CHAPTER 8

1261 Words
“So, paano maiwan na kita? Ikaw na ang bahala rito, Leia?” Buo man na ang loob ni Leia na magtatrabaho pa rin sa bahay ni Kenneth sa kabila ng nasaksihan niyang hilig sa babae ng binata ay hindi pa rin niya maiwasang mapangiwi sa kaisipang kapag wala na si Pressy ay sila na lang dalawa sa malaking bahay na iyon. Kinakabahan siya na hindi niya mawari. “Leia…” Idinantay ni Pressy ang kamay nito sa kaniyang balikat. “Relax lang. Hindi ka maaano rito. Safe na safe ka sa bahay na ito, okay?” at assurance na naman nito sa kaniya. “Aaminin ko naiilang pa rin ako, Pressy. Bakit naman kasi siya pa ang nabangga ko ang pinsan mo? Nakakahiya.” Bahagyang natawa ang kaibigan. “Ang tawag doon ay ang small talaga ng world.” Napalabi na lang siya’t napangiti. “So, paano aalis na ako?” Tumango siya sa kaibigan at inihatid niya ito sa labas. Nang wala na si Pressy ay inabala na nga niya agad ang sarili sa paglilinis ng bahay. Ipinagpasalamat niya na nasa silid si Kenneth. Kanina’y agad na nagpaalam sa kanila ito ni Pressy dahil inaantok pa raw. Ni hindi bumaba o lumabas nang umalis si Pressy kaya nga baka tulog. “Napagod sa ano. Dalawa ba naman kasi ang inano?” pilyang naisaloob ni Leia pero agad niyang pinagalitan ang sarili. Wala siya sa lugar upang kutyain ang magpapasahod sa kanya. "Ang gandang bahay naman talaga nito. Ang suwerte talaga ng mga mayayaman," hindi naiwasang naibulalas ni Leia sa bahay na nililinisan. Bitbit ang walis ay manghang-mangha niyang sinisilip ang mga kuwarto. Nag-alangan siyang pumasok dahil parang siya pa ang makakadumi kapag papasok siya. Isa pa ay natatakot talaga siya mga marmol na sahig, nakakatakot na apakan. Wari ba’y mababasag sa kaniyang pakiramdam oras na tumuntong siya. Nagmumukha man siyang ignorante ay ingat na ingat talaga siya sa paglalakad. Madami na siyang napasukan na magagandang bahay, katulad na lamang ng bahay nina Pressy, pero kakaiba ang bahay na kinaroroonan niya ngayon. Mansyon na yata ang tawag sa ganoong bahay. "Yes, Leia?" nakangiting tanong sa kaniya ni Kenneth nang hindi sinasadya ay kuwarto na ng amo ang nasilip niya. May libro itong hawak habang nakaupo at nakasandig sa headboard ng magarang kama. Gising na pala ito! Yay! Dagling namula ang mukha ni Leia. Hiyang-hiya siya. “May kailangan ka?” tanong pa ni Kenneth. Ibinaba na nito ang libro at umalis sa kama. "W-wala po at sorry, Sir. A-ano po… sinisilip ko lang lahat ng parte ng bahay para alam ko po sana ang mga lilinisan ko. Hindi ko alam na ito na pala ang kuwarto niyo po. Sorry po talaga,” utal-utal na paliwanag niya. Kung bakit ba naman kasi hindi ito nagla-lock ng pinto? Goodness! “It’s okay.” Tumango-tango ang binata. “Halika,” tapos ay anyaya sa kaniya. “Po? Naku, hindi na po. Naglilinis na po ako at—" Natawa si Kenneth. Lumapit na ito at bigla na lang siyang hinila kaya natigil siya sa sinasabi. "Sir?" Gulat na gulat tuloy siya at kinabahan ng matindi. “You know what. You’re so cute, Leia." Tuwang-tuwa naman si Kenneth sa mga reaksyon niya. Sumasayaw na naman ang magagandang mata nito. Halatang may pagkapilyo talaga. Doon na nakaramdam ng mas hiya si Leia. Nagmukha yata siyang mangmang masyado. "Sorry, Sir Kenneth. First time ko po kasing makapasok sa isang mansyon. Sa mga drama sa TV ko lang nakikita ang ganito kalawak na bahay kaya nawili ako. Na sa pagkawili ko ay hindi ko man lang naisip na kuwarto niyo nga pala ang isa sa mga kuwarto.” "Ayos lang talaga, Leia. Hindi mo kailangang magpaliwanag.” “Mula kasi pagkabata ay nasanay po ako sa barung-barong kaya ignorante po talaga ako sa ganito kalaki at kagandang bahay kaya sorry po,” dagdag paliwanag niya pa rin. “Natatakot nga po akong kumilos pa at baka makasira po ako ng gamit.” "Ang dami mo na namang ‘po’. Do I really look old to you, Leia? Madami na ba akong wrinkles?" subalit iba ang pinagtuunan pansin ng binata. "Naku, hindi naman po sa ganoon, Sir. Sorry po.” Mas nagkulay kamatis ang mukha niya. Mas nahiya pa siya sa bagong amo. Minsan pa ay natawa naman si Kenneth. Ang gaan-gaan talaga ng loob niya kay Leia. Napakagandang pagmasdan ang pagiging inosente nito at ang pagiging mabait nitong babae. Idagdag pa ang pagiging mahinhin nito. Si Leia ang tipo ng babaeng napakasarap sanang pasayahin. Napakasarap ibigay ang lahat dito kahit pa siguro ang langit. "Okay, hindi na kita pipilitin kung talagang magalang kang tao pero huwag ka nang sorry nang sorry sa akin lalo na kung wala ka namang ginagawang masama. Magagalit na ako sa ‘yo. Ikaw lang ang gusto kong maging kasambahay ko wala ng iba kaya kahit masira mo pa ang buong bahay ay okay lang. Do you understand?” "Pero, Sir…" "Wala nang pero pero.” Humalukipkip si Kenneth. “Ang mabuti pa ay gawin mo na ang trabaho mo. Doon, oh. Parang ang dumi.” “Po?” Nagtaka si Leia dahil nang tingnan niya ang itinuro ng binatang amo ay wala naman kasing kadumi-dumi roon. Nagkibit-balikat si Kenneth. "Ano pa’ng hinihintay mo? Kilos na, Leia. Hindi mo pa kasi alam pero matikuloso akong tao. Ayoko kahit konting dumi lang sa bahay ko." "Ah, eh, opo, opo!" Nagmadali na nga si Leia na tinungo ang lilinisan. Gusto namang magtatawa ni Kenneth. Ang totoo’y sinadya lang niya ang kunwari’y pormal na pagsasalita kay Leia. Sinadya niya para hindi ito mailang sa kaniya. At mas gustong tumawa pa ni Kenneth nang bumalik sa kaniya si Leia. "Sir, wala po pala akong dalang pampunas. Meron po ba kayo rito?" Kinagat na lang ni Kenneth ang pang-ibabang labi niya at pasimpleng kinamot ang ilong para hindi siya matawa. Umubo siya bago nagsalita. "Meron siguro. Tingnan mo lang doon sa bodega." "Saan po ang bodega, Sir?” "Doon sa may kusina. May pinto doon. Iyon ang bodega." "Ah, sige po. Kuha lang po ako. Babalik po ako agad." Iniwan na nga siya ni Leia. Dali-daling tinungo nga ang kusina. Naiiling na napapangiti na lang si Kenneth sa kinatatayuan. Sa tingin niya magkakaroon talaga ng puwang sa puso niya si Leia. Hindi niya ikinakaila kasi na masaya siya kapag nakikita niya ito. Sobrang gaan din ng pakiramdam niya sa dalaga. Leia is no longer available, man! maagap na pagtatama sa kaniya ng sarili. Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni Kenneth nang maalala niyang may asawa na nga pala si Leia. "Kenneth, ha? Pinapaalalahanan kita. Kung anuman ang ibig sabihin ng mga ngiti mong ‘yan kay Leia ay kalimutan mo na," saway rin ni Pressy sa kaniya kanina. "Why? Ano ba ang ngiti ko?" hindi seryosong aniya. "Ay naku, Insan, kilala na kita. Uulitin ko, kung anuman ‘yan ay kalimutan mo na. Itatak mo diyan sa pilyo mong utak na may asawa at isang anak na si Leia," diniinan pa talaga ni Pressy ang word na 'asawa'. “Alam kong chickboy ka pero sana naman ay hindi ka pumapatol pati sa may asawa.” "Grabe ka naman sa ‘kin, Insan. Tingin mo talaga sa akin ay papatol pa sa misis na?" “Hindi ko alam kaya nga sinasabihan kita. Huwag si Leia.” “Oo na.” Napahalukipkip si Kenneth matapos ang mga ala-alang iyon. Dikawasa’y namutawi ang malademonyong ngisi sa isang gilid ng kaniyang mga labi. So what kung may asawa si Leia?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD