SA lagoon ako napadpad matapos magbisikleta nang walang tiyak na pupuntahan. Ayoko namang dumirecho ng uwi sa bahay kaya pagkakakita ko sa likuan papuntang lagoon ay hindi na ako nagdalawang-isip.
Isinandal ko ang bike ko sa katawan nang malaking puno at saka naupo sa putol na kahoy na nakatunghay sa lagoon. Naiwan pa rin sa isip ko ang eksena nina Senyorito Matthew at ng babae sa jeep. Hindi naman ako tanga para hindi maunawaan ang ginawa nila pero, sobra akong nabigla at sobra ring nadismaya.
Napahawak ako nang mahigpit sa magkabila kong tainga at mariing ipinilig ang ulo ko upang itaboy ang mga imahe. Ang lakas pa rin ng kabog ng puso ko na sa sobrang lakas ay nagiging masakit na.
Maya-maya ay napukaw ako ng tunog ng parating na sasakyan. Muli akong binulabog ng kaba nang matanaw ko ang owner-type jeep ni Senyorito Matthew. Hindi nagtagal ay inihinto niya ang jeep at bumaba siya mula roon. Inilang hakbang niya ang layo namin bago nakapameywang na hinarap ako.
“Bakit mo ako tinakbuhan? Kinakausap pa kita kanina,” bungad niya.
Ibinalik ko muna ang tingin sa tubig. Hindi ko kasi matagalan ang tingin ni Senyorito Matthew. “N-natakot kasi ako, Senyorito. A-alam ko kasing… nagalit ka kasi nga… naistorbo ko kayo…”
Naupo siya sa kahoy ilang dangkal mula sa akin. Narinig ko ang pagbuga niya ng hangin. “Forget it. Pero sa susunod, h’wag kang basta pasok nang pasok. Paano kung ibang tao ang naroon at gawan ka pa nang masama?”
Nilingon ko siya sandali. Kung ibang sasakyan ang nakita ko, hindi ko naman ‘yon papansinin. Pero imbes na sabihin iyon ay hindi ko lang siya sinagot.
“Hindi ka pa ba uuwi? It will soon get dark. Mukhang uulan pa nga yata. ”
“Bakit si Vivian pa, Senyorito? Hindi n’yo ba alam na girlfriend ‘yon ng panganay na anak ni Mang Pedring?” Imbes na sagutin ay napatanong ako sa kaniya.
Hindi ko alam kung halata sa tono ko ang lungkot pero, hindi ko na iyon inintindi. Ang hirap din naman kasing itago ang nararamdaman ko sa oras na iyon. Bigong-bigo at sobrang sadlak ang pakiramdam ko.
“I don’t know. Nadaanan ko siyang naglalakad nang mag-isa. Kinawayan niya ang jeep ko at nakiusap na isabay ko siya hanggang sa labasan.”
Sumimangot ako. Ang alam ko ay sa bayan nakatira si Vivian at madalas itong magpunta sa hacienda para sa boyfriend. Siguro ay nagkita ito at si Senyorito Matthew nang magpagawa ng jeep ang huli kay Mang Pedring.
“Sa labasan pala e, bakit nandoon kayo sa maisan?” Hindi ko rin napigilang itanong.
Hindi nakasagot ang abogado. Nang lingunin ko siya ay natanto kong nanliit na ang mga mata niya sa akin. Kinabahan lalo ako.
“Kailangan ko ba talagang sagutin ‘yan, Gigi? Ano ba kita?” depensa niya.
Natigilan ako at agad nag-init ang mukha. Napag-isip-isip ko nga na masyado na akong matanong at nakikialam sa personal na buhay ng amo ng tatay ko. Sa sobrang hiya nga ay napatayo ako at dali-daling binalikan ang aking bike.
“Gigi!”
Hindi ko sana ulit papansinin ang pagtawag ni Senyorito Matthew pero, bago ko pa masakyan ang bike ko ay nahawakan na niya ito.
“You kid! You’re running away from me again? May mali ba sa tanong ko?”
Bahagyang nagusot ang noo ko bago iniiwas ang tingin sa kaniya. “Sabi n’yo noong datnan ko kayo sa bahay namin, dalagang-dalaga na ‘ko. Tapos ngayon, bata na naman ako. Tinawag mo rin akong bata kanina nang bayaran mo ang pamasahe ko. Ano ba talaga ang totoo, Senyorito?”
“Ikaw mismo ang makakasagot sa tanong mo, Gigi. But if you keep acting like this, p’wes, mas tama nga sigurong sabihin na bata ka pa talaga.”
Lalo akong napahiya sa sinabi niya. Kinabig ko ang manibela ng bike at akmang sasakay nang ilagay niya ang kamay sa upuan noon. Namilog ang mga mata ko.
“S-Senyorito... alisin mo ang kamay mo. Paano ako sasakay?”
“Doon ka sa jeep. Ihahatid na kita.” Puno ng awtoridad ang tono niya.
“Bakit pa po? Heto na ang bike ko.”
“Sa bubong na lang ng jeep itong bike mo at sumakay ka na sa’kin. Tingnan mo nga ang damit mo. Magpe-pedal ka, ang iksi ng suot mo,” puna niya habang nakatingin sa suot kong bestida.
Hindi ako nakakibo. Hindi rin ako kumilos para sundin ang utos niya.
“What are you waiting for? Gusto mo bang ako pa mismo ang magsakay sa’yo?” May halong pagbabanta na ang tono niya.
Sa pinagsamang inis at hiya ay binitiwan ko na lang ang bike ko at nagmartsa ako papunta sa jeep. Pasakay na sana ako nang maalala ko na nakaupo dito kani-kanila lang ‘yung Vivian.
“Hindi ka pa rin talaga sasakay?” untag sa akin ni Senyorito Matthew. Nilingon ko siya at nakita ko kung paanong walang hirap niyang binuhat ang bike ko paakyat sa bubong ng jeep. Kumuha siya ng lubid sa likuran ng sasakyan at sinimulang talian ang bike.
“S-sa… likod na lang kaya ako maupo, Senyorito. Ayoko rito sa unahan.”
“Bakit naman?” kunot-noong tanong niya at sinilip ang upuan. “Marumi ba? Sandali, pupunasan ko.”
“H-h’wag na!” pigil ko. Napakamot ako sandali sa batok. Maano ba kung may ibang babaeng naupo kanina rito? Nagbuga ako ng hangin. “O-okay na po, Senyorito. S-sasakay na po ako.”
Hindi siya kumibo pero, tinaasan niya ako ng mga kilay na parang alam niya ang naiisip ko. Nag-iwas ako ng tingin at naupo na lang sa jeep. Nang masegurong hindi na malalaglag ang bisikleta ko pagtakbo namin ay sumakay na rin si Senyorito Matthew. Nagkabit siya ng safety belt. Ginaya ko ulit siya at ilang sandali pa ay umaandar na kami.
Nahirapan na naman akong matulog kinagabihan. Naalala ko, halos ganito rin ako noong panahon na crush na crush ko pa si Senyorito Matthew. Sinusulat ko pa sa school diary ko ang bawat pagkakataon na nakikita o nakakausap ko siya.
Namilog bigla ang mga mata ko. Tama! Buhay pa ang diary na ‘yon!
Dali-dali akong bumaba ng higaan at hinugot mula sa ilalim ng papag ang kahon kung saan nakatago ang mga luma kong gamit. Sigurado akong narito pa ang diary ko.
“Ito na nga!” sambit ko at nalimutang tulog si Ate Candy sa higaan nito. Napatingin ako rito, mukhang hindi naman nadisturbo.
Itinulak ko na ang kahon papasok sa ilalim ng papag. Bumalik ako sa aking higaan at binuklat ang luma kong diary.
Kinaumagahan ko na itinuloy ang pagbabasa sa diary ko. Naglalakad ako palabas ng Hacienda Isabelle nang bigla ako gulatin ni Melba. Halos maitapon ko ang hawak ko dahil sa gulat.
“Ano ‘yan, ha?” tatawa-tawang tanong niya at sinilip ang hawak kong notebook. Mabilis kong isinarado iyon at inilagay sa aking tabihan. Tumawa ulit siya. “May sinisikreto ka riyan, ano?”
“W-wala! Anong sinisikreto? Notebook lang ‘tong hawak ko.”
“Bakit ayaw mo ipakita? Mukhang luma naman na ‘yan…” humina ang boses niya at pinanliitan ako ng mga mata. “Ay, parang alam ko na kung ano ‘yan.”
Umirap ako. Muli kong binuksan ang notebook na ginawa kong diary at itinuloy ang pagbabasa. Nakisilip na rin doon si Melba.
“Sabi na nga ba! Bakit mo binabasa ‘yan? Siguro bumabalik ang feelings mo kay Attorney Matt, ano?”
“Hindi, ah!” defensive na sagot ko. “Ang binabalikan ko, ‘yong mga nakasulat dito. Natatawa kasi akong basahin mula pa kagabi.” Isinarado ko na ang diary at itinago sa bag ko.
“Bakit hindi ka naman mukhang natatawa? Mas mukha ka ngang kinakabahan ngayon, e?” pangungulit pa ni Melba.
Natigilan ako at napatingin sa kaniya. “B-bakit naman ako kakabahan?”
Nagkibit siya ng balikat pero, obvious na pinagtatawanan niya pa rin ako. Sinimangutan ko siya. “Ang dami mong napapansin, Melba! Diyan ka na nga, mauna na ‘ko sa’yo at baka ma-late na naman ako sa trabaho.”
