"Buti naman at nandito ka na, Tito." Nakahinga ng maluwag si Aron nang madatnan niya ang Tito Rj niya sa bahay nila. Niyakap niya ito nang maluwang bilang pagwe-welcome home. Para siyang natanggalan ng tinik sa dibdib dahil ang tagal niyang nagpaikot-ikot sa airport kanina. Nang hindi niya makita ay kinakabahang umuwi siya dahil sa isip-isip niya ay baka nawala o naligaw na ito.
Sobrang natagalan siya. Pinagawa pa kasi niya ang kotse ng Daddy niya na nasiraan kalsada, bago niya ito nasundo. Kaso pagdating niya roon ay hindi na siya naantay pa. Buti na lang talaga at nandito na sa bahay nila, kundi lagot siya sa Mommy at Daddy niya sana.
"Where have you been? Bakit hindi mo nasundo ang Tito Rj mo? Buti nakarating siya rito sa bahay," tulad nga nang inaasahan niya ay sermon pa rin sa kanya ng ama.
"Huwag mo nang pagalitan ang pamangkin ko, Kuya. Nakauwi naman ako nang maayos, eh." Inakbayan ni Rj ang kapatid saka kumindat naman sa pasaway niyang pamangkin. Close sila na magtiyuhin kaya nagtatanggulan sila.
"Kahit na! 'Yang batang 'yan talaga 'di na maasahan! Lumalaki nang paurong!"
"Nasiraan ako sa kalsada, Dad, at hindi ako makatawag dito o kay Tito Rj dahil naiwan ko dito sa bahay ang cellphone ko. Sisihin mo ang kotse mo. Bulok na pala," mahaba ang ngusong pagrarason ni Aron.
Lalo lang naman nagalit si Mang Arnold. "Tingnan mo! Sinira mo pa pala 'yong sasakyan! Hay! Bwisit talaga!" anito saka agad lumabas sa garahe para i-check ang pinakamamahal nitong sasakyan.
Tatawa-tawa na naiwan sa sala ang magtiyuhin. Apiran pa ang dalawa. Sanay na sila sa laging highblood na si Mang Arnold.
"So, paano ka nakarating rito, Tito?" usisa ni Aron sa tiyuhin nang umupo sila sa sopa.
"Nag-taxi na lang ako at nagtanong-tanong. Ang tagal mo, eh. Alam mo naman na madali akong mainip."
Kamot sa ulo si Aron. "Minalas, eh. Ngayon pa nasiraan. Sorry, Tito."
Magaang tapik sa balikat ang isinagot ni Rj sa balikat ng pamangkin. Pagkuwa'y biglang may pilyong naalala. "Siya nga pala, Aron."
"Ano po 'yon?"
"Kilala mo ba 'yong babaeng nagbebenta ng palamig sa may malapit na kanto? Sa may plaza ba 'yon?"
Awtomatiko ang pagkunot ng noo ni Aron sa tiyuhin. "And why are you asking?"
Napangisi ang binatang may edad na pagkuwa'y napahawak sa sariling baba. "Wala naman. Sa kanya kasi humingi ng tulong kanina, eh. Ang cute niya kasi."
"Baka si Diane o Gerlie, Tito. Sila lang naman ang nagbebenta ng palamig doon."
"Ah, baka nga malamang isa sa kanila," ngiting-ngiti na saad ni Rj. Animo'y nangarap pa.
Nagtaka tuloy si Aron sa tiyuhin. Sa isip niya'y huwag sanang sabihin ng Tito Rj niya na type nito ang isa sa mga dalaga na nagbebenta ng palamig. Ang tanda na kasi ng Tito niya at ka-edad niya naman sina Diane at Gerlie. Hindi bagay. Ang laki ng age gap nila.
"Kaibigan mo ba sila? Pakilala mo naman ako sa kanila nang mayroon naman akong kaibigan dito," pakiusap ni Rj sa pamangkin.
"Po?" Napangiwi na talaga si Aron.
