CHAPTER 4: INIWAN MO AKO.
"Tandaan mo ang mga dadaanan natin dahil ikaw na lang mag isa ang babalik dito mamaya. Yung pera na ibinigay ko sa'yo, ingatan mong maigi. Iwan mo muna dito sa kabinet at wala namang mangingielam nyan. Magdala ka lang ng sapat na pera para masunodan mo ang kaibigan mo."
Paalala ni sir at sinunod ko naman ang mga sinabi niya.
Kanina ay manghang mangha ako ng makita kung magkano ang ibinigay nya sa aking pera.
Yun daw ang paunang bayad nya sa akin. Sampung libo ang laman nun at halos ayaw ko pa ngang tanggapin pero nang sabihin niyang yun daw ang panggastos ko sa loob ng isang buwan ay tinanggap ko na.
"Sige, dito na ako. Mag ingat ka, mamaya dadaanan kita sa apartment mo."
"Sige sir, salamat."
Tinalikuran niya ako at pumasok na sa loob ng building. Tiningala ko ang mataas at matayog na building ng MNM Clothing Line.
Hindi ako makapaniwala na sa araw na ito. Magbabago na ang buhay ko. Sa isang iglap nagbago ang simoy ng hangin.
Nagsimula akong maglakad pabalik sa lugar na tinutulugan namin ni Duday. Malapit lang din naman iyon dito kaya naman ayos lang at nilakad ko na lang din. Tirik na tirik pa rin ang araw pero hindi ko alintana dahil nasanay naman ako. Araw araw akong nangangalakal at nagbabanat ng buto. Ngayong araw lang ako nakapagpahinga kaya pakiramdam ko ay sobrang lakas ng katawan ko. Nakakain pa ako ng marami kanina.
Mabilis kong nakita si Duday doon na nag iisa, nakaupo sya habang nakayuko at madungis na madungis pa rin. Akala ko ba naligo sya?
Kumunot ang noo ko ng nagtaas baba ang balikat nya at magsimulang humikbi.
"Nasaan ka na, Ayame? Bakit mo ako iniwan!"
Histerikal na iyak niya at halos wala ng pag asa sa buhay.
"Hindi ka manlang nagpaalam... Sana sinabi mo sa'king sasama ka sa isang gwapong mayaman! Para... Para nakasama rin ako!"
Humagulgol sya ng iyak at pinagpapalo ang sahig na nilatagan ng karton.
Nag angat siya ng mukha. Kita ko ang mga luha nya at ang pagsabay na pagdaloy ng grasa sa kanyang mukha. Parang hindi niya ako nakita dahil walang pasabing kinuha nya ang mga nakalatag na karton at pinagpupunit niya iyon.
Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko, matutuwa dahil iniiyakan niya ang pagkawala ko o matatawa dahil para syang tanga sa harap ko.
Natigilan siya sa pagpunit ng mga karton ng napansin niya yatang may nakatayo sa harap niya. Pinunasan niya ang mga luha niya gamit ang damit nya.
"S-sino ka? Bakit mo ako tinititigan?"
Ha? Bakit di nya ako maalala? Nag ulyanin kaagad nawala lang ako ng ilang oras!
"Ako 'to si Ayame! Nag uulyanin ka na talaga."
Kumunot ang noo niya at tumayo ng maayos atsaka inilapit ang mukha niya sa mukha ko. Hindi pa sya nakuntento at inikutan pa talaga ako. Pakendeng kendeng pa ang bakla.
"Babaita!"
Itinuro niya ang mukha ko habang nanlalaki ang mga mata niya.
"Narinig ko kanina kila Baldo na sumama ka raw sa gwapong mayaman! Tapos pagbalik mo, ganyan ka na?"
Nginitian ko siya at hinawakan sa braso. Kinuha ko ang bag nya na gutay gutay at hinila na sya.
"Huy! Magsalita kang babae ka, saan tayo pupunta?!"
Huminto ako sa paghila sa kanya at nginitian siya ng malawak.
"Uuwi na tayo."
