SERYOSO na si Gaizer pagdating nila sa main office ng property ni Mr. Herera. Kararating lang din ng ginoo. Iginiya sila nito sa maluwag nitong opisina. Inilatag ni Alexa sa harapan nito ang mga designs niya at ang on-going plano ng buong village.
“It looks like a new city. Nice,” komento ni Mr. Herera sa iginuhit niyang plano para sa village.
“It’s open for editing, sir. I want to hear your suggestions,” aniya.
“That’s okay. I trusted you both. Good job,” ani Mr. Herera, malapad ang ngiti.
Napatingin siya kay Gaizer. Nginitian lang siya nito.
“So, when do you plan to start the construction, Sir?” pagkuwa’y tanong ni Gaizer sa ginoo.
“We can start anytime this month. We started to free-sell the areas. It’s up to you; if you prepared your men, let’s get started,” sabi nito.
“Next week is okay for me. How about you, Miss Alexa?” sabi ni Gaizer.
“Ah, I’m prepared,” mabilis niyang sagot.
“Good. So, let’s have lunch first,” pagkuwa’y alok ni Mr. Herera.
Pagkatapos ng tanghalian ay nag-ikot sila sa malawak na lupain na sinisimulan nang pinapatag at binubungkal ang malalaking puno. Napansin ni Alexa na mas magaling makipag-negotiate si Gaizer kaysa kay Franco. Mayroon itong honey voice na madaling makaakit ng kausap. Lahat ng suhesyon nito kay Mr. Herera ay aprobado kaagad.
Inalok pa sila ng ginoo ng suite para sa kanila. Nakalimutan ata nito na si Franco ang fiance niya. Gusto nitong mag-stay sila overnight sa lugar. Hindi man lang siya makasingit sa usapan ng dalawa. Mabuti na lang tumanggi si Gaizer sa alok ng ginoo. Idinahilan na lang nito na may pupuntahan pa silang ibang project.
Alas-tres ng hapon sila nakaalis sa lupain ni Mr. Herera. Nagtataka si Alexa bakit hindi sa daan pabalik ng Maynila ang tinatahak nila. Papasok na sila sa beach area.
“Saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong niya.
“May dadalawin lang akong importanteng tao,” anito.
Huminto sila sa malawak na lupain na may sirang tarangkahan. Ipinasok nito ang sasakyan. May nakita siyang burol. Tumigil sila sa tapat ng magarang puntod. Pagbaba nito ay sumunod siya. Inilabas ni Gaizer ang bouquet ng bulaklak na binili nila sa bayan. Kaya pala bumili ito ng kandila. Dadalhin pala nito sa puntod ng yumao nitong ama.
Nakita din niya sa wakas ang puntod ng yumaong si Engr. Lucio Sta. Maria. Katabi nito ang puntod ng ama ni Gaizer na si Engr. Hector Sta. Maria. Naka-tiles ang sahig ng puntod maging pader. Mas malaki pa ang libingan ng mga ito sa kuwarto niya. Pinapanood lang niya si Gaizer na nag-aalay ng taimtim na dasal sa mga yumao.
Pagkatapos ay hinarap siya nito. “Ikaw. Hindi ka ba magpapakilala sa soon to be father in law mo?” sabi nito.
Mariing kumunot ang noo niya. “Father in law? Baka naman grandfather in law,” pagtatama niya.
“Both. Tinatawag din ni Franco na daddy ang daddy ko. They’re close to each other. Kaya nga inggit na inggit ako kay Franco dahil mas close sila ni Daddy.”
May kung anong kumurot sa puso niya. “Bakit, hindi ka ba close sa daddy mo?” usisa niya.
Lumuklok sa unang baitang ng hagdan si Gaizer. Nanatili naman siyang nakasandig sa puno ng talisay.
