CASSANDRA
Ngayong araw, si Jekjek naman ang papasok sa paaralan kaya naman ako ang maiiwan dito sa bahay para magbantay sa aking ina at mag-aasikaso sa aking mga kapatid.
"Ingat ka, Jek! Umuwi kaagad!" bilin ko habang pinagmamasdan ko siyang makalayo.
Hindi ito sumagot ngunit sumenyas naman siya ng ok gamit ang daliri.
Kaninang madaling araw noong magpunta ako sa tindahan ng aming tiya upang bumili ng isang kilong bigas, sinabi niya sa akin na hanggang katapusan na lang siyang maghihintay na mabayaran namin ang anim na raang utang namin sa kaniya. Kapag di namin iyon nabayaran ay mapipilitan siyang ipa-baranggay si papa.
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Kung sasang-ayon ako't mangangako sa kaniya na magbabayad o hihingi na lang ako ng tawad sa kaniya at humingi pa ng kahit kaunting palugit. Hindi pa man din ako nakakapagdesisyon ay dinugtungan niya kaagad ang sermon at nag-alok ng oportunidad. Inaya niya akong magtrabaho sa Maynila upang magtrabaho bilang isang kasambahay. Hindi naman daw ako mag-aalaga ng bahay, talagang maglilinis lang ng loob at labas.
Humindi ako noong una, buo ang desisyon ko na hindi ie-entertain sa aking isip ang tungkol sa kaniyang magandang alok. Ngunit noong sabihin niya kung magkano ang makukuha ko g sahod kung sa kaling pumayag ako, doon ako nagdalawang-isip.
Bagamat isangdaang piso lamang ang pinakamalaking salaping nahawakan ng aking palad, ang sampung libo ay napakalaking halaga na sa akin. Iyon ang magiging sahod ko kapag nagi akong kasambahay sa Maynila, bukod pa ro'n ay hindi ako magkukulang sa pagkain. Sa ganoong halaga ay mabibilhan ko na si ina ng gamot, matutulungan ko na rin si papa sa gastusin sa bahay. Hindi na magtitipid sa pagkain si Toto at lagi nang kakain nang masarap sina Pampam at Jekjek.
"Malalim ata ang iniisip mo, anak?" tanong ni ina. Napukol sa kaniya ang aking tingin. Araw-araw, imbes na bumuti ang lagay ni ya'y mas lalo kong naaaninag ang kawalang pag-asa.
Nangangayayat na ito dahil hindi makakain nang maayos. Mas madalas na rin siyang umubo ng dugo kaya gustong-gusto na talaga namin siyang dalhin sa Hospital para mapatingnan kaso siya lagi ang kumokontra dahil wala kaming pera.
"Wala po, nay. Kain na po kayo," alok ko sa kaniya. "Busog na ako anak, salamat," ani 'ya. Nakakatatlong subo palang siya ng kanin kaya pinilit ko pa rin siyang aluking kumain.
"Sige na, nay. Isa na lang po," sabi ko sa kaniya.
Hindi ito kumibo, ngunit binuksan niya ang kaniyang bibig, nanginginig.
"Kailangan mong magpalakas nay. Alam mo namang mahal na mahal ka namin, di ba?" sabi ko sa kaniya. Tumango lamang siya. Kita ko na tila may dahilan kung bakit nahihirapan siyang ngumuya. Hinawakan ko ang kaniyang balikat, tatanungin na sana kaso hindi na natuloy dahil umubo siya nang malakas.
"Nay, ayos lang ba kayo?" tanong ko sa kaniya.
"Nay..."
Natigilan ako noong makita itong nagdurugo ang ilong. Kaagad kong ibinaba ang hawak kong plato tapos dali-daling kumuha ng malinis na bimpo sa kartong lagayan ng damit.
"Nay! Ito po!" Ako na mismo ang nagpunas ng bimpo sa kaniyang ilong tapos noong hindi siya tumitigil sa pag-ubo, sinalo ko na rin iyon sa kaniyang bibig. Habang ginagawa iyon, malakas na kumakalabog ang aking dibdib. Ako lang ang mag-isa sa bahay. Kapag kailangan nang dalhin si nanay sa Hospital, sino ang hihingian ko ng tulong?
"Nay, ano pong nararamdaman niyo? Ayos lang po kayo?"
Hindi niya ako masagot dahil hindi pa rin matigil ang pag-ubo niya ng dugo. Umiiyak na ako habang tinatawag ko ang kaniyang pangalan nang paulit-ulit. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Gusto ko na siyang buhatin pero wala akong sapat na lakas para panindigan iyon kung sakaling mabuhat ko siya palabas ng bahay.
Kung sasakay kami ng tricycle may magpapasakay kaya sa amin? Eh, wala naman kaming pambayad. Naubos na ang nabenta ko sa junk shop kahapon dahil ipinambili ko ng babauning ulam no'ng tatlo tapos binigyan ko na ng pamasahe si Toto dahil mahuhuli na siya kung sakaling maglalakad siya patungong paaralan.
"Nay, sandali... ka-kaya niyo po bang tumayo?" tanong ko sa kaniya. Nanginginig na ang kamay ko. Sinusungkit ko na ang magkabilang kili-kili ni nanay upang maalalayan ito sa pagtayo.
"A-Ayos lang ako, nak... wa-wala ito," nauutal niyang tugon dahil pa rin sa walang tigil nitong ubo.
"Nay, ako ang natatakot para sa inyo," sabi ko sa kaniya habang hinahagod ko ang kaniyang likod. "Wag kang mag-alala, titigil din it-itong pag-ubo ko."
"Nay... hihingi ako ng tulong kina Tiya. Magmamakaawa ako sa kaniya para madala ka sa Hospital, ha."