"Pakilala mo ako kahit do'n sa isa lang. Kay cute."
Kamot-ulo si Aron. Patay na! Mukhang tinamaan na nga yata talaga ang Tito Rj niya. Pero kanino kaya? Kay Diane kaya? Naku huwag naman sana dahil sigurado basted agad ang Tito niya dahil patay na patay sa kanya ang babaeng 'yon. Ayaw niyang ma-heartbroken na naman ang tiyuhin, dahil kung hindi tatanda na talaga ito ng walang asawa.
"Pakilala mo ako, hah?" siko pa sa kanya ng tiyuhin.
Maasim ang mukhang tumango na lang si Aron. Mapapasubo pa yata siya talaga, ah?
Ayaw niyang dumidikit kay Diane dahil ayaw niyang paasahin ang dalaga. Mahal na mahal niya kasi si Jazz kaya imposible na magustuhan niya si Diane. Minsan nga ay naaawa na siya sa dalaga.
Abo't tainga naman ang pagkakangiti ni Rj habang binabalikan sa isip niya ang babaeng nakausap kanina.
Inaamin niya, kanina ay may sumikdo agad sa puso niya nang makita niya ang maamo at magandang mukha ng babaeng 'yon. Nagulat nga siya kanina, eh. Paano'y parang nakakakita siya ng anghel. Hindi lang niya pinahalata sa babae dahil alam niya na bata iyon para sa kanya.
Alam niyang mali na humanga siya sa babaeng 'yon dahil para na niya iyong pamangkin tulad ni Aron. Para na nga rin niyang anak, pero talagang iba kasi ang naramdaman niya kanina. Hindi niya maipaliwanag at lalong hindi niya mapigilan kung ano man iyon.
At sa totoo lang, first time niya iyon na naramdaman sa tanda na niyang iyon. Buti nga napigilan pa niya ang sarili kanina at kunwari ay dedma lang siya sa babae kahit ang totoo ay nakalingon pa rin siya sa taxi nang iniwan na niya ito.
Sa tanda na niya ay kinilig nga rin siya nang nakita rin niya na nakasunod ang tingin ng babae sa taxing sinakyan niya. Ina-assume niya na napogihan din ang batang 'yon sa kanya.
"Hoy, Tito. Nawala ka na sa sarili mo, ah," untag ni Aron sa kaniya.
"Ah, eh... " Namula ang magkabilang pisngi niya. Pakiramdam niya ay para siyang nagbalik sa kabataan dahil alam niya ulit na ang mag-blush at kiligin.
"May problema po ba?"
"Syempre wala. Sige na pahinga muna ako. Napagod ako sa byahe," pag-iwas na niya sa pamangkin. Nahihiya siya dahil ang tanda-tanda na niya, eh, pumapabebe pa siya.
"Sige po," takang-taka na sagot ni Aron. Iiling-iling na naiwan ito sa sala. Wirdong-wirdo sa inasal ng tiyuhin.
Mabuti na lamang at naalala niya ang practice nilang ulit na magbabarkada sa court. Nawala ang pagtataka niya sa kanyang Tito Rj.
Madali siyang nagtungo sa kanyang kuwarto. Kinuha ang bola at ang cellphone na rin niya.
"s**t!" naibulalas niya dahil ang dami na palang text ni Jazz. Galit na sa kanya ang nobya niya dahil bakit daw hindi siya nagre-reply.
Sinubukan niya itong tawagan para magpaliwanag habang naglalakad siya palabas ulit ng bahay at patungo sa basketball court sa may plaza. Ang kaso ay ayaw nang sagutin ni Jazz ang tawag niya. For sure nagtatampo na naman ang sensitive but sweet niyang girlfriend.
He tried to call her again.
"Hi, Aron," hanggang sa natigilan siya nang may magsalit.
Nagtaka siyang tiningnan kung sino iyon.
"Baka gusto mong magpalamig muna? Libre lang," as usual ang makulit na si Diane na naman.
Hindi agad siya nakasagot dahil naalala niya ang Tito Rj niya. Wala sa sarili niyang napatitig siya sa dalaga. Si Diane kaya ang tinutukoy ng Tito niya na babae? Cute kasi si Diane.
Ang hindi alam ni Aron ay iba ang naging dating ng titig nito kay Diane. Kinikilig na si Diane. Nag-ipit na ng buhok sa tainga nito.
"Ano? Eh, di tameme ka sa beauty ko?" kilig na kilig na sabi ni Diane sa loob-loob nito. Sa wakas napansin na rin siya ng crush niya! Thank you, Lord!
Bumuntong-hininga si Aron. Wala lang na naman na nilampasan niya ang dalaga. Hindi talaga siya komportable na magkalapit silang dalawa. At saka takot siya na baka may makakita sa kanya na may kasamang ibang babae at makarating kay Jazz. Ayaw niyang mag-away silang magkasintahan dahil lang sa walang kwentang bagay.
"Aron, wait lang!" Lakas-loob na habol naman sa kanya ni Diane.
"Yes?"
"Ayaw mo talagang magpalamig muna?"
Umiling siya. "Sorry pero hindi kasi ako umiinom niyan."
"Gano'n ba," nanlumong wika ng dalaga. Sobrang nalungkot.
Naawa naman si Aron kaya napilitan siyang pagbigyan na lang. "S-sige, akin na 'yan. Nauuhaw na pala ako."
Biglang umaliwalas ang mukha ni Diane at tuwang-tuwa nang inumin niya ng sagad ang basong plastik ng palamig na ibinigay sa kanya.
"Thanks," nakangiting pasasalamat niya pa.
"Y-you're welcome..."
"Sana walang gayuma 'yon," biro niya at ewan niya kung saan galing. Basta nasabi niya na lang bigla.
Lumaki ang mga mata ni Diane. "Naku wala. Walang gayuma ang palamig namin," saka ngiting-ngiti na sabi. Ni hindi man lang yata na-disappoint sa kanyang tinuran.
"Good. Sige maiwan na kita. I have to go," paalam na niya.
Ang hindi niya alam ay parang nasemento si Diane nang iwanan niya. Munting na siyang nagtitili. Totoo ba talaga 'yon? Pinansin talaga siya ni Aron? O panaginip lang ang lahat?
Nasagot ang tanong ni Diane nang tinampal siya sa noo ni Tatang.
"Aray naman, Tatang!" Sinimangutan ni Diane ang matandang pulubi. Napahawak siya sa kanyang noo. But wait, nasaktan siya? So, totoo ang lahat? Hindi panaginip?
"Baka kako kasi ay mahanginan ka. Natulala ka na, eh."
Ngumiti na si Diane ng matamis sa matanda. As in, matamis na matamis na ngiti. "Nakita niyo po 'yon? Pinansin na ako ni Aron. Ininom niya 'yung palamig ko. Hindi na niya tinanggihan."
"Nauhaw lang 'yon kaya napilitan," kaso ay pambabasag-trip sa kanya ng matanda. Walang pake na muling bumalik sa pwesto nito sa gilid ng kalsada para mamalimos sa mga taong nagdadaan.
"Grabe naman kayo, Tatang. Hindi ba puwedeng maging masaya na lang kayo para sa 'kin? Parehas talaga kayo ni Gerlie," nagtatampo niyang sabi.
"Buksan mo kasi 'yang mga mata mo at aminin mo sa sarili mong hindi ka magugustohan ng lalaking iyon."
"Ayoko nga. Hindi ako mawawalan ng pag-asa, Tatang. Hindi ko siya susukuan hangga't hindi pa sila kinakasal ng girlfriend niya."
"Gayumahin mo na lang kasi para hindi ka nagmumukhang tanga. Kung nilagyan mo 'yong ibinigay mo na juice ngayon, eh di sana tapos na ang iyong problema."
Natigilan siya. Naalala niya 'yung kasasabi lang kanina ni Aron na sana walang gayuma iyong palamig na ibinigay niya. Sayang nga. Chance na sana.