IBINABA ni Hilda ang tasa ng kape saka nag-angat ng paningin sa lalaking kasama nito sa loob ng coffee shop. Nakaupo ang lalaki sa silyang katapat niya at tahimik na naghihintay ng sasabihin niya. "It is actually good now that you're here. At least, hindi na ako mahihirapan na utusan ka." Nginitian niya ito, seryoso naman itong nakatingin sa kaniya. Matangkad ang lalaki, well-built ang katawan at moreno. Mabalbas din ito at may pilat sa kaliwang noo. "Noon, nakakausap lang kita sa cell phone. Kapag wala akong ipinag-uutos sa iyo, hindi ko rin alam ang mga pinaggagawa mo. Mabuti't pumayag ka na sa gusto ko." Tango lamang ang itinugon sa kaniya ni Roger. Paminsan-minsan ay humihigop ito ng kape, pero madalas wala itong ginagawa at nakikinig lang sa kaniya. "May mga tauhan ka, hindi ba?"

