Ang bahay ni Devon ang destinasyon ni Rosario. Hinahanap-hanap niya ang mga ngiti nito maging ang kabuuan nito. Gaya ng dati ay muli siyang nagkubli sa puno sa tapat ng bintana mismo ni Devon.
Kasalukuyan namang nag-eensayo si Devon ng datnan ni Rosario. Sa pagkakataong ito, napuna ni Rosario na wala ng hawak na papel si Devon. Dire-diretso na din itong magbitaw ng linya. Pati ang mga kumpas ng mga kamay nito at ekspresyon ng mukha ay kabisado na din nito.
"Pang-best actor pala 'tong si Devon. Kaso malungkot naman ang istorya. Maiiyak pa yata ako dito. Kailan kaya magtatanghal 'tong si Devon? Makapanuod kaya?" sabi ni Rosario sa sarili habang nakakapit muli sa sanga ng puno. Siniguro na niyang walang hantik o langgam na naroon bago siya kumapit dito.
Nalilibang siya sa panunuod kay Devon nang matanawan niyang nagbukas ito ng pintuan ng maliit niyang silid at may pumasok na isang babae. Naisip agad ni Rosario na maaaring nanay iyon ni Devon.
"Devon, hindi daw makakauwi ang tatay mo bukas. Ako ang pinaluluwas ng Maynila para kunin 'yung sahod niya at may ipapadala daw siyang mga damit na binigay ng amo niya." wika ng Nanay ni Devon na mataang pinakikinggan ni Rosario.
"Ganu'n ba 'nay. Eh anong oras po kayo makakauwi?" tugon ni Devon na naupo sa makitid nitong higaan.
"Kaya ko nga sinasabi sa 'yo eh baka hindi ako mauwi bukas. Baka sa linggo na. Kaya maaga 'ko gigising bukas at lulutuin ko na hanggang pang-hapunan mo. O kung gusto mo naman mag-delata ka na lang sa gabi o itlog para hindi ulit-ulit ang ulam mo."sabi ni Aling Salome na ina ni Devon.
"Ako lang mag-isa dito 'nay?" mabilis na pagkakatanong ni Devon.
"Aba eh oo. Mapapa'no ka ba kung mag-isa ka dito? Mare-reyp ka ba?" pinamewangan pa ni Aling Salome ang anak.
"Eh 'nay, baka magkatotoo 'yung panaginip ko. 'Yung manananggal. Para ngang totoo eh, parang hindi naman panaginip." saad ni Devon. Bahagyang napangiti si Rosario sa kanyang narinig. Inakala pala ni Devon na panaginip lang ang pagkakakita sa kanya.
"Naku naman Devon, maghanda ka ng isang garapong asin, lahat ng krus ilagay mo dito sa kwarto saka 'yung palaspas itabi mo sa higaan mo. Kung anu-ano 'yang pumapasok sa kukote mo." kumukumpas pa si Aling Salome habang nagsasalita.
Napataas naman ang isang kilay ni Rosario. "Ano gagawin sa asin? Isda ba kami at aasinan kami?" aniya sa sarili.
"S-sige 'nay. Pero agahan mo balik ng linggo ha." pakamot-kamot sa ulo na sagot ni Devon.
"Yieeh ang cute talaga kahit nagkakamot lang." kinikilig naman si Rosario habang nakakubli sa puno.
"Oh sige na, matulog ka na. Bukas mo na ituloy 'yang pagpapraktis mo. Isara mo 'yang bintana mo at baka nga pasukin ka ng sinasani mong manananggal." sambit pa ni Aling Salome bago lisanin ang kwarto ng anak.
Sinunod naman agad ni Devon ang tinuran ng ina. Isinara na nito ang de-slides niyang kahoy na bintana.
"Bad trip naman 'tong si mudra. Ke aga-aga pa eh pinatulog na si Devon. Hmp." nakasimangot na bulong ni Rosario.
Nang makita niyang nagpatay na ng ilaw si Devon ay nilisan na din niya ang lugar na 'yun. At dahil maaga pa at hindi pa siya inaantok, lumipad-lipad pa siya upang maglibot-libot sa paligid. Hanggang sa may matanawan siyang grupo ng mga nag-iinumang kalalakihan.
Hindi na sana niya papansinin ang mga ito pero dahil sa lakas ng boses kung magsalita ang mga nag-iinuman, naisip ni Rosario na lasing na ang mga 'yun. Nakatuwaan niyang pakinggan ang pinagkukuwentuhan ng mga ito.
"Buti hindi nirereklamo 'yung mga ito sa ingay. " aniya sa sarili na sinagot din niya. "Tanga ko naman, sino nga pala magrereklamo eh layo-layo nga pala ang bahay dito. Pero for sure naririnig din ito sa kabilang bahay."
"Pareh, hindi pah koh lashing. Kung lashing nah koh, kusah nah 'kong uuwih." sambit ng isa sa tatlong nag-iinuman.
"Nakuh pareh lashing kah nah, ke ahah natin nagsimulah eh, hik. Akoh aminadoh koh lashing nah koh." sabi naman ng isa.
"Oo ngah pareh lashing kah nah. Akoh din lashing nah. Aminin mo h kashi na lashing kah nah. Umuwih nah tayoh. Ay kayoh lang palah uuwih , ditoh ngah palah koh nakatirah, hik." wika naman ng isa pa na may-ari ng bakuran na pinagpwestuhan nila.
"Shinabih ng hindih akoh lashing eh. Kahit na bagsakan akoh ng mga paniki ditoh. Hindih pa talagah koh lashing." sabi ng nauna. Pilit nitong pinapatatag ang sarili kahit lasing na ito.
"Juiceku Manong, bangag ka na hindi pa iuwi. Teka, gusto pala nitong ulanin ng paniki ha. Wait ka lang Manong." sabi ni Rosario sa sarili habang nakikinig sa mga maiingay na nag-iinuman.
"Ik ik ik ik ik ik ik ik." katagang lumabas kay Rosario. Ilang saglit lang ay sangkaterbang paniki ang lumapit dito. "Ik ik ik ik ik ik ik ." kinausap ni Rosario ang mga paniki.
Matapos nun ay sabay-sabay ibinagsak ng mga paniki ang kanilang mga sarili sa lugar ng mga nag-iinuman. Pagbagsak nila ay kumapit sila sa lalaking nagsasabing hindi pa daw siya lasing.
"Pare, ang daming paniki." sabi ng isa na nawala ang pagkalasing.
"Naku pare, narinig ka yata ng mga paniki ah." wika naman ng may-ari ng bahay. "Naku papasok na ko diyan na kayo." sabay nagtatakbo ito sa laloob ng bahay niya.
"Aaah. Aaah." sigaw ng lalaking dinapuan ng paniki. Nagtatakbo ito subalit sinundan pa din ito ng mga paniki pero hindi naman ito sinasaktan.
"Oh, de nawala talaga lasing mo. Pati mga ibon namin eh idadamay mo pa sa usapang lasing n'yo. Hmp." natatawang sabi ni Rosario habang sinusundan ng tingin ang lalaking hinahabol ng mga paniki.
Bahagya pang lumibot si Rosario sa mga kalapit lugar, pero nang nakita niyang tahimik na ang kapaligiran ay nagdesisyon na din siyang umuwi at matulog na.
Naging usap-usapan sa baryo San Roque ang naging karanasan ng tatlong maninginom tungkol sa sangkaterbang paniki na dumapo sa isa dito.
Kasalukuyan namang nanggaling sa bayan si Mang Fidel nang madaanan niya ang mga nag-uumpukan sa kalsada nang umagang 'yun. Dahil nakabukas ang bintana ng kotseng minamaneho niya, naulinigan niya ang pinagkukwentuhan ng mga ito tungkol sa maraming paniki. Bahagya pa siyang bumusina dahil halos nasakop na ng mga ito ang makitid na kalsada dahil sa pagtsitsismisan.
"Maniniwala ba naman tayo sa mga lasenggero? Eh baka mga lasing na lasing na kaya kung anu-ano nakikita." wika ng isa.
"Naku eh nawala nga daw ang pagkalasing nu'ng dinapuan ng maraming paniki. Saka silang tatlo mismo daw ang nakakita." sabad ng isa.
"Pero hindi naman daw nanakit 'yung mga paniki. Saan naman kaya galing 'yung mga paniking 'yun?" singit pa ng isa na narinig ni Mang Fidel bago siya tuluyang makalampas sa mga ito.
Pag-uwi ng bahay ni Mang Fidel ay hinarap agad nito ang anak na si Rosario. Pinuntahan agad niya ito sa kwarto sa ikalawang palapag ng bahay. Dinaanan lang ni Mang Fidel si Lucila na napakunot ang noo sa pagtataka sa ikinilos ng asawa.
"Tapatin mo nga ako, lumabas ka ba kagabi?" bungad ni Mang Fidel pagkabukas niya ng pintuan ng kwarto ng anak. Bahagyang matigas ang boses nito pero hindi pa tuluyang galit.
"B-bakit po Daddy?" nabiglang sagot ni Rosario.
"Yung tanong ko ang sagutin mo?" ulit nito.
"Eh nainip lang po ako. Saka hindi naman ako lumayo eh. Bumalik din ako agad. B-bakit po ba?" kunwari'y walang alam si Rosario sa nangyari.
"May kinalaman ka ba du'n sa nangyari sa mga nag-iinuman na hinabol daw ng mga paniki?" pigil na pigil si Mang Fidel mapalakas ang boses niya bagaman wala namang makakarinig sa kanyang iba.
Nais pa sanang magsinungaling ni Rosario pero alam niyang wala namang ibang makakagawa nu'n kundi ang kagaya niya at sa lugar na 'yun ay ang pamilya lang nila ang may kakayahang gawin 'yun.
"Eh Daddy narinig ko kasi 'yung isa na humiling na bagsakan daw siya ng mga paniki. Feeling ko fairy godmother ako nu'n time na 'yun, kaya pinagbigyan ko 'yung sinabi n'ya." pangangatwiran ni Rosario.
"Rosario, 'wag mong daanin sa kalokohan 'yang lihim natin. Baka hindi mo alam ibubunga niyang ginawa mo? Pasalamat ka na lang at may pagdududa ang mga tao dahil kilalang lasenggero 'yung mga biniro mo kagabi." mahinahon man pero bakas ang galit sa mukha ni Fidel.
Siyang pagdating ni Lucila na sinundan ang asawa dahil sa nakitang reaksyon ng mukha nito nang daanan siya sa sala.
"Oh bakit? Anong pinag-aawayan n'yong mag-ama?" bungad nito.
"Etong anak mo, may pinaglaruang mga lasing kagabi diyan. Pinaulanan ng paniki 'yung mga tao. Ayun, pinag-uusapan tuloy ng buong baryo." tugon ni Fidel.
"Mommy mga lasing naman mga 'yun eh. Saka lumabas lang kasi 'ko, inip na inip kasi ko dito sa bahay." pagtatampong boses ni Rosario.
Tinabihan ni Lucila ang anak sa kama nito bago nagsalita. "Anak, naiintindihan namin ng Daddy mo ang nararamdaman mo. Pero magtiis ka muna. Habilin ng doktor na ipahinga mo 'yang paa mo. Eh ipinahinga mo nga, 'yang pakpak mo naman pala gagamitin mo. Ikapapahamak ng buong pamilya natin 'yan anak."
"Bakit ba kasi ang sama ng tingin ng tao sa kagaya natin, eh ano ba kung lumipad tayo anytime na gusto natin. Aanhin ba natin sila?" bahagya pang isinaldak ni Rosario ang puwitan sa pagkakaupo nito.
"Wala na tayong magagawa du'n Rosario. Isa pa, hindi naman natin na kailangang gamitin 'yung pakpak natin. Kapag kagipitan na lang siguro. Kaya magtiis-tiis ka muna. Kapag magaling ka na, papayagan ka naman namin ng mommy mo na maglibot. Basta nasa tamang oras ang uwi mo at alam namin kung saan ka pupunta." sermon ng tatay ni Rosario.
"Anak ha, 'wag mo ng ulitin 'yun. Halos limot na ng mga tao dito 'yung tungkol sa lihim ng pamilya natin. Mangilan-ngilan na lang ang naniniwala pa din. Kaya 'wag mo silang bigyan ng dahilan upang manumbalik ang matagal na nilang hinala. Oo nga't totoo, pero hayaan na lang natin du'n 'yun." may diin na sabi ni Lucila.
Nagsawalang-kibo na lamang si Rosario upang hindi pa humaba ang usapang iyon. Ang totoo ay may pinaplano na siya sa pagsapit ng gabi. Nang marinig niya sa ina ni Devon na aalis ito at kinabukasan pa ang uwi, desidido siyang panuorin muli si Devon sa pag-eensayo nito.
Inubos ni Rosario ang kanyang maghapon sa pagkutingting ng kanyang cellphone at paminsan-minsang pagdungaw sa kanyang bintana kapag lowbat na siya. Nililibang din niya ang sarili sa panunuod sa daddy at mommy niya sa paghahalaman sa malawak nilang bakuran sa harap bahay. Tinaniman nila Lucila at Fidel ng mga bagong halaman ang paligid, karamihan ay mga halamang namumulaklak.
Nagkakaroon lamang siya ng dahilang bumaba sa oras ng pagkain. May banyo na din sa itaas ng bahay kaya't nakabawas ito sa pagod at hirap niya kakapanhik-manaog.
Hanggang sa muling sumapit ang gabi. Nakaramdam ng pananabik si Rosario at naging masigla ang mga galaw nito na napuna ng kanyang mga magulang habang sila ay naghahapunan sa mahabang dulang o mesa.
"Oy Rosario, baka nakakalimutan mong isa sa kapangyarihan natin ang malakas ang pakiramdam sa kapwa natin." saad ni Fidel sa gitna ng pagkain nito.
"Ako na naman napansin n'yo Daddy. Hindi ba pwedeng maging masaya?" sagot ni Rosario.
"Kung kailan gabi saka ka masaya? Baka naman may pinaplano ka na naman ha Rosario?" sapo naman ni Lucila.
"Binabalaan kita Rosario. 'Wag mo ng ulitin 'yung nangyari kagabi. Pinapaliit mo ang mundo natin sa mga ganyang gawain mo." dugtong ni Fidel sa sinabi ng asawa.
Kinontrol ni Rosario ang kanyang damdamin upang hindi ito maramdaman ng mga magulang. Pero buo na ang kanyang pasya na dadalawin niyang muli si Devon. Matapos ang hapunan ay pumanhik na siya sa kanyang kwarto.
Pinakiramdaman niya ang kanyang mga magulang kung nakapanhik na rin ang mga ito. Alam niyang sinusubukan siya ng mga ito. Naisipan niyang patayin ang ilaw ng kanyang silid. Tanging ang lampshade lang iniwan niyang nakasindi na nagbigay ng bahagyang liwanag sa kanyang kwarto.
Nang wala na siyang yabag na nararamdaman, nahiga na siya at nagtulug-tulogan. Hanggang sa lumipas ang ilang sandali ay nakaramdam siya ng mga marahang pagyabag papunta sa kanyang kwarto. Pinihit din nito ang doorknob ng pintuan at dahan-dahang binuksan. May ilang pulgada lang ang ibinukas nito.
Hindi na niya tiningnan kung sino ang nagbukas ng kanyang pintuan, pero natitiyak ni Rosario na sinilip lamang siya ng daddy o ng mommy niya at tiningnan kung siya ay natutulog na. Hanggang sa muling isinara nito ang pintuan at naramdaman niya ang papalayong paghakbang ng kung sino man ang sumilip sa kanyang kwarto.
Nagpalipas pa siya ng ilang minuto bago siya muling bumangon at nagpalit ng itim na kamiseta. Nang matiyak niyang natutulog na din ang kanyang mga magulang ay sumulok na siyang muli sa kanyang silid upang iwan ang kalahati niyang katawan.
Hindi din niya ipinagaspas ang kanyang mga pakpak upang hindi siya makalikha ng ingay. Kaya't nang mahati ang kanyang katawan ay ginapang lang niya ang sahig paakyat ng kanyang kama, at mula sa kama ay ginapang din niya ang papuntang bintana. Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbubukas dito, nang sa tantiya niya ay kasya na siya, patigilid siyang lumusot dito at saka patihulog niyang inilusot ang sarili.
Halos lumagpak na siya sa lupa bago niya ibinuka ang mga pakpak. Mabilis ang ginawa niyang paglayo sa kanilang bakuran.
"Haaay, free again." sabi niya sa sarili nang bahagya na siyang makalayo.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Rosario. Wala siyang planong maglibot, ang tanging pakay niya nang gabing 'yun ay si Devon. Kaya't tinahak niya agad ang papuntang bahay nito. Malayo pa siya ay napangiti na siya dahil natanawan na niyang nakabukas pa ang ilaw at bintana ng kwarto ng binata.