PAGKATAPOS ng hindi inaasahang pagsalakay ng mga pulis kuno sa kuta nina Mr. Wang, kaagad itong nagpatawag ng pagpupulong kasama ang lahat niyang tauhan. Sobra siyang nagngangalit dahil hindi niya lubos maisip na darating ang punto na matatakot siya nang ganoon. Siya dapat ang nananakot at hindi siya, iyon ang kaniyang motto sa buhay. Mayroon na siyang taong sinisisi sa kaniyang isip ngunit hindi pa rin niya ito makumpirma dahil hindi niya pa rin nakokontak si Facundo Cojuangco. "Alamin niyo kung sino ang mga hayop na sumira sa tahimik kong araw. Siguraduhin niyong walang matitirang buhay sa kanila," mariin niyang utos sa kaniyang mga kasamahan. Lahat ay sumang-ayon, gustuhin man nila o hindi, wala silang magagawa kung hindi ang sumunod sa ipinag-uutos sa kanila ng kanilang panginoon.

