CHAPTER 9:
MAKAILANG BESES NA KAMING NAGKITA NI STEFANO pero ilang beses niya na rin akong binibigo. Halos nakalimutan na niya ang lahat ng napag-usapan namin noon sa dating website. Hindi ko alam kung nakalimutan niya lang ba talaga dahil sa dami naming napag-usapan at marami din siyang trabaho o sadyang kinalimutan niya lang talaga dahil wala siyang pakialam.
Pero at the same time naman, hindi niya ako binigong pakiligin. Ang problema lang, pakiramdam ko ay ibang lalaki siya kaysa sa lalaking nakachat ko.
"Baka praning ka lang talaga, s'yempre magkaiba ang ugali ng tao sa chat lang kaysa personal," sagot ni Norabelle nang sabihin ko sa kaniya ang nasa isip ko.
"Ganoon ba 'yon?" I sighed. "Tama ka, baka napapraning lang talaga ako 'no?"
Tumango siya. "Oo, at saka ano pa bang hinahanap mo kay Stefano? Ideal guy na ideal guy! Bukod sa gwapo, matalino, maganda ang trabaho, mabait pa! Hindi ka na makakahanap ng ganyang lalaki."
Ngumiti ako. "Tama ka r'yan. Gwapo, matalino, maganda ang trabaho at mabait pero hindi ko boyfriend!" Humalakhak ako.
Maging siya ay natawa rin sa sinabi ko. "Iyon lang! Maghintay-hintay ka lang, baka naman kaunting paghihintay na lang ay umamin din 'yan sa 'yo. Nakikita ko kung paano siya tumingin sa 'yo e, parang gusto kang tunawin."
Ngumisi ako. "Talaga?"
"Oo! Pati ikaw, gano'n!"
Napailing na lang ako sa sinabi ni Nora. Sa ilang beses na pagkikita namin ni Stefano, ilang beses na rin siyang dumalaw rito sa apartment. Sa bilis ng panahon, isang buwan na ang lumipas at matatapos na ang palugit kong dalawang buwan para sa aking sarili. Pero hanggang ngayon, no idea pa rin sa kung ano ang susunod na isusulat ko.
Gusto ko sanang magsulat ulit ng romance, pero sa tingin ko ay magiging ordinaryo lang 'yon kagaya ng mga romance na nababasa sa libro at napapanuod sa T.V. Gusto ko naman ng bagong twist sa gagawin kong kwento.
Dapat magkikita kami ngayon ni Stefano pero dahil nakiusap si Aris na magkita kami, pinagpaliban ko na muna ang pakikipagkita sa kaniya.
Tumunog ang phone ko mula sa isang text. Kaagad ko namang nabasa ang text ni Aris.
From Aris to Ailith:
Ate, nasaan ka na?
Ang sabi ko nakaalis na ako pero ang totoo, paalis pa lang ako. Magkikita kami sa isang milktea shop dito lang din malapit sa apartment na tinitirhan ni Nora. May gusto raw siyang sabihin sa akin at ayaw niyang sabihin sa tawag lang.
Mga sampung minuto kong nilakad ang papunta sa milktea shop. Nang makarating, naabutan ko siya roon na nakapangalumbaba habang nakatutok sa cellphone niya.
"Aris!" tawag ko.
Dumiretso ako sa lamesa kung nasaan siya at saka naupo sa katapat niyang upuan.
"Ate! Ang tagal mo naman, mga kinse minutos na akong naghihintay sa 'yo," reklamo niya.
Napakamot ako sa ulo, "pasensya na. Mabagal lang talagang maglakad ang ate mo," pagbibiro ko pa.
Tumango siya. "In-order na kita ng gusto mong milktea na may nutella. Hindi ko alam kung alin do'n basta sinabi ko na lang 'yong may nutella," aniya.
Bahagya akong natawa, "okay lang, magkano pala 'yon?"
"Naku ate, ayos lang h'wag mo nang bayaran ako na ang bahala."
Nanliit ang mga mata ko sa sinabi niyang 'yon. Hindi ko alam pero may nahihimigan akong kakaiba.
Ngumiti siya. "Kumusta ka pala ate? Halos dalawang buwan ka nang wala sa bahay. 'Yong mga kapatid natin lalo na si nanay, miss na miss ka na."
"Ayos lang ako, sobra-sobra na nga ang pahinga ko at ready na ako ulit magtrabaho. Gusto ko na sanang umuwi sa bahay pero baka galit pa rin si tatay," sagot ko.
"Nagtatanong nga si tatay sa akin kung kumusta ka na raw. Kunwari pang hindi concern sa 'yo."
Napangiti ako nang dahil sa sinabi niya. Sa wakas kahit na papaano ay nakarinig din ako ng maganda.
"Mabuti naman, sa tingin mo pwede na kaya akong umuwi?"
Umiling siya kaya nangunot ang noo ko. "Huwag na muna ate, ako na muna ang bahala sa kanila."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Huminto na muna ako sa pag-aaral ate. Nakakuha na ako ng trabaho."
Unti-unting umusbong ang galit sa dibdib ko. "Bakit? Kaya naman kitang pag-aralin ah. Hindi mo kailangang magtrabaho kaagad, isang taon na lang ang kailangan mo."
"Sa susunod na lang ate, pag-iipunan ko na muna," katwiran niya.
"Hindi, ituloy mo ang pag-aaral mo. Ayaw ko, Aris. Parang sinayang mo na rin ang mga taong pinaghirapan ko para lang makatapos ka. Gusto kong makita kang magmartsa sa susunod na taon, Aris." Pakiramdam ko ay nanikip ang dibdib ko. Nasasaktan ako, ang sakit na kaunti na lang ay inihinto niya pa.
"Ate, hindi na kasi sapat 'yong ibinibigay mo. Pasensya na talaga." Yumuko siya.
Lumunok ako at lumingon sa labas ng bintana. Pilit kong pinigilan ang nagbabadyang pagtulo ng luha ko.
"Hindi na talaga sapat, lumalaki na ang mga kapatid natin ate. Mas lumalaki na ang gastusin at alam kong hindi mo na kakayanin. Alam kong magkano na lang ang natitira sa 'yo sa tuwing sasahod ka dahil binibigay mo na sa amin ang lahat."
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at saka siya nilingon. "Sa akin na 'yon! Buhay pa naman ako 'di ba? Ayos ako kahit magkano ang matira sa akin ang importante mapag-aral ko kayo dahil 'yon ang hindi ko natapos."
"Pasensya na talaga ate. . . Pero, huwag kang mag-alala dahil babalik ako sa pag-aaral. Pangako ko sa 'yo na hindi kita bibiguin. Kailangan ko lang talagang mag-ipon."
Bumuntonghininga ako. "O sige, pero sa susunod na taon kailangan mag-aral ka na talaga ulit."
Ngumiti siya at saka tumango. "Opo ate, promise ko sa 'yo."
Kahit na nangako na sa akin si Aris na mag-aaral siya ulit sa susunod na taon, hindi pa rin ako mapakali. May kakaiba kasi, hindi ko alam kung ano 'yon pero alam kong mayro'n. Hindi pa nagkakamali ang hinala ko kailanman.
Noong huminto ako sa pag-aaral at nag-umpisang magtrabaho, pinangako ko sa sarili ko na pagtatapusin ko ng pag-aaral ang mga kapatid ko. Ayaw kong magaya sila sa akin na hindi nakatapos.
Nanlulumo akong umuwi sa apartment ni Nora. Mabuti na lang at nasa loob siya ng kwarto nang makarating ako dahil ayaw kong mapuna niya ako. Gusto ko lang munang mag-isip isip. Gusto ko munang mapag-isa. . .
Ito ang mahirap kapag wala kang sariling kwarto, kapag gusto mong magdrama, no place to go.
Naupo na lang ako sa sofa habang naglalaro sa cellphone ko. Kahit papaano ay maiba naman ang atensyon ko. Pero kahit pala ipilit mong ibahin ang iniisip mo, hindi pala kaagad nawawala. Mas lalo lang akong natutuliro na ewan.
Naisipan kong tawagan si Stefano. Tutal ay plano naman naming magkita ngayon, bakit hindi na lang matuloy. Gusto ko lang talagang ibaling ang atensyon ko sa iba. . .
Ilang ring lang ng cellphone niya ay sumagot na kaagad siya.
"Hello?"
"Okay lang ba kung ituloy natin ang pagkikita?" agad na tanong ko.
"Akala ko magkikita kayo ng kapatid mo?"
"Nagkita na kami pero saglit lang, nakauwi na ako. Naisip ko kasi na nakapangako na ako sa 'yo nitong nakaraan. Baka nagtampo ka," sagot ko.
Narinig ko ang sexy niyang tawa mula sa kabilang linya. "Don't worry it's okay, hindi naman ako nagtampo. Pero medyo disappointed lang dahil gusto talaga kitang makita."
"Hmm, ibig bang sabihin n'yan hindi tayo pwedeng magkita ngayon?"
"Pwede, ito na nga at magbibihis na ako."
Napatayo ako bigla. "Ba't ang bilis naman?!"
"S'yempre, I'm always ready for you," aniya sabay tawang mapaglaro.
Napailing na lamang ako at napangiti. Hindi na ako nagbihis ng damit dahil hindi naman ako pinagpawisan sa pagpunta ko kanina sa milktea shop.
Nag-retouch na lang ako ng kaunti sa make up ko. Hilig ko ang maglagay ng winged eyeliner at kulay red-orange na eyeshadow. Tapos ang lipstick ko ay ganoon din. Wala lang, trip ko lang siya. Feeling ko ang cute ko kapag naglalagay ako no'n.
Pagkatapos ay muli akong nagpaalam kay Nora para umalis. Sabi niya pa nga sa akin, "feel free!" Busy kasi siya ngayon sa kung ano-anong nililipat niyang file para ipasa sa NDC network.
Mula no'ng unang pagkikita namin ni Stefano sa isang Italian restaurant, hindi na kami ulit umulit na pumasok doon o sa kahit na saang mamahaling restaurant. Nagkikita na lang kami sa mall o kaya sa park dahil mas kumportable kami. Ngayon, napagpasyahan naming magkita sa isang parke na malapit sa law firm kung saan siya nagtatrabaho.
Pagkarating ko sa parke, naabutan ko na siyang nakaupo sa isang bench habang hawak ang phone niya. Ang gwapo niya talaga, ang amo ng mukha niya na bumagay sa clean cut niyang buhok. Nakasuot siya ng kulay asul na polo at nakapantalong maong habang ang suot niyang sapatos ay loafer na kulay brown.
"Psst! Pogi!" tawag ko sa kaniya.
Nag-angat din naman ng tingin, at kaagad niya akong nakita.
"Alam mong ikaw talaga kapag tinawag nang pogi ha!" pang-aasar ko sa kaniya. Naglakad ako palapit at saka naupo sa tabi niya.
"Hindi naman, alam ko kasing boses mo ang tumawag kaya hinanap ko kaagad."
"Galing!" puna ko.
Nginitian niya ako at lumabas ang maliit na dimple sa kaniyang labi. Kaagad ko 'yong tinuro.
"Hala ka! Ngayon ko lang nakita 'yan ah!" bulalas ko. Dinutdot ko pa ng daliri ang dimple na 'yon kasi ang cute.
"Kasi ngayon lang tayo nagkalapit nang ganito kaya ngayon mo lang nakita," sagot niya.
Umawang ang labi ko at napagtantong tama siya, sobrang lapit namin sa isa't isa na halos magdikit na ang mga balikat namin.
At dahil nailang ako bigla, nagmadali akong umurong palayo. Naging awkward tuloy ang pagitan naming dalawa.
Inabala ko na lang ang mga mata ko sa mga taong nasa paligid. May mga nagba-bike, may mga naglalakad lang. May mga mag-jowang magkaholding hands at may pamilya rin na mukhang namamasyal dito.
"Ilang taon na mula no'ng huli kang nagkaroon ng boyfriend?"
Nilingon ko siya ng may pagtataka sa mukha. Ngayon lang niya itinanong sa akin 'yan.
"Alam mo naman sigurong matagal na, kaya huwag kang magugulat kung gaano katagal, ha?" paalala ko.
"Oo naman, hindi naman ako magugulatin e."
Ngumiti ako. "Apat na taon na rin. Iyong huling naging boyfriend ko, pinipilit akong makipagsex. E 'di ba ayaw ko pa nga at saka virgin pa ako," halos pabulong na ang mga sumunod kong sinabi.
"Virgin ka pa—virgin ka nga pala," aniya. "If you were given a chance, handa ka na bang magkaroon ulit ng boyfriend?"
Natigilan ako sa sumunod niyang tanong. Kasi parang hindi na basta tanong lang, parang may ibig na siyang ipahiwatig.
"What if sabihin kong oo?"
Nagdiretsong linya ang mga labi niya habang ang mga mata niya ay nakatitig pa rin sa akin. Medyo matagal kaming magkatitigan hanggang sa. . .
"Actually, I want to—"
Natigil siya sa pagsasalita nang may biglang dumating na motorsiklo sa harap namin. Pareho kaming napalingon sa food delivery riderr ng Go, Go Food.
"Delivery po for Mister Stefano Lovi Miraculo!" aniya.
"Ako 'yon," masungit na sagot ni Stefano.
Binuksan ng rider ang lagayan sa likod ng motor niya at saka inilabas ang isang box ng pizza, at dalawang coke. Pagkatapos ay inilapag sa harap namin. Ngayon ay nakapagitan na sa aming dalawa ang mga pagkain.
"Nakakagulat naman 'yong rider na 'yon!" bulalas ko.
Natawa na lang din siya, hindi ko alam kung saan nanggaling 'yong para siyang kinakabahan na ewan.
Nagsimula kaming kumain dahil siya naman ang nag-alok. Ang sarap ng hawaiian pizza na may maraming pineapples at ham sa ibabaw, nabusog ako.
Muntikan pa akong dumighay sa harap niya! Mabuti at napigilan ko dahil nakakahiya.
"Ano nga pala 'yong sasabihin mo kanina?" tanong ko matapos uminom ng coke.
Bahagya siyang napakamot sa batok niya, tula nagpapacute pa talaga!
"Ahm, gusto ko lang sanang itanong. . ." Pag-uumpisa niya.
"Ano?"
Naku-curious na talaga ako, bakit kasi ang tagal at nakakainip?
"Sa tingin mo ba, okay kung mag-date tayo?"
Unti-unting umakyat ang dugo sa mukha ko. Unti-unting na-excite ang buong pagkatao ko!
"Ano, kasi, ano e." Hindi makasagot na sabi ko.
He smiled. "It's okay if you're still unready."
Umiling ako, iling nang mabilis.