DANIEL Sampung araw na lang ang bibilangin bago sumapit ang Disyembre. Isang buwan na ang nakakalipas simula noong mahatulan ako at manirahan sa kulungan kasama ang mga katulad kong makasalanan. Ipinatawag ako kahapon para malaman na isa ako sa mga kandidato para mabigyan ng parol. Hindi ko tinanggap dahil para sa akin, masyadong unfair na iyong limang taon kong sintensya tapos isa pa ako sa maaaring mabigyan ng parol. Maraming iba na mas deserving sa akin, iyon na lang sana ang bigyan nila ng pagkakataon. Ilang beses kong ipinaliwanag iyon sa mga pulis ngunit hindi nila ako pinakinggan. Sabi nila, ang pagiging kandidato ay hindi basehan na makakalaya nga ako. Isa lang ako sa mga napili. Kaya kung ayaw ko raw talaga na makalaya, manalangin na lang daw ako na ibang tao ang siyang mapili.