Chapter 18
SAPILITAN nila akong dinala sa mansyon ng mga Langston, ramdam ko ang tensyon at mga titig nila sa ‘kin na animoy hindi siya natutuwa. Aksidente ang lahat at saka hindi ko naman alam na maaring mangyari ang simple kong pagtulong sa alpha nila. Pagkapasok sa loob may ilang naghihintay doon, humarap sa direksyon namin ang isang uugod-ugod na matandang babaeng may hawak sa isang kahoy na tungkod habang may mga bunggong nakasabit doon na kasing laki ng kamay. Nakasuot din siya ng itim na damit, halos wala naman akong makikitang hindi nakaitim sa kanila maliban sa ‘kin na nakasuot ng kulay asul na bistida.
Pikit ang mga mata niya, kulubot ang mukha at mga kamay niya habang may patong na cloak sa balikat niya ngunit kahit na matanda siya itim na itim pa rin ang buhok niya. Tuluyan siyang lumapit sa ‘kin saka naman ako binitawan ni Mare.
Lalayo na sana ako ngunit natigilan ako nang may humarang sa likuran ko para hindi ako mapaatras, isang malaking lalaki saka ako napaharap muli sa matanda.
“Iha, ‘wag kang matakot,” wika ng nangungulubot niyang boses.
Paanong hindi ako matatakot at sapilitan nila akong kinuha rito. Walang nagawa sila Nikita kaya hinayaan ko na lamang sila, ngunit hindi ko maiwasang hindi matakot sa possible niyang gagawin sa akin dito.
“Napakadilim ng iyong nakaraan na nagsisilbing koneksyon sa kasalukuyan at sa hinaharap. Nakakulong ka roon kaya hindi ka makalabas para harapin ang iyong tadhana,” wika niya na hindi ko maintindihan.
“Narito kami, Tanda, para tanggalin ang koneksyon nilang dalawa ni Kalen, nagawa niyang maging alipin ang alpha ng pack na ito, hindi kami makakapayag na isang mortal na ito---”
Hindi natuloy ang sasabihin ni Mare nang magsalita si Tanda na tinatawag nila.
“Hindi siya basta mortal, hindi nagagawa ng isang simpleng mortal ang bagay na iyon kung hindi siya espesyal na mortal,” wika ni Tanda.
Napakunot-noo ako at gulat na gulat ang nakapalibot sa ‘kin lalo na sila Mare.
“Ano pong ibig mong sabihin, Tanda?” Nag-aalalang tanong ni Mare.
Mas lalo pang lumapit si Tanda sa ‘kin saka niya inabot ang kulubot niyang kamay sa pisngi ko kaya nanatili pa rin akong nakatayo sa puwesto ko.
“Siya ang nasa propisiya…ang propisiyang kailangan pakasalan ng ating alpha para sa ikakatahimik ng mga grupo at mga nilalang na nalalamon ng kanilang kapangyarihan. Ang kanilang balanseng koneksyon ang magsisilbing susi para matiwasay ang lahat,” paliwanag pa niya.
Ngunit isa lang ang naintindihan ko sa sinabi niya, ang pakasalan? Napailing ako, “hindi ‘to maari, nagbibiro lang kayo, hindi ako naniniwala sa mga sinasabi ninyo at mas lalong hindi ako maniniwala sa mga katulad ninyo,” pagpupumilit ko.
Lumayo ako sa kanya kaya nabitawan niya ako, gusto kong tumakbo palayo sa kanila ngunit hinarangan lamang nila ako, “tama ako ng iniisip, trap lang ang lahat, dinala ninyo ako rito para bawian ninyo ako sa ginawa ko kay Kalen na hindi ko naman alam at biglaan lang ang lahat. Hindi ako makakapayag! Hindi!”
Nawala ako sa paghisterikal nang mahawi sila sa biglang pagdating at paglakad ng isang babae sa direksyon ko. Huminto siya na may ilang pulgada lang ang layo sa ‘kin, magkasing tangkad kami ngunit nagsusumigaw ang kapangyarihan at kakaiba niyang karisma. Maputi ang kanyang kulay, itim na itim ang kilay, buhok, perpekto ang hugis ng kanyang mukha kahit na may edad na siya, ang bow shape upper lip niya na may pulang lipstick. Nakasuot ng itim na bike boots habang may leggings siyang itim na pang ilalim, nakasuot na siya ng itim na turtle neck sweater dress habang may patong na itim na camel coat.
“Ikulong ang isang ito,” utos niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang hawakan ako ng dalawang lalaki sa magkabila kong braso, nagpupumiglas ako hangga’t kaya ko para makatakas kahit imposible akong makatakas, hanggang sa mahatak nila ako palayo roon.
“Hindi ninyo pwedeng gawin sa ‘kin ‘to!” Nagsisigaw ako na parang baliw hanggang dalhin nila ako sa west wing na pasilyo. Gulong-gulo at hindi ko na alam ang gagawin ko. Nagsusumigaw ako ng buo kong lakas hanggang sa magbukas ang isang bakal na pinto, saktong pagbukas nito’y marahas nila akong tinulak doon. Tumama ang magkabila kong tuhod sa sementadong sahig kaya sumubsob talaga ako at napadapa.
Bago pa man ako makatayo huli na ang lahat nang maisara na nila at nabalot ako ng kadiliman. Kahit nahihirapan ako’y pilit akong tumayo at kinalampag ang bakal na pinto.
“Pwede naman nating pag-usapan ito, pakawalan ninyo ako! Nagmamakaawa ako palabasin ninyo ako rito! Please lang! Pakawalan ninyo ako ritoooo!” Ngunit kahit na anong gawin ko’y hindi sila nakinig sa balahaw ko.
~*~
Nakita ko na lamang ang sarili kong nakatayo sa gitna ng maze nag gawa sa mga pinagpatong na tuyong dahon, palinga-linga ako at kinabahan na hindi alam kung paano makakalabas doon hanggang sa makita ko ang daanan. Kumaripas ako ng takbo hanggang sa makalabas ako sa maluwag na lugar at sa gitna nito’y nakatayo ang malaking puno ng malaking mansanas. Nakita kong napapalibutan pa rin ako ng maze, sa isang kisap-mata naging pula ang paligid lalo na ang kalangitan at nagkaroon ng makapal na hamog sa paligid.
Paglingat ko’y may mga nakasabit na babae sa puno, tig-iisa sila ng lubid sa kanilang leeg, mga dilat, namumutla, may nakaluwa ang isang mata, may tuka ng itim na uwak, mas lalong kumalabog ang dibdib ko sa kaba nang masaksihang pito sila, kilala at namumukhaan ko ang dalawa sa kanila.
“Euphrasia, ito ang nakatakda sa ‘yo na kailangan mong tanggapin,” isang malakas na boses ang aking narinig, “huwag mong hayaan ka nilang tapakan, mas malaki pa rito ang kaya mong gawin, handa ka na para tanggapin ang nakatadahan sa iyo.”
Sa takot ko’y agad akong kumaripas ng takbo pabalik sa maze ngunit naririnig ko pa rin ang boses niya.
“…tanggapin mo ang nakatakda at hindi mo na ito matatakbuhan lalo na’t narito ka sa puso kung saan nag-umpisa ang lahat, ikaw lang ang tatapos ng gulong sila ang nag-umpisa, magpakita ka na mahina para biglaan mo sila.”
“Tama na! Tama na!”
Tumigil ako sa isang gilid at tinakpan ang mga tenga ko. Nanginginig ako, may kung anong tumutulo sa bibig ko at ilong ko kaya napahawak ako roon. Nanginginig ang kamay kong tinignan kung ano ito ngunit dugo pala, napaubo pa ako kaya mas lalong umagos ang dugo mula sa ilong at bibig ko.
Saka ako nanghihinang bumagsak sa lupa habang patuloy ang malaking boses sa kanyang sinasabi.