Naibuhos na ni Elyssa ang lahat ng luha at pugto na ang mata sa kakaiyak pero hindi pa rin nawawala ang sakit na naramdaman niya dahil sa nabasa. "How could you do this to me, Louie? Bakit mo ako pinaglalaruan!?" Kanina pa siya kinakatok ng ina pero hindi ito sinagot ni Elyssa at nagkunwari siyang tulog. At ngayon nga ay kumakatok na ulit ito. Pinaghahanda na siya dahil aayusan para sa party mamaya. Alas-singko na ng hapon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakikita si Louie na lalong nagpapasama ng loob niya. Mula kaninang umaga pagkagising niya hanggang ngayon ay hindi pa rin lumilitaw ang anino nito. Dapat ay masaya si Elyssa dahil welcome party niya ngayon at makikilala na siya ng sambayanan na isang heridera ng Del Rio group. Pero kabaliktaran ang nararamdaman niya ngayon.

