Nagkita sa plaza sila Arnold at Cecille sa oras na kanilang pinag-usapan at niyaya na lang ni Arnold ang nobya sa kanilang bahay upang duon mag-usap. Bukod sa wala naman silang pera para mamasyal at kumain sa labas, sila pa ngayon ang umiiwas na may makakita sa kanila at makarating sa mga Valentin.
"Kahit pala linggo pumapasok pa din ang nanay at tatay mo." si Cecille nang makarating sila ng bahay nila Arnold.
"Oo Cecille, si Nanay pa din ang nagluluto du'n. Si tatay naman, nakaantabay palagi kung sakaling may lakad si Mayor o si mayora. Minsan 'yung mga anak nu'n nagpapa-drive din kay Tatay." sagot naman ni Arnold.
"Gusto mo magluto muna tay? Hanggang anong oras ba paalam mo sa n'yo?" tanong ni Arnold.
"Sabi ko hanggang hapon. May group project 'kako kami. Tara magluto muna tayo nagugutom na nga din ako." si Cecille.
Nagprito lang naman sila ng itlog at tocino. Matapus nuon ay kumain na sila.
"Naalala ko tuloy nung high school tayo." si Arnold.
"Anong naalala mo?" tanong ni Cecille.
"Etong kinakain natin. Ito madalas nating baon di ba." paalala ni Arnold.
"Hahaha. Oo nga pala noh. Sana pala sinamahan na natin ng talbos ng kamote o kaya kangkong para kumpleto na."
"Balang araw makakatikim din tayo ng masasarap na pagkain." si Arnold.
"Masarap naman 'to ah. Bakit sawa ka na ba dito?" si Cecille.
"Hindi ah. Kahit nga tuyo o dilis okay sa 'kin eh. Ibig ko lang sabihin, makakatikim din tayo ng pagkain na kinakain ng mga mayayaman." si Arnold.
Natahimik si Cecille. Napahinto ito sa pagkain. Naisip niyang bigla kung matutuloy pa kaya ang pangarap na 'yun ni Arnold o kasama pa kaya siya nito pagdating ng araw na sinasabi nito.
"Oh natigil ka d'yan. 'Wag mo sabihing natinik ka at wala namang tinik 'yung kinakain natin." si Arnold na bahagyang natawa.
"W-wala. May naalala lang ako." si Cecille.
Hindi itinuloy ni Arnold ang usapan. Hindi na niya inusisa kung ano man ang naalala ni Cecille. Hindi niya alam kung ayaw niya itong marinig o natatakot siyang malaman kung anong bigla ang inisip nito, sa halip ay itinuloy na lang niya ang pagkain.
Pagkatapos nilang kumain ay si Cecille ang nagligpit ng kanilang pinagkainan, nagpunas ng mesa at akma nitong huhugasan na ang mga pinagkainan nila. Habang si Arnold ay nagwalis ng sahig at nilinis ang kalan nilang de kahoy na tinanggalan niya ng mga naipong abo.
"Hindi kita pipigilan Cecille para pag mag-asawa na tayo 'yan lagi ang gagawin mo. Saka mag-aral ka ding magluto ng iba ha hindi puro prito." biro ni Arnold.
Hindi pa din sinasagot ni Cecille ang biro ni Arnold dahil ayaw niyang sakyan ang mga sinasabi nito gayong may problema silang kinakaharap.
"Hahaha. Mukha na tayong mag asawa Cecille noh. Saka dapat hindi na pala Cecille tawag ko sa 'yo." si Arnold.
"Eh ano?" sinagot naman ni Cecille ang sinabi ni Arnold.
"Hmm teka. Alam ko na. Mahal. Mahal dapat tawagan natin, 'di ba." si Arnold na hindi pa din kakitaan na may kinikimkim na hinagpis. Hindi kumibo si Cecille habang tinataob na ang mga pinggang hinugasan.
"Mahal pagkatapos mo diyan sa kusina ay dito na tayo sa sala." pabiro pa din ni Arnold.
"Oh sige Mahal." sagot naman ni Cecille na papunta na sa kinaroroonan ni Arnold na apat na hakbang lang ang pagitan ng kusina hanggang sala.
"Dito ka nga sa tabi ko Mahal." sabi ni Arnold habang pinapagpag ang sofa na kahoy kung saan pinapaupo si Cecille.
"Ang tagal na natin pero ngayon lang ako nakaisip ng tawagan natin Mahal." sabi ni Arnold kay Cecille na bahagyang sumandal sa tagiliran ni Arnold.
"Oo nga mahal. Pero okey lang Mahal. Kahit naman hindi natin naisipang tawaging Mahal ang isa't isa, alam naman natin na mahal na mahal natin ang isa't isa. Tama ba Mahal?" si Cecille.
"Dami namang mahal sa sinabi mo." sabi ni Arnold at sabay silang nagkatawanan.
Pagkatapos ng kanilang tawanan ay namagitan ang katahimikan. Mula sa pagkakahilig ni Cecille kay Arnold ay yumakap ito at isinandal ang ulo sa dibdib ng nobyo. Umakbay naman si Arnold aa balikat ng nobya.
"Sana ganito tayo palagi noh mahal?" basag ni Arnold sa katahimikan.
"Sana nga mahal, pero..."
"Pero ano? Alam ko na lahat mahal. Sinabi na sa akin ni Nanay." patuloy ni Arnold sa pinutol niyang pagsasalita ni Cecille.
"Paano na tayo Mahal?" tanong ni Cecille.
"Kagabi pa ko hindi makatulog kaiisip Mahal. Hindi ako makaisip ng desisyon na ako lang. Gusto ko kasama ka dahil hindi ko kayang mag-isa 'to." malungkot na ang tinig ni Arnold.
"Nahihirapan ako sa bahay. Wala akong kalaban-laban kila Nanay at Tatay. Hindi nila ko pinakikinggan, ang gusto nila eh masunod 'yung gusto nila. Mahal, ano gagawin natin?" mula sa pagkakasandal sa dibdib ay tumingin siya sa mukha ni Arnold.
"Ikaw ang tatanungin ko mahal, papayag ka ba kahit mga magulang mo lang ang may gusto?" si Arnold.
Napaayos ng upo si Cecille at humarap kay Arnold.
"Ayoko, kahit ano sabihin nila hindi ko talaga pakakasalan si Lukas. Kahit ano pa ibigay niya sakin o kila nanay at tatay ayoko pa din. Ikaw ang mahal ko Mahal. Ilang beses ko bang uulitin na ikaw lang ang minahal ko. Hanggang ngayon, hanggang bukas o hanggang katapusan."
"Handa ka ba talagang maghintay sakin?" si Arnold.
"Oo naman. Bakit mo naman natanong 'yan?" si Cecille.
"Kasi naiisip ko baka nga hindi kita kayang bigyan ng magandang buhay. Baka tama nga mga magulang mo. Mahirap lang kami. Ano ba mapapala mo sa 'kin."
"Mahal ano ba yang mga sinasabi mo?" pigil ni Cecille kay Arnold.
"Ayaw din naman kita isuko mahal eh. Ikaw lang ang iniisip ko. Kaya mo bang makipaglaban para sa 'kin? Kaya mo bang ipaglaban ang pagmamahalan natin?" tanong ulit ni Arnold.
"Kaya ko Mahal, kaso alam mo bang ginigipit nila ko?" sagot ni Cecille na nagpakunot ng noo ni Arnold.
"Anong ibig mong sabihing ginigipit ka nila? Sinong nila?"
"Mahal, patitigilin ako sa pag-aaral kapag hindi ako pumayag magpakasal kay Lukas. Mawawala ang scholarship ko. Bibitawan na ni mayor. Ang masakit pa du'n, pati ikaw Mahal. Kakausapin din ni Mayor mga magulang mo na ititigil din ang scholarship mo kapah patuloy pa din ang pakikipagkita mo sa 'kin." sabi ni Cecille na labis na ikinagulat ni Arnold.
"Tama si Cecille anak." singit ni Aling Milagring na kadarating lang kasama ang asawa.
"Narinig namin pinag-uusapan n'yo." bahagyang pinutol ni Aling Milagring ang sinasabi upang umupo sa kaharap ng inuupuan nila Cecille at Arnold gayundin si Mang Fredo.
Nabakas ni Arnold sa mukha ng kanyang mga magulang ang labis na lungkot at mukhang malalata ang mga kilos nito.
"Anak, Cecille, naaawa ako sa inyong dalawa." unti-unting namuo ang luha sa mata ni Aling Milagring.
"Milagring."inalo naman agad ni Mang Fredo ang asawa at hinimas ng bahagya ang likod ng asawa.
"Anak, kinausap kami ng tatay mo ni Mayor, kaharap si Mayora. Tama 'yung narinig mong sinabi ni Cecille. Pero hindi pa 'yun ang mas masakit anak." at nagtuloy ang luha ni Milagring.
"Nay ano po 'yun?" pag-aalalang tanong ni Arnold.
"Bago daw ikasal sila Lukas at Cecille, hindi na daw nila kailangan ng serbisyo namin ng Tatay mo." napahagulgol na si Aling Milagring.
"Labinglimang taon na kaming nagseserbisyo sa kanila tapos biglaang sasabihin samin 'yun. Tapos, tapos... ililipat daw kami sa kapatid niya sa Maynila. Kilala na daw kami ng mga nandu'n dahil napasyal na daw diyan sa bahay nila. Wala daw kasama sa bahay kundi 'yung tatlong apo na nag-aaral na at mga nasa abroad daw ang magulang nu'n at du'n ka na daw uuwe para hindi ka na umupa. Gusto talaga nila malayo tayo dito anak." patuloy na pagtangis ni Aling Milagring.
Nakaramdam ng galit si Arnold at tumayo ito mula sa kinauupuan sa tabi ni Cecille.
"Eh ano kaya 'nay kung huminto na ko sa pag aaral? 'Yun naman kasi panakot nila eh, 'yung pera nila. Siguro matitigil sila kapag tinanggihan ko na yung mga binibigay nila satin." napadakot ng kamao si Arnold.
"Anak sa palagay mo ba ay titigil sila sa plano nila kung sakali mang gawin mo yung sinasabi mo?" si Mang Fredo.
"Mahal, 'wag ka pabigla-bigla ng desisyon. Paano na 'yung pangarap mo?"
"Saan tayo pupulutin anak?"
"Mas lalo tayong aapihin ng mga yan kung wala kang mararating anak?"
"Mahal mag-isip tayo ng maayos?"
Sunod-sunod na salita nila Cecille Aling Milagring at Mang Fredo.
"Aaaaaaaahhhhh. Hindi ko alam... Hindi ko na alam... Bakit ba nila tayo ginaganito?" napadukdok si Arnold sa dingding dahil sa gulo ng utak nito.
Inuntog-untog nito ang ulo sa plywood na dingding ng bahay na dinamayan agad ni Cecille.
"Napapagod na ko mag-isip mahal." si Arnold habang umiiyak.
Yumakap si Cecille sa nakatalikod na si Arnold.
"Nahihirapan din ako mahal." napaiyak na din si Cecille.
Napailing si Mang Fredo sa eksena sa loob ng bahay nila. Nais man niyang umiyak ay pinipigilan niya ang sarili. Gusto niyang ipakita sa pamilya niya na kahit papaano ay may isang matatag ang kalooban sa kanilang pamilya, bilang padre de pamilya.