Tilda’s Ihawan. Isa iyan sa mga inuman sa isla. Ang mga parokyano ay iyong mga mangingisda o mga magsasaka na naghahanap ng pampalipas ng oras pagkatapos ng mahabang oras ng pagtatrabaho. Malakas ang tunog ng musika galing sa isang videoke machine. Limang piso ang isang kanta, at natutuwa na ang mga customer dahil nagbibigay ng aliw iyon sa kanilang pagod na katawan. Maingay, mausok at amoy alak at sigarilyo ang buong paligid. Tuwing araw ng biyernes ay dumadagsa ang mga parokyano para maglasing at mag-enjoy. Kasama na sa mga iyon sina Jax, Rostom at mang Tomas, taya lahat ni Jackson dahil ito naman ang nag-aya sa dalawa na uminum sila. Tahimik lang si Jackson na umiinum habang sina Rostom at mang Tomas ay hindi maawat sa pagbabangayan. Nasanay na rin si Jackson sa ingay ng dalawa.