“No. Siguro dahil hindi ako lumaki sa piling niya. Mas malapit ako sa mommy ko. My parents separated when I was twelve years old. Isinisi ko lahat kay daddy bakit kinailangang bumalik ni Mommy sa Japan. I know the reasons are. My dad having an affair with other woman. Nagalit ako sa kanya kaya ako nagdesisyon na lumayas sa murang edad. Tumira ako kay lolo at siya ang nagpaaral sa akin hanggang sa magtapos ako ng college. Nagalit din ako sa mommy ko dahil nag-asawa siya ulit. Feeling ko wala akong lugar sa pamilya ko. Noong namatay si Lolo, kinuha ako ni Mommy. Ang kaso, hindi kami nagkasundo ng stepfather ko. Bumalik ulit ako rito at tumulong sa Sta. Maria Group of Companies. Pero hindi ako nabibigyan ng break. Para akong langaw na walang pirmanenteng madadapuan,” seryosong kuwento ni Gaizer.
Nanlumo si Alexa matapos marinig ang kuwento ni Gaizer. Hindi niya inaasahan na magkukuwento ito. But Gaizer got her sympathy. Marupok siya sa mga taong may broken family.
Tumayo ang binata at bumalik sa sasakyan. Sumunod naman siya rito. Tahimik lang ito habang binubuhay ang makina ng kotse.
“Uuwi na ba tayo?” tanong niya.
“May dadalawin pa ako sandali,” sabi nito.
Hindi na sila lumabas ng malawak na lupain. Binaybay nila ang makitid na kalsada sa pagitan ng malalagong pananim na mais na namumunga na. Sa dulo ng lupain ay malawak na karagatan. Huminto sila sa old model three story house. Sinalubong sila ng malalaking aso kasunod ng matandang lalaki na tantiya niya’y nasa early sixties ang edad.
Nang bumaba si Gaizer ay sumunod siya.
“Gaizer, ikaw ba ‘yan?!” manghang tanong ng matanda.
“Opo, Lolo Rick!” nasasabik na tugon ni Gaizer.
Nagyakapan ang dalawa. Natatakot sa aso si Alexa kaya hindi siya umalis sa tinatayuan niya.
“Nasaan po si Lola Amara?” tanong ng binata sa matanda. Nakalimutan na ata siya nito.
Mabuti na lang napansin siya ni Lolo Rick. “Aba, may kasama ka pala. Asawa mo na ba iyan?” usisa ng matanda.
Awtomatikong tumingin sa kanya si Gaizer. Napalis ang masigla nitong ngiti. Humakbang naman siya palapit sa mga ito.
“Hindi po, Lolo. Siya si Alexa San Diego, girlfriend ni Franco. Architect siya ng kompanya,” pakilala sa kaniya ni Gaizer.
“Ah, eh bakit kayo narito?” usisa ni Lolo Rick.
“May project kami rito sa Tagaytay. Tuloy dumalaw na rin ako,” ani Gaizer.
“Ganoon ba? Aba, bakit nga pala hindi pumupunta rito si Franco? Palagi siyang hinahanap ng lola mo,” anang matanda.
“Busy po siya. Hindi po ba niya nasabi sa inyo na malapit na silang magpakasal ni Alexa?” sabi ni Gaizer.
Nagulat ang matanda. Ganoon na lang ang kaba ni Alexa dahil sa eksaheradong reaksiyon ni Lolo Rick.
“Aba hindi pa! Sandali. Pumasok muna kayo sa loob nang makita kayo ng lola mo,” sabi ni Lolo Rick.
Pagpasok nila sa malawak na sala ay sinalubong sila ng matandang babae na nakaupo sa wheel chair na tulak-tulak ng caregiver malamang nitong babae.
“Apo ko!” mangiyak-ngiyak na bungad ng matandang babae. Kulang na lang ay tumayo ito para malapitan kaagad si Gaizer.
Sinalubong na ito ng binata at niyakap. Tumagistis ang luha ng sabik na matanda. Hindi napigil ni Alexa ang kanyang pagluha nang tangayin siya ng emosyon ng maglola. Napansin din niya ang pagluha ni Gaizer. Obvious na matagal na hindi nagkita ang mag-lola. Hinalik-halikan ng matanda sa mukha ang binata.
“Ang guwapo mo talaga apo. Manang-mana ka sa daddy mo. Bakit ngayon mo lang ako dinalaw, ha?” anang matanda.
“Hindi ko po kasi maiwan si Mommy. Paralisado na siya noon kaya ako ang namamahala ng kumpanya,” sagot ni Gaizer.
“Ganun ba?” Nabaling kay Alexa ang atensiyon ng matanda.
Nakita na niya ang litrato ni Lola Amara sa naka-save na mga litrato ni Franco sa social media account nito. Medyo mataray nga ang mukha nito sa personal pero kahit matanda na ay maganda pa rin.
“E sino ang kasama mo? Asawa mo ba?” usisa ni Lola Amara.
Naiilang ngumiti si Alexa. Parang inulit lang nito ang tanong ni Lolo Rick kanina. Lumapit siya sa matandang babae at nagmano. Siya na rin ang nagpakilala sa sarili niya.
“Ako po si Alexa San Diego. Fiancee po ako ni Franco,” aniya.
“Talaga? E nasaan si Franco? Bakit hindi mo siya kasama at kayo ni Gaizer ang narito?” usig nito.
Nagtinginan sila ni Gaizer. “May ibang trabaho si Franco, Lola. Biglaan lang po kasi ang pagdalaw namin dito dahil may project kami ni Gaizer malapit dito,” paliwanag niya.
“Kung ganoon ay hindi kayo magtatagal?” anito.
“Opo,” mabilis niyang sagot.
“Aba. Ano ba ang minamadali ninyo? Dito na kayo magpalipas ng gabi,” may tampong sabi ni Lola Amara.
Hindi makapagdesisyon si Alexa.
“Sige po, Lola. Bukas na kami uuwi,” bigla’y sagot ni Gaizer.
Binato niya ng mahayap na tingin si Gaizer. Pero nang tingnan niya ang matanda na pumapalakpak sa tuwa ay lumambot na rin ang puso niya.
Nag-utos kaagad si Lola Amara sa tauhan nito na mamingwit ng isda sa dagat para ulam nila. Nagboluntaryo si Gaizer na tumulong sa paghuli ng isda. Naiwan naman ang dalaga. Mabuti na lang palagi siyang nagbabaon ng ekstrang damit sa tuwing pumupunta siya sa ibang lugar.
Nagyaya si Lola Amara na magpunta sa pampang ng dagat para panoorin ang paglubog ng araw. Bunsong kapatid pala nito si Lolo Rick. Balo na rin ito at ang nag-iisang anak na babae ay nurse sa Canada at doon na nakapag-asawa. Hinintay nilang makabalik ang bangkang sinakyan nila Gaizer. Malayo pa ang mga ito ay nakikita na niya ang hubad-barong bulto ni Gaizer na tumakip sa papalubog na araw.
Hindi pa nakapuwesto sa lupa ang bangka ay tumalon na sa tubig si Gaizer. Basang-basa na ito. Lumangoy ito palapit sa kanila. Gustong makita ni Alexa ang sariwang isda na nahuli ng mga ito, pero nakalimutan niya ang mga iyon nang biglang umahon sa harapan nila ang malaking isda na saksakan ng guwapo at kakisigan.
Napako ang paningin niya sa basang katawan ni Gaizer na hitik sa nagkaparte-parteng abs at maskuladong dibdib, balikat, at mga braso nito. Pakiramdam niya’y bumagal ang oras at bumalik ang araw dahil pakiramdam niya’y idinadarang siya sa init.
Kumislot siya nang biglang may kumalabit sa likod niya. Kumurap-kurap siya at mabilis na iniwasan ng tingin ang mapanuksong katawan ni Gaizer. Pero hindi siya nakailag sa maningning nitong mga mata at napakatamis na ngiti. Noon lamang niya napansin na may dalawang dangkal na lang ang pagitan nito sa kanya. Matagal na pala siya kinakalabit ni Lola Amara. Nang lingunin niya ito ay papalayo na ito habang tulak ni Kristel ang wheel chair nito.
Awtomatiko niyang naibalik ang tingin kay Gaizer nang bigla nitong haplusin ang leeg niya. Nagulat siya at napahakbang nang isang beses paatras. Lumubog ang isang paa niya sa buhangin kaya siya nawalan ng balanse. Hindi siya nakahuma nang saluhin ng malakas na braso ni Gaizer ang baywang niya. Hinila siya nito patayo dahilan kaya naglapat ang mga katawan nila.
