Magtatanghali nang makarating sina Bendita at ang team ng mga Del Castillo sa Manila. Sobrang traffic at maraming tinatawagan ang dalawa niyang amo kaya nagtanghalian muna sila sa isang mamahaling restaurant. Napanguso tuloy siya habang tinitingnan ang mga pagkaing hindi niya alam kung paano i-pronounce ang mga pangalan. Naisip na naman niya tuloy ang experience niya kasama si RA ilang taon na ang nakalipas. Hindi naman sa pagkukumpara pero ibang-iba itong mga nararanasan niya ngayon. Di hamak na mas sosyal itong ngayon. Nakagat niya ang labi at ipinilig na lang ang kanyang ulo. ‘Ano ba iyan, Bendita, hindi ka dapat nagku-compare.’ Ipinokus na lang niya ang sarili sa kanyang pagkain habang sinisipat ang paligid. Sure siyang nasa gitna sila ng syudad dahil sa mga naglalakihang building.