CHAPTER 3:
WELCOME NA WELCOME AKO SA BAHAY NI NORA. Matagal niya na kasi akong niyayaya na mag-share kami sa renta ng apartment niya ngunit dahil nga ayaw kong iwan ang buong pamilya ko, hindi ako pumapayag.
"Grabe talaga 'yang tatay mo!Walang awa sa anak! Hindi niya manlang naiisip kung ano ang sakripisyo mo bilang anak sa kanila." Kinuha ni Nora ang isa sa bag na bitbit ko at saka diniretso sa kwarto. "Ngayon nila mare-realize kung gaano ka kahalaga sa kanila!"
"Sana nga. . ."
Wala na akong ibang masabi pa sa lahat ng nangyari kanina. Ngayon ko lang na-realize na sinagot-sagot ko si tatay na hindi ko naman dapat ginawa. Kahit na gano'n ang ugali no'n, tatay ko pa rin siya. . .
Naupo ako sa higaan ni Nora. May foam iyon na medyo malaki at mukhang kasya kami pero balak kong sa lapag na lang hihiga dahil nakakahiya naman kung magtatabi kami. Minsan pa naman ay humihilik ako.
"Kahit dito ka na tumira sa akin, hati na tayo sa rent. Ayaw mo?" tanong niya.
Nagkibit-balikat ako. "Pag-iisipan ko, naaawa kasi ako kila nanay. Paano sila kapag wala ako ro'n?"
Napailing na lamang si Nora at saka naupo sa upuan niya. Pinaikot niya 'yon at humarap sa akin. Iyong pangarap kong upuan, mayro'n siya dahil lahat ng gusto niya ay nabibili niya mula sa sweldo ng pagiging webtoon author and artist.
"Alam mo, pwede mo naman silang padalhan kapag nagkapera ka. Hindi 'yong ibibigay mo ang lahat, tapos magtitira ka lang ng pang-kape mo—"
"Hindi naman pang-kape lang, may pangtinapay naman," palusot ko pa.
"Naku, Ailith! Hindi sila matututo kung lagi mo lang silang aalalayan. Hayaan mo sila, lalo na 'yong kapatid mong lalaki na may anak na? Grabe, sobrang kapal ng pagmumukha!"
Mas galit pa siya sa akin. Matagal na talaga siyang badtrip sa tatay ko at sa kapatid kong si Josef. Kapag may problema ako at naramdaman niya, magagalit 'yan at halos isumpa na si tatay at Josef. Hindi ko raw kasi kayang magsalita ng masasama para sa kanila kaya siya na lang ang gumagawa.
"Sige na at mag-ayos ka na r'yan, tinatapos ko lang 'tong episode one ng bago kong webtoon tapos mamaya kain na tayo," aniya.
Tumango na lamang ako at saka tumayo mula sa kinauupuan. Kinuha ko ang mga gamit ko roon at pinaglalagay lang muna sa gilid dahil wala naman akong drawer. Bibili na lang ako ng drawer ko at lamesa para makisiksik rito sa maliit na kwarto ni Nora. Mukhang tatagal ako rito ng higit dalawang buwan. Natatakot akong bumalik sa puder nila tatay hangga't alam kong masama pa ang loob sa akin.
Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa kusina. Minsan naiinggit ako sa buhay ni Nora, mag-isa lang kasi siya at ang kuya niya naman ay may sarili ng pamilya. Ang mga magulang niya naman ay nasa probinsya at pinadadalhan niya lang sa tuwing nagkakapera siya.
Sana ganoon lang din kadali ang buhay ko, kaso hindi. Walong tao ang binubuhay ko kaya hindi ako pwedeng magpa-petiks petiks lang.
Nang nasa kusina na ako, naghalungkat ako sa mini refrigerator ni Nora. Pagkatapos nang makakita ako ng itlog at pechay, kumuha ako ng noodles na nasa storage box niya. Palagi siyang may imbak na noodles dito sa bahay niya dahil kung minsan ay tinatamad na siyang magluto, at least ang noodles, five to ten minutes lang ay luto na.
