“Oh, ito, Ben, sa iyo iyan.” Binigay ni Bendita ang isang paperbag sa kapatid. Agad namang namilog ang mga mata ng kanyang bunsong kapatid. Inilingan niya lang ito. “Naks, iba ka na ngayon, te,” komento pa ni Jerick sa kanya. Binatukan niya lang ito. “Aray! Compliment iyon!” “Che!” Tinawanan lang siya ng dalawa. Inayos niya ang kanyang mga pinamili at inilagay iyon sa kanyang tabi. Paano ba naman kasi nang-ookray ang kanyang mga kapatid. Nasa sala silang tatlo at kararating niya nga lang galing mall. May employees night kasi silang gaganapin sa weekend kaya kinailangan niyang mamili. Binilhan na lang din niya ang kanyang mga kapatid kasi minsan lang naman siyang mamili ng mga damit kaya sinagad na rin niya. Inaasar pa siya ng dalawa na galante raw siya ngayon. Naiiling na lang siya.