"Uncle Ron," agad niyang salubong sa matalik na kaibigan ng kanyang ama. Naroon na ito sa labas ng presinto at sadyang naghihintay para sa kanya. Matapos ngang banggitin sa kanya ni Manang Ligaya ang tungkol sa pagtawag nito kanina ay agad siyang nagpalit ng damit para makaalis. Hinintay niya pa muna na maging maayos kahit papaano ang kanyang pakiramdam bago tuluyang gumayak. Si Manang Ligaya ay hindi pa sang-ayon sa balak niyang pagtungo sa presinto. Alam niya na nag-aalala lamang ito para sa kanya ngunit iginiit niya ang kagustuhan na personal na malaman kung sino ba ang nasa likod ng lahat ng nangyari sa kanya. Tinawagan niya pa ang kanyang Uncle Ronniel habang nasa daan na siya. Iyon marahil ang rason kaya narito na ito ngayon sa labas ng presinto at naghihintay sa kanyang pagdating