FACUNDO
Mataas na ang araw pero hanggang ngayon ay hindi pa rin mahinto ang aking mga paa. Hindi pwedeng tumigil hangga't hindi ako nakakahanap ng mappagkukuhaan ng pera.
"Boss, baka naghahanap kayo ng tao ngayon," tanong ko ro'n sa lalaking nagpapala ng buhangin. Tumingin ito sa akin, saglit na itinigil ang kaniyang ginagawa. "Pasensya na sa abala... desperado kasi akong magkatrabaho ngayon. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Baka naman pwede pa kayong tumaggap ng tao?"
"Naku boss, pasensya na pero hindi na kasi. Kung kahapon ka sana nagpaunta rito baka natanggap ka pa. Kulang kami ng dalawa kahapon, sayang. Ngayon, ang alam ko di na tumatanggap, eh. Pero magbakasakali ka pa rin kay foreman. Ayun siya, iyong may kulay green na helmet," sabi nito tapos itinuro iyong lalaking may hawak ng plano.
"Sige, boss. Salamat." Naglakad na ako patungo ro'n sa foreman. Tumikhim ako upang maagaw ko ang kaniyang atensyon. Noong lumingon ito, kaagad ko siyang binati ng magandang umaga. "Bakit?" tanong niya sa akin.
"Ahm, boss... nagbabakasakali lang po, baka po pwede pa po kayong tumanggap ng tao? Kahit ano pong gawain, kaya ko po. Masipag din po ako. Sige na boss, kanina pa po ako palakad-lakad, wala pong tumatanggap sa akin kasi ang hanap nila'y iyong may tinapusan. Parang-awa niyo na po."
Pagkatapos marinig ang pagmamakaawa ko, napakamot lang sa ulo iyong foreman. "Sige. Pero dahil sabit ka lang, ayos na ba sa iyo ang 350 isang araw? Ipagpapaalam pa kita sa bossing namin."
"Opo, ayos na po sa akin iyon, marami pong salamat," masayang ani ko. Naiiyak ako habang nagpapasalamat sa foreman. Walang masidlan ang kaligayahan na nadarama ko. Sa wakas, may maiuuwi na akong magandang balita sa pamilya ko. Sana talaga ay pumayag iyong may-ari nitong ginagawan establisyimento na magdagdag pa ng tao.
"Kumuha ka na ng pala tapos ang gawin mo, tumulong ka kay Peter. Tanungin mo siya kung ano pa ang kailangan mong gawin, ha?"
"Opo. Maraming salamat po ulit."
"Wala iyon. Pero wag ka munang magdiwang dahil ipagpaalam pa kita. Kapag hindi pumayag, pasensya na lang. Alam kong mahirap ang buhay ngayon pero hindi naman kasi ako ang magdedesisyon. Kung ako lang naman ay tatanggapin kita kaagad dahil ako rin ay isang ama katulad mo."
"Opo. Naiintindihan ko po. Kahit ngayong araw lang boss. May maiuwi lang po akong pangkain mamayang gabi kasi po talagang walang-wala na po kami."
"O siya, magsimula ka na kuya at tatawag ako sa amo namin."
CASSANDRA
Sapilitan ang pagpapapasok ko kay Toto dahil ang gusto niya ako na lang ang pumasok ngayong araw dahil manganngalakal na lang siya buong maghapon. Sayang naman ang oras niya kung papasok siya dahil wala naman siyang matututunan.
Ang sabi ko sa kaniya, umayos siya dahil kapag bumagsak siya sa mga subject niya, mapapagalitan siya ni papa. Sapat na rin naman ang naiuwi niyang pera mula sa dalawang oras na pangangalakal. Naka-isandaan din siya, sobra na iyon para makabili ng pambaon nina Pampam at Jekjek. Ang iba ay ibinili niya ng bigas tapos pinabili ko na rin siya ng isang itlog at lucky me para kung sakaling mamayang gabi ay wala pa ring maiuwing pera si papa ay may ulam kaming pagsasaluhan.
"Nay, paliguan ko na po kayo?" alok ko sa aking ina. Tumango ito. Hindi pa rin siya makapagsalita hanggang ngayon. Siguro aabutin ng isang linggo bago humupa iyong epekto ng gamot. Hindi naman baldado si nanay, ang problema lang kaya kailangan pa niyang may katulong sa pagligo ay dahil mahina na ang kaniyang katawan. Nangangayayat ito... hindi na niya kayang tumindig mag-isa kaya talagang kailangang may isang naiiwan sa bahay para alagaan siya.
Kinuha ko na iyong balde na may lamang maligamgam na tubig. Dahil kahoy naman ang sahig namin at mataas sa lupa ang bahay, sa pwesto na lang ni nanay ko siya paliliguan para di na siya kumilos pa. Dahan-dahan kong hinubad ang kaniyang damit upang maisuot naman sa kaniya ang tapis.
"Nay, ano pong gagawin ko? Gusto kong sumunod sa kagustuhan ni papa, pero saan ko naman kukunin ang pambayad sa pinag-Hospital mo? Ipapakulong tayo ni Tiya kapag di ako tumuloy sa Maynila." Nagpakawala ko ng mabigat na buntonghininga habang maingat na binubuhusan ang katawan ni nanay ng tubig. "Hindi ko po alam kung anong gagawin ko, kung paano ko po sasabihin kay papa ang tungkol sa kasunduan namin ni tiya?"
Hindi ko alam kung bakit sinasabi ko ito kay nanay... pinapabigat ko lang ang kaniyang dibdib dahil sa mga sinasabi ko. Gusto ko lang na ilabas itong problema ko. Wala naman akong ibang mapagsasabihan kung hindi siya lang, hindi naman pwedeng kay Papa dahil mamomroblema iyon nang malala. Wala pa namann siyang nahahanap na trabaho, sana ngayon mayroon na.
Kinuskos ko nang maingat ang halos buto't balat niyang likuran. Hindi na ako nagsalita pa dahil kukuha ako ng talbos ng kamote sa munti naming bakuran sa labas. Ibababaw ko lang iyon sa sinaing para may makain kami ni nanay. Mayroon pa namang kaming toyo tapos pipitas na rin ako ng kalamansi.
Mainam talaga na may tanim na gulay sa bakanteng lote dahil kapag talagang walang-wala na kami ay mayrooon kaming matatakbuhan.
Pagkatapos kong paliguan si nanay, pinunasan ko ng tuwalya ang kaniyang buhok, ipinulupot iyon para mahubad ko ang suot nitong tapis at matuyo rin ang kaniyang katawan.
"Gagaling ka rin, ma... babalik din sa dati ang lakas mo," sabi ko sa kaniya. Nakita ko kasing malungkot ang kaniyang mga mata. Siguro dinaramdam niya pa rin iyong sinabi ko sa kaniya kanina. Nagsisisi ako sa ginawa ko. Dapat sinarili ko na lang.
Dumaan ang ilang minuto, natapos din ako sa pagpapaligo kay nanay. Tumayo ako, dala-dala ang balde at ang tapis na ginamit nito. "Magsasaing na po ako, nay. Magbababaw na lang din po ako ng talbos ng kamote para sa tanghalian natin," paalam ko sa kaniya bago lumabas ng bahay.
MABILIS ang pagtakbo ng oras. Uwiian na naman. Malakas ang bayo ng hangin, kakaiba ang lamlam ng gabi. Tila may bagyo na namang nagbabanta...
"Boss, marami pong salamat dito," sabi ni Facundo sa foreman na nagbibigay ng pasahod.
"Walang anuman. Bukas, ha? Wag kang mahuhuli, maliwanag?"
"Opo. Salamat po ulit. Pagpalain po kayo ng Panginoon."
Abot tenga ang ngiti ni Facundo dahil sa wakas nagkaroon na ng laman ang kaniyang pitaka. Tatlongraan at limampung piso ang kinita niya ngayong araw. Mababa kumpara sa iba niyang kasamahan, bukas naman ay nangako ang foreman na makakatanggap na ng parehong sahod katulad ng iba.
Tumigil ang mga paa ni Facundo sa karinderya. Naghahanap siya ng maiuuwing ulam na pagsasaluhan ng kaniyang pamilya ngayong gabi.
"Boss, isang order nga ng adobo. Magkano riyan?" tanong nito.
"40 po."
"Ah, sige. Tapos pwedeng padagdag na rin ng sabaw, paborito kasi ng bunso ko iyang sinabawang baboy."
Habang hinihintay ni Facundo ang kaniyang order ay napalingon siya sa kaniyanng gilid dahil sa malalakas na sigaw. Kunot noo niyang sinilip kung anong mayroon kaso naistorbo siya no'ng mamang nagtitinda sa karinderya.
"Ito pong bayad," sabi ni Facundo sabay abot ng pera. Pagkakuha niya no'ng plastik ng ulam ay naglakad na siya.
