Unti-unting iminulat ni Shakir ang kaniyang mga mata nang masinagan ito ng araw.
Marahang tumayo mula sa kaniyang pagkakahiga at nang aalis na sana sa papag na kaniyang hinigaan ay natigilan ito nang makarinig ng ingay mula sa ibaba ng kastilyo dahilan upang agad siyang tumayo at buksan ang bintana ng kwarto.
"Anong nangyayari doon Ebraheem?" tanong nito sa amatista na siya niyang kasama sa kwarto at kasalukuyan nga ngayong isinusuot ang sapatos.
Tumayo na rin ngayon si Ebraheem mula sa kaniyang pagkakaupo sa kama at naglakad nga papunta sa bintana.
"Kayo ay maghanda at palibutan ang buong teritoryo!" bulalas ni Mahalia mula sa ibaba kasama ngayon sila Maginoo at Afiya.
"Afiya!" tawag ni Ebraheem sa ibaba dahilan upang mabaling ang tingin sa kanila ni Afiya.
"Anong nangyayari?"
_________________________
"Parating ang mga ravena? Paano nila nalaman na nandito tayo?" sunod-sunod na tanong ni Shakir na siyang nakababa na at nakalabas na mula sa kastilyo gaya ni Ebraheem.
"At nagtungo rin nga kami kanina papunta sa kwebang pinagkukunan ng mga materyales sa paggawa ng espada at pana ngunit natigilan kami nang makita sa hindi kalayuan na pinapalibutan na ng mga ravena ang kweba," paliwanag ni Afiya.
"Pati ang kweba, alam na rin nila?" nanlalaking mga matang panganglaro ni Ebraheem.
"Kakasabi lang niya hindi ba? Kailangan talaga ulit-ulitin?" sarkastikong tugon ni Mahalia dahilan upang maningkit ang mga mata ni Ebraheem.
"Hindi ba pwedeng klaruhin?"
"Tumigil na nga kayong dalawa," awat ni Afiya sa kanila.
"Kung parating na ang mga ravena ay hindi tayo makakatakas--"
"Hindi tayo aalis Shakir," pakli ni Mahalia. "Ang hirap-hirap mag-adjust tapos aalis lang tayo para sa mga papansin na 'yon?"
"Kung gayon ay anong gagawin natin Mahalia? Sige nga, sambihin mo kung may maganda ka bang solusyon patungkol dito," ani Ebraheem dahilan upang itaas ngayon ni Mahalia ang kaniyang palad at marahan ngang ipinatong ito sa lupang katapat niya.
"Lilituhin natin ang mga ibon na 'yon," ani Mahalia kasabay nang paglabas niya ng berdeng ilaw mula sa kaniyang palad dahilan upang sunod-sunod na maglakihan ang mga puno sa kagubatan. Kasunod nito ang unti-unting pagtubo ng malalaking puno sa paligid ng kastilyong kanilang tinutuluyan.
Nang dahil sa pagyabong ng mga puno ay kahit anong talas ng mata ng mga ravena sa himpapawid ay kailanman hindi masusumpungan ang kastilyong kanilang tinutuluyan.
"Paano naman kung bumaba sila at--"
Hindi nga natuloy pa ni Ebraheem ang kaniyang sasabihin nang iharang ni Mahalia ang kaniyang palad sa mukha nito.
"Iniba ko ang mga daan at gumawa na rin ako ng mga pain, kaya wala kang dapat ipag-alala Ebraheem," sarkastikong ani Mahalia dahilan upang buntong-hiningang mapatango sina Shakir at Afiya.
"Itutuloy pa ba natin ang paghahanda para sa susunod na pagsalakay?" tanong ni Amadeo mula sa kanilang likuran dahilan upang halos sabay-sabay silang mapatingin dito.
"Ang sabi ng aking mga kasama ay bantay-sarado ngayon ng mga ravena ang kwebang pinagkukunan ng materyales. Maraming nasirang pana at espada mula sa unang pagsalakay, paano na natin papalitan ang mga yaon?"
"Kami nalang muna ni Shakir ang magtutungo sa kweba," ani Afiya dahilan upang kunutan siya ng noo ni Shakir.
"A--ako? Bakit ako?"
Marahang tumango si Afiya bilang tugon dito. "Hindi ba ay magtutungo ka rin naman sa kagubatan upang kumuha ng mga halamang gamot?"
Natigilan ngang husto si Shakir at kalaunan ay tumango bilang tugon dito.
"Kung gayon maigi ngang kayo ni Afiya ang magtungo sa kagubatan Shakir," sang-ayon ni Mahalia.
_________________________
"Sigurado ka bang ito ang bagong daan Afiya?" tanong ni Shakir na ngayon ay inilibot ang kaniyang paningin at natigilan nga nang makakita ng Tayabak o isang uri ng bulaklak na karaniwang ginagamit pang-dekorasyon.
"Anong klaseng halamang gamot iyan Shakir?" tanong ni Afiya sa kaniyang likuran na siya rin ngang natigilan sa paglalakad.
"Isa itong Tayabak at hindi namin ito ginagamit sa panggagamot," sagot ni Shakir na ngayon ay kumuha ng isang tangkay ng bulaklak.
"Kung gayon ay bakit mo ito kinukuha kung hindi mo rin lang pala magagamit?" nagtatakang tanong ni Afiya na siyang hinarap na ngayon ni Shakir.
"Nais kong ilagay sa pintuan ng kwartong aking tinutuluyan," nakangiting sagot ni Shakir dahilan upang kunutan siya ng noo ni Afiya.
"Sa dati kasi naming tinitirahan ng ina ay maraming nakakalat na Tayabak sa aming bakuran," ani Shakir nang mapansin ang pagtataka sa mukha ni Afiya.
"Naku," sambitla ni Shakir na napatingin nga ngayon sa kalangitan na siyang sinundan din ng tingin ni Afiya. "Mukhang mauulan ata, mabuti pa sigurong bumalik nalang muna--"
"Mas mainam na umulan," saad ni Afiya na siyang unti-unti nga ngayong napangiti sa kawalan. "Siguradong aalis ang mga ravenang nagbabantay ngayon sa kweba at ang mga ravenang magsusubok na sumalakay sa kastilyo nang dahil sa ulan."
At dahil nga sa sinambit ng dalaga ay nawalang tuluyan ang kunot sa noo ni Shakir at napagtanto ngang tuluyan ang ibig iparating ni Afiya.
"Sino ba namang ibon ang magnanais na mabasa ang kaniyang pak-pak hindi ba?" nakangiting tanong ni Afiya kay Shakir ngunit natigilan nga ito maski si Shakir nang unti-unting pumatak ang tubig ulan mula sa kalangitan.
Agad na hinawakan ni Shakir ang pulso ni Afiya upang hilahin ito patungo sa kalapit na puno ngunit natigilang husto at nanlaki ang mga mata ni Shakir nang walang pasubali na lamang siyang hilahin ng dalaga kasabay nang paglakas ng ulan.
"Ilang buwan na ring hindi umulan Shakir! Ang mga bagay na ito ay hindi dapat pinapalagpas," bulalas ni Afiya na pagkalaki-laki ngayon ng ngiti at buntong-hiningang ipinikit ang kaniyang mga mata at hinayaan na dumampi sa kaniyang balat ang bugso ng ulan.
Tuluyang natigilan si Shakir na ngayong ay unti-unti na ring napangiti at ibinaling nga ang tingin sa kalangitan at hinayaan na ring mabasa siya ng tubig ulan.
"Sabi ko na nga ba eh," ani Mahalia na siyang kasama si Ebraheem na nakatayo sa lugar na hindi nalalayo kina Shakir at Afiya ngayon. "Bad idea na magkasama ang dalawang ito dahil siguradong may landiang mangyayari."
"Hali ka na nga Ebraheem at samantalahin na natin ang pagkakataon na wala ang mga ravena upang magtungo--"
Natigilan ngang husto si Mahalia nang makitang nakangiti ngayon si Ebraheem habang nakatingin ngayon kila Shakir at Afiya dahilan upang mapabuntong ng malalim na hininga si Mahalia at ipinitik nga ang dalawang daliri sa harapan ni Ebraheem upang makuha ang atensyon nito.
"Maiiwan ka ba dito at papanuorin nalang na maglandian ang dalawang iyan?" sarkastikong tanong ni Mahalia dito dahilan upang ngumisi siya at tumango ngunit kalaunan ay napailing nang samaan siya ng tingin ni Mahalia.
"N--nagbibiro lamang," ani nito na siyang sumunod na nga sa paglalaho ni Mahalia.
_________________________
"Teka," sambitla ni Afiya nang makarinig ng kaluskos mula sa loob ng kweba.
Natigilan nga maging si Shakir nang makarinig naman siya ngayon hindi lamang ng kaluskos kundi maging ng sunod-sunod na tawanan mula sa loob ng kweba.
Marahang hinawakan ni Afiya ang pulso ni Shakir kasunod nang pagkawala nila sa mata ng sino mang makakakita sa kanila.
Maingat na naglakad ang dalawa papasok ng kweba.
"Naku, Ebraheem! Tumigil ka nga dahil kung hindi ay malilintikan ka talaga sa aking bampira ka!" sunod-sunod na bulalas ni Mahalia dahilan upang tila mabunutan ng tinik ngayon sina Afiya at Shakir at tuluyan na ngang nagpakita sa dalawa.
"Kayo lang pala iyan Mahalia at Ebraheem," ani Shakir dahilan upang kapwa tumingin ngayon si Mahalia at Ebraheem sa kanilang likuran.
"B--bakit kayo nandito?" kunot-noong tanong ni Afiya ngunit natigilan nga nang makitang kasalukuyang kumukuha ng mga metal ang dalawa na magagamit sa paggawa ng espada. "Akala ko ba kami ang kukuha ng mga iyan?"
"Eh, sa pinilit ako nitong si Mahalia na sumunod na lamang sa inyo nang makita niyang tila uulan," sagot ni Ebraheem.
"Nahinuha ko na hindi matutuloy sa pagsalakay ang mga ravena kaya bakit hindi na lamang kami sumunod dito nang mas marami pang makuhang materyales 'diba? At isa pa, naghahanap din ako ng mga metal na magagamit natin sa paggawa hindi lamang ng armas kundi pati armor o ang magiging proteksyon natin sa katawan," sagot ni Mahalia na siyang ikinarga na nga sa bayong ang hawak na obsidian.
"At isa pa, nahinuha rin nitong si Mahalia na mahuhuli kayo sa pagpunta dito at magsasayang lamang kayo ng oras sa panglala--"
Agad ngang tinakpan ni Mahalia ang bibig ni Ebraheem at nilakihan ito ng mata.
"Ang tabil-tabil talaga ng dila mo Ebraheem. May mga bagay na hindi na dapat sinasabi sa iba ano," usal ni Mahalia dito.
"Panglala--ano?" kunot-noong tanong ni Afiya ngunit inilingang lamang siya ni Ebraheem sa takot na baka kung ano pa ang magawa sa kaniya ni Mahalia.
"W--wala," sambitla ni Ebraheem na siyang sunod-sunod ngang umiling kay Afiya.
_________________________
"Narito na ang mga materyales na nakuha namin. Noong isang araw ay madali tayong nalagas dahil sa wala ni ano man ang pumuprotekta sa ating mga katawan, kaya ngayon ay hindi lamang mga armas ang ating gagawin kundi maging mga baluti para sa ating mga katawan, " paliwanag ni Mahalia sa mga manananggal matapos ibaba nila Shakir ang mga nakuhang materyales.
"Maigi ang iyong naisip Afiya," ani Maginoong Ahmad na napangiti ngayon at tumango ng ilang beses.
"Hindi lamang ito ang magiging pagbabago sa ating magiging plano," ani Afiya na dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya ng lahat.
Marahan naman siyang tinanguan ni Mahalia dahilan upang mapabuntong-hininga siya at ibaling ngang tuluyan ang tingin sa mga manananggal.
"Hahatiin namin kayo sa apat na pangkat tulad ng pagkakahati nang tayo ay sumalakay ay apat din ang magiging pangkat natin," patuloy ngayon ni Afiya. "Bawat pangkat ay mag-eensayo base sa mapipili niyong trabaho, maaaring sa grupo ng gagamit ng pana, sa grupong gagamit ng espada, sa grupong gagawa ng mga sandata, o sa grupong magtutungo sa kampo upang mag-imbestiga."
"Hindi na magiging tulad ng una nating pagsalakay, magiging mas maingat tayo sa pagkakataon na ito at aalisin ang sino mang magtataksil sa plano," ani Ebraheem.
"Nagkakaliwanagan ba tayo?" bulalas ni Mahalia na siyang sabay-sabay na sinang-ayunan ng mga manananggal.
"Kung gayon ay maaari na tayong magsimula."
_________________________
"Punong Lakambini Aisha, sigurado ka ba talaga dito sa iyong plano?" nag-aalangang tanong ni Tunku na siyang nakabuntot ngayon sa lakambini habang maingat itong naglalakad patungo sa isa sa mga kampo ng mga ravena kung saan naroon ngayon ang mga lahi ng babaylan.
"Kung ikaw ay nag-aalangan Tunku ay maaari mo naman akong iwanan na lamang," saad ng lakambini na siyang nakatuon ang pansin sa dalawang ravena na nakabantay ngayon sa tarangkahan ng kampo.
"Hindi kita maaaring iwanan lakambini, masyadong delikado ang iyong gagawin at baka kung ano pang mangyari sa iyo," ani Tunku na siyang buntong hiningang sumunod sa lakambini nang mas lumapit pa ito sa kampo.
"Berhe--"
Natigilan si Aisha sa kaniyang pagsasambitla ng engkantasyon nang lumabas ang isang kalesa mula sa kampo. Ang mas ikinagulat at pinanlaki ng mata ng dalaga ay nang makitang lulan ng kalesa ang amatista ng Aeras na si Helios kasama ang dalagang pamilyar na pamilyar kay Aisha.
"C--celestina," nanlalaki at utal nitong sambitla na naistatwa nga ngayon sa kaniyang kinatatayuan. Hindi mawari ng kaniyang isipan kung bakit nakitang magkahawak ang mga kamay ni Celestina at Helios habang ang mga ito ay naghahalakhakan.
"Lakambini?" tawag ni Tunku dito. "Ayos ka lamang ba?"
"Kailangan natin silang sundan Tunku," ani ng dalaga na siyang hinawakan nga sa pulso ang kibaan at sinabay ito sa mabilisan niyang pagtakbo.
Natigil ang kalesa sa pangalawang kampo ng Aeras kung saan tumutuloy si Helios kasama ang kaniyang mga kawal.
Nang makapasok ang kalesa ay tuluyan na ngang natigilan si Aisha at hindi magawang maglakad patungo dito dahil sa halos isang hukbo ng ravenang nakabantay sa harap ng tarangkahan.
"Hindi ako maaaring magkamali Tunku," buntong-hiningang ani Aisha na siyang kinunutan ng noo ni Tunku.
"Anong kamali ang iyong tinutukoy punong lakambini?"
"Ang amatista ng Aeras at ang aking matalik na kaibigan na si Celestina ay tila may relasyon," nanlalaking mga matang sagot ni Aisha. "Kaya naman pala, kaya naman pala binilog niya ang utak ng aking ama at ginamit si Shakir upang ipagkanulo ang aming lahi."
Hindi na natigilan pa ni Aisha na itikom ng pahigpit ang kaniyang mga kamao habang nagpipigil ngayon ng kaniyang galit.
"Nilinlang niya kaming lahat upang ipagkanulo ang buong lahi ng babaylan sa demonyong Helios na iyan. Kasalanang lahat-lahat ni Celestina kung bakit may digmaang nangyayari ngayon."
_________________________
"Mahal kong Helios, nagawa ko na lahat-lahat ng ipinag-uutos mo, nasaan na ang ipinangako mong premyo sa akin?" nakangising tanong ni Celestina nang maiwan silang dalawa ng amatista.
"Premyo?"
Agad na natigilan ang babaylan at unti-unti ngang nawala ang ngisi sa kaniyang mga labi.
"Helios, ipinangako mong papakasalan mo ako sa oras na makuha mo na ang lahi ng mga babaylan. Huwag mong sabihin na nakalimutan mo na iyon?" tugon ni Celestina na siya ngang pilit ngumiti ngunit natigilan ito at nanlaki ang mga mata nang itapat ni Helios ang kaniyang palad sa kaniya.
"Ito ba ang tinutukoy mong premyo mahal ko?" nakangising tanong ni Helios dahilan upang manlaking agad ang mga mata ni Celestina at agad ngang tumakbo upang makaiwas sa itim na ilaw na pinakawalan ni Helios.
"Walanghiya ka Helios!" bulalas ni Celestina na siyang nanginginig nga ang mga tuhod maski ang kamay. Ngayon ay itinapat nito ang palad kay Helios kasabay ng paglabas niya ng kulay puting bilog na ilaw. "Nilinlang mo akong hayop ka!"
"Shhh," ani Helios na siyang itinapat nga ang hintutura sa kaniyang bibig habang ngayon ay naglalakad palapit kay Celestina na siya rin namang napaatras dahil sa takot.
"Wala ka talagang sinusunod na pangako Helios! Ginamit mo lamang ako--"
"Sa tingin mo ba talaga ay papakasal ako sa kagaya mong babaylan? Sa isang ulipon at mahinang babaylan na tulad mo?" sarkastikong mga katanungan ni Helios kasunod ng kaniyang pagkalakas-lakas na tawa na siyang umalingawngaw ngayon sa buong kwarto.
"Kung papakasal man ako sa babaylan ay hindi sa iyo mahal kong Celestina," patuloy ni Helios. "Kundi ay sa malakas, maharlika, at magagamit ko upang mapalakas ang aking kapangyarihan."
"Walanghiya ka talaga!" maluha-luhang bulalas ni Celestina na siyang binato si Helios ng puting ilaw ngunit agad ngang nakaiwas ng walang kahirap-hirap ang ravena.
"Kung papakasal ako, ay sa Punong Lakambini Aisha iyon hindi sa tulad mong mahina at madaling mabilog ang ulo," ani Helios na walang pasubaling nagpalabas ng itim na kapangyarihan mula sa kaniyang palad patungo kay Celestina dahilan upang tila matigil ang mundo ng dalaga at nang dumampi ang itim na ilaw sa buo niyang katawan ay unti-unti rin siyang natunaw at tuluyang naglaho na parang bula.
"Tama," sambitla ni Helios na siyang nakangisi ngayon ng pagkalaki-laki. "Sa Punong Lakambini Aisha ako papakasal at hindi sa tulad mo Celestina."