Kabanata 2

1242 Words
ONE YEAR LATER... “Sariyah Borromeo?” “Kailangan agad operahan ang nanay mo.” “Sariyah Borromeo?” “A-Ano po'ng mangyayari kapag hindi agad naoperahan si nanay?” “Is Sariyah Borromeo here?” “Maaaring lumala ang kalagayan niya. Kung mangyari ‘yon, b-baka bawian siya ng buhay. Desisyon niyo lang ang kailangan para maoperahan na ang nanay mo. You have to decide immediately, Sariyah. Buhay ng nanay mo ang nakataya rito.” “Sariyah Borromeo!” Mabilis na bumalik si Sariyah sa reyalidad nang marinig ang malakas na pagtawag sa pangalan niya. Sa may pinto, nakasilip ang isang babae. “A-Ako po,” tugon niya bago nagtaas ng kamay. Dismayado itong umiling bago lumapit sa kaniya. “I'm sorry, Sariyah, pero hindi ikaw ang candidate na hinahanap ng CEO. Isa sa mga pangunahing kwalipikasyon para sa posisyong ito ang pagiging college graduate, at base sa iyong resume, senior high school graduate ka lamang. I'm sorry, but we won't be moving forward with your application. You may leave now.” Nang iabot ng babae sa kaniya ang resume niya, tinanggap niya pa rin iyon na may ngiti sa mga labi. “Salamat po, ma'am,” aniya bago dali-daling tumalikod. At habang tumatakbo palabas ng gusali, hindi na mapigilan ni Sariyah ang emosyon. Kusa nang tumulo ang mga luha sa magkabila niyang mata. Ito na ang pangatlong kumpanyang pinuntahan niya, pero nabigo pa rin siya. Lahat sila ay naghahanap ng college graduate. Kaya hindi na niya alam kung saan siya dadalhin ng mga paa. Matindi ang pagsubok na kinahaharap ng kanilang pamilya ngayon. Nasa ospital ang kaniyang ina at nangangailangan ng agarang operasyon dahil sa malubhang kondisyon nito sa puso. Ngunit dahil kapos sila sa pera, napilitan silang ipagpaliban muna iyon sapagkat aabot sa milyon ang halaga ng operasyon. Sa bawat araw na lumilipas, lalo ring lumalala ang kalagayan ng kaniyang ina. “Lord, bigyan mo ako ng sign, please. Ayokong mawala si nanay sa akin. Tulungan mo akong makahanap ng trabaho,” sambit niya bago tumawid sa kalsada. Dahil sa lalim ng kaniyang iniisip, hindi niya namalayan ang paparating na sasakyan. Subalit bago pa man siya nito mabangga, bigla itong huminto sa mismong harap niya. Galit niyang hinampas ang hood ng kotse. “Hoy! Bulag ka ba? May tao rito! Ang bilis mong magpatakbo, muntik mo na akong mabangga!” sigaw niya, nanginginig sa inis at takot. Bumukas ang pinto ng kotse at lumabas doon ang isang lalaki. Sandali siya nitong tiningnan bago nakapamulsang lumapit sa kaniya. “Kasalanan ko ba kung tātanga-tānga ka?” malamig at mapangmata nitong tanong. Natigilan si Sariyah sa narinig. “Ikaw na nga ‘yong muntik nang makabangga sa akin, ikaw pa itong matapang. Porket ba mahirap ako kaya ako ang sinisisi mo? Hoy, mayaman ka lang, pero ‘yang pag-iisip mo, baliktad!” asik niya bago tuluyang naglakad. “Magkano ka ba para hindi ka na putak nang putak? Para kang manok!” sambit ng lalaki na agad niyang ikinahinto. Humarap siya rito bago ito tiningnan nang masama. “Kailangan ko ng pera, pero kahit kailan, hindi ko ibebenta ang dignidad ko para lang patahimikin mo ako! Baliktad ka na nga mag-isip, arogante ka pa! Tse!” matigas niyang sagot bago muling nagmartsa palayo. Wala siyang panahon para makipagtalo, kaya mas pinili na lang niyang umalis. Trabaho ang nais niya, hindi away. Nagpatuloy pa siya sa paghahanap ng trabaho, pero katulad sa mga nauna niyang pinuntahan, mga college graduate rin ang kailangan nila. Maghapon siyang naghanap, subalit nabigo lamang siya. Luhaan tuloy siyang umuwi sa bahay nila, tulala, hindi na alam ang gagawin. “Sariyah?” Mabilis siyang napalingon nang may tumawag sa pangalan