Isa-isang tiningnan ni Hilmar ang mga lalaking bangkay. Nawala na ang takot nito. Pero paminsan-minsan ay napapatakip pa rin ito ng ilong. "Bakit 'andito sila? Bakit 'di pa sila inililibing?"
Malungkot ang mukha ni Ashlene na lumapit sa isang bangkay. "Dahil naniniwala silang mabubuhay pa sila."
Namilog ang mga mata ni Hilmar. "Ano?!"
Mapaklang ngumiti si Ashlene. "Siya ang aming pinakamamahal na ama."
Lumapit si Hilmar sa bangkay at napangiwi ito dahil na-o-uod na ang mukha ng bangkay. Agnas na agnas na!
"Mahal na mahal ni Ate Lheizel si Tatay namin. Close na close kasi sila nang nabubuhay pa si Tatay, kaya nag-isip ito ng paraan kung paano mabubuhay si Tatay. Hanggang sa nakipagkasundo siya kay Satanas!"
Sinakluban ng matinding takot si Hilmar. "Si Satanas?! As in sa demonyo?!"
Sunod-sunod na tango ang ginawa ni Ashlene bilang tugon. "Kapalit ng muling pagkabuhay ni Tatay ay mag-aalay siya kay Satanas ng mga buhay, ng kaluluwa. Itinuro sa kanya noon ng isang matanda na nakilala niya sa 'di ko alam kung saan. Pero patay na ang matanda na iyon ngayon. Sa kasamaang palad kahit patay na ang matanda ay tinutuloy ni Ate ang tinuro ng matanda sa kanya."
Umawang ang mga labi ni Hilmar. Mas lumaki ang pagkakabilog ng mga mata nito. "Eh, sila! 'Yung mga bangkay na iba! Sino ang mga 'yan!?"
"Mga asawa o boyfriend o anak ng mga kasamahan ni Ate sa kultong binuo niya." Lumapit si Ashlene sa isa pang bangkay. "Siya ang asawa ni Joylyn." Tinuro nito ang isa pang bangkay. "At 'yon naman ang nobyo ni Franzes."
Sunod tingin lang si Hilmar sa tinutukoy ni Ashlene. "Mga bagong patay pa sila?!" At pansin nito kasi hindi tulad ng mga ibang bangkay na lalaki, eh, hindi mga ito naaagnas masyado.
Umiling si Ashlene. "Hindi naman. Pero dahil nakapag-alay muli sina Franzes at Joylyn ng kaluluwa kay Satanas kaya ayan nanumbalik ang kanilang fresh na katawan. Ibig sabihin ay malapit na silang mabuhay."
"Ang ibig mo bang sabihin sina Jake at Darwyn ang buhay na inalay nina Joylyn at Franzes kay Satanas?!"
Tumango si Ashlene.
Doon na talaga nahintakutan si Hilmar. Yay! Napaatras ito pero nadulas ito. Tumama sa isang nakausling bato ang kanyang paa na natamaan ng bala. "Araaaayyyyy!!"
Agad itong sinakluluhan ni Ashlene. "Okay ka lang?"
"Huwag kang lumapit sa 'kin!" pero pigil ni Hilmar kay Ashlene.
Takang napatitig si Ashlene sa sundalo. Nagtatanong ang mga tingin nito.
"B-baka.. baka kasi.. baka kasi ialay mo rin ako!" pag-amin ni Hilmar sa nararamdamang panganib.
Napangiti si Ashlene. "Kung gagawin ko 'yon matagal na sana."
"A-ano'ng ibig mong sabihin?"
"No'ng pinagamot ka sa 'kin. Sinabihan na ako ni Ate Lheizel na patayin ka para kay Tatay pero hindi ko ginawa bagkus ay pinagtanggol pa kita. Ang sabi ko ay unahin muna ang mga kasamahan mo kasi makakahalata sila."
"'Di nga?!" paniniguro ni Hilmar. Literal itong napapanganga.
"Oo, dahil para sa akin kahit kailan ay hindi na maibabalik ang buhay ng pinakamamahal naming ama. Nililinlang lang sila ni Satanas. Kaya sana tulungan mo ako, Hilmar."
"P-pa'no kita tutulungan?"
"Hindi ko alam pero basta tulungan mo ako."
Matagal silang nagngusap sa tinginan. Pagkuwa'y tumango si Hilmar. "Dahil ginamot mo ako! Sige, tutulungan kita!"
Sa labis na katuwaan ay niyakap ito ni Ashlene. "Salamat!"
Masayang ginantihan naman ito ng yakap ni Hilmar.
Subalit anong gulat nila nang makarinig sila ng putok ng baril. Malalaki ang mga mata nilang napatingin sila sa isa't isa......