Kabanata XL CELESTE "BINIBINI, kailangan mong maghanda, maya maya ay darating na si ate Inchang dala si Ginoong Simoun." Magiliw na wika ni Lupe nang magdala siya ng pagkain sa akin sa kanyang silid. Agad namang pumintig ang puso ko dahil sa sobrang pagkasabik na makasamang muli ang aking asawa. Kanina lang kami nagkahiwalay ngunit tila ba hindi kami nagkita ng ilang taon. Ganito ang pakiramdam ko sa tuwing nagkakalayo kaming dalawa. "Sigurado ka bang ligtas lang ang asawa ko, Lupe?" "Nagbigay ng hudyat sa akin ang aking nakatatandang kapatid kanina nang makarating siya dito sa San Guillermo. Ang sabi niya ay nakagawa na siya ng paraan upang makatakas si Ginoong Simoun sa mga alagad ng kapatid mo. Ayon sa kanya ay nilinlang niya ang mga ito upang hanapin ka sa parke, kaya't naiwan

