliba at sinenyasan na akong maglakad. Wala akong nagawa kundi magpaalam sa kanya at naglakad na din kasunod ni Kayden.
Sinuguro ko na may ilang pulgada ang distansya niya sa akin. Hindi ko kaya na sabayan siya sa paglalakad. Nakaramdam ako ng pag-iinit ng aking magkabilang pisngi habang pinagmamasdan ko ang malapad niyang likod. Kahit paglalakad lang, tila tambol itong puso ko sa sobrang kilig.
Napayuko ako at nakagat ng mariin ang ibabang labi. Humigpit ang hawak ko sa strap ng aking bag habang naglalakad. Hindi ko akalain na darating ang time na makakasabay ko siya sa pag-uwi. Hindi man as in sabay sa paglalakad pero masaya pa din ako dahil kami lang dalawa ang naglalakad sa pathway.
Tumigil siya sa paglalakad pagdating na sa crossing. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa nagpantay kaming dalawa. Stop light pa at may ilang segundo pa bago kami makatawid. Para akong mahihimatay at kinakapos sa hininga dahil nga nasa tabi ko lang siya. Ramdam ko iyong pagsulyap niya sa akin na nagpanginig ng mga tuhod ko.
Siguro dapat mag-thank you ako ulit? Ang awkward na tinulungan niya ako tapos hindi ko siya pinapansin. Bumaling ako sa kanya habang diretso lang iyo ng tingin.
"Uh... s-salamat ulit kanina," sabi ko at akmang babaling na siya sa akin ng binagsak ko ang tingin sa lupa. Hindi ko talaga kayang matagalan ang maamo niyang mga mata. Para akong nahihipnotismo. Natutunaw.
Hindi siya nagsalita. Hindi tuloy ako sigurado kung galit ba siya sa akin o hindi. Humakbang ako ng nag-standy by na ang mga sasakyan. At nang nag-GO na ay nagsimula na kaming maglakad. Pakiramdam ko naglalakad ako sa kawalan. Saglit kong nakalimutan iyong takot at lungkot na nangyari sa akin kanina. Napalitan ng nag-uumapaw na kilig kahit wala namang ginagawa si Kayden kundi ang sabay lang naman kami sa paglalakad.
"Ah!" Nanlaki ang aking mga mata at agad ang pagtahip ng aking dibdib ng muntik na kong mahagip ng motor na kahit naka-stop na nga sila humarurot pa din. Maagap akong nahawakan ni Kayden sa braso at hinila pabalik.
Mas lalo akong nagulat ng nagmura ito ng malutong.
"Putang-ina mo! Gago ka!"
Napasinghap ako at gusto ko na yatang bumisita sa Mental. Paano ko nagagawa na mapangiti kahit na muntik na kong masagasaan kanina. Wala sa sarili akong napangiti ng makita ang malapad na kamay ni Kayden na nasa braso ko pa din. Nag-angat ako ng tingin at naabutan ko ang salubong nitong kilay at madilim na anyo.
Binitiwan niya ako kaya nagpatuloy ako sa paglalakad habang nagpapasalamat sa kanya. Nagmamadali na ang aming bawat hakbang.
"S-salamat ulit!" sabi ko sa kanya ng tuluyan kaming makalipat sa kabila.
Iritado niya akong binalingan.
"Stop being stupid. Ano bang iniisip mo at hindi ka alerto? Kanina nakulong ka sa CR. Hindi mo alam na may nagsara na sa'yo sa labas. Tapos ngayon muntik ka ng masagasaan! Ano ba, Oli!" sinigawan niya ako dahil yata sa pagkapikon.
Napipi ako at natulala sa kanya. Hindi ko inaasahan na pagsasabihan niya ako ng ganyan. Never kaming nag-usap. Ngayon lang. Kung paano niya banggitin ang pangalan ko tila ba kay tagal na naming magkakilala.
"S-sorry..." namutawi sa bibig ko.
Umawang ang bibig niya at tila hindi nagustuhan ang sinabi ko.
"What the fuck..." aniya at inis nitong ginulo ang buhok. Natulala ako sa gwapo niyang mukha. Kahit na inis na inis siya sa akin ang gwapo pa rin niya sa aking paningin.
Napalunok ako ng mariin at nag-iwas ng tingin. Pinag-aksaya ko lang ang sarili ko sa kakatingin sa dumadaang jeep.
"O, dumaan na. 'Di ba, pa-Edsa ka? Dumaan na 'yong jeep," aniya.
Napakurap-kurap ako. Alam ko naman 'yon pero ayoko lang sumakay talaga. Hindi ako nagsalita. Kumalabog ang dibdib ko ng ito na mismo ang nagpara ng jeep para sa akin.
Napalunok ako at bumaling sa kanya para magpasalamat pero iniiwasan ko pa rin ang mga mata nito.
"S-salamat!" sabi ko at nagmamadaling umakyat sa jeep. Sinikap kong hindi bumaling sa direksyon niya hanggang sa makaalis ang jeepney. Hiyang-hiya ako at ramdam ko ang pag-iinit ng aking magkabilang pisngi.
Kumunot ang noo ko ng ma-realize ang sinabi ni Kayden. Paano niya nalaman na sumasakay ako ng jeep pa-Edsa?