Makipot ang eskinita, madilim na sa parteng dadaanan ni Facundo. Mahigpit ang kapit niya sa plastik habang naglalakad.
Palakas nang palakas ang sigaw na naririnig niya. Malakas na kumakalabog ang kaniyang dibdib. Ngayon lang siya nakarating sa lugar na ito dahil wala na talaga siyang mapasukan kung hanggang doon lang siya sa bayan niya. Nalibot na niya iyon ngunit bigo pa rin siya kaya dito siya nagbakasakali. Sa awa ng Diyos ay nakatagpo naman siya ng swerte.
"Oy... oy... mukha atang naliligaw kayo, tata."
Nagulat si Facundo noong kausapin siya ng lalaking nakatambay sa may gilid. Humihithit ito ng sigarilyo, mapupula ang mga mata, kasingpula ng kulay ng rugby na nakasilid pa sa plastik na hawak ng isa nitong kamay.
"P-Pasensya na po. Hindi ko po kasi alam kung saan ang daan patungo sa paradahan ng Jeep. Alam niyo po ba?" tanong nito. HIndi tumitigil ang mga paa niya sa paglalakad. Delikado kung hihinto siya dahil alam niyang adik ang kaniyang kaharap.
"Paradahan ng jeep? Wala dito iyon. Doon pa! Tagasaan ka, ha? Bakit ka nandito?" sunod-sunod nitong tanong.
Hindi na binalingan ng pansin ni Facundo iyong lalaki dahil nalagpasan na niya ito. Mabilis ang ginagawa niyang hakbang, nagbabakasakali na marating na niya ang dulo ng eskinita nang makahingi ng tulong. Sa kaniyang paglingon, nakasunod pa rin iyong lalaki, pasuray-suray, mahaba ang ngiti sa mukha.
"Tu-Tulong... TULONG!"
Hindi na siya nag-alinlangang sumigaw. Tumakbo na rin siya, nakatingin ang mga mata sa likuran.
"TULONG!"
Pagod ang katawan ni Facundo ngunit hindi niya hinayaang maging sagabal iyon sa kaniyang pagtakas. Binato siya nong adik na lalaki. Mabuti na lang at nakailag siya ngunit dahil hindi nakatingin sa unahan, hindi niya naiwasan iyong nakausling bato sa daan dahilan para bumagsak pa rin ang katawan niya.
Dali-dali siyang bumangon. Wasak na iyong plastik ng ulam na kanya sanang iuuwi sa kaniyang pamilya. Mangiyak-ngiyak niyang pinagmasdan ang sabaw ng adobong manok na umaagos sa maruming sahig. Kinuha niya iyong hita ng manok, lumuluha na ang mga mata niya habang pinapagpagan iyon at hinihipan.
"Sayang... sayang..." Iyon ang paulit-ulit niyang binibigkas.
Pinulot niya iyong plastik, kahit na butas ay isinilid niya pa rin doon iyong mano. Sa pagkakataong ito ay mahigpit niyang hinawakan ang paboritong ulam ng kaniyang bunsong anak.
Sa pagkakataong ito, mas lalong lumakas ang ihip ng hangin. Sunod-sunod na umalulong ang mga aso sa kalsada... ipinapamalita ang karumaldumal nilang nasaksihan.
Hindi na tuluyang nakatayo si Facundo. Ang sabaw ng ulam ay mayroon nang kakumpetensya, malapot na dugo ang kalaban.
Ang luha sa mata ni Facundo ay hindi na lang dahil sa labis na panghihinayang na natapon ang ulam na kaniyang dala-dala, kung hindi dahil sa sakit na dinaramdam niya sa kaniyang likod. Mahabang punyal ang nakabaon sa pagod niyang balat... mas lalo pang ibinabaon no'ng adik na lalaki. Hindi ito tumigil hangga't hindi tumatagos sa sikmura ni Facundo iyong dulo ng patalim.
"Mamatay na ang lahat ng papasok sa teritoryo ko, hmmm? Mamatay na. Mamatay, mamatay!" Binalot ng malademonyong tawa ang makipot na eskinita, nakikipagkumpitensya sa iyak ng mga asong nakatingin sa kaaawa-awang nilalang na unti-unti nang binabawian ng buhay.
Kaawa-awang Facundo... sino ang sisigaw para may magligtas sa kaniya? At sino ang magtuturo ng katarungan? Kung ang tanging saksi sa nangyari ay ang buwan at ang mga asong gala?