“MAGKASAMA KAYO kagabi?!”
“As in magdamag?!”
Mula nang umalis sila sa conference room ay hindi na tinigilan si Sasha ng mga kasamahan niya sa trabaho. Pare-pareho lang naman ang tanong ng mga ito. At iisa lang din naman ang naging kasagutan niya. Wala. Malapit na rin siyang mapundi at kung hindi nga lagn siya shocked pa sa mga nangyari kanina sa conference room ay baka binulyawan na niya ang mga ito. Sina Cindy at Dahlia lang ang tanging mga taong hindi siya pinaulanan ng tanong. Alam kasi ng mga ito kung ano ang totoong nangyayari. Well, medyo.
“Tigilan na ninyo si Sasha,” saway ni Cindy sa mga ito. “Magtrabaho na lang kayo kung ayaw ninyong masisante lahat.”
“Bakit,” kontra ng isa sa mga co-employees nila. “Ikaw na ba ngayon si Bisor?”
“Bakit? May angal ka? Anong gusto mo? Isumbong ko pa kayo kay Sir?”
Sa wakas ay nilayasan na rin siya ng mga ito. Tinapik siya sa balikat ni Dahlia.
“Okay ka lang?”
“Mukha ba akong okay?”
“Hindi.” Napangisi ito nang sumimangot lang siya. “Well, look on the bright side. May guwapo ka ng boyfriend ngayon. Mayaman pa. Patalsikin mo na ang lahat ng mga asungot dito sa office.”
“Pero ayos ang drama ninyo, ha?” singit ni Cindy na gaya ni Dahlia at napapangiti na rin.
Lumapit ang mga ito sa kanya upang sila lang ang magkarinigan sa kanilang pinag-uusapan. May palagay siyang walang balak ang mga itong itama ang iniisip ng kanilang mga kasamahan doon tungkol sa kanila ni Raiden.
“The best. Angas. Asteg!”
“Sapakin kaya kita diyan?” Tinawanan lang siya ng mga ito. “Nakakahiya talaga kanina! Bakit niya sinabi iyon? Dapat pala hinintay ko na lang na makabalik siya sa ofis niya at saka ko siya nilapitan.”
“O kaya naman, dapat ay pinatay mo muna ‘yung cellphone niya.”
“Oo na, katangahan ko na iyon.” Muli siyang napabuntunghininga. Hindi na niya maintindihan ang mga data sa kanyang computer. Hindi kasi niya makalimutan ang mga eksena kanina.
“Huwag mo ng intindihin iyon,” alo ni Cindy. “Baka nagbibiro lang siya. Alam mo iyon?”
“Hindi.” She leaned her head on the computer. “Kung nagbibiro siya, bakit sa harap pa mismo ng asawa niya? Ano ba ang gusto niyang mangyari? Awayin ako ng misis niya?”
“Baka naman hindi talaga sila mag-asawa.” Sabay silang napatingin ni Cndy kay Dahlia. “Hey, naisip ko lang naman iyon. Kasi wala namang matinong lalaki na magsasabi ng ganong kalokohan sa harap mismo ng asawa nila, di ba? Lalo na at ang tipo ni Sir Raiden e hindi naman mukhang luku-luko.”
“O, ung babaeng ‘misis’ niya, e parang nakakahiyang biruin ng ganon, di ba?” dugtong ni Cindy. “Hmmm, medyo kataka-taka ngang isipin iyon. Baka nga hindi naman talaga niya asawa ang babaeng iyon, Sasha.”
Saglit siyang napahinto. May katwiran ito.
“Pero kung hindi ka mapakali diyan,” wika uli ni Dahlia. “Puntahan mo si Sir Raiden at kumprontahin. Sabihin mo, panagutan niya ang ginawa niya sa iyo—aray!”
Binato na niya ito ng nilamukos na papel para lang manahimik na ito. Saka siya tumayo.
“O, Sasha, saan ka pupunta?”
“Kukumprontahin ko si Sir Raiden.”
“Anong sasabihin mo?”
“Panagutan niya ang ginawa niya sa akin.”
“Alright!”
“Go, girl!”
“Sasha,” tawag sa kanya ng sekretarya ng dating direktor ng Timber Land. Na ngayon ay siyang sekretarya na ni Raiden. Kalalabas lang nito ng silid ng lalaki. “Ipinatatawag ka ni Sir Raiden.”
“Bakit daw?” Nakagat niya ang labi nang taasan siya nito ng kilay. Me and my big mouth. “S-sige, papunta na nga ako…”
Sablay talaga siya kahit kailan. Paghawak niya ng seradura ng pinto ng pribadong silid at maramdaman ang lamig niyon, tila nanlamig din ang buong katawan niya. maghaharap na silang muli ni Raiden pagkatapos ng mga nangyari kanina. Anong sasabihin niya? Anong sasabihin nito? Sasabunutan ba siya ng asawa nito pagpasok niya roon?
“Come in.”
Nabuksan niya nang wala sa oras ang pinto sa gulat nang marinig ang boses na iyon. Wala namang sumalubong na kalmot at sampal sa kanya kaya kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag. Wala roon ang ‘misis’ nito. Unang tumambad sa kanya nang mahimasmasan ay ang pesteng cellphone sa mahogany table. Sunod na nakakuha ng atensyon niya ay si Raiden mismo. Naka-upo ito sa gilid ng table nito habang may kung anong binabasa.
“Close the door,” utos nito nang hindi siya tinatapunan ng tingin.
“Sir, an—“
“Close the door,” ulit nito.
She did. Hindi niya alam kung ano ang meron sa lalaking ito at napapanginig siya nito ng ganito. Samantalang wala naman siya talagang kasalanan. Kailangan niyang labanan ang takot na iyon.
“Read this.” Iniabot nito sa kanya ang binabasa nitong card. “Sabihin mo sa akin kung ano ang tingin mo riyan pagkatapos.”
“Ha?” Inalog lang nito ang tila card na iyon kaya napilitan na siyang kunin iyon. “Wedding invitation?” Binasa niya ang pangalan ng mga ikakasal. Laurie Imperial and Joseph Bonifacio. “Laurie? Hindi ba’t—“
“Ano sa palagay mo? Bagay ba sila?” Nagsalin ito ng kape bago siya muling hinarap. “I don’t like that Joseph guy. Alam mo bang mahirap lang iyan? Supervisor lang iyan sa isang beer company. Wala siya sa kalingkingan ng kayaman ko. In my opinion, he’s a gold-digger. Kukuwartahan lang niya si Laurie.”
Parang nahilo yata siya sa sinabi nito. Kung ganon, tama sina Cindy.
Humigop ito ng kape. “Ako dapat ang pinapakasalan ni Laurie, instead of that good-for-nothing gold digger. You do agree with me, right?”
“Sir?”
“You’re not listening.” Ibinaba nito ang tasa ng kape at binawi sa kanya ang wedding invitation. “Sisantehin kaya kita?”
Doon siya natigatig. “T-teka, sandali lang ho. E, kayo naman kasi ang magulo—“
“You’re fired.”
“Sir!”
“Bakit?” Nakatutok na uli ang pansin nito sa card.
“Hindi…hindi mo ako puwedeng basta na lang sisantehin—“
“And why’s that? Are you the boss now?”
Hindi siya makahirit. Ano nga naman ang karapatan niyang tumutol sa gusto nito samantalang empleyado lang siya?
“Sir, sorry kung hindi maganda ang mga sinabi ko. Ang sa akin lang naman ho, hindi ko kasi naintindihan ang mga sinabi ninyo kanina. Kaya hindi ko ho kayo masagot nang maayos. Sorry ho kung na-offend ko kayo…”
Darn! Naiiyak na siya. Hindi niya akalain na ang pagkukrus ng landas nila ng lalaking ito ay hindi glorya ang hatid sa kanya kundi impiyerno. Inisip pa naman niyang isa na ito sa mga extinct na lahi ni Adan nang tulungan siya nito at ang matanda sa LRT. Letse! Napeke lang pala siya. Dahil ang isang ito ay—ewan! Gusto na niyang magmura. Napigil lang niya ang dila nang sa wakas ay humarap sa kanya si Raiden. Ito ang isa pang peste! Parang gusto kasi niyang kalimutan ang asar sa mundo nang mapagmasdan ang napakaguwapong mukhang iyon.
“O, bakit ka naiiyak?” tanong nito. “Inaano ba kita?”
Isang malutong na malutong na mura ang umalingawngaw mula sa kanya. Kahit siya ay nagulat sa sarili niya kaya nga bigla na lang niyang tinakpan ng mga kamay niya ang kanyang bibig. Akala niya ay ihahagis na siya nito sa labas ng bintana. Kaya nga laking pagtataka niya nang bigla na lang itong humalakhak nang malakas.
What the—Nasisiraan na ba ng ulo ang isang ito? Oh, my God! Baliw na nga yata ang amo namin!
Mayamaya ay dahan-dahan na rin itong tumigil sa pagtawa saka lumingon sa kanya. And despite the fact that she knew he was a bit of a weirdo, she still couldn’t help but admire this handsome man in front of her. Sinenyasan siya nitong lumapit dito. Atubili pa siya nang sundin ito. Naka-upo na ito sa gilid ng table nito ngunit magkasingtangkad lang sila. Kung tatayo ito, no doubt he would be towering her.
“B-bakit ho?”
“Lapit pa.” She took a step forward. “Lapit pa.” She took another step.
Humalukikip ito, tila ba naiinip sa kanyang ginagawang installment na paglapit. Nang nasa harap na talaga siya nito, hindi na naman siya mapakali. Kasi naman, tila nadagdagan ang gandang lalaki nito sa ganon kalapit na anggulo. Meron palang ganon. Pero hindi rin siya puwedeng maging kampante. Afterall, he was a bit weird.
“Patingin ng mga kamay mo.”
“Ho?”
Imbes na sumagot ay ito na lang mismo ang nag-abot sa kamay niya at pinakatitigan ang mga iyon. Tumango-tango ito.
“No nailpolish but still clean. I like that. Puwede ka na.”
“Sir?”
“I’m re-hiring you as my pretend girlfriend.”
“What?”
“Pretend. Girlfriend.”
She took a few steps backward. Naghanap na rin ang mga mata niya ng matigas na bagay na puwede niyang maipalo rito sakaling magtangka ito ng kung ano sa kanya. Nasisiraan na yata talaga ito ng ulo. How could he casually offered her such a thing?
“Pinaalis na ba kita?” tanong nito. “Bumalik ka dito. Hindi pa ako tapos sa sasabihin ko.”
“E…d-dito na lang ako, Sir.”
“Marunong ka pa sa akin. Gusto ko dito ka sa tabi ko.” Hindi pa rin siya kumikilos. “Ayaw mo? Sige, puwede ka ng umalis. Huwag ka na rin nga palang babalik pa. One more thing, maghanda ka na rin pala mga damit dahil matatagalan ka sa presinto.”
“P-presinto?” He must be talking about his cellphone that had been in her hand earlier.
She was beside him in a flash. Ayaw niyang makulong! Hinawakan uli nito ang kamay niya at pinakatitigan iyon habang nagsasalita.
“Madali lang naman ang magiging trabaho mo. I could offer the position to someone else but they all have nail polishes on their nails. Ayoko ng ganon. Para sa akin tamad ang mga nagkukulay ng mga kuko sa kamay. Ayaw nilang maglinis lagi ng mga kamay kaya itinatago na lang nila ang mga dumi sa kuko nila sa nail polish.” Pinagsalikop naman nito ang kanilang mga kamay. “Hmm, it fitted perfectly. Nice.” Then he let her go. “Sige, bumalik ka na sa puwesto mo. Tatawagin na lang kita kapag kailangan kita. Ah, oo nga pala.” Ibinigay nito sa kanya ang wedding invitation. “Burn this.”
Ganon lang at pinakawalan na siya. Bumalik na rin ito sa likod ng table nito at ibinuro na ang atensyon sa nagkalat na mga papeles sa harap nito. Wala sa sarili siyang naglakad patungo sa pinto.
“Just a sec,” narinig niyang tawag nito sa kanya. “I haven’t ask your name.”
“Anastasha Fajardo.”
Tumayo ito at lumapit sa kanya. She was right. He has a towering height. And an impeccable goodlooks.
“My name’s Raiden Altavano.” Binuksan nito ang pinto para sa kanya. “I thought you might want to know. Nakita ko kasing hindi ka nakikinig kanina habang nagsasalita ako sa meeting.”
Biglang-bigla, parang gusto niyang pamulahan ng mukha. “Nice to meet you, Sir.”
Biting her lip and her head down, she went out of his room and blew out a deep sigh. Sa buong buhay niya, hindi niya akalaing magpipigil siya ng hininga gaya ng ginawa niya habang nasa silid ng bagong amo. At hindi rin niya akalaing magiging ganito kabilis ang mga pangyayari sa kanyang buhay na halos hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makapag-isip man lang ng sasabihin.
“Anong nangyari, Sasha? Pananagutan ka na daw ba niya?” tanong agad ng mga kaibigan niya.
“He just fired me.”
“What?!”
“And re-hired me again.” Lumapit siya sa mga ito at binulungan. “As his girlfriend.”
“What?!”
“Pretend. Girlfriend.” Nakatanga na lang sa kanya ang mga ito. “I know. Kailangan ko siyang balikan at sampalin saka ko sasabihing maghanap siya ng ibang maloloko—“
“No!” Sabay na tinakpan ng kamay ng mga ito ang kanyang bibig. “Huwag kang maingay!”
“At huwag ka ring magpadalus-dalos, Sasha!”
Inalis niya ang kamay ng mga ito. “Anong magpadalos-dalos? Sisirain niya ang buhay ko! Nananahimik ako rito—“
“I thought you like him.”
“Kanina, oo. Pero ngayon, hindi na. Ang lakas ng sayad niya sa utak!”
“Pareho lang naman kayo.”
“Kaya nga bagay kayo, eh.”
Itinulak lang niya ang mga ito. At nag-isip nang malalim. Saka siya nagpasyang puntahan uli si Raiden sa opisina nito. Ngunit napaurong siya pabalik sa kanyang kinauupuan nang makitang lumabas ng silid nito ang binata. Diretso ang tingin nito sa kanya. Umurong na naman ang dila niya lalo na nang lumapit ito sa kanya at hawakan siya sa kamay.
“Let’s go, Anastasha.”