“Palubog na ang araw pero pinagpapawisan ka pa. Mainit ba?” sabi nito sa malamyos na tinig.
Nasamyo niya ang mabango nitong hininga na bumuga sa kaniyang mukha. Isang pulgada lang ang pagitan ng mga mukha nila. Gusto niyang magsalita pero parang may nakabara sa lalamunan niya. Gusto niyang itulak ang binata pero wala siyang lakas. Nanlalambot ang buo niyang katawan.
Sinalubong niya ang malagkit nitong titig. Isa iyong malaking pagkakamali dahil lalo lamang siyang nanlumo nang magtama nang malapitan ang mga mata nila. Hindi niya namalayan ang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang bibig. Nahimasmasan siya nang maramdaman niya ang sakop ng mainit nitong bibig sa kanyang mga labi at bahagyang nakagat ang ibabang bahagi.
Marahan niyang naitulak ang binata. Inilahad pa nito ang mga palad sa harapan niya. “I’m sorry,” sabi lang nito saka nagpatiunang lumakad.
Hinabol niya ito ng tingin. Gusto niyang magalit pero hindi niya alam kung paano. Tahimik na sumunod siya rito. Naing uneasy siya pagdating sa bahay. Gusto na niyang umuwi pero paano? Wala siyang sasakyan. Isa pa, baka hindi rin siya makatatakas basta kay Lola Amara.
Sa oras na ng hapunan. Kasalo nila sa hapag sina Lola Amara at Lolo Rick. Masayang nagkukuwento ang matandang babae tungkol sa kabataan ng mga apo nito. Doon nito nasabi na limang taon na pala nitong hindi nakakapiling si Gaizer kaya ganoon na lang ito kasabik sa binata.
“Sa susunod na Linggo, seventy-sixth birthday ko na. Kailangan narito kayo, ha?” sabi ni Lola Amara.
“Oo nga pala, Lola. Ano’ng gusto mong regalo?” ani Gaizer. Katabi nito si Lola Amara.
“Ikaw at si Franco ay sapat nang regalo, apo,” anito saka tinawag ang atensiyon ni Alexa.
“Hindi po ako sigurado kung makakapunta ako, Lola,” sabi niya.
Bumusangot ang matanda. “Ayaw ko ng ganyang salita. Basta pupunta ka. Kayo ni Franco. Marami nang utang sa akin si Franco. Tatlong birthday ko na ang pinalagpas niya. ‘Tapos malapit na pala siyang magpakasal na hindi sinasabi sa akin. Hindi ako papayag na hindi kayo pupuntang dalawa,” wika nito.
“Kakausapin ko po si Franco. Marami kasi siyang projects sa labas,” aniya.
“Puwede namang ikaw na lang ang pupunta kung ayaw niya. Matutuloy pa rin naman ang birthday ni Lola kahit wala siya,” sabad ni Gaizer.
Hindi magawang tingnan nang deretso ni Alexa si Gaizer. “Kakausapin ko pa rin si Franco,” giit niya.
“Sabihin mo sa kanya na nagtatampo ako,” sabi ni Lola Amara.
“Opo.” Nagpatuloy siya sa pagsubo.
Pagkatapos ng hapunan ay tumulong si Alexa sa pagliligpit ng pinagkainan nila. Maagang natutulog si Lola Amara kaya tahimik na ang kabahayan. Si Aleng Lucy ang matagal nang katiwala ng mga Sta. Maria. Kuwento nito, magmula noong namatay ang matandang Sta. Maria ay hindi na umaalis ng Tagaytay si Lola Amara. Na-stroke ito sampung taon ang nakalipas pagkamatay ng asawa nito. Nakaka-survive naman ito pero hirap nang makalakad kaya naka-wheelchair na lang.
Kasama ni Alexa sa kuwarto si Kristel. Nauna na itong natulog. Hindi siya sanay matulog na hindi naghuhugas ng katawan. Mabuti pinahiram siya ni Kristel ng pantulog. Matutulog na sana siya nang maalala niya ang kanyang cellphone. Naiwan niya iyon sa kotse ni Gaizer.