CHAPTER 11

1788 Words
Matiyagang naghihintay si Bryle sa pag-uwi ni Leia. Kasama niya ang anak na si Lacey na nakaupo sa may pinto. "Papa, antok na po ako," hanggang sa sabi ng bata kasabay ng cute nitong paghikab. “Sige na. Matulog ka na, Anak. Gisingin na lang kita pagdating ni Mama mo.” Ipinahiga ni Bryle ang anak sa kaniyang kandungan. Hinahaplos-haplos niya ang noo nito hanggang sa nakatulog na nga. Sa isip-isip niya ay bakit kasi ang tagal ni Leia? Alas nuebe na’y hindi pa rin nakakauwi ang asawa. Ang sabi nito sa kaniya ay hanggang alas syete lamang ang oras ng trabaho nito ngunit hindi pa rin dumarating gayong alas dyes. Hindi na tuloy niya maiwasan na hindi kabahan. Sana ay ligtas na makauwi ang kaniyang asawa at walang nangyaring masama. Hanggang sa isang magarang sasakyan ang pumarada sa tapat ng bahay nila. Nagkandahaba-haba ang leeg ni Bryle sa pagtanaw kung sino ang bababa roon. Isang makisig na lalaki ang bumaba sa driver seat at pinagbuksan nito ng pinto ang kasama nitong babae. At agad nagsalubong ang dalawang kilay ni Bryle nang si Leia ang nakita niya na babae. Nangati agad ang kamao niya sa nakita niyang pag-alalay ng lalaki ang kaniyang asawa. T*ngna! screamed his mind. Hindi niya mailarawan ang naramdaman. Basta ang alam niya ay nag-init ang mukha niya. Sa ilang taon nilang mag-asawa ni Leia, unang pagkakataon ulit na nakaramdam siya ng panibugho o sa tamang salita ay matinding selos. Gusto niyang tumayo mula sa kinauupuan at salubungin ito, hindi lang niya magawa dahil tulog na tulog ang kaniyang anak sa kaniyang kandungan. Tumatahip ang dibdib na hinintay na lang niya ang kaniyang asawa. Umalis din naman kasi agad ang lalaking may sasakyan. At mabuti na lamang dahil bago pa man siya makaisip ng hindi magandang gagawin ay nakalapit na sa kaniya si Leia. Alanganing lumapit ito sa kaniya. "Bakit hindi mo pa sa kuwarto pinatulog ang anak mo, Mahal? Tulog na tulog na, oh.” "Nakatulugan niya ang paghihintay sa ‘yo. Ang tagal mo kasi," seryoso ang mukhang sagot niya. ‘Yung kunot sa noo niya hindi rin naalis. "Ganoon ba, pasensiya na, Mahal. Ang dami ko kasing nilinis sa bahay ng amo ko at inayos. Alam mo naman na bagong lipat lang.” Nag-isang linya na talaga ang mga kilay niya. "Pero bakit nagpahatid ka pa? Hindi mo ba kayang umuwing mag-isa?" "Ah, eh, iyon ba?” Napahimas sa batok si Leia. “Ano kasi nag-alala kasi si Sir na mag-commute ako kasi gabing-gabi na raw tapos nahuli kami sa kalsada. Ayos lang naman, ‘di ba? Mabuti nga’t mabait at may concern ang amo ko, hindi ba? Kaysa naman iyong mga walang pakialam ang naging amo ko.” “Talaga lang, ha? Concern lang, ha?” mahina niyang saad, pero naroon pa rin ang pait ng selos. “Mahal?” Napalabi si Leia. Napatiim-bagang naman siya. “Wala naman kasing lalaki na nag-aalala para sa babae liban na lang kung may espesyal na pagtingin ang lalaki sa babae.” Hindi niya gustong sabihin pero nadala siya sa mapait na emosyong lumukob sa kaniyang damdamin. Nakapagtataka na napangiti naman si Leia kaysa ang mabahala. “Nagseselos ka ba?” Matapos umikot ang mga mata ay nag-iwas ng tingin si Bryle. Kunwari ay muling hinaplos-haplos niya ang noo ng anak. Sa paraang iyon ay itinago niya ang nararamdamang selos. "Mahal, huwag ka namang mag-isip ng masama sa ‘kin lalo na sa amo ko.” Doon na nahalata ni Leia na hindi biro ang selos na nararamdaman ng asawa kaya