niya. At sa hindi kalayuan, nakita niya ang tiyahin niya naglalakad palapit sa kaniya. Nang makalapit, umupo ito sa tabi niya. “Tanggapin mo ito. Maliit lang, pero baka makatulong.” Napatitig siya sa kamay nitong may hawak na pera. Kagat ang ibabang labi, lakas-loob niya iyong tinanggap. “S-Salamat, Tiya Agnes. Hindi ko po ito tatanggihan. Malaking tulong na po ito para kay nanay, sa kapatid niyo po. Salamat po, dahil kahit salat din po kayo, tinulungan niyo pa rin po kami,” emosyonal niyang wika. “Wala ‘yon, Sariyah. Tayo-tayo lang naman ang nagtutulungan dito, ‘di ba? Nga pala, balita ko'y naghanap ka ng trabaho. Ano, may nahanap ka?” Marahas siyang bumuntong-hininga bago binasa ang mga labi gamit ang dila. “W-Wala po, Tiya Agnes. Hindi po madaling makahanap ng trabaho ang isang katulad ko na hindi college graduate. Ang dami ko nang pinuntahan, pero nabigo pa rin po ako.” “‘Wag kang mawalan ng pag-asa, Sariyah. Sumubok ka na ba sa HSA?” “HSA? Ano po ‘yon?” “Household Service Agency. Nagha-hire sila tapos puwede ka nilang i-assign sa mga taong nangangailangan ng kasambahay. Masipag ka, Sariyah, kaya alam kong kaya mo ang trabahong ‘yon.” Napatitig si Sariyah sa mga mata ng tiyahin. Kasambahay? Kailanma'y hindi siya na nangarap maging kasambahay, pero ngayon, mukhang kailangan na niyang patusin ang trabahong iyon. Kaya naman nang sumapit ang kinabukasan, muli siyang umalis ng bahay nila upang maghanap ng HSA. Nakahanap din naman agad siya. Nagpasa na rin siya ng mga kailangan. At makalipas ang halos isang araw, nakatanggap siya ng tawag na tanggap na siya. “‘Nay, para sa iyo itong ginagawa ko. Kahit mapagod ako, wala akong pakialam, basta't gumaling ka lang. Bukas na ang operasyon mo, sana pagbalik ko, maayos ka na. Mahal na mahal kita, ‘nay.” Isang halik sa noo ang iginawad ni Sariyah sa kaniyang ina bago lumabas sa silid nito. Nagdesisyon na silang isagawa ang operasyon dahil habang lumilipas ang araw, palala nang palala ang kalagayan ng ina niya. May pamilya na siyang papasukan bilang kasambahay at ngayong araw na rin siya pupunta kaya dumaan muna siya sa ospital kung saan naka-confine ang ina niya. Nagpaalam na siya sa ama niya at mga kapatid bago tuluyang umalis. Hindi nagtagal, natagpuan niya ang sarili sa harap ng isang magarbo at malaking bahay. Parang mall ang laki ng bahay. Malawak ang garden, may fountain pa. Hindi na siya nagulat—bilyonaryo ang amo niya, ayon sa agency. “Sariyah Borromeo, tama ba?” bungad sa kaniya ng matandang babae nang buksan nito ang gate. Nakangiti siyang tumango. “Ako nga po.” “Halika na sa loob, naghihintay na sa iyo si sir.” Tumango siya. Nang maglakad ito, sumunod na siya rito. “Ako si Juliet. Tawagin mo na lang akong Manang Juliet. Ako ang mayordoma rito at ako ang namamahala sa mga kasambahay ng amo natin.” “Sige po, Manang Juliet,” tugon niya. Tumango lamang ang matanda at hindi na umimik pa. Pagkapasok nila sa loob ng bahay, mas lalo siyang namangha. Inabutan pa siya ni Manang Juliet ng juice bago siya inaya patungo sa likod ng bahay. Pagkarating, bumungad kay Sariyah ang malawak na swimming pool, na napapalibutan ng mga palm tree. Sa dulong gawi, matatanaw ang isang gazebo, kung saan prenteng nakahiga ang isang lalaki. Inaya na siya ni Manang Juliet palapit doon, at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang mamukhaan ang lalaki. “Meet our boss, Sariyah. Siya si Sir. Thorne Calyx Vermont.” Umupo ang lalaki bago dahan-dahang ibinaba ang suot nitong shades. Sa gulat, nabitiwan niya ang hawak na baso, dahilan upang mabasag iyon sa marmol na sahig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD