Chapter 2 - Prix Montejero: The Former Playboy

2326 Words
MAY KABANG hindi maalis sa dibdib ni Ayah habang hinihintay niya ang kaniyang ina sa paglabas nito sa may Study Room kung saan kinausap nito ang kaniyang ama. Animo taon sa tagal bago lumabas ang kaniyang ina mula sa silid na iyon. Halos mapigil pa ni Ayah ang kaniyang paghinga nang lapitan siya ng kaniyang Mommy Dolor. “A-ano pong sabi ni Daddy? Pumayag po ba siya?” Hinawakan ng kaniyang ina ang isa niyang braso at hinila siya palayo sa may Study Room. Dinala siya nito sa terrace na nasa dulong parte ng pasilyo na kinaroroonan nila. “Ayah, anak, hindi pa pumapayag ang ama mo. Mainit ang ulo niya. Siguro ay dala ng trabaho. Kakausapin ko siyang muli mamaya o bukas.” Hinaplos nito ang kaniyang buhok. “‘Wag kang mag-alala. Kapag hindi siya pumayag ay ako ang bahala sa iyo,” nakangiti pang wika ni Mommy Dolor. “What do you mean by that, Mommy?” “Alam kong kailangan mo ng isang lugar na magpapagaan sa dibdib mong namimigat. At ang San Diego ‘yon. Tama naman ako, ‘di ba? Gusto mo namang pumunta roon?” Tumango siya. “Opo, Mommy. Gusto kong bumisita sa lupain natin sa San Diego…” Baka sakaling gumaan talaga ang namimigat kong dibdib, patuloy na wika ni Ayah sa kaniyang isipan. Doon, mas makakahinga rin ako nang mas maayos. “Ang mabuti pa ay maghanda ka na ng mga damit na dadalhin mo sa pag-uwi mo sa San Diego. Tamang-tama, anak. Malapit na ang kapistahan. Sigurado akong mag-e-enjoy ka roon.” “Mommy, alam naman po ninyo na ayaw ni Daddy na makikihalubilo tayo sa mga taong wala sa… sa level ng pamumuhay na mayroon tayo.” “Walang magsusumbong sa ama mo na taga San Diego.” Hindi maiwasan ni Ayah na mapangiti dahil sa pagiging kunsintidora ng kaniyang ina ng mga sandaling iyon. Mukhang gusto talaga nito na magsaya siya sa San Diego at hindi lamang magkulong sa loob ng kanilang bahay roon. “Mommy, marami pong salamat.” Matamis siyang nginitian ng kaniyang ina. “Sige na, anak. Maghanda ka na ng mga gamit mo. Ako na ang bahala sa ama mo. Aalis ka ng wala siya rito kapag hindi pa rin siya pumayag. Malayo rito ang San Diego at sobrang busy ng ama mo sa trabaho kaya tingin ko ay hindi siya mag-aabala pa para puntahan ka roon. Hindi lang kita masasamahan dahil hindi puwedeng wala ako rito sa bahay. Alam mo naman ang Daddy mo, ako pa rin ang hanap pagdating niya rito.” “I understand, Mommy,” aniya na niyakap ito. “Thank you po.” Matapos ng sandali nilang pag-uusap ay sinunod na ni Ayah ang utos ng kaniyang ina na maghanda na siya ng mga damit na dadalhin niya sa pagpunta niya sa San Diego. Punong-puno ang isang malaking maleta na pinaglagyan niya ng kaniyang mga damit at personal na dadalhin. Hindi naman siguro iisang linggo lang siya sa San Diego. Mabuti na iyong marami siyang dala kaysa naman kakaunti. Mamroblema pa siya. Malayo pa naman ang kanilang lupain sa mismong bayan ng San Diego. “Anak,” ngiting-ngiting wika ng ina ni Ayah nang pumasok iyon sa silid niya. “Mommy, tapos na po akong maghanda ng mga gamit ko,” inporma pa niya sa kaniyang ina. “That’s good. I have good news for you, anak. Pumayag na ang Daddy mo na manatili ka muna sa San Diego pansamantala,” masaya pa nitong balita sa kaniya. “Paglabas niya sa Study Room ay ako agad ang nilapitan niya. Nagbago pala ang isip niya.” Natuwa si Ayah sa kaniyang nalaman. Kung ganoon ay hindi na niya kailangan pang umalis sa kanilang bahay na hindi nalalaman ng kaniyang ama. Ngayon, may basbas na nito iyon. Mas pabor nga iyon. “Salamat, Mommy. Pakisabi rin kay Daddy na salamat po sa kaniyang pagpayag.” “Ikaw na ang magsabi sa kaniya. Bukas din ng umaga ay ipahahatid kita sa ating driver pauwi sa San Diego. Gusto mo bang manatili rin doon si Domdom para may personal driver ka kapag gusto mong mamasyal?” tukoy ng kaniyang ina sa kanilang driver. Umiling siya. “Hindi na po, Mommy.” “Paano kapag mamamasyal ka?” “Bahala na po pagdating doon.” “Siya, ikaw ang bahala, anak.” Halos pigil-hininga rin si Ayah nang puntahan niya ang kaniyang ama sa silid nito at ng kaniyang ina. “Dad,” agaw niya sa pansin nito na abala pa rin sa pagbabasa ng libro. Nang mag-angat ng tingin ang kaniyang Daddy Javier ay saka lang nito nagawang ibaba ang librong hawak. “Ano ‘yon?” “Salamat po sa pagpayag na pumunta muna ako sa San Diego,” aniya nang makalapit dito. “Ngayon lang ito, Ayah. Kaya sulitin mo na.” Tumango siya. “Opo, Dad. Salamat po ulit,” aniya na gustong-gusto itong yakapin ngunit hindi naman niya magawa dahil baka maalibadbaran lamang ito. “Ituloy na po ninyo ang pagbabasa. Lalabas na po ulit ako.” “Sabi ng ‘yong ina ay bukas ka rin aalis papuntang San Diego?” Tumango siya. “Opo. ‘Yon po ‘yong sabi ni Mommy.” “Bueno, hija. Ikaw ay mag-iingat,” bilin pa nito sa kaniya. Kimi ang ngiting gumuhit sa kaniyang labi. “Opo, Daddy. Mag-iingat po ako.” Isang tingin pa sa kaniyang ama bago siya lumabas sa silid nito. Nang makalabas ng pinto ay nakahinga pa siya nang maluwag. Ni hindi man lang niya magawang yakapin ang sarili niyang ama. Ang hirap maglambing dito. Hindi katulad sa kaniyang ina. Pero ang mahalaga ay makakalayo muna siya sa siyudad. Iyon naman ang importante para kay Ayah. KINABUKASAN DIN ng umaga ay inihatid si Ayah ng itim nilang kotse sa San Diego. Mahaba ang biyahe dahil malayo iyon sa Maynila. Inabot sila ng walong oras bago iyon narating. Hinapon na sila. Ngiting wagas ang sumilay sa labi ni Ayah nang makita ang arko ng bayan ng San Diego. Nasa balwarte na sila ng bayang iyon. Kahit na alam niya na malayong malayo ang buhay sa probinsiya kaysa sa nakasanayan niyang buhay sa Maynila, wala namang problema sa kaniya. Dumaan pa sila sa malawak na taniman ng palay bago narating ang ancestral house ng kaniyang pamilya. Maugtol nga lang ang biyahe dahil hindi naman sementado ang mga kalsada sa mismong San Diego. Sa mismong bayan lamang may sementadong daan. Kaya medyo nakaramdam ng hilo si Ayah. Agad na binuksan ng caretaker ang rehas na gate nang bumusina ang kotse na kinasasakyan ni Ayah. Kitang-kita ang saya sa mukha ni Manang Salome dahil may bisitang dumating. Biglaan ang pagdating niya kaya tiyak na may gulat ding naramdaman ang matanda. Wala naman kasi roong telepono upang matawagan ng kaniyang ina na parating siya sa araw na iyon. May kuryente ngunit walang telepono. Sa mismong bayan lang ng San Diego mayroon niyon. “Magandang hapon, Señorita. I-ikaw na ba si Señorita Ayah?” paninigurado pa ni Manang Salome, na pinatanda na rin ng lumipas na panahon, nang makababa si Ayah sa kotse. “Opo, Manang Salome, si Ayah po ito,” aniya na masaya pa itong niyakap. “Kumusta na po kayo rito?” “Naku po! Napakalaki mo na ngayon. Parang kailan lang ay kaliitan mo pa. Ano… kuwan, maayos naman kami rito, Señorita.” “Manang Salome, Ayah na lang po ang itawag ninyo sa akin. Sumasakit na po ang tainga ko sa katatawag sa akin ng Señorita,” aniya na masaya pang inilibot ang tingin sa paligid. “Ganoon ba? S-sige, ikaw po ang masusunod. Mag-isa ka lang ba? Ang mommy at daddy mo?” “Mag-isa lang po akong magbabakasyon ngayon dito, Manang Salome.” Sobrang daming puno na ikinatuwa talaga ni Ayah. Ang sarap ng preskong hangin na may kalamigan. Hindi katulad sa Maynila na hindi ganoon kapresko. Kinuha naman ng anak na babae ni Manang Salome ang mga gamit na dala niya. “Manang, bukas ho ay mamamalengke tayo ng mga kakailanganin dito sa bahay katulad ng utos ni Señora Dolor,” ani Mang Domdom na siyang driver ng kaniyang pamilya. “Sige at agapan nating pumunta sa palengke para makabili tayo ng mga sariwang isda. Wala namang problema sa karne dahil magpapakatay na lamang ng isang buong baboy para may stock sa ref.” “Wow. Isang buo po talaga?” gulat pa niyang bulalas. “Seño—Ayah,” tumikhim pa si Manag Salome. “Ayah,” ulit pa nito sa kaniyang palayaw. “Baka putulan ako ng dila ng iyong ama kung Ayah lamang ang itatawag ko sa iyo, hija.” “Wala naman po rito si Daddy.” “Ay siya, ikaw ang masusunod. Kung saan ka kumportable.” “Nasaan na po si Ate Salud?” tukoy niya sa anak nito. “Nag-asawa na kaya wala na rito. Nasa kabilang probinsiya. Doon sila naninirahan ng kaniyang asawa. Kami na lang nina Mang Talino mo at Ibyang ang narito. Saka si Damyan at ang ibang tauhan dito sa lupain ng inyong pamilya.” May kani-kaniya na palang buhay ang iba. Muling ngumiti si Ayah. “Salamat po sa pag-aalaga nitong bahay.” “Naku, hija, kabilin-bilinan ng mga magulang mo na alagaan ang ancestral house na ito at darating ang araw na dito rin sila uuwi kapag matatanda na sila.” Hindi niya alam ang bagay na iyon. Kung ganoon, kapag nag-retired na sa trabaho ang kaniyang ama ay doon na titira ang kaniyang mga magulang? Kung tutuusin ay mas pabor iyon sa katawan ng mga ito dahil presko roon at hindi mainit ang singaw. Salamat sa mga punong naroroon. “Pumasok ka na sa loob, Señorita, este Ayah,” nalilito pang wika ni Manang Salome. “Pasensiya ka na at hindi pa ako sanay na sanay.” “Ayos lang po. Masasanay rin po kayo.” Sinamahan pa siya ni Manang Salome sa paglilibot sa kabuuan ng malaking ancestral house na iyon. Si Ibyang naman ay agad nilinis ang silid na siyang gagamitin niya habang naroon siya. Maayos pa naman ang bawat parte ng bahay na iyon. Wala pang dapat na palitan dahil naaalagaan. May kuryente roon. May TV din naman. Ngunit ni hindi roon abot ng signal ang antena ng TV kaya naman movie lang ang puwedeng mapanood doon gamit ang lumang VHS Player. “Wala po bang VCD Player dito?” tanong pa niya kay Manang Salome. Mas latest iyon kaysa sa VHS. “V-VCD Player? Ano ho ‘yon?” “Parang VHS Player din, Manang Salome. Mas advance lang dahil luma na ang VHS.” Umiling si Manang Salome. “Wala, eh. ‘Yan lang ang narito at ‘yan ‘yong dala pa ng iyong ama nang umuwi kayo rito matagal ng panahon.” Nilapitan ni Ayah ang radyo na naroon din sa may salas. “Gumagana po ba ito?” “Oo, hija. Gumagana ‘yan. Kapag gusto mong makinig ng awitin, bubuksan mo lang ‘yan.” “Pero ang TV po ang hindi?” Umiling ito. “Hindi. Hindi abot dito ang signal ng TV.” “Hindi po ba kayo naiinip dito?” “Hija, sanay na kami sa kung ano mang payak na pamumuhay ang mayroon dito sa San Diego.” “Tingin po ninyo, may tinda kayang VCD Player sa bayan ng San Diego?” tanong pa niya. “Tapos, bibili tayo ng maraming magagandang pelikula na puwedeng panoorin.” “Itatanong ko mamaya kay Damyan kapag dumating galing sa niyugan.” “Sige po.” “Nagugutom ka ba, hija? Maghahanda ako ng makakain mo.” “Busog pa po ako. Kumain kami kanina ni Mang Domdom bago kami makarating dito sa San Diego. Gusto ko lang pong maglibot muna sa paligid ng bahay na ito. Sobrang na-miss ko po rito.” Lumapad ang ngiti sa labi ni Manang Salome. “Masaya ako na na-miss mo rin ang San Diego. Akala ko ay tuluyan na rin ninyong nalimutan na bumisita rito. Ang laki-laki mo na, Ayah, hija. Lumaki kang napakaganda. Naku,” palatak pa nito. “Natitiyak ko na marami kang mapapaibig na kabinataan kapag nakita ka.” Nag-init ang magkabilang pisngi ni Ayah sa sinabing iyon ni Manang Salome. “Kaso po, wala ho akong balak na maglamyerda. Kaya kayo lang ho rito ang makakakita sa kagandahan ko,” biro pa niya. “Sayang naman kung buburuhin mo lang dito sa bahay ang kagandahan mo, hija. Sandali lang at kahit maiinom ay ipaghahanda kita. Ipagtitimpla ko naman ng kape si Domdom.” Paalis na sana si Manang Salome nang muli siya nitong balikan. “Magpapahuli ako ng manok na Tagalog at magpapakuha rin ako ng papaya. Tiyak kong na-miss mo ang Tinolang Manok.” “Sobrang na-miss ko po, Manang Salome.” Alam kasi niya na iba ang linamnam ng Tagalog na manok kaysa sa hindi. “Maiwan muna kita.” “Sige po,” nakangiti pang wika ni Ayah na inihatid ng tingin si Manang Salome. Nang mawala ang matanda sa kaniyang paningin ay muli niyang inilibot ang tingin sa paligid. Muli ay wala na namang pagsidlan ang ngiti sa labi niya. Nasa pangalawang palapag siya ng bahay kung saan mayroon din doong malawak na salas. Naroon din ang panooran. Naglakad si Ayah palapit sa nakabukas na bintana at dumungaw sa ibaba niyon. Nakita niya sa ibaba si Mang Domdom at Mang Talino na masayang nagkukuwentuhan sa ibaba. Sa isang araw pa aalis si Mang Domdom para bumalik sa Maynila. Kailangan muna nitong i-secure na nasa bahay na iyon ang lahat ng kaniyang pangangailangan bago ito umalis. May mga libro naman siyang dala kaya natitiyak niya na hindi siya maiinip sa lugar na iyon. Tanda niya na mayroong ilog sa lugar na iyon. Ilog na pinupuntahan pa nila noon ng kaniyang mga kapatid. Mga minsan ay pupuntahan niya iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD