Kimberly Marquez
MARAHAN at maingat akong naglalakad habang buhat sa aking braso ang mga module na binigay sa amin sa faculty. Ang totoo, akala ko ay may tutulong sa 'kin sa pagbubuhat nito ngunit nagkamali ako.
Nilapag ang mga sampung module na ito sa harapan namin ni Seven kanina, pero ang ending, ako lang ang nagbuhat.
Ang hinayupak, naglakad lang siya na animoy nasa park. Gwapo nga, hindi naman gentlemen.
Hmm! umbagan kita d'yan, eh! iritable kong wika.
Nais ko sanang i-amba nang suntok ang aking kamay pero okupado ang magkabila kong braso, kaya wala akong magawa kung hindi ang mainis na lang sa kanya.
Nakatanaw ako mula sa likod ni Seven habang kami ay naglalakad sa hallway patungo sa classroom. Kailangan naming i-ayos ang mga module na ito sa lamesa ng mga classmate namin nang makauwi na kami.
Halos habol hininga ako nang sa wakas ay makarating kami sa loob ng classroom. Nang ilapag ko ang sampung module na hawak ko sa lamesa ng aming guro, sandali akong umupo rito at nagpahinga.
"You should distribute that quickly para makauwi na tayo," ma-otoridad na utos sa akin ni Seven na akala mo ay professor.
Nagsimulang tumaas ang dugo sa aking ulo dahil sa inis ko. Marahas akong tumayo at malakas na hinampas ang aking palad sa lamesa na nasa aking harapan, saka padabog na lumakad patungo sa kinaroroonan ngayon ni Seven.
"Alam mo, ikaw? Kung tinutulungan mo sana ako mabilis tayong matatapos," inis kong bulyaw sa kanya sabay pagduro ng aking kamay.
"Ano bang kinagagalit mo? Sampung piraso lang naman 'yan," kalmado pa rin niyang tugon sa akin habang ang mukha ay tila isang blankong tao na walang emosyon.
Mariin kong kinuyom ang aking kamay dahil sa inis ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip ngunit tinaas ko ang aking kamao at mabilis na sinuntok sa kanyang mukha, ngunit sa kasamaang palad, b-in-end niya lang ang kanyang ulo at naka-iwas na siya sa aking suntok.
Nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman ko ang kanyang kamay sa aking baywang, saka niya kinabig palapit ang aking katawan sa kanyang katawan at hindi ko alam kung ano ang dahilan.
Nagtama ang aming mga mata dahil sa sobrang lapit ng aming mukha. Nagmistulang nakayakap ang aking hitsura dahil sa naka-angkla kong kamay sa leeg niya.
Dahil sa ganitong pangyayari, naramdaman ko ang mabilis na t***k ng aking puso nang matitigan ko ang mukha niya nang malapitan. Hanggang sa maya-maya lang, tumaas ang gilid ng kanyang labi na animoy may mapang-asar na ngiti.
"Black belter ako ng taekwondo kaya pasensya na, hindi mo talaga ako matatamaan," pagmamayabang niya.
Kumunot ang aking noo dahil sa inis, hanggang sa maya-maya lang, sabay kaming napalingon sa bintana nang may marinig kaming pag-click ng camera at flash na mula sa ilaw nito.
Pareho kaming nagulat nang makita namin ang isang babae na nakasilip sa bintana ng classroom habang nagpa-panic kung paano niya papatayin ang flash.
Nang makita niya kami na nakatingin sa kanya, agad na nanlaki ang kanyang mata sa gulat at mabilis na tumakbo palayo sa bintana ng classroom.
"Hey! Come back here!" sigaw ni Seven na agad binitiwan ang aking baywang saka mabilis na tumakbo at hinabol ang babae.
Nanatili naman akong nakakunot ang noo dahil sa pagtataka sa mga nangyari.
Anong trip ng babaeng 'yon? Bakit kailangan niya kaming kuhaan ng litrato?
Nagkibit-balikat na lang ako at sinimulang i-distribute ang mga module. Pakiramdam ko ay naisahan ako ni Seven dahil tinakasan niya ang gawain namin, nakakainis!
Nang matapos ako, lumabas na ako ng classroom at naghahanda nang umuwi. Naabutan ko si Seven sa may labas ng quadrangle.
"Hindi ko siya naabutan," wika niya habang lumilingon sa paligid.
"Talo ka pala ng babae sa takbuhan, eh," pang-aasar ko sa kanya.
Kunot-noo naman siyang tumingin sa akin at animoy nagtataka.
"Hindi ka man lang nababahala?" aniya.
Tumingin ako pabalik sa kanya at ngumiti nang sarkastiko.
"Nope. Why should I?" tugon ko.
Napailing na lang si Seven dahil sa aking sinabi at hindi ko alam kung bakit.
"Bahala ka. It's your problem anyway," aniya na hindi ko alam kung bakit niya nasabi.
Inayos niya ang pagkakasukbit ng bag sa kanyang likod, saka nagsimulang lumakad patungo sa bus station.
"Anong problema no'n?"
