Kabanata 26 Pabagsak akong humiga sa kama. Ramdam ko na ang pagod mula sa paglilibot ko sa beach nang ilang oras. Ngalay na ang mga paa ko at medyo masakit na rin ang ulo ko. Kakatapos ko lang maghugas ng katawan at naghahanda na para matulog. Bukas kasi ay kailangang maaga akong gumising para tulungan si Uno na mag-prepare dahil mag-a-island hopping daw kami sabi ni Ma’am Antonette. Sabi niya ay ipaparanas niya raw sa akin ang lahat ng pwede kong maranasan sa isang beach vacation, at isa na roon ang island hopping. Marami pa siyang plano sa totoo lang, pero hindi ko alam kung magagawa ba namin ‘yon lahat. Kinuha ko ang cellphone ko at tiningnan ang mga picture namin ni Uno. Hindi ko mapigilang mapangiti habang tinititigan ang ilang pictures kung saan sumilay ang ngiti niya kahit tipid.

