LUNES. Nagmamadali ang lahat maliban kay Eliza na tila namamasyal lang sa buwan kung maglakad. Sobrang late na siya ngunit wala siyang balak na magmadali upang makaabot sa flag ceremony. Paano ba naman kasi mainit sa pwesto ng section nila. Tapat sa araw at bawal pa umalis sa linya.
Kung sa main gate siya dadaan ay tiyak na pipilitin siya ng gwardiya na um-attend ng flag ceremony kaya sa halip ay tinungo niya ang likurang bahagi ng eskwelahan. Gaya ng dating gawi, aakyat na naman siya ng pader. Sa classroom na lang niya hihintayin ang mga klase o ‘di kaya ay pipila siya kung patapos na ang programa.
Kukuha na sana siya ng buwelo upang makaakyat sa pader nang makita na may paparating – ang transferee student na campus crush daw, si Corbin. Heler! Walang taste at mga bulag lang ang mga schoolmate niyang babae. Binabawi na niya ang pagsang-ayon na gwapo ito!
Tinuturing na niya itong kaaway nang pinunit nito ang paldang uniporme niya at nilublob pa sa siya sa putikan. Lintik lang talaga ang walang ganti! Akala siguro nito palalampasin niya ang ginawa nito. Palaban yata siya at ayaw niyang nilalamangan siya!
“Good morning!” bati ni Corbin na huminto sa tapat niya.
Hindi siya sumagot bagkus ay tinirikan lang niya ito ng mata sabay halukipkip. Narinig niyang umiling ito. Sumilay din ang tila naaaliw na ngiti sa labi nito.
“Ano ang nginingiti mo diyan?” sita niya.
“Wala. Ang cute mo lang tingnan.”
“Talaga!”
“Cutting classes ka na naman?” tanong nito.
“Ay? Papasok nga sa school di ba?” Parunggit niya.
“Diyan?” tanong nito na napakunot-noo. Nakatingin sa pader.
“Oo! Bakit hindi ba pwede?!”
“Yes. Pinagbabawal iyan ng school.”
“Iyan ay kung mahuhuli ako.”
“Okay, good luck!” Pagkibit-balikat nito. Nagpedal na ulit sa bisikleta.
Hinintay muna niya itong lumiko at mawala sa paningin niya bago umakyat sa pader. Walang kahirap-hirap na nakatalon siya. Pinulot niya ang initsang bag. Pinagpag ang palda.
Nagsalang siya ng kanta sa kanyang MP3 at sinalpak ang earpiece sa kanyang tenga. Kumakanta siya habang naglalakad. Aakyat na lang sana siya sa second floor kung saan naroon ang kanyang classroom nang may humawak sa kanyang balikat. Nang lumingon siya ay laking gulat niya nang makita ang humihingal na security guard.
“K-Kuya Esteban. . .” nautal na sabi niya. Lagot! Nahuli siya nito. Baka isumbong siya sa terror niyang teacher.
“Kanina pa kita tinatawag, hindi mo ako naririnig.”
“Pasensya na po, nakikinig kasi ako ng music.”
“Hindi ka naman a-attend ng flag ceremony?” pasita nitong tanong.
“Hindi ah! Pupunta lang ako sa classroom para umihi.”
“Lagi mo na lang iyan palusot sa tuwing nahuhuli ka.”
Pinagsalikop ni Eliza ang dalawang palad. “Kuya Esteban, please huwag mo ako isumbong kay Ma’am Cadayday. Terror pa naman iyon, parang pinaglihi sa sama ng loob. Hindi po ba napansin niyo rin na hindi siya marunong ngumiti?”
“Sinong terror?”
Pigil niya ang hininga. Pinanlakihan ng mata. Hindi na niya kailangan lumingon para malaman kung sino ang nagsalitang iyon.
Lagot na talaga!
“Ma’am Cadayday, ang tita ko po ang tinutukoy ko.”
“Huwag ka ng magpalusot pa, Eliza. Narinig ko ng buo ang sinabi mo!”
Noon lang niya napansin na hindi nag-iisa ang terror na teacher, Nasa likuran nito si Corbin na nakangisi. Animo’y natutuwa sa nangyayai.
Matalim niya itong tinitigan. Namumuro na talaga ito! Siguro na ito ang nagsumbong kay Miss Cadayday na umakyat siya sa pader para hindi maka-attend sa flag ceremony. Sa ngisi pa lang nito ay alam na niya!
“Ilang beses ka ng nahuhuli ngunit hindi ka pa rin nadadala!”
“Sorry na po, Ma’am. Hindi na mauulit.”
“Talagang hindi na mauulit dahil this time padadalain na kita!”
“Ma’am. . .”
Nakita niya na paparating na ang maraming estudyante. Indikasyon na tapos na ang flag ceremony.
“Follow me.”
“Saan po?”
“Just follow me!”
Sumunod siya sa terror na teacher. Kinakabahan na siya sa kung ano ang ipaparusa nito. Kung sana ay pagbungkalin lang siya ng lupa at pagtaniminng mga halaman, huwag lang siya sa paglinisin ng CR.
Kung sakali man na sumobra ang pagpaparusa ni Miss Cadyday hindi pa rin niya kaya na magsumbong sa kanyang magulang. Tiyak na hindi siya kakampihan ng mga ito oras na malaman na naging pasaway na naman siya at lumabag sa patakaran ng school. Hindi kasi ang tipo ng mga ito na kusintidor na magulang.
Kumunot-noo siya nang nasa gitna sila ng football field humantong ni Miss Cadayday.
“Tumayo ka diyan sa gitna.”
“Po?”
“Huwag kang aalis hangga’t hindi ko sinasabi!”
“Miss Cadayday naman!”
“Huwag ka ng umangal pa! Alam ko na ayaw mong naiinitan kaya ayaw mong um-attend ng flag ceremony. Ngayon, tumayo ka diyan. Kailangan mong masikatan ng araw. Sustansya din iyan sa katawan.”
Hindi na siya sumagot pa. Tumayo siya sa pinakagitna. Iniwan na siya ni Miss Cadyday. Matitiis niya kung mabilad man siya sa araw pero hindi ang kahihiyahan. Batid niya na sa mga sandaling iyon ay nakatingin na ang mga estudyante sa bintana ng classroom. Sikat na naman siya!
May isang oras din yata siyang nakatayo nang lapitan siya ng kaklase niya upang ipaalam sa kanya na tapos na ang parusa niya at pwede na siyang pumasok sa classroom ngunit eksakto na tumunog ang bell. Hudyat na recess na. Medyo mahaba kasi ang program at sinakop na ang oras ng dalawang subject.
Mabilis siyang pumunta sa kanyang classroom. Hinanap ng mata niya si Corbin ngunit wala ito doon. Marahil ay lumabas na para kumain.
Mabilis ang mga hakbang na tinungo niya ang canteen. Wala pa rin ito doon. Ang sunod na pinuntahan niya ay basketball court. Madalas kasi niyang nakikita na tumatambay doon.
Hindi nga siya nagkakamali. Nakita niya si Corbin. Prenteng nakaupo sa bleacher habang nagpapatugtog ng gitara. Mag-isa lang ito. Actually, silang dalawa ang tao sa basketball court na iyon.
Nameywang siya sa harap nito habang naniningkit ang mga mata na tinitigan ito.
“What?” tanong ni Corbin. Mababakas ang pagtataka sa mukha.
“Magmamaang-maangan ka pa?”
“Hindi kita maintindihan.”
“Sinumbong mo ako kay Miss Cadayday at sigurado na ikaw din ang nagtimbre sa security guard!”
“Ano ang sabi mo?” Hindi makapaniwala ang tanong ni Corbin. May halong gulat at pagkaaliw ang rumehistro sa mukha nito.
“Magaling umakting! Feeling mo artista ka?”
“No, Dear. Hindi ako nagsumbong kay Miss Cadayday.”
“Yuck! Don’t call me dear!”
“Maraming babae ang gustong tawagin ko ng ganyan.”
“Pwes! Sila iyon hindi ako! Excuse me pero hindi ka gwapo sa paningin ko. Ang feeling mo talaga!” Bumuntong-hininga siya. Kinalma niya ang sarili. Taas noo tinitigan si Corbin. “Siya nga pala, gusto kong malaman mo na nagdedeklara ako ng World War Three sa pagitan nating dalawa. Tinuturing na kita ngayon na mortal na kaaway. Iwasan mo na magkrus ang landas natin dahil masama akong kaaway!”
“Paano iyan, magkaklase tayo. Hindi maiwasan na araw-araw tayong magkita?” tanong ni Corbin na sa halip na matakot ay pinagsalikop ang dalawang kamay sa dibdib nito.
“Huwag kang lumingon o tumingin sa akin. At kung hindi talaga maiwasan na magkasalubong tayo, ipikit mo na lang ang mga mata mo para hindi mo ako makita!”
“What?”
“Narinig mo ang sinabi ko kaya hindi ko na uulitin.”
“Okay, your highness.”