Sumunod na lang ako ng lakad patungo sa bus station. Sinigurado kong hindi ako tatabi sa kanya ng upuan.
Hindi ko alam kung ano ang iniisip ni Seven tungkol sa ginawa noong babae, sanay na kasi ako na may kumukuha ng litrato kay Seven at baka isa ang babaeng iyon sa mga fans niya. Umaasa na lang ako na hindi ako ma-involve.
Sandali akong natigilan habang nakadungaw sa bintana ang aking mata. Noon ko lang napagtanto ang consequences ng nangyari kanina.
Bakit nga ba masiyado akong nakampante? Baka tama nga si Seven, baka kung anong gawin ng babaeng iyon sa litratong kinuha niya.
***
Maging sa pag-uwi namin, hindi mawala sa aking isip ang bagay na nangyari.
"How was your school, Son?" tanong ng mommy ni Seven na ngayon ay nakaupo sa sofa at nanonood ng tv sa sala kasama ang mommy ko.
Ang daddy ni Seven at ang daddy ko naman ay nasa loob ng gamiting room kung saan naglalaro ang dalawa.
Bakit ganito ang mga magulang namin, masiyadong close? Samantalang ang mga anak, parang aso't pusa.
"It's another boring day," tugon ni Seven saka lumapit sa kanyang mommy at humalik sa pisngi. "I'll go to my room," muli niyang saad.
Nang makaalis si Seven sa sala, agad akong lumapit kanila tita at mommy saka umupo sa kanilang tabi.
"Ikaw, Kim. Kumusta ang school?"
"It's another boring day," paggaya ko sa sinabi ni Seven na mag halong pagiging sarcastic.
Agad na natawa sina mommy at tita dahil sa aking ginawa, maging ako ay impit na ring natawa.
Hanggang sa maya-maya lang, naisip kong magtanong kay tita tungkol kay Seven.
"Tita, ganoon po ba talaga si Seven? Masiyadong seryoso at matipid magsalita," tanong ko.
Sandaling uminom ng juice si tita bago tumugon sa aking tanong.
"Okay naman si Seven noon. Ang totoo, masayahing bata iyan at madalas na maraming kaibigan. Pero nagbago siya simula noon–"
"Ma!"
Sabay-sabay kaming napalingon nang makarinig ng malakas na sigaw mula sa veranda ng second floor. Nagulat ako nang makita ko ang madilim na mukha ni Seven na animoy galit na galit.
Tila kinilabutan ako nang ibaling niya ang tingin niya sa akin, dahilan upang mas bumilis ang t***k ng aking puso sa kaba.
"I-I'm sorry, Anak. Sige, tatahimik na ako," pilit na pagngiti ni tita saka kumindat sa akin.
Nang makita namin ang pag-alis ni Seven at muling pagpasok nito sa kanyang silid, muling nagsalita si tita.
"Pasensya ka na. I think 'wag mo na munang alamin, Kim. Sensitive kasi talaga si Seven sa mga ganitong topic," saad sa akin ni tita.
"Hindi po kayo kailangan humingi ng pasensya, tita. Sorry po at tinanong ko pa iyon, nanghihimasok na naman ako," impit kong pagtawa sabay sa pagkamot ng aking ulo.
"Anak, magbihis ka na muna kaya. Tulungan mo akong maghanda ng dinner," wika ni mommy na animoy binabago ang usapan.
"Opo, ma."
Mabilis akong nagtungo sa itaas upang maglinis ng katawan at magbihis, ngunit bago ako bumaba, naisipan kong i-check ang social media account ko kahit sandali lang.
Habang nag-i-iscroll ako, nanlaki ang aking mga mata at tila napako ang aking paa sa kinatatayuan. Hindi ako makapaniwala sa litratong nakita ko na naka-post sa isang sikat ng page.
"Kimberly!" Agad akong napatingin sa pinto ng aking silid nang marahas itong bumukas. Niluwa ng pintong iyon si Seven na ngayon ay halos hindi ko maipinta ang hitsura. Tiningnan niya ang hawak ko sa aking kamay, saka muling bumalik sa aking mukha. "Siguro naman ay nakita mo na ang result ng pagiging careless mo," aniya saka muling naging kalmado ang hitsura.
***
Nakaupo ako ngayon sa aking kama at si Seven naman ay nakapalumbaba habang nakaupo sa aking swivel chair.
Muli kong binasa ang caption ng post na nakita ko.
Our ultimate heartthrob, Seven Hunk Perez caught flirting with his girlfriend.
Saka nakalagay ang picture namin sa loob ng classroom na mukhang magkayakap. Sigurado ako na ito ang kuha ng babaeng nakita namin kanina. Napakabilis naman niyang magkalat ng balita.
"Hindi ba sinabi ko na sa 'yo na ayoko malaman ng iba na magkakilala tayo?"
"Bakit parang kasalanan ko? Sino bang humawak sa baywang ko?"
Agad akong tinapunan ng matalas na tingin ni Seven na tila sinusumpa niyang nakasama niya ako sa iisang bahay.
Sino ba kasi ang gustong makasama siya sa isang bubong, 'di ba?