"N-Nak, wag na. Hayaan mo na ako. Hindi naman ito malala."
"Nay! Paanong hindi malala? Umuubo ka na ng dugo! Nay naman, wag nang matigas ang ulo."
Hindi ko intensyong pagtaasan siya ng boses ngunit lumaganitnit na ang kaba sa aking utak. Kailangan kong may gawin para maidala si nanay sa Hospital kahit na ayaw niya't pagalitan niya ako.
Tumayo na ako. Mabigat man sa dibdib ko na iwan siya habang naghihirap, kailangan kong umalis para maidala na siya sa Hospital.
Mabilis ang takbo ko palabas. Habang binagtas ko ang makipot na eskinita, lumuluha ang aking mga mata.
Araw-araw kong nararanasan ang hirap, at simula't sapul, nakakatak na sa utak ko na mahirap lang kami... pero sa puntong ito, parang naninibago ako. Na kaya hindi namin maidala-dala si nanay sa Hospital, kaya siya hindi gumaling-galing ay dahil mahirap kami.
At nakakalungkot na nakakasama ng loob na kapag mahirap ay halos walang karapatan sa lahat... limitado lang ang katarungan para sa katulad namin.
"Tiya... tulong po. Si-Si nanay po, inaatake po ng sakit nita," natataranta kong sumbong. Nakapameywang si tiya habang kunot ang noo.
"Oh? Anong gagawin ko ngayon? Ako na naman ang mag-aabunar nyan pampa-Hospital? Saan naman kayo kukuha ng pambayad sa akin, aber?" maldita niyang tanong.
"P-Papasukin ko po 'yung sinasabi niyong trabaho." Hindi pa ako sigurado kung tama itong desisyon ko dahil hindi ko pa ito naisasangguni kay papa. Pero dahil kailangang-kailangan, wala na akong choice kung hindi ang magdesisyon kaagad.
"Talaga? Magtatrabaho ka na sa Maynila?"
"O-Opo," nauutal kong tugon.
"Mabuti naman at nakapag-isip-isip ka kaagad. Wag kang tumulad sa tatay mong kung kailan maraming oportunidad para sa kaniya, tsaka naman nagtarantado, kaya ayan ang nangyari... naghihirap kayo. Mabuti ikaw may isip."
"Oh siya... Jacky! Ihanda mo 'yung tricycle at dadalhin natin sa Hospital iyong asawa ng tito niyo!"
"Maraming salamat po, tiya."
"Wag kang magpasalamat dahil babayaran mo ang ipambabayad ko sa nanay mo, maliwanag?"
"O-Opo..."
"Siya, bumalik ka na ro'n sa nanay mo at baka matuluyan na. Pupuntahan na lang namin kayo."
Tumango ako tapos tumalikod na. Huminga ako nang malalim bago tumakbo pabalik ng bahay.
Bahala na kung anong magiging reaksyon ni papa kapag nalaman niyang titigil ako sa pag-aaral para magbanat ng buto sa Maynila. Maiintindihan niya naman ako, panigurado dahil para sa kanila naman ang gagawin ko.
DAHIL sa paghingi ng tulong ni Cassandra sa kaniyang tiyahin, naidala sa Hospital ang ina nito.
"Ayan ang bill... 20,045. Hindi pa kasama ang gamot dyan, ha," sabi ng tiyahin nito. Nalula na lamang sa presyo si Cassandra habang tinitingnan ang maraming numero.
"P-Paano ko po ito mababayaran nang buo, tiya? Sampung libo lang naman ang sasahurin ko sa sinasabi niyong pagtatrabahuhan ko?"
"Wag kang mag-alala, parang hindi tayo magkapamilya. Dahil magkakaroon ka na ng pambayad sa akin, 4 gives itong bill ng nanay mo. Tuwing katapusan ka sasahod kaya tuwing katapusan ko rin ibabawas iyong utang niyo. Sampu sa susunod na buwan, sampu naman sa susunod ulit, maliwanag? Limang libo lang ang ibabawas ko para naman may pang bigay ka pa rin sa pamilya mo."
Sumang-ayon kaagad si Cassandra sa sinabi ng kaniyang tiyahin. Habang naghihintay sa kaniyang ina, nag-usap muna silang dalawa tungkol sa pag-alis nito at kung sino ang pagsisilbihan niya.
Ayon sa tiyahin ni Cassandra, isang matandang negosyante ang kaniyang magiging amo. Mayroon itong isang anak na babae na dalaga na hindi roon naninirahan ngunit minsan ay pumupunta roon upang dalawin ang ama nito. Malawak ang bahay na kaniyang tutuluyan kaya ang bilin sa kaniya ng kaniyang tiyahin ay maagang gumising at maging masipag.
"Kaya mo 'yon. At saka sinasabi ko sa iyo, Cassandra... kailangan mong lakasan ang loob mo kapag nandoon ka na. Baka naman nagsisimula ka palang sumuko ka na dahil nami-miss mo ang pamilya mo. Anong gusto mong mangyari? Maging maginhawa ang buhay niyo o manatiling mahirap?"
Hindi kumibo si Cassandra dahil walang kasiguraduhan na magtatagal siya sa trabahong papasukin. Bukod sa gusto niyang maiahon ang pamilya sa hirap, hindi niya rin matitiis na mawalay sa kanila nang matagal.
"Sagot? Ayaw ko iyong bigla na lang magsasabi sa akin na uuwi na dahil pagod na, ha? Mahirap ang mabuhay sa lupang ito tandaan mo 'yan."
Tumingin ang dalagita sa kaniyang tiyahin at dahan-dahang tumango.
"Opo. Gagawin ko po ang lahat para tumagal po sa trabaho," tugon nito.