Maghapon na namang tumakbo sa isip ko si Senyorito Matthew. Hindi ko lang maiwasang mainis kapag naaalala ko ang nakita ko sa maisan. Isa pa ang Vivian na iyon. May boyfriend na siya pero, ginawa niya ‘yon kay Senyorito. Itong amo naman ng tatay ko, halatang gustong-gusto! Kung bakit ba naman hindi na lang itinuloy ang pagpapakasal sa girlfriend niya sa Maynila kung gusto niya palang may gumagawa ng gano’n sa kaniya? Nakakadismaya lang talaga.
Maging sa pag-uwi ko ay nasa isip ko ang abogado. Kaya bigo ang pakiramdam ko nang hindi ko siya nakita. Kunsabagay. Bakit ba ako umaasang makita siya parati? Ang laki-laki ng Hacienda Isabelle. At ano bang gagawin niya sa Gate 3 kung saan ako parating dumadaan? Baka nga naligaw lang siya roon kahapon kaya ko siya naabutan.
Pagdating sa bahay ay sermon naman ni Tita Donna ang sumalubong sa akin. Dahil pa rin iyon sa pagtakas ko kay Mr. Javier kahapon. Paulit-ulit niyang isinumbat sa akin ang kabastusan ko raw at kawalang respeto sa matanda kahit habang nagluluto na ako ng hapunan namin. Hindi ko napigilang sumagot.
“Kung ayaw n’yong makabastos ako ng matanda, h’wag ninyong ipilit sa akin ang pakasalan siya. Kayo lang ang nakipagkasundo kay Mr. Javier. Ni hindi n’yo man lang ako tinanong kung gusto ko nang mag-asawa.”
“Hoy, Gigi, para rin sa’yo kaya ko ito ginagawa! Hindi mo ba naiisip ang kabutihan ng intensiyon ko? Gusto mo bang habangbuhay na nakikitirik lang tayo ng bahay rito sa lupa ng mga Ylustre? Ang ibang mga anak, gagawin ang lahat para maiahon sa hirap ang mga magulang nila pero, ikaw naman, nariyan na sa harapan mo, nakahain na nga sa’yo, umaayaw ka pa!”
“Kung pinatapos n’yo ako ng pag-aaral, ‘yan naman ang gagawin ko. Magtatrabaho ako at magsisikap para mabilhan kayo ng sariling lupa ni Tatay.”
“At kasalanan pa namin ngayon na mahirap pa rin tayo? Kung hindi kita pinatigil sa pagkokolehiyo, malamang na hindi ka rin makakatapos dahil nabuntis ka na rin kagaya ni Candida!”
“H’wag n’yo naman akong ikumpara sa anak n’yo, Tita. Magkaiba po kami ni Ate Candy.”
“Narinig ko yata ang pangalan ko?” sabat ng kararating lang na si Ate Candy. May dalawang buwan na rin siyang nagtatrabaho sa municipal hall bilang sekretarya ng vice-mayor.
Pareho kaming hindi sumagot ni Tita Donna. Tinalikuran ko na lang sila at ipinagpatuloy ang aking pagluluto.
Nasa good mood na ulit si Tita Donna nang sinisimulan ko na ang paghahain. Pagdating kasi ni Ate Candy ay tinawag nito ang ina at paglabas ay tumatawa na ulit. Nalimutan yata ang pinagtatalunan namin kanina.
“Nasaan na ba ‘yang Tatay mo, Gigi?” tanong ni Tita Donna nang nakaupo na kami sa hapag.
Hindi pa kasi dumadating si Tatay at kahit gusto kong hintayin siya, hindi ko na rin matiis ang gutom kaya nakiupo na ako at nagsimulang kumuha ng pagkain.
“Hindi ko po alam. Wala naman po akong alam na pupuntahan niya ngayong araw maliban sa trabaho.”
“Hay, naku! Tawagan mo nga muna, bilis!”
Itinigil ko na muna ang pagkain at sinunod ang utos ni Tita Donna. Pero hanggang sa makatapos kami sa hapunan ay hindi pa rin dumadating si Tatay. Hindi ko rin siya ma-contact mula pa kanina. Pasira-sira na kasi ang baterya ng cellphone ni Tatay.
Nakabihis na ako ng pantulog at handa nang mahiga nang katukin ni Tita Donna sa kwarto.
“Magmadali ka! Hanapin mo muna ang Tatay mo at baka nga nasa inuman ay napaparami na ng inom.”
“Pero Tita, matutulog na po ako.”
“Aba't walang silbing anak! Hindi ka man lang ba nag-aalala sa tatay mo?” nandidilat na tanong niya sa akin.
Hindi ako nakakibo. Hindi naman sa ganoon pero, nasa loob lang kami ng hacienda. Lahat ng tao rito ay magkakakilala. Isa pa, hindi naman ito ang unang beses na ginabi si Tatay ng uwi.
“Sige na, kumilos ka na riyan! Matulog ka na lang pagdating mo basta hanapin mo muna kung saan na napadpad ‘yang Tatay mo. Sabihin mo rin sa kaniya na galit na galit na ako para umuwi kaagad.”