Wala akong imik sa biyahe hanggang sa huminto ang sasakyan ni Troy sa harap ng bahay namin. Gabi na at siguradong magtatanong sila Nanay kung bakit ngayon lang ako at hindi pa nakapagpaalam.
"Hannah,"
Bubuksan ko na sana ang pinto ng sasakyan niya para makalabas.
"I am really sorry..."
Dinig ko ang guilt sa boses niya. Hindi ko siya nilingon.
"Salamat sa paghatid." sabi ko lang at tuluyan nang lumabas sa kotse niya.
Dumiretso ako sa gate namin at pumasok na. Nagmano ako kanila Nanay at Tatay at konting paliwanag saka pumasok na sa kwarto ko.
Napasandal ako sa pinto at nagpakawala ng hininga.
Simula noon ay iniwasan ko si Troy. Hindi tama ang ginawa niya at pagpaparatang sa akin. Hindi ko alam kung paanong parang wala lang 'yong pagkakabugbog niya sa schoolmate ko pero siguro ay dahil narin sa impluwensya ng kanilang pamilya.
Ilang beses niyang sinubukang mapalapit ulit sa akin ngunit palagi kong pinaparamdam sa kanya ang pag-ayaw ko. Hanggang sa isang araw ay hindi ko na halos naramdaman ang presensya niya sa buhay ko. Inaamin kong minsan ay parang hinahanap ko parin siya – 'yong mga pagsundo niya sa akin sa escuela... Halos manibago pa ako na si Tristan na ang gumagawa no'n. Busy parin siyang tao pero nagkaroon na siya ng panahon sa akin simula noong maging kami.
Wala akong kahit na sinong pinagsabihan sa nangyari. Lalo na si Tristan. Ayaw kong magkasira sila ni Troy. At paniguradong kahit si kuya Kenneth ay magagalit sa kakambal niya 'pag nalaman ang ginawa nito sa akin. Okay na 'yong umiwas nalang ako.
Pero sa pagkakataong ito ay ako na ang lumapit kay Troy...
Marahan akong naupo sa tabi niya. Hindi ko alam kung naramdaman ba niya ang pagtabi ko sa kanya. Nanatili siyang nakayuko. Malungkot akong bumaling sa coffin ni kuya Kenneth sa aming harapan.
Binalik ko ang tingin kay Troy na nasa ganoon parin ang ayos. Maingat at marahan kong dinala ang kamay sa balikat niya.
"Troy..." halos bulong iyon.
Doon lang siya nag-angat ng tingin. Agad akong mas nakaramdam ng sakit nang makita ang ayos niya. Magulo ang buhok, nangingitim ang ilalim ng mga mata at namumula sa luha. Tumulong muli ang luha niya nang magkatinginan kami.
Kung masakit para sa akin, sa amin, alam kong mas nasasaktan si Troy sa pagkawala ng kakambal niya. Kahit madalas man siyang sawayin noon ni kuya at parang ako ang kinakampihan ay alam ko at nakita ang pagmamahal ni kuya Kenneth kay Troy. Nakita ko silang lumaki at ang bond nila bilang magkapatid.
Binigyan ko siya ng isang ngiti kahit tumulo na rin ang luha ko.
"H-Hannah," nanginginig ang boses niya nang banggitin ang pangalan ko.
Umiling ako at niyakap na siya na agad din niyang ginantihan. Mahigpit ang yakap niya sa akin at umiyak siya sa balikat ko.
"It was my fault..." paulit-ulit niyang sinasabi na puno ng paninisi sa sarili.
Lalo akong umiyak habang pinapakinggan siya. Niyakap ko pa siya lalo.
Hindi ko alam ang buong nangyari. Nasabi lang sa akin ni Tristan na nasangkot sa gulo sa isang bar ang magkapatid at nasaksak si kuya Kenneth... Lalo pa akong umiyak habang naaalala ang isang taong sobrang naging mabuti sa akin.
Patuloy ang pagsisi ni Troy sa sarili. Nanatili lang ako sa kanyang tabi. Nasa kamay na ng otoridad ang dapat na managot. Maimpluwensya ang mga Lacsamana kaya kahit may kaya rin iyong nakasaksak kay kuya Kenneth ay hindi makakalusot sa hustisyang nais ng pamilya nila Troy.
Wala akong ginawa kung 'di ang manatili sa tabi ni Troy. Alam kong sobra siyang nasasaktan. Kahit madalas pasakitin ni Troy ang ulo ng kapatid, alam kong mahal na mahal siya ni kuya Kenneth. Palagi siya nitong pinagtatakpan sa mga magulang nila. Lahat ng gulo niya ay ito ang palaging umaayos. Ni minsan ay hindi pinabayaan si Troy ng kakambal niya.
"Hannah," nag-angat ako ng tingin sa lumapit na si Tristan.
Kumalas sa pagkakayakap sa akin si Troy at muling natulala sa harap. Hindi ko halos maalis ang atensyon sa kanya.
Marahan akong tumayo. Sumama ako kay Tristan sa isang tabi. Hindi halos maalis ang mga mata ko kay Troy. Nalulungkot at nag-aalala ako para sa kanya.
"It's getting late. Uuwi narin sila Tita Susan." tukoy niya kay Nanay.
Umiling ako. "Mag-s-stay ka ba rito?"
Umiling din siya. "As much as I want to, ay may mga pinapaasikaso sa 'kin si Dad." aniya.
Tumango ako sa pag-iintindi. "Dito nalang muna ako. Wala din namang pasok bukas." bumaling muli ako kay Troy na nanatiling nakaupo doon.
Narinig ko ang pagbubuntong hininga ni Tristan. "Okay, ako na ang magsasabi kanila Tito. Balikan mo si Troy." tumango siya sa akin.
Tumango na rin ako at bumalik na nga sa tabi ni Troy. May dala na akong nakabalot na sandwich at bottled water para sa kanya. Pinakiusap na rin sa akin 'to ng kinalakhan nilang Yaya ni kuya Kenneth. Sinabi nito sa akin na hindi pa kumakain si Troy.
"Troy," marahan kong tawag sa kanya.
Nilingon naman niya ako at nilahad ko sa kanya ang dalang pagkain. Ngunit inilingan niya lang ito.
"I'm not hungry." sabi niya.
Nagbuntong hininga ako. Binuksan ko mula sa pagkakabalot ang sandwich at muling nilahad sa kanya. Malapit na sa kanyang bibig.
Tumingin siya sa akin.
"Ah," sabi ko, pinapabuka sa kanya ang bibig.
Bahagya pang kumunot ang noo niya at may pagdadalawang-isip pero unti-unti rin namang nagbukas ng bibig at tinanggap ang subo ko. Tipid akong napangiti nang ngumunguya na siya ng pagkain.
"Gusto mo ng kanin?" pagbabakasakali kong tanong sa kanya.
Pinakiusap kasi ni Manang na kahit ito nalang pero mas okay kung kakain talaga si Troy ng maayos.
Muli kong nilapit sa bibig niya ang sandwich at kumagat ulit siya doon. Inabot ko sa kanya ang tubig at uminom din siya doon.
Umiling siya sa tanong ko. "This is fine."
Tumango nalang ako at hindi na siya pinilit. At least, kumain siya kahit ito lang muna.
Nagkatinginan kami at ngumiti ako. Pinatong niya ang ulo sa balikat ko. Napatingin ako sa kamay niya. Marahan ko iyong hinawakan at bahagyang pinisil.
Nanatili ako sa tabi ni Troy hanggang sa mailibing si kuya Kenneth. Nakakulong na ang may sala at unti-unti ay natatanggap na ng mga Lacsamana ang pagkawala nito...
"Troy, pasensya na pero may lakad kasi kami ni Tristan ngayon." sabi ko sa kanya sa isang phone call.
Hindi ito ang unang beses na tinawagan niya ako. Simula noon ay bumuti lalo ang pakikitungo namin sa ni Troy sa isa't isa.
Sinasamahan ko siya tuwing tatawag at sasabihing namimiss niya ang kakambal. Naiintindihan ko namang hindi pa niya fully natatanggap ang pagkawala ng kapatid.
"Troy?" tawag ko dahil natahimik ang kabilang linya.
"I need you, Hannah... please..." halos bulong nalang niyang pakiusap.
Naupo ako sa kama ko. Gusto ko siyang puntahan pero girlfriend din ako ni Tristan at may usapan na kaming lalabas ngayon. Matagal narin noong huli kaming lumabas at ngayon lang siya ulit naging libre.
"I'm sorry, Troy, pero may usapan na kasi kami ni Tristan." sandali kong nakagat ang pang-ibabang labi habang hinihintay ang sagot niya.
Medyo natagalan iyon.
"Okay," malamig na aniya. "enjoy your date, then." saka binaba niya agad ang tawag.
Nagbuntong hininga nalang ako. Kinuha ko na ang bag nang marinig ang busina ng sasakyan ni Tristan sa labas.