"Believe me, Seven. Of all people, ako 'yong tao na ayaw na ayaw kang makasama," pagbibigay diin ko sa kanya.
Kumunot naman ang kanyang noo dahil sa sinabi ko. Maya-maya lang, umiwas siya ng tingin at marahang tumayo saka nilagay ang kamay sa kanyang bulsa.
"Whatever. I am just warning you, Kim. It is not easy being involved with my name," huling kataga na sinabi niya bago lumakad at lumabas sa aking kwarto.
Malalim akong napabuntonghininga, saka mariing ginulo ang aking buhok dahil sa inis ko.
"Aaahh!" malakas kong sigaw dahil sa galit.
Alam ko at naiintindihan ko ang sinabi ni Seven. Tulad nga ng iniwan niyang salita, dahil sa post na ito, sigurado akong hindi na matatahimik ang buhay ko. Sikat siya at isang hamak na scholar lang ako.
"Eeeh! Kasi naman, eh!" pagmumukmok ko na animoy bata.
Bakit ba kasi kailangang magbago ang tahimik kong buhay. Anong mukha ang ihaharap ko ngayon sa school.
Muli kong tiningnan ang post na nakita ko sa page, saka kinagat ang aking labi at nagsimulang mag-type ng mga letra.
Kailangan kong ibalik ang dati kong buhay. Hindi ko hahayaang maging magulo ito dahil lang sa lalaking Seven na ito. Dapat naging eight na lang siya, eh. Para eight tatapon ko siya sa malayo! sunod-sunod kong bulyaw sa isip ko.
Mula umpisa, kinaiinisan ko na ang lalaking iyon dahil kung ano-anong nangyayari sa akin sa tuwung nakikita ko siya. Ngayon naman, paano ko lulusotan ang problemang siya na naman ang may gawa?
***
Kinabukasan, maagang pumasok si Seven upang makaiwas na sumabay sa akin. Mabuti nga iyon at walang bad luck sa byahe ko.
Naging maayos ang pagpunta ko sa school at agad na ring pumasok sa school gate, ngunit hindi ko alam kung bakit ngunit palingon-lingon ang aking ulo dahil pakiramdam ko ay may mga taong nakatingin sa aking direksyon.
Hanggang sa maya-maya lang, sa patuloy kong paglalakad, ilang grupo ng kababaihan ang humarang sa aking daraanan.
Nakahalukipkip ang mga ito at tila nag-aapoy sa galit ang mga hitsura.
"Sumama ka sa 'min, may dapat tayong pag-usapan."
Halata sa tinig ng babaeng naka-ponytail na ipit ang inis na hindi ko alam kung saan nagmumula.
Mariin na lang akong napalunok nang pakiramdam ko ay mapagkakaisahan ako dahil sa dami nila.
"A-Ano bang pag-uusapan natin?" tanong ko.
"Tungkol kay Seven Hunk."
Bumagsak ang aking balikat saka napakunot ang noo.
Si Seven na naman, walang gana kong bulong sa isip.
Inikot ko ang aking mga mata saka huminga nang malalim.
"Wala na tayong dapat pag-usapan tungkol sa lalaking 'yon. I don't know him personally at hindi ako interesado sa kanya," sunod-sunod kong paliwanag.
"Really? Eh, ano 'yong kumakalat na picture?" mataray na tanong ng kasama niyang sidekick.
"Wala 'yon. It's not what you think it is."
Dahil pakiramdam ko ay nag-aaksaya na lang ako ng oras na sagutin ang kanilang mga tanong, nagsimula na lang akong lumakad at lampasan ang kanilang kinaroroonan. Ngunit nang makalapit ako sa babaeng naka-ponytail, mariin akong napapikit nang mahigpit niyang hawakan ang aking balikat.
"Bastos ka ba? Nag-uusap pa tayo," aniya na animoy galit na galit sa akin.
Ang totoo ayokong makipag-away dahil sa lalaking iyon. Alam ko pa naman ang tabas ng kanyang dila. Pero kung hindi naman ako lalaban, ako naman ang ma-aagrabyado.
Hinawakan ko ang kamay ng babae na nakapatong sa aking balikat, saka ito mariing piniga, dahilan upang mapasigaw sa sakit ang babae at halos mapaupo ito sa semento.
Nang makita ko siyang nasasaktan, saka ko binitiwan ang kanyang kamay.
Tulad ni Seven, nag-aral din ako ng taekwondo, ngunit hindi ako nakarating sa level ng narating niya.
"Kapag sinabi kong wala na tayong dapat pag-usapan, 'wag ka nang makulit pa," warning ko sa kanya.
Tinaas ko ang aking tingin sa mga kasama ng babaeng ito. Nakita kong napa-atras sila dahil sa takot. Tumaas naman ang gilid ng aking labi dahil sa reaksyon ng kanilang mukha.
Isa sa mga dahilan kung bakit ayokong napapansin ay dahil ayokong isipin ng mga tao na mas malakas pa ako sa lalaki.
Hangga't maaari, gusto ko lang talaga ng tahimik at payapang buhay estudyante. Ngunit sa tingin ko, hindi na mangyayari ang bagay na iyon.