"Ipaubaya n'yo na ho sa mga kasambahay ang mga gamit n'yo, 'Nay," saway ni Nicolas sa ina ni Kan nang makitang hinihila ng ina niya ang maleta nito. At ganoon din si Tatay Intsik. "Ihahatid na rin ho nila kayo sa magiging kuwarto n'yo." "Naku, Hijo. Kayang-kaya naman namin ito. Hindi na kailangan pang iasa sa mga katulong. Nakakahiya naman sa kanila," nahihiya na tanggi ng ama ni Kan na sinang-ayunan din ni Nanay Elenita. "Baka sabihin pa nila na ang aarte namin. Eh, mga bisita lang naman kami rito. Dapat nga ay tutulong din kami sa mga gawaing bahay habang narito kami," anang ina niya. "Wala hong magsasabi ng gano'n sa inyo rito." Nakangiti na tiningnan ni Nicolas isa-isa ang pamilya ni Kan. "Dahil pamilya kayo ng asawa ko. Ibig sabihin, hindi lang kayo bisita rito kundi parte na rin