"Ano ba ang kulay ng pusa mo?" tanong na ni Rj sa kanya. Kanina pa sila naghahanap ng pusa kaya malamang ay pagod na ito.
"Ano... uhmm.." Kamot-ulo siya habang lihim na napapangiwi. Nakaka-guilty naman. Paaano ba 'to? Paano niya sasabihin na naghahanap lang sila ng wala?
Nakaka-guilty naman. Hindi kaya magkarayuma ba ito kakalakad?
Marami naman silang nakita na pusa. Ang kaso panay lamang ang iling niya. Paano naman kasi siya tatango, eh, hindi naman niya talaga pusa ang mga iyon. Aisst!
"Puti? Itim? Ginger ang kulay ng puso mo?"
"P-puti. Puti si Mengmeng," napilitang sagot niya.
"Okay." Patuloy sa paghahanap si Rj sa taas at minsan sa baba ng kalsada.
Siya nama'y napapangiwi na lamang at napapabuntong-hininga.
"Ayun na yata." Mayamaya ay may nakita na naman itong pusa. Hinabol at inamo. Pagkuwa'y kinarga na at inilapit sa kanya.
Saglit na napatitig siya sa pusa. Pusa na kulay puti at mataba. Mukhang may lahi rin.
"Ito na ba ang pusa mo, Diane?"
"Ah, eh, oo. Siya na nga ang pusa ko," sagot na niya at kunwa'y natuwa. Bahala na.
"Ang cute naman pala ng pusa mo."
Ngumiti siya't kinuha na niya ang pusa. Buti na lang maamo. "Meng, naman sa'n ka na naman nagsusuot? Napagod tuloy kami kakahanap sa 'yo," at sabi niya sa pusa habang hinihimas-himas ang ulo.
"Mabuti at nakita natin ang pusa mo. Sayang 'yan sana. Mahal ang mga ganyang pusa, 'di ba?" sabi ni Rj.
Nang tingnan niya ito ay ngiting-ngiti. Paniwalang-paniwala na pusa niya nga iyon. Para tuloy itong tanga sa paningin niya.
"Oo, may lahi kasi. Iniregalo to sa 'kin ni Tatay ko noong birthday ko. Tuta pa lang siya noon."
Napakunot-noo si Rj. "Tuta?"
Lumaki ang mga mata niya kasi naman ang nasa isip niya ay 'yung alaga nilang aso. Aso talaga ang alaga nila sa bahay nila hindi pusa.
"I mean noong sanggol pa lang siya. He-he."
Natawa si Rj. "Baka ang ibig mong sabihin ay noong kuting pa lang siya."
"Ah.. eh.. oo nga pala. Kuting nga pala ang tawag kapag maliit na pusa," aniyang palusot at tatawa-tawa. Ito ang napapala ng taong nagsisinungaling. Yay!
Natawa ulit si Rj sa dalaga. Naging cute lalo si Diane sa paningin nito. Sana nakilala niya ito noon pa o mas late sana siyang ipinanganak ng Nanay niya para hindi ganito na nahihirapan siya. Aaminin niyang gusto talaga kasi niya si Diane. Hindi lang gusto, higit pa doon.
"O, sige, gabi na. Ihahatid na kita."
"Huh?"
"Nahanap na natin 'yang pusa mo kaya halika na umuwi ka na. Baka hinahanap ka na ng Tatay mo."
Napangiwi na naman si Diane. Paano ba 'to? Pero sige na nga saka na lang siya ulit maghahanap ng tuko.
"Si-sige po," pagpayag niya.
Naglakad ulit sila pabalik ng bahay. Karga-karga niya ang pusa. Patawarin na lang siya kung sino ang nagmamay-ari niyon, pero iuuwi niya muna ito ngayon. No choice, eh.
"Close ba kayo ni Aron?" ang hindi niya inasahang itatanong sa kanya ng katabing naglalakad.
Napatingin siya rito at in fairness guwapo talaga si Tito Rj. Para bang nagka-edad na Aron lang.
"Sabi kasi ni Aron ay schoolmate kayo sa Sanchi College kaya naitanong ko."
"Opo, schoolmate nga kami pero hindi po kami masyado close," kiming sagot niya. At ewan niya pero parang nakita niyang nagliwanag ang mukha ni Tito Rj.
"Pero crush mo raw siya?"
"Po?" Kunwa'y nagulat siya. Lumaki talaga ang mga mata niya. "Sino naman po ang nagsabi?"
"Siya. Si Aron mismo," mabilis na sagot ni Tito Rj.
Napangiwi "HE-HE" lang siya. As in dalawang HE lang dahil nahiya naman siya. Sinabi talaga iyon ni Aron? Tsinismis siya? Ang sama naman.
"Okay lang 'yon. Normal lang 'yon sa inyo na mga teenager. Ang hindi normal ay iyong walang crush," sabi ulit ni Tito Rj.
