Halos hindi magkamayaw ang mga estudyante ng Province Community College nang mag-open ng registration para sa Sing-off ng University Acquaintance. Syempre, halos lahat ng mga aspiring singers ng campus ay gustong sumali sa contest para lang magkaroon ng chance na mag-perform sa harapan ng scout manager na si RA Jarres. Ang makapag-perform pa lang sa harapan ng notorious na scout manager ng isa sa pinakamalaking Recording Studio sa bansa ay napakalaking hakbang na sa isang aspiring singer. Hindi man kasi sila manalo, may chance pa rin na kapag nagustuhan sila ni RA ay lapitan sila. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang impluwensya at reputasyon ng KN Records sa music industry ng bansa. Sila lang naman ang humawak sa Lights Out sa pag-comeback nito matapos ang isang kontrobersya sa dati nitong agency na ANH. Once again, KN Records brought back Asia's Most Popular Band into the limelight.
Other than the second success of Lights Out, marami na rin itong napasikat na mga established singer na sa bansa. Hilig ng kompanyang mang-scout mula sa iba’t ibang lugar—sa pangunguna ni RA —kaya hindi rin masisisi ang mga estudyante kung ganoon na lamang sila ka-agresibo na makapag-register para sa contest.
“Excuse me! Excuse me!” Sinuot nina Bendita, Mario at Lena ang napakahabang pila ng mga estudyante para lang makaabot sa cut-off.
“Uy teka, may pila rito!” Rinig niyang reklamo pa ng iba na dinadaanan nila. Nakagat na lang ni Bendita ang kanyang labi.
“Rio, wag na kasi tayong sumingit,” bulong niya pa kay Mario na siyang may hawak sa kanya habang sumusuot sila sa kumpol ng mga estudyante. Nasa likod naman niya si Lena.
“Okay lang iyan, sis! Bilis na, Rio!” sabat pa ni Lena at mas tinulak pa siya.
Mas ngumuso siya at napayuko na lang.
“Excuse me! Excuse me! Tabi, mga people!” sabi pa ni Mario at halos hawiin na ang mga taong nasa gilid nila.
Mas grumabe ang reklamo ng mga taong sinisingitan nila at si Bendita na lang ang napapayuko dahil nahihiya na rin talaga siya. Ito naman kasing si Mario, walang pakundangan talaga. Sumuot kung sumuot, e.
“Finally! Dito na tayo girls, bilis!” sabi pa nito nang huminto sila. Doon lang nag-angat ng tingin si Bendita.
Mas nakagat niya ang kanyang labi nang makitang nasa harapan na nga sila ng registration table. Nilingon niya si Mario na pinapaypayan pa ang sarili. “Wait lang sist, na-haggard ang beauty ko,” sabi pa nito. Nang matapos ito sa pag-freshen up kuno ay nilingon siya nito. “Okay, stay ka lang ditey, bakla. May koneksyon ang lola mo sa SSG, baka pwede kitang is—“ Naputol ang sasabihin ni Mario nang biglang may nagsalita sa announcement sa may stage.
“We are very sorry, students, but the registration for the Sing-off is now closed. Masyado nang maraming representatives per department kaya kailangan naming i-sort out at i-control ang mga participant. Maraming salamat sa interes. Pupwede pa kayong sumali sa iba pang mga patimpalak.”
Napatanga na lamang si Bendita sa narinig. Narinig niya ang halos sabay ng singhapan at reklamo ng mga estudyante sa paligid. Si Rio ay hindi makapaniwalang napalingon pa sa may stage. Nakita niyang bahagyang hinampas ni Lena ang kaibigan nilang natulala na yata sa pagkagulat.
“Wala na, bakla. Close na raw,” sambit ni Lena.
Napabuntong-hininga na lamang si Bendita at napayuko. Marahas na umiling si Mario tapos at nag-hairflip pa kahit na hindi naman mahaba ang buhok nito.
“Huh! Hindi, sis! Gagawan ko ng paraan!” Akmang kekembot na ito papunta sa lamesa ng mga organizer nang hawakan niya ito sa braso. Agad na napatigil ito at nilingon siya. “Sis, wit makakapigil sa’yong makasali at ma-meet si Sir RA!” mataas ang boses na sabi nito.
Napailing na lang si Bendita at napangiti rito. Tinapik niya pa ang balikat nito. “Okay lang. Kasalanan naman natin. Ang tagal nating pumunta,” sabi niya rito.
Nagkuros ng braso ang bakla tapos ay umirap. “Hmp! Iyan kasing si Sir Diones, no! Mag-extend ba naman! Nakunan tuloy vacant natin!” reklamo nito at umirap ulit.
Napahinga na lang siya nang malalim. Nag-extend kasi sa usual dismissal nila ang professor nila kaya hindi agad sila nakapunta sa registration. At some point, parang gusto niya ring sisihin iyong professor niya kaso wala na rin naman siyang magagawa.
Napatingin na lamang siya sa lamesa ng registration. Nagliligpit na ang mga ito. Bumuga siya ng hininga.
“Sayang iyong chance pero may mga ibang pagkakataon pa naman siguro,” sabi niya na lang at saka tipid na nginitian ang dalawa.
Nakita niyang sumimangot lang si Lena at umirap ulit si Mario. Natawa siya rito at bahagya pang hinampas sa braso si Mario. “Pag iyang mata mo umikot nang tuluyan, ha,” natatawang sabi niya. Tumawa na rin si Lena.
Nag-make-face naman si Rio.
“Luhh! ‘Di bagay, sis!” komento ni Lena. Nagtawanan ulit sila. Napailing na lang si Bendita at umangkla na sa braso ni Mario. Sumunod din naman si Lena sa pag-angkla sa kabilang braso ni Mario.
Inaasar pa nila si bakla habang paalis na sila ng Auditorium.
Heartbroken si Bendita sa nangyaring cut-off. Umasa pa siyang sana ay magbukas ulit ng slots ang SSG para sa Sing-Off, pero wala na talaga. Nang inanunsyo na ang final list ng mga contestants ay wala na rin talaga siyang nagawa pa.
“Pero pupunta pa rin tayo sa Sing-Off ha. Gusto ko pa rin makita si Sir RA,” aniya sa mga kaibigan.
Kasalukuyang nasa field sila ng campus at nagchi-chikahan tungkol sa mga subjects nila. Vacant kasi nila at maganda ang hangin dito sa field kaya dito sila nag-set-up ng picnic. Ewan din ba niya sa dalawang kaibigan niya kung bakit may pa-blanket pa ang mga ito na mukhang pinaghandaan pa ang pa-picnic nila. Nasa may lilim sila ng malaking puno sa gitna ng field kaya kahit na medyo mainit ay hindi naman sila natutusta.
Ngumuso si Lena tapos ay pumapak ng chichirya. “Syempre naman sis! Malay mo naman ‘di ba!” sabi pa nito.
Napangiti na lamang siya sa pagka-positive ng kaibigan kahit na sumimangot lang si Mario na noon ay nakahiga na parang sirena pa. Napailing na lang siya.
Umayos ng upo si Lena at pinagpag ang damit nito. “Uy pero alam niyo, ang wafu raw ng CEO ng KN, ha! Tapos, sabi rin nila na kapag si Sir RA raw ang nagdala ng talent, mag-o-audition ka raw mismo sa CEO, sis! Kaloka!”
Kumunot ang noo ni Bendita. ”Singer din ba iyong CEO?”
Umiling si Lena at kumuha ulit ng chichirya. “Hmm, parang hindi. Wala namang showbiz na Del Castillo, ‘di ba, bakla?” Nilingon nilang dalawa si Mario na nagkibit-balikat.
“Wit,” sabi lang nito. Nailing na lang ulit si Bendita. Mas affected pa kasi ito na hindi siya nakasali sa registration.
Tiningnan niya na lang ulit si Lena. “Ah basta sis, ang wafu! Grabe, parang ang perfect lang niya talaga! Shet, mukha pang mabait!” Parang kiti-kiting kinikilig si Lena. Natawa na lang ulit siya rito. Ipinagkuros niya pa ang kanyang mga braso.
“Sige nga, pakitang picture,” sabi pa niya. Halos magningning naman ang mga mata ni Lena at agad na kinuha ang cell phone nito. May kinalikot ito roon tapos ay ibinigay sa kanya iyon. “‘Di ba, ang wafu? Shet! May mga topless pa siya riyan!”
Agad na nag-angat ang kilay niya sa kaibigan. Napailing siya.
Tiningnan niya ang sinasabi nito. Isang matipunong lalaking may clean-cut na buhok ang bumungad sa kanya. Seryosong nakatingin lang ito sa kamera habang nasa balikat nito ang isang denim jacket na hula niya ay ini-endorse nito. Ni-swipe niya pa ang ibang photos at napanganga na lamang siya nang makitang may mga topless nga itong larawan. Napaangat pa siya ng tingin kay Lena na abot-tenga ang ngisi. Napailing ulit siya. Hindi nakatakas sa kanyang paningin ang tattoo sa bandang kaliwang dibdib nito.
‘Niccolo. Ito kaya ang pangalan niya?’
****
“Oh my gosh, Ben! Oh my gosh!” Agad na kumunot ang noo ni Bendita nang bumungad sa kanya ang sigaw ni Mario na patakbo pang pumunta sa kanya. Halos magkanda-dapa-dapa na nga ito papasok ng kanilang bakuran sa sobrang pagmamadali nito.
Nakaupo siya sa tambayan sa harapan ng kanilang bahay at gumagawa ng mga mga assignments niya dahil Sabado naman at walang klase. Agad siyang napatayo. Humahangos pa ang kaibigan niya nang makaupo ito sa kahoy na upuan sa tapat niya.
“Oh? Anong nangyayari sa’yo?” medyo natatawang sabi niya dahil para talagang hinabol ng aso ang magaling niyang kaibigan. Napailing na lang siya.
Makailang beses pa itong huminga nang malalim tapos ay tumingin sa kanya. Lumunok pa ito. “Sist, isang malaking good news!” bulalas nito na mas ikinataka niya.
“Ano?”
Malawak na ngumisi ito at tumayo. Nagulat pa siya nang hinawakan siya nito sa balikat at saka niyugyog. “Sis, pupunta si Sir RA sa pa-programa ni Kap mamayang gabi, at ikaw lang naman ang ang kakanta sa intermission, bakla!”
Nanlaki ang mga mata ni Bendita sa sobrang hindi pagkapaniwala. Tila hindi agad nag-sink in sa kanya ang sinabi ng kaibigan kaya noong ma-process niya na ang sinabi nito ay napasigaw na rin siya. Para tuloy silang tanga ni Mario na nagtatalunan at nag-iikutan sa sobrang tuwa.
“Bakla! Aayusan kita nang bongga!” bulalas ni Mario habang excited na pumasok sila sa loob ng bahay. Abot-tenga ang ngiti ni Bendita habang chinichika na siya ni Mario sa mga gagawin nito sa kanyang mukha at buhok mamaya.
Napabuntong-hininga siya.
‘Salamat, Lord. Salamat sa pagkakataong ito. Sana talaga ito na ang hinihintay ko.’
Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman kinahapunan. Ready na ready na siya para sa pagkanta niya mamayang gabi. May pa-liga kasi ang kapitan nila at pa-kontest din mamaya para sa isang fundraiser. Hindi niya alam kung paanong nandoon si RA Jarres pero hinding-hindi niya sasayangin ang kanyang pagkakataong makakanta sa harapan nito. Walang kasiguraduhan iyon pero at least ‘di ba, nakapagpakita naman siya rito. Iyon lang ay sapat na sa kanya.
Bumuga siya ng hininga at saka tiningnang muli ang kanyang sarili sa salamin. Ilang minuto na lang at tatawagin na siya. Nasa backstage na siya kasama sina Mario at Lena. Ilang beses na siyang sumali sa mga kontest pero first time niyang kinabahan nang ganoon. Para siyang bibitayin sa sobrang kabang kanyang nararamdaman.
“Ben, tara na! Ikaw na next!”
Halos mahigit niya na lang ang kanyang hininga nang marinig iyon. Tumayo siya at inayos ang kanyang suot na floral dress. Bumuga ulit siya ng hininga bago pumunta sa mga kaibigang nakaabang na sa may pinto papuntang stage.
Abot-tenga ang ngiti ng dalawa habang naghihintay sa kanya.
“Fighting, sis!” Si Lena.
“Slay them, bakla!” Si Mario.
Tumigil siya sa hamba ng pinto tapos ay humugot ng malalim na hininga bago saglit na pumikit.
‘Hinga, Bendita. Ito na ang pagkakataon mo. Ito na siya.’