ETERNITY
Hindi ko na namalayan kung anong nangyari sa akin. Nagising na lang ako na puro puti ang nasa paligid ko.
"Nasaan ako?" bigla kong naitanong.
"Ma'am, nasa hospital po kayo," sagot sa akin ng nurse.
"Okay naman ako, hindi ba? Wala namang masamang nangyari sa akin, hindi ba?" sunud-sunod kong tanong sa nurse.
"Okay naman po kayo, ma'am. Kaso sa susunod, h'wag po kayong magpapalipas ng gutom," sabi sa akin ng nurse. Naisip ko na hindi pala ako kumain kanina dahil inuna kong gawin ang trabaho ko.
"Salamat sa paalala," tangging sagot ko sa nurse at nginitian ko siya.
Nilibot ko ng tingin ang paligid kung may tao pa ba bukod sa amin, wala akong nakikita.
"Walang anuman po, ma'am," nakangiting sagot sa akin ng nurse.
"Miss, sino nga po pala ang nagdala sa akin dito?" mahina kong tanong sa nurse.
"Ang natandaan ko lang po ay isang lalaki ang nagdala sa iyo rito," sagot ng nurse sa akin. Siguro ang assitant ni Mr. Pyle or driver niya ang naghatid sa akin. Ngayon, alam kong galit si Mr. Pyle, dahil gumawa ako ng eksena kanina. Handa naman akong harapin ang galit niya sa akin.
"Sige, salamat ulit," wika ko sa nurse.
"Siya nga po pala, ma'am, hintayin niyo raw po rito ang susundo sa inyo at h'wag kang aalis. Bilin po sa akin ng lalaki kanina," sabi ng nurse sa akin. Tumango lang ako sa sinabi niya. Alam ko ang iniisip ni Mr. Pyle. Akala niya ay tatakasan ko siya. Paano ko naman siya tatakasan kung hawak niya ang mga magulang ko at ang kumpanya namin?
Iniwan muna ako ng nurse at naiwan akong mag-isa. Naaawa ako sa sarili ko dahil sa nangyayari sa buhay ko. Pero lalaban ako.
GOMER
"Kumusta si Miss Veox?" tanong ko sa assistant ko pagkatapos ng meeting ko.
"Okay naman po siya, sir. Ang sabi ng doktor ay nalipasan lang po siya ng gutom kaya nahilo at hinimatay po siya," sagot niya sa akin.
"Good. Naayos mo na ba ang bill? Dadaanan natin siya sa hospital at sabay-sabay na tayong umuwi," wika ko sa kanya.
"Naayos ko na po kanina bago ako bumalik dito, sir," sagot niya sa akin.
Hindi ako p'wedeng maawa sa kanya. Kung nalipasan man siya ng gutom ay hindi ko na kasalanan iyon. Hindi na siya bata para pati sa pagkain ay ipaaalala ko pa. Unang araw pa lang ito at marami pang sakit ang mararamdaman niya.
ETERNITY
Nagulat ako na kasama si Mr. Pyle sa pagsundo sa akin. Hinihintay namin siya ng assistant niya na kausap pa ang doktor. Seryoso ang kanyang mukha sa pakikipag-usap sa doktor na akala mo'y may malubha akong sakit. Nakakatakot siyang tingnan.
Hindi ko makuhang tingnan siya ng diretso, parang kakainin niya ako ng buhay. Magkakaroon pa yata ako ng phobia dahil sa kanya.
Pagkatapos niyang kausapin ang doktor ay nauna na siyang naglakad palabas sa hospital. Nakasunod lang ako sa kanila. Natatakot ako baka ipahiya niya ako roon sa hospital. Mabuti na lang at hindi niya ako kinausap hanggang sa nakarating na kami ng bahay.
"Pumunta ka mamaya sa opisina ko, mamayang alas otso," mariin niyang sabi sa akin at nauna ng umakyat sa taas.
"Yes, sir," mahina kong sagot sa kanya. Hindi ko alam kung narinig ba niya o hindi.
"Umakyat ka na muna para makapagpahinga ka. Ipapaakyat ko na lang kay manang ang pagkain mo," sabi sa akin ng assistant ni Mr. Pyle.
"Salamat," sagot ko sa kanya at nagpaalam na akong aakyat na. Mabuti na lang at mabait ang assistant ni Mr. Pyle. Hindi kagaya ng boss namin na demonyo.
Kinakabahan na ako sa kanyang sasabihin mamaya sa akin. Alam kong matinding sermon na naman ang sasabihin niya. Alam ko rin na may kasamang pagmumura at pamamaliit na naman. Ihahanda ko na ang aking sarili sa kanyang sasabihin mamaya.
Naligo muna ako bago kumain. Bigla yatang nawala ang aking gutom dahil sa nangyari kanina at takot para mamaya. Habang kumakain ako ay sinipat-sipat ko ang orasan sa aking harapan. Natatakot akong baka ma-late ako sa oras na sinabi niya sa akin.
Inihanda ko na ang sarili ko sa sasabihin niya mamaya. Pero isa lang ang sinisiguro ko— ang maging matapang sa harapan niya.
Limang minuto na lang ay mag-a-alas otso na kaya lumabas na ako sa kwarto ko at pinuntahan na ang kanyang opisina. Ngayon pa lang ako makakapasok sa kanyang opisina. Nasa pintuan pa lang ako ay damang-dama ko na ang takot.
Isang mahinang katok ang aking ginawa. Hinintay ko na lang na sumagot siya at papasukin ako. Sobrang lakas yata ng aircon niya sa loob dahil sa pintuan pa lang ay ramdam ko na ang lamig sa paanan ko.
"Come in," mahina niyang sabi pero may ibang dating ang kanyang boses. Dahan-dahan kong pinihit ang pintuan. Nakita ko siya kaagad na nakaupo sa kanyang upuan. Umikogt ang kanyang upuan at humarap sa akin. Nakakatakot ang kanyang titig sa akin.
"May sasabihin po ba kayo, sir?" matapang kong tanong at sinalubong ang mga titig niya sa akin.
"Tanga ka ba? Ipapatawag ba kita kung wala akong sasabihin sa iyo?" galit niyang sabi sa akin. Nakakainsulto pero tinanggap ko na lang.
"A-Ano po ang inyong sasabihin?" tanong ko muli sa kanya.
"Didiretsahin na kita. Akala mo ba natuwa ako sa nangyari kanina? Muntik na akong mawalan ng isang malaking project sa nangyari! Alam mo na ang ibig kong sabihin!" mariin na sabi niya sa akin.
"Sorry, sir. Hindi ko naman po sinasadya ang nangyari kanina," sagot ko.
"Stop!" sigaw niya sa akin sabay hampas sa kanyang table. Nagulat naman ako sa ginawa niya. Ramdam ko ang pang-iinit ng aking mga mata at gusto ng pumatak ang aking mga luha.
"S-Sir—"
"I said stop!" bulyaw niya ulit sa akin. Hindi ko na alam ang aking gagawain. Hindi ko man lang maipagtanggol ang aking sarili. Hindi ko alam kung bakit ang laki ng galit niya sa akin.
"Alam mo, ang pinakaayaw ko ay ang sinasagot ako! Ito ang tatandaan mo, wala akong pakialam kung mamatay ka, pero not now dahil malaki na ang nagastos ko sa mga magulang mo at dapat mabawi ko ang mga ginastos ko sa pamamagitan ng pagtatrabaho mo sa akin! Magiging alipin kita hanggang matapos ang ating napag-usapan!" sigaw niya ulit sa akin.
Ang sarap niyang patayin sa totoo lang ! Parang gusto ko na siyang sakalin! Sobra na akong nasasaktan sa mga sinabi niya. Pero paano ko magagawa ang mga bagay na nasa isip ko kung hawak niya ang mga magulang ko? Baka tatawagan niya ang doktor at ihinto ang pagpapagamot sa daddy ko. Ayaw kong mawala ang aking magulang ng dahil sa akin.
"Kung ayaw mong magtrabaho nang maayos, ngayon din ay tatawagan ko ang hospital na gumagamot sa magulang mo at ipapahinto ko ang anumang pagpapagamot sa kanya!" mariin niyang sabi sa akin at tumayo. Parang isang napakalakas na bomba ang sumabog sa aking harapan nang marinig ang mga sinabi niya.
Natatakot akong napatingin sa kanya, "Sir, please h'wag po ninyong gagawin iyan. Gagawin ko pa ang lahat, tuparin lang ninyo ang lahat ng inyong sinabi sa kasunduan natin," pagmamakaawa ko pa sa kanya at lumuhod na ako sa harapan niya.
Sunud-sunod ang luhang pumapatak sa aking mga mata. Ramdam kong humakbang na siya palabas ng pinto. Hinila ko ang mga binti niya habang nakaluhod pa rin. Hindi ko ininda ang tigas ng semento na niluluhuran ko. Bigla niyang hinila ang kanyang binti nang malakas kaya medyo tumilapon ako.