Tipid siyang ngumiti. Gustong niyang itanong kung sinabi rin ba ni Aron na pinagtatawanan siya dahil mukha siyang tanga sa panunuto rito, pero huwag na lang.
Hanggang sa makarating na sila sa tapat ng bahay nila.
"Salamat po sa paghatid, Ti—" Hindi nita alan kung anong itatawag niya sa kasama. Tito ba, uncle, o kuya?
"Just call me Rj if it's okay with you?"
"Huh?" Nagulat siya dahil parang wala naman siyang galang kung Rj lang ang itatawag niya rito.
Natawa si Rj. "Ayoko kasing ma-feel na may edad na ako kaya kung sana pwede ay Rj na lang itawag mo sa 'kin."
Ngumuso-nguso siya. Astig din pala itong uncel ni Rj, eh. Kaya pala kung makaporma ay parang binata pa rin dahil feeling binata nga pala talaga.
"Okay lang ba?"
"Sige po kung sa ganoon kayo komportable. Mukha pa rin naman kayong bata."
Natawa konti si Rj. "Salamat, Diane. Sige, alis na ako. Ingatan mo ulit iyang pusa mo at baka mawala na naman."
"Opo. Salamat din po."
Inihatid niya ng tanaw ang binatang may edad na. At napa-tsk siya nang wala na ito dahil naabala niya ito sa walang kabuluhang bagay.
"Meng, saan ang bahay niyo? Ihahatid na kita?" pagkatapos ay parang tao niyang kinausap ang pusa na karga-karga. Kaso'y pusa lang talaga ito kaya nag-MEOW lang ito sa kanya.
Mas na-stress siya. Paano na 'to? Hindi niya pwedeng ipasok sa bahay nila ang pusa dahil ayaw na ayaw ng Nanay niya ng pusa. Hindi rin naman pwedeng iwanan na lang niya ito basta-basta sa labas. May konsensya rin naman siya kahit paano. Ano 'yon pagkatapos niyang gamitin, iiwanan na lang? 'Di naman pwede 'yon.
Napalatak siya. Hanggang sa nagpasya siyang ipasok pa rin sa bahay ang pusa. Ikukulong na lang niya sa silid niya para hindi makita ng Nanay niya ta's bukas ay pasimple na lang niyang ilalabas.
"Diyan ka lang, Meng, ha? Huwag kang lalabas kundi patay ka sa Nanay ko. Matulog ka na lang muna at bukas ay ihahatid kita sa amo mo," aniya sa pusa.
Namangha siya dahil hindi lang mabait ang pusa, matalino pa. Agad kasi itong humiga sa ibabaw ng kama niya at natulog na nga. Para ba'y naunawaan siya.
Napangiti naman siya buti pa ang pusa masunurin. Sana all.
Humiga na rin siya at natulog. Hindi niya muna inisip ang tungkol sa gayuma dahil na-i-stress lang siya.
KINABUKASAN. Kinumpronta ni Aron ang tiyuhin. Ang usapan kasi nila kagabi ay susunduin ito Rj pero namuti lang ang mata nito kakaantay.
"Sa'n ka nagpunta kagabi, Tito?"
"Huh?!" Kamot-batok si Rj dahil sa pagtulong niya kay Diane kagabi ay nakalimutan niya pala ang pamangkin. Ngayon lang niya naalala.
"Hindi ba sabi ko gigimik tayo kasama si Jazz? Nag-taxi na lang tuloy kami dahil ang tagal mo. Dyahe."
"Sorry naligaw ako, eh," pagsisinungaling niya.
"Tito naman, eh. Ang linaw ng sketch ko kahapon kung nasa'n ang bahay nina Jazz."
"Sorry na nga. Next time na lang. Bawi ako."
Kamot-ulo na lang si Aron na nailing-iling. Sabagay ngayon lang naman pumalpak ang tiyuhin kaya hinayaan na lang nito. Ka-badtrip lang kagabi kaya kinumpronta nito ito ngayon. Muntik na kasing hindi matuloy ang lakad nila ni Jazz dahil wala silang sasakyan.
Lihim natatawa naman si Rj. Hindi siya makapaniwala na dahil sa pusa ay nakalimutan niya si Aron kagabi. O sa tamang salita ay dahil kay Diane. Ito na ba sang tinatawag nilang love?
Tumunog ang cellphone ni Aron. Sinagot iyon ng binata. Iiwanan na sana niya ito pero ang lakas kasi ng boses ni Aron kaya napalingon ulit siya rito.
"Sige sige, wait for me. I'll head over there right now. Hahanapin natin si Patty." Pinatay ni Aron ang tawag saka tumingin sa kaniya. "Tito, samahan mo ako. I need your help. Dali."
"Bakit?"
"Si Jazz po. 'Yung pusa niya nawala raw kagabi."
Napakunot-noo si Rj sa narinig. Seriously? Lahat ba ng tao ngayon ay nawawalan ng pusa?