Pinagmamasdan ni Coulter si Dylanne na nakahiga sa mahabang sofa ng private room ni Tito Richard. Pinauwi na niya sina Lola Agwa, Claren at Tito Rafael sa mansion niya. Pinasundo niya ang mga ito sa driver-caretaker niyang si Mang Isko. Namilit daw si Dylanne na magpaiwan sa ospital para bantayan ang tiyuhin kaya ito nandito ngayon. Kinuha niya ang kumot na nasa paper bag at kinumutan ang dalaga. Kasama iyon sa ipinahanda niya sa maid para pambihis ni Dylanne. Umupo siya sa kanyang sakong, paharap sa babae. Marahan niyang hinawi ang natural na dark brown nitong buhok na nasa pisngi nito. “Kaya ka ba nandito dahil ayaw mo akong makita?” mahinang tanong niya sa natutulog na dalaga. Hinagod ng paningin niya ang magandang mukha ng tisay. Maganda ang pagkakaarko ng mga kilay nito, mahaba at