~*~
"Talaga? Grabe may pera pala talaga sa notebook mo!"
Halos walang masabi si Duday ng ikwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari. Nakaligo na rin siya sa banyo na may tabo naman, buti nga at may tabo dahil kung wala malamang magagaya si Duday sa akin.
"Kaso lang, nakakahiya sa'yo. Ikaw lang ang may trabaho pagkatapos ako, palamunin lang."
Malungkot na sabi niya. Alam ko naman na yun sa umpisa pa lang at wala namang kaso sa akin dahil mukhang malaki naman ang sasahurin ko sa kumpanya na iyon.
"Alam ko na!"
Nagulat ako sa biglaan niyang pagsasalita kaya napahawak ako sa dibdib.
"Ano ka ba? Nagulat ako sa'yo."
Hinampas niya ako ng mahina sa braso.
"Mag aapply ako ng trabaho kahit taga hugas ng plato."
Nakangiting sabi niya sa akin.
"Paano ka naman makakapag apply aber?"
Binuksan nya ang bag na may mga laman ng mga mahahalagang gamit niya at may kinuha sya doon.
Inilabas nya ang diploma nya at ang birthcertificate nyang halos inamag na sa kalumaan.
"Tadah!"
Napangiti ako sa naisip. Oo nga pala, nakapagtapos si Duday ng grade six. Mas matanda kasi siya sa akin ng dalawang taon.
"Tutal malinis na ako at may matino na tayong tirahan. Baka tanggapin na ako sa trabaho. Pero sa ngayon, pautang muna ako at bibili ako ng damit ko."
Tumayo ako sa kinauupuan ko at hinila siya patayo.
"Halika, mamili tayo. Pero konti lang ha. Kasi pagkakasyahin natin ang pera natin sa loob ng isang buwan."
Nakangiti syang tumayo ng maayos at naglakad na rin palabas kasabay ako.
"Oh, syur!"
Nilibre ko ng pagkain si Duday, hindi muna ako kumain dahil busog pa rin naman ako. Grabe daw ang gutom niya dahil wala syang naibentang kalakal kanina kaya ang dami nya ring nakain.
Pagkatapos ko siyang ilibre ng pagkain ay dumaan kami sa mga tyangge na nagtitinda ng mumurahing damit. Bumili ako doon ng mga damit na pwede kong isuot sa trabaho. Si Duday rin ay namili. Hindi naman kami gumastos ng malaki dahil mumurahin lang ang mga pinamili namin.
Gabi na nga ng makauwi kami. Binuksan ko ang pinto ng apartment at pagpasok ko ay nakita ko kaagad doom si sir Karlo na nakaupo sa kawayang upuan malapit sa bintana.
Nilingon niya kami at nakita ko ang nakakunot nyang noo.
"Saan kayo galing!"
Galit sya, hala lagot mukhang papalayasin na agad kami. God naman eh, bigay bawi ka naman.
"Ah, ano namili lang k-kami ng mga d-damit. Sa tingin ko k-kasi kailangan ito sa trabaho."
Nanginginig ang boses ko. Nahihiya ako sa kanya dahil unang araw pa lang nagagalit na sya.
Bumuntong hininga sya at tumayo at kinuha ang dalawang paper bag. Binuksan niya ang isa at nakita ko ang laman 'non.
"Sir?"
Iniabot nya 'yon sa'kin.
"Akala ko kasi tinakasan mo na ako. Pasensya ka na. Ayan, cellphone para macontact mo ako."
Tinitigan ko ang cellphone at ibinalik ko ang tingin ko kay sir Karlo.
"Sir, sobra sobra naman na po yata ang tulong niyo."
Nginitian niya ako ng matamis. Gwapo talaga ni sir. Lalo na ang dimples nya.
"Simpleng tulong lang ito, Ayame."
Tinapik niya ako sa balikat at iniabot ang isa pang paper bag sa akin.
"Kumain na kayo ng kaibigan mo. Tatawagan kita bukas ng umaga dahil bukas ka magsisimula."
***