Nagsimula akong magluto, nang matapos ay dinala ko ang dalawang bowl ng noodles sa kwarto para doon na kumain. Busy pa rin si Nora sa pagkukulay ng line art na dinrawing niya.
"Kain ka na muna, baka magaya ka sa akin at magka-ulcer ka," sabi ko.
Tumango siya at nagmadali na ring ini-save ang ginagawa niya bago kinuha sa akin ang bowl ng noodles.
"Unlike you, hindi ko naman matiis ang gutom!" katwiran niya.
Alam ko, food is life kaya siya kaya hindi siya nagkakaroon ng ulcer. Hindi kagaya ko na halos kalimutan na ang pagkain. Kung minsan isang buong araw na puro kape lang ang laman ng tiyan ko. Kape na nga raw ang bumubuo sa pagkatao ko!
Humigop na muna ako sa sabaw ng noodles bago ako nagsimulang kumain. Masarap ang sabaw ng noodles at nakagiginhawa sa pakiramdam. Gutom na pala ako, ngayon ko lang na-realize.
"Ano kayang pwedeng gawin sa loob ng dalawang buwan na pamamahinga?" tanong ko kay Nora. "Hindi ko alam kung bakit naisipan kong paabutin ng dalawang buwan, pero baka hindi na umabot do'n at baka kumuha rin ako ng maliliit na projects," dagdag ko pa.
"Tutal ilang taon ka naman nang single, why not i-try mong pumasok sa isang dating site? Alam mo na, uso ngayon ang Omigad!" suhestiyon niya.
Umirap ako. "Ang dami kong nababalitaan d'yan sa dating website na Omigad. Medyo risky 'yan!"
"E hindi ka naman siguro tatanga-tanga kapag meet up na, 'di ba? S'yempre kikilalanin mo munang maigi o kaya chat, chat lang tapos 'wag ka nang makipag-meet," dagdag niya pa.
Tumango ako. "Kunsabagay tama ka, pwede 'yan."
Wala namang mawawala sa akin kung susubukan ko. Isa pa, malamang na mabuburyong lang talaga ako sa loob ng bahay ni Nora at kung maburyong ako, siguradong magtatrabaho lang din ako ulit kapag wala na akong magawa. Kailangang kahit papaano ay mapanindigan ko ang desisyon kong magpahinga.
Kinabukasan ng maaga, tulog na tulog pa si Nora ay sinubukan ko nang gumawa ng Omigad account. Medyo nalilito pa ako sa kung paano siya ginagamit, may pa-swipe right at swipe left pa kasing nalalaman. E tanga pa naman ako pagdating sa mga ganito.
Ang sabi, kapag lumabas ang litrato ng lalaki tapos ayaw ko sa kaniya, swipe left. Tapos kapag gusto ko naman sa kaniya, swipe right. At kung magma-match kami at pareho kaming nag-swipe right, iyon na ang chance para makapag-usap kami.
Ilang beses akong nag-swipe left at makailang beses din naman akong nag-swipe right pero hindi ako pinapalad.
"Nyemas, isa pa! Kapag hindi pa 'to nag-swipe right sa akin, ayaw ko na!" reklamo ko.
Hindi ko hahabaan ang pasensya ko para lang sa ganito 'no!
Pero halos mapatili ako nang ang isang lalaking ini-swipe right ko ay nag-swipe right din sa akin! Mabuti na lang at napigilan ko ang sarili ko dahil kung hindi, baka nagising ko si Nora na mahimbing ang tulog ngayon.
ZDA24:
Hi, thank you for swiping right!
Napangiti ako. Tinitigan ko ang picture niya, gwapo siya. Kaya nga nag-swipe right ako. Moreno siya, pinoy ang kulay. Naka-clean cut ang buhok niya, makapal ang kilay at matangos ang ilong. Makinis ang mukha niya, sana lang pati sa personal dahil turn off sa akin ang maraming pimples. Hindi naman sa maarte ako, pero iyon talaga ang ayaw ko sa lalaki.
Ailith26:
Thank you too. Are you a Filipino?
ZDA24:
Yes, kaya pwede naman tayong mag-usap ng tagalog.
Ailith26:
Hmm, pwede ko bang malaman ang real name mo? Ano ang ibig sabihin ng ZDA24?
Hindi kaagad siya sumagot sa tanong kong 'yon. Wala naman kasi akong ibang maitanong at iyon ang unang pumasok sa isip ko. At mukhang hindi niya yata gustong sabihin sa akin ang real name niya dahil hindi siya kaagad nag-reply. Ang tagal talaga, as in! Ayaw ko namang magchat ulit sa kaniya at baka isipin niyang jowang-jowa na ako.
Sa inis ko, tumayo na lang ako sa kinahihigaan kong banig at saka iyon niligpit. Nag-away pa kami kagabi ni Nora dahil ang gusto niya, tabi na lang kami dahil malamig daw sa sahig. Pero dahil makulit ako, ako pa rin ang nasunod. Naglatag ako ng banig sa sahig at doon natulog. Balak kong bumili ng single size foam. Okay na 'yon kaysa magsiksikan kami sa higaan niya.
Matapos kong magligpit ng hinigaan, wala pa rin siyang reply kaya dumiretso na ako sa kusina para maghanda ng almusal. Sinangag at meatloaf lang ang kinaya kong gawin dahil puro de lata naman ang laman ng cup board ni Nora. Tapos ang refrigerator niya, paubos na ang laman.
Nagtitimpla na ako ng kape nang mag-vibrate sa bulsa ng suot kong pajama ang phone ko. Mabilis na dinukot ko iyon sa aking bulsa at binasa ang chat ni ZDA24.
ZDA24:
You can call me Vi. Nahihiya pa 'kong sabihin ang totoong pangalan ko dahil mabaho ang dating. Is it okay? Ailith ang totoong pangalan mo?
Tumango ako at saka nagtipa ng reply.
Ailith26:
Okay, ayos lang naman na hindi mo sabihin muna since kakikilala pa lang natin. Oo, Ailith ang pangalan ko.
ZDA24:
Alright, did you have breakfast? I'm eating.
Ailith26:
Okay, magrereply na lang ako pagkatapos kong kumain. Kumakain din kasi ako.
ZDA24:
Eat well!
Nag-send rin siya ng smile emoji at ng picture ng kinakain niya. Namangha ako nang makitang ang almusal niya ay pancake na may strawberry syrup sa ibabaw at may strawberry talaga sa mismong tuktok! Yayamanin yata ang lalaking 'to lalo na at english-ero din. Kung gano'n nga, ayos lang naman. Walang issue dahil chat lang naman. Hindi naman sure kung jojowa-in ko ba 'tong lalaking 'to.
"Hoy! Anong tinitingnan mo? Ba't parang laway na laway ka r'yan?" takang tanong ni Nora.
Kagagaling niya lang sa kwarto, kinukusot-kusot pa ang mga mata niya.
"Wala, ang sarap kasi ng almusal nitong ka-chat ko," sagot ko.
"May ka-chat ka na kaagad? Patingin!"
Walang pag-aalinlangang inabot ko naman sa kaniya ang phone ko at saka nagpatuloy na sa pagtitimpla ng kape. Ipinagtimpla ko na rin si Nora ng kape.
"Ang gwapo naman nito! Pero well, maganda ka rin naman kaya you deserve gwapo!"
Ngumiwi na lamang ako. Ganyan talaga siya kung magsalita, direct to the point at wala nang paligoy-ligoy pa.
Inilapag niya sa lamesa ang phone ko at naghatak ng bangko.
"Sana palaging ganito, may taga-luto ng almusal!" bulalas niya.
Natawa ako. "Mamaya, mag-go-grocery ako at nakakainis 'yang refrigerator mo, magrereklamo na dahil walang laman."
"Sige, thank you!" ngumiti siya.
Nagsimula na kaming kumain ng almusal. Naging mabilis lang ang pag-kain niya lalo na at nagmamadali siya. Marami pa raw kasi siyang gagawin. Ganyang-ganyan ako kung hindi ako nagpahinga ngayon. Kung minsan nga hindi na talaga ako kumakain, magtitimpla na lang talaga ng kape tapos umpisa na sa trabaho ko.
Na-excite naman akong reply-an itong si ZDA24.
Ailith26:
Tapos na akong kumain! Anong ginagawa mo?
Mabilis lang din siyang nagreply.
ZDA24:
Just scrolling on my phone, nothing exactly. What are your plans for today?
Akala ko ba pwedeng magtagalog? Bakit naman ang english-ero nito?
Ailith26:
Hmm, pupunta ako mamaya sa grocery para mamili ng stocks dito sa bahay ng friend ko. Naglayas kasi ako sa amin.
ZDA24:
Hala? Why?
Ailith26:
Confidential, at saka ko na lang ikukwento sa 'yo. E ikaw? Anong gagawin mo today?
ZDA24:
Wala, hihiga lang magdamag. Our manager gave us a week for vacation.
Nangunot ang noo ko. Manager?
Ailith26:
Ano bang trabaho mo?
Hindi na naman siya nagreply kaagad. Ang tagal na naman. Akala ko ba hihiga lang siya magdamag, e bakit ang tagal niyang mag-reply?
Nagkibit-balikat na lamang ako at saka iniwan ang phone ko roon. Dumiretso ako sa banyo para maligo. Ngayon pa lang na maaga, pupunta na ako sa grocery.
Ang hirap talaga kapag nasanay na palaging may ginagawa, feeling ko magkakasakit ako kapag wala akong ginagawa e.
Matapos maligo, nagbihis na ako sa loob ng kwarto ni Nora. Wala naman siyang pakialam kung magbihis ako roon. Minsan ganyan din siya sa akin, kapag dumadalaw ako, nagbibihis sa harap ko.
"Aalis ka na kaagad? Alas dyes pa lang ng umaga," tanong niya.
Hindi niya ako nililingon dahil abala siya sa ginagawa.
"Mamamatay yata ako kapag walang ginagawa," sagot ko.
Bahagya siyang natawa. "Huwag mong sabihing magkikita na kayo ng nakilala mo r'yan sa Omigad?"
"Ano ka ba! Hindi 'no!"
"Biro lang, kilala naman kita sa pagiging pihikan pagdating sa lalaki. Kaya nga apat na taon ka nang single."
"Nagsalita ang single!" bulalas ko.
Nagtawanan na lang kaming dalawa.
Matapos kong magbihis, kinuha ko na ang wallet ko at dumiretso sa kusina para kunin ang phone ko sa ibabaw ng lamesa. Nakita kong nagreply na si ZDA24.
ZDA24:
Secret muna, I'll tell you once I'm ready. So, do you have a boyfriend?
Tumaas ang kilay ko. Bakit kailangan i-secret ang trabaho niya? At saka, ang shunga naman niya para itanong pa kung may boyfriend ako. Malamang na kung may boyfriend ako, wala ako rito sa Omigad!
Ailith26:
S'yempre wala! Malamang na hindi ka makikipag-chat sa may boyfriend na. Bakit? Makikipag-chat ka pa rin ba sa akin kung mayro'n?
Mabilis na nagreply siya.
ZDA24:
Why not? We can cheat on your boyfriend if you have, right?
At talagang nagsend pa siya ng grin emoticon! Medyo maloko rin pala 'to?