Bumangon si Louisa mula sa hospital bed at dali-daling naglakad palabas na parang wala sa sarili, basta ang alam lamang niya'y hinahanap niya ang buhay na buhay na kapatid para makumpirmang isang masamang panaginip lamang 'yung mga nangyari. "Mau? Maui?" Pagkalabas niya'y nakita kaagad niya ang kanyang ina na mag-isang nakaupo sa long stool bench habang tulala at bagsak ang mga balikat, halata rin ang pagod at sakit sa mukha. "Ma, anong ginagawa niyo rito? Si Maui po ba kasama ninyo? Nasaan na po siya?" untag niya nang makalapit at pilit pa rin talagang hinanap ng mga mata ang kapatid. Nang tingnan siya ng kanyang ina ay lalo lamang tila na nalugmok ito sa pighating nararamdaman. Para bang lanta itong gulay at walang kalakas-lakas. "Louisa anak…" "Ma, si Maui nasaan?" patuloy niya. K

