Madilim pa ang paligid nang maalimpungatan si Ginang Damian at nadinig ang pagbukas at sara ng pinto mula sa kabilang silid na inuukupa ng kanyang anak. Sinipat nito ang orasan at nakitang pasado ala singko pa lamang ng madaling araw ng mga oras na iyon dahilan upang awtomatikong kumunot ang kangang noo.
Inaantok pa siya't gusto pang pumikit ng kanyang mga mata ngunit dahil nakadama ng uhaw at wala ng laman ang pitsel na inakyat sa silid nila bago sila matulog mag-asawa'y nanaog na siya't nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig na maiinom. Nadaanan niyang bukas ang ilaw sa loob ng silid ng anak base sa liwanag na nasa babang bahagi ng saradong pintuan.
Kibit-balikat na lamang siyang dumiretso at hindi na ito pinansin dahil baka lumabas lang rin ang anak upang kumuha ng tubig na maiinom kagaya niya't bumalik na rin sa loob upang muling matulog.
Nakarating siya sa kusina na parang lasing. Nanguha ng baso at nilagyan ng tubig mula sa dispenser. Habang umiinom ay laking gulat ng Ginang nang makita ang anak na nakagayak na't halos patakbong papanaog ng hagdanan. Tinungo niya ang pinto't lumabas ng bahay na nagmamadali. Sa gulat ay halos mabilaukan ang Ginang at takang pinanood ang anak at di maiwasang mabilib sa bilis nitong pagkilos na para bang isang action superhero sa isang pelikulang pambata at kailangan iligtas ang sangkatauhan.
Mukhang hindi nito namataan ang ina na nasa kusina dahil hindi man lang niya ito binati o nilingon man lamang. Naalarma rin ang Ginang at kinutuban sa kung anong meron. Naisipan niyang habulin ito upang tanungin kung saan patungo at kung bakit ito nagmamadali ng ganoon kaaga.
"Anak!? Saan ka pupunta?!" Hingal niyang habol hinarang ang sarili sa harap ng kotse ng anak. Kakasakay pa lamang nito at hindi pa naisasara ang pinto ng kotse.
Nagulat naman ang dalaga sa biglaang pagsulpot ng ina. Napahawak sa dibdib sa gulat nang mamataan ang namumuting mukha ng Ginang dahil sa night cream na nilagay nito kagabi bago siya natulog at natuyo na sa kanyang balat. Nagmukhang makapal na pulbos ito't nagkabitak-bitak na parang natuyong lupa. Isama pa ang magulo nitong buhok at suot na puting damit pantulog ay aakalain nang sinuman na isa itong multo.
Nakailang hingang malalalim muna ang dalaga bago sumagot sa tanong nito't bahagyang hinihimas ang dibdib na halos sumabog sa gulat dahil sa itsura ng kanyang ina na gumulantang sa kanyang katawang lupa.
"Pupunta na po ako sa shop Ma." Sagot nito habang nakahawak pa rin sa dibdib at pinakakalma ang pusong kumakabog pa rin ng mabilis.
"Ayos ka lang anak?" Nag-aalalang tanong ni Ginang Damian nang lapitan ang anak at mapansin ang pagtaas-baba ng balikat.
"Okay lang po ako, nagulat lang po ako. Bakit kasi ang puti-puti ng mukha mo Mama? Grabe ka, inubos mo na po yata isang bote ng night cream sa mukha mo." Aniya, hindi alam kung maiinis o matatawa sa ina.
"Konti lang nilagay ko, bakit ba?" Tugon nito at sinilip ang itsura sa salamin ng sasakyan.
"Naku D'yos ko, parang multo nga!" Bulalas nito at namilog ang mga matang nang makita ang repleksyon sa salamin.
Sinubukan niyang punasan upang maalis ang natuyong cream. Natanggal naman ngunit nag-iwan pa rin ito ng maputing marka sa buong mukha niya na para bang naghimalos siya ng arina.
"Hilamusan mo na lang mukha mo Ma, mukhang ang hirap alisin." Suhistyon ni Pretzel habang pinapanood ang ina na hirap sa pagtatanggal ng natuyong cream.
"Ay! Ang grabe naman ito, kay hirap alisin!" Inis na usal ni Ginang Damian at sumuko na lamang.
"Ano nanaman ba kasing brand ginamit mo? Paiba-iba ka na lang lagi, maganda na 'yung dati nagpalit ka nanaman. Kung ano na lang makita mo online bibilhin mo, mamaya gawgaw lang sangkap niyan o kaya arina, masisira pa yang malaPORSELANA mo kamong balat." Ani Pretzel sa ina at diniinan ang pagsabi ng porselana para takutin ito.
Panay online shopping kasi ang inatupag kapag walang ginagawa, scroll at add to cart. Kilalang-kilala na nga siya ng mga nagdedeliver sa area namin, ang dahilan niya'y mura raw kasi at ang gwapo daw ng endorser nilang isang Oppa kaya naiinganyo itong mamili ng kung anu-ano.
"Mukha naman legit ang product, malambot naman sa balat." Komento nito habang hinahaplos ang mukhang namumuti pa rin.
Naagaw ng pansin ni Pretzel ang papasikat na araw at halos iuntog ang sarili nang makalimutan panandalian ang dahilan kung bakit siya nagmamadaling umalis.
"Alis na ako Ma, baka nandoon na sila sa shop." Paalam niya rito at akmang isasara ang pinto ng kotse nang pigilan ito ng Ginang.
"Teka! Ang aga naman. Magbreakfast ka kaya muna, ipagluluto kita." Suhistyon niya rito nang nakahawak sa pinto ng sasakyan.
"Hindi na po. Dadaan na lang po ako sa coffee shop para bumili ng kape at agahan po namin. Marami po kasi kaming dapat ayusin ngayon, may kaunti po kasing problem. Konti lang naman po." Sagot nito ng may bahid ng pagkataranta dahil mag-aalasais na ng umaga't naroon pa rin siya sa kanilang bahay.
"Ganoon ba? Sige pala. Mag-ingat sa pagmamaneho, ako na magsasara ng gate." Paalala na lamang niya sa anak at hinayaan na itong makaalis.
Habang pinanood papalayong sasakyan ng anak ay may isa pang kotse na dumaan sa harapan niya. Kapansin-pansin ang karatulang nakadikit sa likuran nito at ang stuffed toys na ginawang dekorasyon sa likurang parte ng sasakyan, senyales na pamilyadong tao ang nagmamaneho't meron ng mga anak. Kung anu-ano tuloy mga bagay ang sumagi sa kanyang isipan dahilan para makadama siya ng lungkot para sa anak.
Nang makapanhik na siya sa loob ng bahay ay dumiretso siya agad sa silid na lutang pa rin ang isip. Nadatnan ang asawang kasalukuyang palabas ng banyo't katatapos lang magsipilyo't maghilamos at pinupunasan na lamang ng basang mukha gamit ng puting tuwalya.
"Ang aga mo yata nagising." Puna ng kanyang mister.
"Mas maaga ang anak mo. Ayon at nakaalis na't papunta na daw sa shop dahil may problema daw silang aayusin." Malungkot niyang sagot rito bago naupo sa dulong bahagi ng kanilang kama't tahimik na nag-isip.
Napahinto sa pagpupunas ng mukha ang Ginoo sa biglaang pananahimik ng asawa. Bagay na hindi siya sanay dahil likas na madaldal at makulit ito kahit kakagising pa lamang nito sa umaga. Ang pananahimik nito'y senyales na mayroon itong problema, nagtatampo, may iniisip ng malaking isyu, galit sa kanya o may namatay siyang halaman.
Hindi niya nga lang alam kung alin doon. Mahirap na manghula kaya nilapitan niya ito't tinanong.
"May nangyari ba?"
Napaangat ng tingin ang Ginang at sinenyasan niya ang mister na maupo sa kanyang tabi. Agad naman niya itong sinunod at nang makaupo na'y tinitigan siya nito sa mga mata. Bahagya nang nakaawang ang mga labi nito upang maguumpisa sa nais sabihin ngunit hindi makatiis ang Ginoo sa nakikita ng kanyang mga mata kanya namang pinigilan niya ito sa pagsasalita.
"Teka muna, punasan muna natin yang mukha mo. Nakakatakot e, para akong nakaharap sa multo." Malambing nitong usal sabay dampot ng tuwalyang kanina'y kanyang gamit at pinunasan ang namumuting mukha ng asawa.
Madali naman itong naalis dahil bahagyang basa ang tuwalyang kanyang gamit dahil iyon din ang pinampunas niya sa kanyang mukha matapos magsipilyo't maghilamos kanina. Walang pandidiring hinayaan lang ng Ginang ito at hinintay itong matapos.
"O ayan." Wika niya ng tuluyan na siyang matapos.
Isang napakalalim na buntong-hininga muna ang kanyang pinakawalan bago nagumpisa. Ramdam ng kanyang mister ang bigat ng dibdib nito.
"Nagaalala lang ako para kay Pretzel natin." Sambit niya. Muling napayuko at sa pag-angat niya muli ng ulo ay doon naman siya tumingin sa bintana't mistulang malayo ang tanaw.
"Bakit naman?" Taka tanong ng Ginoo.
"Nasa husto na siyang edad para lumagay sa tahimik pero mukhang wala sa isip niyang mag-asawa." Tugon nito.
"Bata pa naman siya ah, baka hindi pa sumasagi sa isip niya o baka wala pa siyang nakikilalang lalaki na gusto niyang makasama habang buhay. Hindi ba ganoon ka rin noon? Bago tayo nagkakilala sabi mo hindi ka magaasawa dahil pare-pareho lang ang mga lalaki, mga mapanakit ng damdamin. Pero noong makilala mo ako hindi mo na ako nilubayan." Mahabang sagot ni Ginoong Damian, sinusubukang pagaanin ang damdamin ng Ginang sa huli niyang sinabi.
Kunot-noong tinitigan ng Ginang ang kanyang asawa matapos marinig ang tinuran nito, halos masuntok niya pa ito dahil hindi totoo ang huling sinabi nito.
"Kapal ha! Ako kaya hindi mo nilubayan hanggang mapasagot mo ako. Huwag mong baligtarin ang kwento." Inis nitong pagtatama.
"Ako ba naghabol? Akala ko ikaw, alam ko kasi ikaw." Pagmamaang-maangan nitong sagot. "Ganda mo kasi misis ko, mabait pa, maalaga pero mas nagustuhan ko kakulitan mo kaya hindi na kita tinantanan." Usal ng Ginoo at dahil sa mga katagang iyon ay nagawa niyang pangiti ito bahagya ngunit halata sa mukha nito ang pagpipigil.
"Namumula na mukha mo, huwag mo ng pigilan mamaya kung saan pa yan lumabas at pareho pa tayong makaamoy at mahilo." Pilyong turan nito.
Natawa na lang si Ginang Damian sa sinabi nito at isang hampas sa dibdib ang binigay nito sa malokong mister. "Kadiri ka."
Matapos ang tawanan ng dalawa ay katahimikan naman ang namagitan. Pareho sila ng nararamdaman para sa anak, maging siya'y nagaalala rin sa maaaring maging kalabasan ng pagiging busy at walang oras ng anak sa love life at pakikipagdate.
"Alam ko natatakot ka na baka mag-isang tumanda si Pretzel. Wala naman siyang kapatid para samahan siya kapag dumating ang araw na wala na tayo pero matanda na ang anak natin para magdesisyon para sa sarili niya." Seryosong wika nito.
"Iyan ng labis kong kinababahala talaga dahil sa tuwing tatanungin ko kasi siya'y lagi na lang siyang umiiwas, o kaya naman tatakas. Kailan ba may pinakilalang kasintahan o kaibigang lalaki si Pretzel sa'tin?" Tanong ng Ginang.
"Kaibigan? Meron yata noong high school. Noong nagkolehiyo siya, parang wala. Kasintahan naman, wala akong maalalang may pinakilala siya sa'tin." Sagot naman.
"Wala din akong maalala. So mukhang wala nga." Bagsak balikat na segunda ng Ginang.
Nagkatinginan ang dalawa at parehong napaisip ng malalim. Inaalala ang mga bagay-bagay ngunit wala sila parehong maalala na may isang matapang na lalaking nagtangkang nanligaw sa anak. Marahil ay sinisindak nito kaya natatakot siyang lapitan.
"Sa pagkakatanda ko'y mga kaibigang babae lang ang isinama niya noon dito sa bahay, noong prom night nila wala siyang partner. Noong Junior year niya di siya pumunta, senior year lang siya umattend dahil napilit siya ng mga pinsan niyang kabatch din niya." Salaysay ni Ginang Damian habang nagbabalik-tanaw.
"Ang gustong laro ni Pretzel dati ay basketball at tennis. Ayaw niya yung mga manikang binibigay sa kanya, mukha daw mga ewan." Dagdag ng Ginoo nang maalala.
"Sino ba nagsabi na mukhang ewan ang mga manika? Hindi ba ikaw? Imbes mga manika at stuffed toys ang bilhin mo para sa kanya, ang binibili mo mga bola at robot at yung isang set ng train na kasing-laki ng buong kwarto niya? Diba ikaw ang bumili n'un?" Taas kilay na tanong niya sa mister.
"Teka, saan na ba papunta 'tong usapan na 'to?" Kamot-ulong tanong ng kanyang Mister.
"Ewan ko sa'yo!" Singhal ng Ginang sabay irap sa kaharap.
Natahimik ang dalawa at maya-maya'y nagkatinginan na para bang may napagtanto. Pilit binura ng Ginang sa isip ang ideyang kanyang nasa isipan at ang kanyang mister naman ay binulalas ang kanya ngunit pinigilan siya ng asawa sa pagkakataong iyon at ang hindi na natapos ang nais sabihin dahil agad siyang pinutol nito. Ang tanging nasabi ay Tom.
"TOMabi ka diyan at baka masipa kita. Sasabog na TOMbong ko. Alis!" Taboy niya rito na parang aso at patakbong tinungo ang kasilyas.
Pagpasok sa loob ay agad naupo sa inodoro, napahilamos ng lamang siya ng mukha gamit ang parehong kamay. Naiinis dahil iyon din na kongklusyon sa kanyang isip.
Paglabas ay agad niya hinanap ang kanyang telepono at tinawagan ang kapatid ng kanyang asawa na siya niya ring matalik niyang kaibigan. Pinagusap nila si Pretzel at nanghingi na rin ng suhistyon rito dahil hindi na niya alam ang dapat gawin sa nagiisang anak.