nagseryoso siya. “Mabuting tao lang talaga si Sir katulad ni Pressy kaya inihatid niya ako. Wala iyong ibig sabihin, Mahal." "Pero balita ko kasi binata at guwapong mayaman ang amo mo.” Balik-tingin si Bryle sa misis. Kitang-kita na ang selos sa naniningkit niyang mga mata dahil parang nakikita niya si Oscar na tinatawanan siya. "Oh, eh, ano naman ngayon? Alam naman niyang may asawa na ako.” Nagsalubong ang kanilang tingin. "Teka nga. Huwag mong sabihin na iniisip mong baka magkagusto sa ‘kin si Sir Kenneth kaya ganyan na nagseselos ka?" si Leia. Hinimas-himas ang mga braso. “Kilabutan ka nga, Mahal. Nakakahiya. Imposible ‘yon.” "Kenneth pala ang pangalan niyon. Pati pangalan niya ang guwapo.” Sa dami ng sinabi ni Leia ay komento lang ni Bryle. Napatiim-bagang din. "Mahal, naman, eh." Naglalambing na tumabi sa kinauupuan ng asawa si Leia. Isinandal niya ang ulo sa balikat nito. "Sa tingin mo ba magkakagusto pa sa ‘kin ‘yon, eh, alam niyang may asawa na ako at anak?" Nagkibit-balikat si Bryle. "Ewan ko." Napangiti si Leia. Tiningnan niya ang asawa at pagkuwa’y hinalikan sa pisngi, na napunta sa labi. Kunwari’y aayaw-ayaw pa si Bryle pero tumugon din naman na ito sa halik ng asawa pagkalaunan. "Tandaan mo. Mahal na mahal kita, Mahal. At ginagawa ko ang lahat ng ito para sa ‘yo at sa anak natin," puno ng pagmamahal na sabi ni Leia nang maghiwalay sila sa halikan. "Mahal na mahal din kita, Leia, kaya takot ako na baka mawala ka sa ‘kin o kaya naman ay baka mapagod ka sa akin tapos ipagpapalit mo na ako. Iinom na lagi ako ng gamot. Promise." Napangiti si Leia. "Hindi ‘yon mangyayari. Kayo lang ni Lacey ang gusto kong makasama habambuhay kahit pa ano ang mangyari.” “Salamat, Leia.” At muli nilang nilasap ang matamis nilang halikan. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay nagngitian naman sila na parang bagong magkasintahan. Mayamaya ay kinurot ni Leia ang kaniyang tagiliran habang pilya ang pagkakangiti. “Bakit?” Kaysa masaktan ay bahagyang natawa siya. “Wala. Naalala ko lang iyong unang nagselos ka. Sobrang natakot ako sa iyo noon, eh, pero iyong kilig ko abot hanggang langit naman,” sagot ni Leia sabay hilig ng ulo sa balikat niya. “Ah, kay Jolo mo noon?” Ngumuso si Leia. “Anong ‘Jolo mo’ ka diyan?” Tabingi siyang ngumiti. Inaasar lang niya ang misis. Subalit tuluyan nang sumagi sa ala-ala niya ang nakaraan nilang mag-asawa noong totoong balikan niya ito galing sa pakikipagbakbakan sa mga rebelde sa bundok. At alam niya ganoon din si Leia. Nakangiti silang parehas na inaalala iyon habang nakatanaw sa malayo. …. Hindi mapigilan ni Bryle ang mapangiti sa buong maghapon. Mamaya na kasi ang pagbaba niya mula sa kampo. Umpisa na bukas ang ini-request niyang indefinite leave upang muling makasama ang kaniyang pamilya, lalo na ni Leia. Pagsapit nga ng oras na malaya na ulit siya bilang sundalo ay hindi na siya nag-aksya ng panahon. Bumyahe siya agad pauwi upang makita na si Leia. Sakay ang taxi mula sa NAIA airport ay diretso siya sa bahay ng nobya. Ang hindi nga lang niya inasahan ay ang makikita niya ang dalaga na may kasamang ibang lalaki. Pagbaba niya sa taxi ay madilim ang mukha niyang pinanood ang dalawa. Nasa likuran siya banda ni Leia di-kalayuan kaya hindi pa napapansin ang presensya niya. Panay ang maangas na pagbukol ng kaniyang dila sa pisngi niya. “Kailan mo ba ako sasagutin, Leia? Wala ba talaga akong pag-asa sa ‘yo?” pagsuyo ng lalaki sa kaniyang nobya. Napasinghap si Bryle. Kahit nasa di-kalayuan siya ay dinig na dinig niya ang usapan ng dalawa. At pigil na pigil niya na hindi ihampas ang military duffle bag na kaniyang dala-dala sa lalaki. “Sorry, Jolo, pero kasi ay may napupusuan na ako at siya pa rin ang hinihintay ko na makasama. Sana maunawaan mo,” nakahinga lang siya ng maluwag nang marinig niyang sagot ni Leia. “At sino naman siya?” “Ako ‘yon, pare,” hindi na niya napigilang sabad. Gulat na gulat tuloy na napalingon sa kaniya si Leia. Nanlalaki ang mga matang napatitig sa kaniya, gayunman ay sumilay ang magandang ngiti sa mga labi nito kalaunan. Maangas naman siyang lumapit at inakbayan ang dalaga. Ipinakita niya talaga sa kapwa lalaki na pag-aari na niya si Leia. “May problema ba, Mahal?” Umiling si Leia. “W-wala. Ano… ka-katrabaho ko siya sa factory. Nag-aano lang kami… nag-uusap,” tapos ay utal-utal nitong sagot. “Mabuti naman kung gano’n,” aniya naman at mayabang na binitawan na lamang basta-basta ang military duffle bag na bitbit niya upang ipakita sa lalaki na nanliligaw sa babaeng mahal niya na isa siyang sundalo. Hindi niya madalas ginagamit sa walang kabuluhan ang pagiging ‘men in uniform’ niya lalo na kapag naka-civilian siya, ngayon lang. Ngayon lang niya nagawa dahil sa selos. “Um… sige, Leia, mauna na ako. Magkita na lang tayo sa trabaho,” mukhang umubra naman ang kaniyang pananakot dahil paalam na ng lalaki at saka dagling tumalilis. Animo’y aso na biglang nabahag ang buntot. “So, nagpapaligaw ka na pala?” may himig nagtatampo na tanong niya nang wala na ang lalaki. “Hindi, ah,” pagtanggi naman ni Leia. “Eh, sino ‘yon? Ano ‘yon? Kung hindi pa ako dumating sa tamang oras ay baka sinagot mo na.” “Si Jolo. Katrabaho ko nga lang siya,” giit ni Leia. “Katrabaho lang pero ganoon ang tanong? Kailan mo siya sasagutin?” “Ewan ko ba do’n. Hindi ko naman pinayagan na manligaw pero nanliligaw pa rin?” nakalabing sagot ng dalaga. “Talaga lang, ah?” Nagpanggap siya na nag-isip muna kung paniniwalaan iyon, kahit na kulang na lang tumili na siya sa sobrang saya kahit pa isa siyang barako. Kaysa sumagot ay tumingkayad si Leia at siniil siya nito ng mabilis na halik. “Hindi uubra sa akin ang halik-halik,” pakipot naman niya. “Eh, di huwag. Try ko na lang kay Jolo at baka uubra ang halik ko. Hindi pa iyon aalis at babalik na parang kabute na susulpot kasi hindi siya sundalo,” galit-galitan na rin ni Leia. “Subukan mo!” Kagagawan na naman ng selos ay sinaklit niya ang baywang nito, sabay halik sa mga labi nito. Ilang sandali na kunwaring nanlaban pa si Leia, pero hindi naman nagtagal, unti-unti, ginantihan na siya nito ng nakakaliyong halik. Sukat niyon ay para na siyang nagdedeliryo sa pagpapala ng mga labi ng nobya. Kung wala ngang dumaan na sasakyan ay hindi na sila matatauhan na nasa gilid sila ng kalsada. Matamis na silang nagngitian sa isa’t isa nang maghiwalay ang mga labi nila. Buong pagmamahal na tinitigan niya ang ngiti sa magandang mukha ng nobya. At tulad nang una niyang kita sa inosenteng ngiti nito, nabighani ulit ang puso niya. “Na-miss kita,” mayamaya ay masuyong sabi ni Leia. “Lalo naman ako,” mabilis na turan naman niya. Labis-labis ang kaligayahang nadarama niya. Ang selos ay tuluyang nabura sa dibdib niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD