"What the hell, Asia?" sabi sa akin ni Irene ng mag-walk out si Mariano dahil sa pag-aaway na naman namin kanina.
"What? Sinabi ko lang ang tingin ko. Kung masyado s'yang pikon, hindi ko na kasalanan iyon," balewalang sagot ko.
Kinuha ko ang lunch ko na binili nina Irene at kumain. Hindi na sila nagkomento pa pero kita ko sa peripheral vision ko na napailing na lang sila habang nakatingin sa akin.
I know naman na lumampas ako kanina. Kita ko naman 'yun kay Mariano, kung paano manginig 'yung kamay n'ya at kung paano n'ya ako tingnan.
Alam kong nagpipigil lang si Mariano na hindi ako saktan kaya umalis na lang s'ya.
Gusto ko naman sana na bawiin ang sinabi ko pero gaya ng sabi nila, hindi na natin mababawi ang nasabi na natin dahil tumatak na 'yun sa tao, nakasakit ka na.
Pilit ko na inubos ang pagkain ko kahit wala na akong gana. Nakokonsensya kasi ako.
"Una na ako sa in'yo guys," sabi ni Cath, tumayo s'ya bitbit ang bag n'ya. "Hahanapin ko muna si Mitch."
"Sige," sagot ni Irish.
"Sige Cath, tapos usap tayo mamaya," sabi naman ni Irene. Tumango lang si Cath bago umalis sa p'westo namin, pero muli s'yang tinawag ni Irene. "Wait lang."
Tumayo si Irene at nagtungo sa bilihan ng pagkain at bumili roon pagkatapos ay nagmamadaling ibinigay iyon kay Cath.
"Pakibigay kay Mitchell," ani Irene.
Nakangiti namang inabot ni Cath ang ibinigay ni Irene sa kanya para kay Mariano bago s'ya tuluyang umalis.
"Asia," tawag sa akin ni Irene.
Lumingon ako sa kanya at hinintay kung ano ang sasabihin n'ya sa akin at tinawag n'ya ako.
"Ano na naman ba ang sinabi mo kay Mitchell?" tanong n'ya sa akin na seryoso. Parang disappointed s'ya talaga sa akin.
Hay! Nag-uumpisa na naman akong makaramdam ng inis dahil sa way n'ya ng pagtingin sa akin.
Ano bang meron kay Mariano at masyado yata s'yang affected?
"Wala, sinabi ko lang naman na user s'ya," sagot ko.
"User? Bakit mo naman nasabi?" nakataas ang kilay na tanong n'ya sa akin.
"Dahil 'yun ang tingin ko sa kanya," mataray na sagot ko.
Hinawakan ako sa balikat ni Irish. "Tumigil na kayong dalawa, nangyari na, tapos na baka naman mamaya kayo pa ang mag-away dahil d'yan."
Huminga ng malalim si Irene at hindi na sumagot. Uminom s'ya ng juice n'ya bago tumayo.
"Mauna na ako sa in'yo," paalam n'ya sa amin pero kay Irish lang nakatingin.
Tumango lang si Irish sa kan'ya habang ako ay walang reaksyon.
Bakit naman ako sasagot o magre-react kung hindi naman talaga s'ya sa akin nagpapaalam.
"Asia, kelan ka magma-matured?" tanong ni Irish sa akin pagkaalis ni Irene.
Inirapan ko s'ya. Akala ko naman kakampi ko s'ya. "Matured na ako."
Natawa s'ya sa sagot ko. "Matured ka na pala sa lagay na 'yun? Baka naman ang sabihin mo, immature ka pa rin."
Hinampas ko s'ya sa braso n'ya. Nakakainis s'ya!
"Hindi ako immature," sagot ko at uminom ng drinks ko. Ayoko ng kumain.
"Talaga ba? Anong tawag mo sa ginawa mo kanina kay Mitchell? Ka-matured-an ba iyon?" tanong n'ya, "Alam mo Asia, alam ko na alam mo na hindi maganda ang ginawa mo kanina at kahit hindi mo sabihin alam ko na nakaramdam ka ng pagkakonsensya sa ginawa mo."
Tumango ako. "Alam ko naman na mali ako kanina Irish. Ewan ko ba, kumukulo talaga ang dugo ko kay Mariano tapos itong si Irene, dumagdag pa kaya lalo akong nainis. Ayoko ang ipinapakita n'ya pagkagusto kay Mariano."
"Bakit? Nagseselos ka? May gusto ka ba kay Irene?" seryosong tanong sa akin ni Irish.
Natawa ako at nahampas ko s'ya sa balikat. "Baliw! Wala akong gusto kay Irene. Saan naman nanggaling 'yun?"
"Sabi mo kasi naiinis ka sa ipinapakita ni Irene kay Mitchell," sabi n'ya.
"Oo nga, pero it doesn't mean naman na may gusto ako sa kanya," sagot ko.
"Okay, mabuti kung ganun," sagot n'ya sa akin habang nakangiti, "Tara na, baka ma-late pa tayo sa klase natin."
Tumayo ako at kumapit sa braso n'ya, sabay kaming lumabas ng canteen.
Magkaiba kami ng building ni Irish kaya naghiwalay rin kami agad.
Dumeretso na ako papunta sa next class ko ng madaanan ko ang room ni Mariano, hindi kasi kami same ng class kapag hapon.
Sumilip ako ng pasimple at nakita ko s'yang kumakain sa upuan n'ya.
I exhaled deeply dahil sa nakita ko. Naramdaman ko na naman ang konsensya ko na umuusig sa akin.
Hayst! Ewan ko ba naman kasi sa bunganga ko, hindi ko makontrol minsan.
Sinulyapan ko ulit si Mariano ng mabilis bago ako naglakad na palayo roon.
Pagdating sa klase ko, madami na rin ang nandoon na mga classmates ko. Naupo ako sa upuan ko at tumingin sa labas, nasa tabi kasi ako ng bintana.
Iniisip ko kung magso-sorry ba ako kay Mariano bukas o hahayaan ko na lang.
Natapos ang lahat ng klase ko na panghapon na wala yata akong naintindihan kahit ano dahil si Mariano lang ang iniisip ko.
Hanggang palabas ng university, papunta sa parking, iniisip ko pa rin s'ya. Natigil lang dahil nakita ko s'ya habang pasakay sa kotse ni Irene.
Napakunot ang noo ko bago dali-dali na sumakay rin sa kotse ko para sundan sila. Gusto kong malaman kung saan sila pupunta.
Sinundan ko sila hanggang sa mag-park sila sa Mcdee malapit lang din sa university namin.
Bumaba sila ng kotse at pumasok sa loob kaya bumaba rin ako para sana sundan sila ng matauhan ako.
"Kelan pa ako naging stalker ni Mariano? Putcha!" bulong ko at bumalik na kotse. Muli kong 'yung pinaandar paalis sa lugar na 'yun pauwi sa bahay namin.
"Hija," sabi ni Yaya sa akin. Ngumiti lang ako ng tipid sa kanya bago umakyat sa kwarto ko.
Ramdam ko 'yung pagsunod ng tingin sa akin ni Yaya pero hindi ako lumingon, wala talaga ako sa mood.
Pabagsak akong humiga sa kama ko. Iniisip ko kung bakit ba naiirita ako na makitang magkasama sina Mariano at Irene. Ayoko rin na makitang close sila.
Biglang sumagi sa isip ko ang tanong sa akin ni Irish kanina noong nasa canteen kami kung may gusto ako kay Irene.
Inisip ko lahat ng nararamdam ko kay Irene pero kahit saan ko tingnan wala, tanging kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya.
"Bakit ganito ang pakiramdam ko kung wala akong gusto kay Irene?" naiinis na sigaw ko sa loob ng kwarto ko.
Pagkatapos kong sumigaw ay napatigil ako dahil sa biglang pumasok sa utak ko.
"No! It's a big big no! Wala akong gusto kay Mariano!" muling sigaw ko dahil sa pumasok sa utak ko.
_____
Kinabukasan maaga akong nagising, ay mali hindi ko pala alam kung nakatulog ba ako o hindi.
Lintik naman kasi 'yung pumasok sa utak ko kahapon, since maisip ko 'yun hindi na 'yun nawala sa utak ko. Kaya ang resulta ito, isang bangag na ako.
"Good morning hija," bati sa akin ni Yaya pagpasok ko sa kusina para mag-almusal.
"Morning po Yaya," sagot ko at naupo na sa harap ng hapag kainan. Kumuha ako ng mga pagkain at inilagay sa plato ko.
"Bakit ba ganyan ang itsura mo hija? Hindi ka ba nakatulog kagabi ng maayos?" tanong sa akin ni Yaya, nakatayo s'ya sa tabi ko at nakaharap sa akin.
Nilunok ko ang pagkain na nginunguya ko bago sumagot. "Hindi po ako nakatulog kaya ganito ako."
"Bakit? May problema ka ba, hija?" tanong ni Yaya. Naupo s'ya sa silya na katabi ko paharap sa akin.
"Wala po Ya, may iniisip lang po kaya ganun," sagot ko at ipinagpatuloy ang pagkain ko.
"Sigurado ka ba?" nag-aalala pa rin na tanong niya sa akin.
Tumango ako. "Opo, ayos lang po ako."
Hindi na nagsalita si Yaya, pero nakaupo pa rin s'ya roon. Mabilis kong inubos ang pagkain sa plato ko bago uminom ng juice.
"Alis na po ako Ya," paalam ko bago tumayo. Naglakad na ako palabas ng kusina kasunod si Yaya. Hinatid n'ya ako hanggang sa tapat ng kotse ko.
"Ingat ka hija, dahan-dahan lang ang pag-drive dahil baka bigla kang antukin sa daan ay wala ka pa man ding tulog," bilin sa akin ni Yaya.
Ngumiti ako sa kan'ya. Ang sarap lang na kahit na wala si Mommy at busy may kagaya n'ya na nag-aalala sa akin.
"Opo, 'wag pp kayong mag-alala," sagot ko bago sumakay sa kotse ko.
Pinaandar ko na ang kotse ko palabas ng bakuran namin. Bumusina ako kay Yaya bago tuluyang umalis.
Pagdating ko sa university, nandoon na sina Irish at Irene sa entrance. Mukhang hinihintay nila akong dalawa.
"Aga n'yo yata," bati ko sa kanila pagkalapit ko.
"Med'yo napaaga nga kami," sagot ni Irene na nakangiti ng konti sa akin. Ngumiti rin naman ako. Wala naman dahilan para dedmahin ko s'ya.
"Bakit gan'yan ang itsura mo? May sakit ka ba?" tanong sa akin ni Irish at sinalat pa ang noo ko.
Hay! Ang hirap talagang maging maganda, konti pag-iba lang sa itsura ko alam na agad nila.
"Wala, hindi lang ako nakatulog ng maayos kagabi," sagot ko.
"Bakit?" tanong ni Irene habang pinagmamasdan ako ng maige.
"Ewan ko ba. Baka may nag-iisip sa akin kaya ganun. Alam mo naman marami ang may gusto sa akin," sagot ko.
Wala akong balak ipaalam kahit kanino sa kanilang dalawa ang dahilan kung bakit ganito ang itsura ko ngayon.
"Tayo na, ang lakas ng hangin baka biglang bumagyo," sabi ni Irish at hinila na si Irene na tatawa-tawa sa kamay. Sumunod ako sa kanila na nakangiti rin.
Sa canteen kami nagderetsong tatlo kagaya ng mga naunang araw namin dito sa university.
"Anong gusto n'yong kainin?" tanong ni Irish sa amin.
"Pancake sa akin tsaka juice," sagot ni Irene.
"Kape na lang sa akin, kumain na kasi ako," sagot ko.
Tumango si Irish at saka umalis para bumili ng pagkain namin.
"Okay naman tayo, 'di ba?" sabi sa akin ni Irene pagkaalis ni Irish.
Ngumiti ako sa kan'ya, kaya pala si Irish ang bumili dahil binibigyan n'ya kami ng privacy ni Irene para makapag-usap.
"Oo naman, okay tayo," sagot ko.
"Thanks, akala ko kasi nag-away tayo kahapon dahil sa nangyari sa in'yo ni Mitchell," sagot n'ya.
"May tanong ako, okay lang ba?" sabi ko. Tumango naman s'ya sa akin. "May gusto ka ba kay Mariano?"
Sa itsura ni Irene pagkatapos ng tanong ko parang hindi man lang s'ya nagulat, parang inaasahan n'ya na talaga ang tanong ko.
"Honestly, hindi ko pa alam sa ngayon, pero sa tingin ko hindi malabong magustuhan ko s'ya," deretsa na sagot n'ya sa akin habang nakatitig.
Hindi ako nasagot. Hindi ko alam kung bakit parang hindi ko gusto ang narinig ko sa kan'ya.
"Here's your food and coffee," sabi ni Irish nang makabalik sa p'westo namin dala ang binili n'ya.
Tahimik na ininom ko ang kape ko habang sila ay kumakain.
Nangangalahati na ang kape ko nang makita namin sina Cath, kasama si Mariano.
Tinawag sila ni Irene kaya lumapit sila sa p'westo namin.
"Kakain din kayo?" tanong ni Irish kina Cath.
"Oo, hindi pa ko nag-aalmusal," sagot ni Cath, samantalang si Mariano ay tahimik lang na ngumiti kay Irish.
"Dito na kayo maupo," sabi ni Irene at hinila na sa kamay si Mariano para maupo sa tabi n'ya.
"Sige, bibili na lang muna ako ng pagkain ko," paalam ni Cath bago nagpunta sa counter para bumili.
Sumulyap ako kay Mariano at gaya ng dati parang hiyang-hiya pa rin s'ya kay Irene lalo na nga at sinusubuan pa s'ya ng pancake na pilit n'yang tinatanggihan.
Bumalik si Cath na may dalang pagkain para sa kan'ya at juice naman para kay Mariano.
Kumain sila habang nagkukwentuhan habang kami ni Mariano ay tahimik lang.
Natapos kaming lahat sa pagkain at pag-inom na hindi man lang ako tinapunan ng tingin kahit saglit ni Mariano.
Paano ko alam? Well, kanina ko pa s'ya pinagmamasdan. Ewan ko ba naman kung bakit ako nag-aaksaya ng oras na tingnan ang gusgusin na babae na 'to.
"Mitch, sabay na kayo ni Asia, same class naman kayo, 'di ba?" sabi ni Cath, nang palabas na kami ng canteen.
"Okay," sagot ni Mariano pero labas naman sa ilong.
Tsk! Lugi pa ba s'ya na ako ang kasabay n'ya? Ang ganda ko kaya. Buti nga nabibigyan s'ya ng chance na makasabay ang isang tulad ko.