Chapter 8

2126 Words
TINAMAD nang lumabas ng kuwarto si Cassandra kaya nagpa-deliver lamang siya ng pagkain. Si Stefan ay lumabas dahil gustong masulit ang magagandang tanawin sa labas. Lunch time na at hindi pa ito bumabalik kaya nauna na siyang kumain. Saktong natapos siyang kumain ay dumating si Stefan. May dala itong buko juice na dalawa. “Kumain ka na? Bakit hindi mo ako hinintay?” nakasimangot nitong saad. “Hihintayin pa kita, eh gutom na ako,” aniya. Inilapag nito ang buko sa lamesa. Nabalatan na ito at tinusukan lang ng bending strew. Nakainom na siya ng tubig pero kinuha pa rin niya ang isang buko at sinimsim. “Malamig na ang food. Order ka ulit ng may mainit na sabaw. Magbabanyo lang ako,” sabi nito. Pumasok na ito sa palikuran. Padabog na kinuha niya ang reciever ng telepono at tumawag ulit sa kitchen department. Na-order siya ng ulam na merong sabaw at extrang kanin dahil konti lang ang unang na-order niya. One cup a day na kanin lang ang kinakain niya at puro gulay na at prutas. Aalis na sana siya sa tapat ng lamesa nang bumalik si Stefan. Nakapagsuot na ito ng pants at itim na t-shirt na hapit. “Stay there. May pag-uusapan tayo,” sabi nito. Inayos naman niya ang kaniyang pagkakaupo at seryosong tumitig sa kasama. Hindi pa nag-sink-in sa kukoti niya na mag-asawa na sila ni Stefan. She’s not comfortable. “Ano naman ang pag-uusapan natin?” walang buhay niyang tanong. Dinudukot niya ng kutsara ang laman ng buko na malambot. “Lola once asked me about our decision to get married. And she doubted it. Akala niya ay pinilit kita o kaya’y binayaran, which is parang gano’n na nga. Kaya sinabi ko sa kaniya na ginusto mo rin ito. Pero inunahan ko na siya, na hindi mo ako ganoong gusto dahil may mahal kang iba,” anito. Natigilan siya. “Bakit mo naman sinabi ‘yon?” nababahalang untag niya. “Para once hiniwalayan mo ako, hindi na masyadong magtaka si Lola. She’s aware that our marriage was similar to an arranged marriage. Alam din ni Lola na hindi pa ako gaanong seryoso dahil kagagagling ko lang sa breakup. But she pursued me to use this opportunity to move on. She trusted you, at tutulong daw siya para maging komportable ka sa akin. Ayaw lang talaga ni Lola na maging iresponsable ako kasi nga may nangyari na sa atin,” paliwanag nito. Napasinghap siya. Wala naman talaga siyang balak magtagal sa kasunduan nila ni Stefan. Pero ang ikinakatakot niya ay ang posibleng pagbabago sa feelings niya habang lumilipas ang panahon na kasama niya ito. “Hindi mo naman kailangang gumawa ng kuwento para mapaniwala si Lola sa kalokohan mo,” sabi niya. “Anong kalokohan? I’m just helping you lessen your doubt and make it easier once you decide to quit this deal.” Mataman siyang tumitig kay Stefan habang panay ang dukot ng kutsara sa butas ng buko. “Ang totoo, nag-e-enjoy ka ba sa desisyon mo? Alam ko ginagawa mo ito para na rin makalimutan ang ex mo,” aniya. Ilang sandaling walang kibo si Stefan at nakatitig lamang sa kaniya. Umalon ang dibdib nito at tumuwid ang likod, humalukipkip. “I admit. I want to forget my ex as soon as possible. And I want you to help me, so please don’t mention my ex again. And it's the last time we will talk about her. Did you get it?” maotoridad nitong pahayag. Umismid siya. “Sige. Aalisin ko na siya sa isip ko.” Isinubo niya ang kaunting laman ng buko na nakuha. “At bakit mo ba iniisip ang ex ko, ha?” mamaya ay usig nito. “Eh, kasi curious lang ako. Baka kasi mahal mo pa siya at pilit mo lang binabalewala. Ayaw ko namang gamitin mo akong panakip-butas. Kaya nga hindi ako nag-boyfriend kasi ayaw ko ng komplikasyon at dagdag isipin ko pa.” “As I told you, our marriage was not related to my ex. Para ito kay Lola at sa company niya. I may sound selfish but admit that you love the benefits, too. We both need this deal, right?” Kumibit-balikat siya. Nang dumating ang order niyang pagkain ay nagpaalam siya kay Stefan. Siya naman ang gumala sa labas at kinunan ng picture ang magagandang tanawin. KINABUKASAN ay nag-arkila si Stefan ng yate upang maikot nila ang isla. Wala namang naging problema si Cassandra sa pagtulog dahil alam ni Stefan ang limitasyon nito. Ito ang nag-adjust at talagang hindi siya tinabihan sa kama. Sa couch ito natulog. Hanga siya sa paninindigan nito. Kahit minuto lang na magkabati sila, hindi naman nito ginagatungan ang init ng ulo niya. Sadyang arogante ito kung minsan kaya napipikon siya. Magaling din itong mang-asar. Hindi ito ang tipo ng lalaking gusto niya. Gusto niya iyong seryoso, tahimik na mas matured sa kaniya, at higit sa lahat, alam kung paano siya pakikisamahan. Si Stefan ay halos pareho sila ng level mag-isip, palaban, ayaw magpatalo sa argumento. Pero sadyang prangka si Stefan kaya minsan ay tunog mayabang at mapanglait. Inabutan na sila ng lunch sa yate. Meron namang staff doon na nagluluto para sa kanila. Good for six hours ang binayaran ni Stefan sa yate kaya mahaba-habang gala pa ang magagawa nila. Napaka-elegante ng ayos ng lamesa sa labas ng kuwarto. Nakahinto na sila sa gilid ng maliit na isla. Lahat ng pagkaing nakahain ay bago sa kaniya. Sariwa lahat ng gulay, maging seafood. Walang kanin pero may pasta. Natakam siya sa magandang presentasyon ng pagkain kaya nauna na siyang kumain. May kausap pa kasi sa cellphone si Stefan. “Bukas ng gabi na pala ang flight natin pauwi ng Pilipinas,” mamaya ay sabi ni Stefan. “Akala ko ba kinabukasan pa niyon,” aniya. “Nagbago ang schedule dahil nag-book ng flight ang secretary ko papuntang Dubai. Kailangan ako para sa mahalagang business appointment. Hindi kasi maganda ang pakiramdam ni Lola, na dapat ay siya ang pupunta.” “Bakit hindi ka na lang diretso ng Dubai mula rito?” “May meeting ako with investors sa umaga.” Naisip naman niya ang papel niya sa kumpanya ni Stefan pag-uwi ng Pilipinas. Hindi pa siya nakalipat sa bahay ng mga ito dahil nanatili siya sa condo ni Lola Isabela. “Paano pala ako? Tuloy pa rin ba ang trabaho ko sa production ng company?” aniya. “No. Magpahinga ka muna at ikaw ang makakasama ni Lola sa doktor. Pag-uwi natin, lilipat ka na sa bahay. Pagbalik ko saka kita bibigyan ng bagong trabaho sa company.” “May suweldo pa rin ako katulad ng ibang empleyado, ah?” “Siyempre. And I’ll give you twenty thousand monthly allowance for your medication and everything you need.” Nasabik siya sa sinabi nito at napanatag na rin dahil nalinaw ni Stefan ang magiging papel niya sa pamilya nito. PAG-UWI ng Pilipinas ay hindi na nakapagpahinga si Cassandra. Naghakot na kasi siya ng gamit at lumipat sa family house nila Stefan. Namangha siya sa laki ng bahay ng mga ito sa isang executive village sa Quezon City. Dalawang palapag lang ang bahay pero malawak at merong apat na kuwarto. “Kumusta ang honeymoon ninyo, hija?” masiglang bungad ni Lola Isabela. Nahihilo pa siya kaya walang siglang nakipag-usap sa ginang. “Masaya naman po. Makapagod lang,” aniya. “Normal lang ‘yan. Magpahinga ka buong araw at ipagliban na muna ang pag-aayos ng gamit mo, ang iba’y iwan mo na sa kawaksi.” “Opo, kailangan ko talaga ng pahinga.” Sumaglit lang si Stefan sa bahay at kinausap ang lola nito. Hindi na niya ito nakausap at hinatid lang siya sa kuwarto nito. Dalawang maleta ang pinaglagyan niya ng personal na gamit. Sobrang laki ng kuwarto ni Stefan, nalula siya sa ganda nito. Daig pa nito ang luxurious hotel suite. Talagang na-spoiled ito ng yaman ng pamilya nito. Ang banyo nito, halos kasing laki ng inupahan niyang appartment. Sa bedroom naman ay tila buong bahay na. May terrace roon na nakaharap sa malawak ng hardin na merong Olympic swimming pool. Mayroon ding extension para sa study room, maraming bookshelves na halos walang bakante, daig pa ang school library. Mahilig pala sa fiction book si Stefan pero mostly ay English novels. Dalawang malaking aircon ang nasa kuwarto, isa sa mini living room at isa naman sa bedroom. Ang study room ay meron ding maliit na aircon. Pakiramdam niya’y nasa palasyo siya sa ganda ng pasilidad. Purong salamin ang dingding sa may study room kaya kita sa labas, pero hindi marinig ang ingay. Napahaba ang tulog ni Cassandra at walang umabala sa kaniya. Alas otso ng gabi na siya nagising kung hindi lang humilab ang kaniyang sikmura. Paglabas niya ng kuwarto ay sinalubong siya ng kawaksi na si Erma, halos kaedad lamang niya pero pamilyado na. “Mabuti nagising na po kayo, ma’am. Naghintay po si Donya Isabela na magising kayo at ayaw pa niyang matulog,” anang babae. “Hala! Sana kinatok n’yo na lang ako sa kuwarto. Napasarap kasi ang tulog ko,” aniya. “Ayaw naman po ng donya na gisingin kayo.” “Sige, ako na ang bahala.” “Ipaghanda ko na po kayo ng hapunan.” “Hindi na. Ako na ang mag-aasikaso sa pagkain ko,” naiilang na sabi niya. “Magagalit po si Donya. Trabaho po namin na pagsilbihan kayo dahil asawa kayo ni Sir Stefan.” Napangiwi siya. Masyado naman siyang ini-spoiled ni Lola Isabela. Hindi na lamang siya kumontra. Pagdating sa salas ay naabutan niya roon ang ginang at nakaupo sa couch, nanonood ng telebisyon. Tawa ito nang tawa. Nang makita siya’y nabaling sa kaniya ang atensiyon nito. “Mabuti naman at nagising ka na, apo. Alam kong gutom ka na kaya naisip kong ipatawag ka na kay Erma,” anito. “Hindi n’yo na po sana ako hinintay. Kailangan n’yong matulog nang maaga dahil may check-up kayo sa doktor bukas,” sabi niya. “Wala ito. Maaga pa naman. Gusto ko lang matiyak na makakain ka nang maayos.” Wari may malamyos na hanging humagod sa kaniyang puso. Sa tanang buhay niya, hindi niya naranasan ang kalinga mula sa ibang tao. Kahit sa kaniyang ina, hindi niya dinanas ang sobrang pag-aalala nito. Nalulong din sa bisyong alak ang nanay niya, madalas inaatake ng depresyon, pabalik-balik sa doktor. Kaya hindi niya na-enjoy ang pagiging bata lalo na ang buhay. Hindi niya napigil ang pamamasa ng kaniyang mga mata bugso ng damdamin. Napatayo tuloy ang ginang at inalo siya, niyakap nang mahigpit. “Bakit ka umiiyak, apo?” “Wala po, Lola. Masaya lang ako kasi kahit hindi ko kayo kadugo, ramdam ko ang pag-aalala n’yo sa akin. Ang sarap pala sa pakiramdam na may nagmamahal at umaalala na nakatatanda sa akin. Maraming salamat po talaga,” humihikbing pahayag niya. Napaupo silang dalawa sa sofa. Hinaplos ng ginang ang kaniyang pisngi na binasa ng luha. “Tahan na. Kalimutan mo na ang masalimoot mong nakaraan at yakapin ang bago mong buhay. Pamilya mo na kami at habang buhay na tayong magkakasama,” masuyong wika nito. Nilamon naman siya ng kaniyang konsensiya nang maisip ang deal nila ni Stefan. Hindi pa rin madali ang pinasok niyang buhay. Ramdam niya ang buong tiwala sa kaniya ni Lola Isabela, at hindi niya kayang saktan ang damdamin nito. “Tama nang iyak. Tayo na at maghapunan ka,” anito. Inakay pa siya nito patayo at sinamahan sa hapag. Talagang hindi siya iniwan ng ginang hanggat hindi siya natatapos kumain. Napawi naman ang pagdaramdam niya dahil sa kakatwang kuwento nito tungkol sa kabataan nito. Pagkatapos ng hapunan ay gumala pa siya sa ibang bahagi ng bahay. Nakatulog na si Lola Isabela kaya iniwan niya sa kuwarto nito. Napadpad siya sa silid na mayroong musical instrument. Doon ay nakita niya ang maraming larawan ng pamilya ni Stefan. Tumitig siya sa malaking family picture na nakasabit sa dingding, sa itaas ng piano. Kamukha ni Stefan ang daddy nito, matangkad. Ang mommy nito ay maamo ang mukha, kamukha ng lolo ni Stefan. Meron ding bookshelves doon at halos musical books lahat. Wala siyang ideya kung sino sa pamilya ang musician. Maganda naman ang boses ni Stefan, medyo malalim. Kinuha niya ang abuhing libro mula sa estante. Nang mahila niya ito ay may nalaglag na wallet size na letrato. Nang pulutin niya ito’y una niyang nabasa ang nakasulat sa likod. You will always be in my heart. Our memories together will keep our love strong. Janica Tiningnan niya ang harapan ng picture. Larawan ito ni Stefan at babaeng maganda na nakahalik sa pisngi ni Stefan na nakangiti. Ang babaeng ito marahil ang ex ni Stefan. Sobrang ganda nito, bagay na pumukaw sa kaniyang insecurity.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD