PINUNASAN NI SIERRA ang mga butil ng pawis sa kanyang noo. Kalahating oras na siyang naghu-hullahoop at makailang beses na din siyang yumukod para damputin ang bumabagsak na hullahoop. Pagod na siya pero hindi pa rin siya tumitigil. She needed to take off those excess fat of hers. And this time, seryoso na talaga siyamg magbawas ng timbang.
Natawa siya nang makita ang pamangkin na hirap na hirap sa panggagaya sa kanya gamit ang sarili nitong hullahoop.
“Tinay, huwag mo akong patawanin. Mauubusan ako ng hininga. Kailangan ko pa ng one thousand na giling.”
“Tita Taba, ako din!”
“Oo, mukha ngang kailangan mo na ring mag-reduce, Tinay. Ganyan din ako nung bata ako, eh. Tingnan mo ngayon, hirap ng magbawas ng mga pesteng bilbil na ‘to.” Napasinghap siya. “Oh, no! Anong number na nga ba ako?”
“Two hundred and fifty seven.” Reigan was leaning against their fenced wall as he watched her and her niece do the hula.
Bigla tuloy siyang na-conscious. Bumagsak sa bermuda ng garden nila ang hullahoop niya. “Hay, Reigan. Wala ka bang ibang puwedeng maasar ngayon? You have friends, right? Sila na lang ang asarin mo.”
“Busy silang lahat sa trabaho.”
“How about family members?”
“Busy rin sila.”
“’Yung alagang buwaya ni Mr. Solis, hindi busy.”
Ngumiti lang ito. “Don’t worry about me, Sierra. I’m fine here.”
“Well, I’m not fine here.” Dinampot na niya ang hullahoop. “Paliliparin ko sa iyo ito kapag hindi ka pa umalis diyan.”
“O, highblood ka na naman.”
“Nang-aasar ka ba talaga?”
“Hindi, ah. Ikaw lang diyan ang laging nagbibigay ng negative reaction sa lahat ng mga sinasabi ko. You know, kung titingnan mo lang on a positive note ang lahat ng mga ginagawa ko para sa iyo, kahit isang beses lang, makikita mong punung-puno iyon ng sinseridad at mabuting intensyon. Walang halong biro.”
“Ako rin, hindi nagbibiro. Talagang hahalik ka sa hullahoop na ito kapag hindi ka pa umalis diyan.”
“Saan naman ako pupunta?”
“Sa impiyerno. Gusto mo ng direksyon?”
Iiling-iling na lang ito habang hindi mapuknat ang ngiti sa mga labi nito. “Tinay, bakit ba ang sungit-sungit ng Tita mong iyan? Masama pa naman sa puso ang laging galit sa mundo.”
“Hindi ako galit sa mundo. Sa iyo lang,” asar niyang wika. She continued doing the hula. Pero para lang hindi nito mahalata ang pagkailang niya sa ginagawa nitong panonood sa kanya.
“You know, mas okay ang mag-stretching sa pagbabanat ng mga hindi pansining muscles natin sa katawan. Hindi pa masyadong stressful iyon kaysa sa paghu-hullahoop.”
“Talaga?”
“Yes--, O, saan ka pupunta?”
“Sa loob. Mag-i-stretching.”
“Bakit sa loob pa ng bahay? Paano na ako? Hindi na kita masisilayan.”
“Maghanap ka na lang ng kausap. ‘Yung pareho mo ng wavelenght ang utak. ‘Yung…walang utak. Tinay, halika na.”
Hinagis ni Tinay ang pinagsawaang laruan. Dumiretso iyon sa direksyon ni Reigan na agad na sinalo ang maliit na hulahoop.
“Bye, Sierra. Hinay-hinay lang sa pagpapa-seksi, ha? Ayokong dumami ang karibal ko sa mga bilbil mo.”
Babatuhin sana ito ni Sierra ng sapatos pero mabilis itong nakaalis at nakapagtago sa clinic nito.
“Gago talaga kahit kailan,” gigil niyang sambit. “Makikita mo, kapag tuluyang nawala ang mga bilbil ko, lalamunin mo rin ‘yang mga pang-aasar mo sa akin.”
Luluwa rin ang mga mata mo sa kaseksihan ko!
Pagpasok ng sala ay nag-umpisa na siyang mag-stretching. Mabuti na lang pala at naalala pa niya ang mga stretching exercises nila noong highschool kapag nagpi-PE sila.
“Tita Taba, anlaki ng tiyan mo!”
Ibinaba niya ang umangat na t-shirt at kinarga ang pamangkin saka pabiro itong dinaganan sa sofa. “Sige, ano? Ha? Lalaitin mo pa si Tita, ha? Ha?”
“Aaaahh! Ayoko! Susumbong kita kay Mama ko!”
“Wala akong pakialam. Pagbuhulin ko pa kayo ng Mama mo, eh.” She liked teasing her niece this way. Lalo kasi itong dumadaldal.
“Ayoko na sayo! Ang pangit mo!”
“Mas pangit ka.”
“Maganda ako!”
“Pangit ka.”
“Isusumbong kita kay Dok Pogi!”
Ngumisi lang siya saka ginulo ang kulot nitong buhok bago ito pinakawalan. “Oo nga. Pogi nga si Dok. Pero kaasar pa rin siya.”
Tumayo ito at inayos ang buhok saka siya hinarap. “Galit ako sayo! Maasim ka!”
“Aba—Ikaw talaga, Martina. Linggo-linggo ka na ngang pinabebendisyunan sa simbahan para kahit paano e bumait-bait ka naman, wala pa rin. Dapat siguro inilulublob ka sa holy water para mas effective.”
Ipinasa na ni Sierra sa mga magulang ang pag-aalaga kay Tinay. Madali kasi siyang magsawa sa pag-aalaga. Kaya siguro mabuti na rin na wala siyang balak na magka-pamilya dahil baka mapabayaan lang niya ang mga magiging anak niya. Pagbalik sa kusina ay nagtimpla siya ng kanyang fat-burning tea at naupo sa harap ng telebisyon. Hinanap niya ang estasyon ng HomeShopping Network. With notepad and ballpen on hand, isa-isa niyang isinulat ang pangalan ng mga nagustuhang products pati na ang contact numbers niyon. Lahat may kinalaman sa bagong agenda niya na magpapayat.
“Makikita ng Reigan na iyon,” bulong niya sa sarili. “Tingnan ko lang kung magawa pa rin niyang makangisi kapag nakita niya akong seksi na.”