CHAPTER 7.5

1334 Words
CASSANDRA "Nay, kain na po kayo nitong sopas," alok ko. Kami na lang ang tao rito sa bahay. Pagkaalis nila Tiya, wala nang sumunod na bumisita. Ayos lang naman sa akin iyon dahil naiintindihan ko naman sila. Aminin natin, may mga tao talagang pumupunta lang sa lamay hindi para sa patay kung hindi para sa pagkain. At dahil wala kaming maialay ni kendi sa aming mga bisita, alangang magmakaawa ako sa mga taong minsang natulungan ng tatay ko na hoy, baka naman pwede niyong dalawin at silipin man lang ang aking ama. Ito na ang huling araw niya sa mundo... kahit ito na lang iyong magiging kabayaran niyo sa kabutihang loob na minsan niyong tinamo mula sa tatay ko. Hindi ko naman pwedeng gawin iyon. Wala nang mapagsisidlan ang sakit at ang pighati. Punong-puno na ako, sobra. Hindi ko alam kung saan o kung kanino ko pwedeng ilabas ito. "Ate! May mga pulis!" Natigilan ako sa pagmumuni-muni. "Nay, dito ko po muna ang pagkain niyo, ha? Sasalubungin ko lang po iyong mga bisita," paalam ko kay nanay bago ko ibaba iyong plato na may sopas. Kaagad akong tumayo tapos nagtungo sa may pinto. Noong makita ako no'ng dalawa, kaagad silang tumakbo papunta sa akin at nagtago sa aking likuran. Wala si Toto rito dahil inutusan ko siyang bumili sa tindahan ng bente pesos na bigas para may mailugaw kami mamayang gabi. Kailangan na naming magtipid dahil iyong inabuloy ni tiya na dalawang daang piso ay ipapatabi ko na iyon kay Toto para sa pagkain nila habang wala ako. Alam kong hindi iyon sapat para sa isang buwan, idagdag pa na mayroong mga gamot si nanay na kailangang bilhin pero makikiusap na lang ako kay Tiya na kung maaari ay pautangin na muna sila nito, tutal tutuloy naman na ako sa Maynila. Babayaran ko na lang siya. "Magandang araw po, ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ko ro'n sa mga pulis. Hindi sila iyong nakasama ko kagabi, ibang mga tao naman itong nasa harap namin ngayon. "Ahm, ineng, pasensya na pero kailanga na kasi naming kunin iyong kabaong para mailibing na ngayong araw ang papa mo. Alam mo kasi, bukas ay busy kaming mga pulis, mayroon kaming piging na dadaluhan, kaya sorry... kailangan na namin siyang kunin ngayon," paliwanag no'ng isa tapos walang ano-anong pumasok sa bahay. Hinarang ko siya. Matapang akong nakipagsukatan sa kaniya ng tingin. "T-Teka lang po, ha... ang usapan po kasi bukas pa po ililibing si papa. Bakit naman po hindi kayo tumutuapad sa napag-usapan? Pumayaga na nga ako na hindi kami sasama sa paglibing sa kaniya dahil ang sabi niyo ay masyadong malayo iyon tapos ngayon, kukunin niyo na siya bigla?!" Hindi ko intensyong magtaas ng boses dahil wala akong karapatan at di hamak na mas mataas ang katungkulan nila sa amin ngunit sobra naman na ata ito. Alam kong malaki ang utang na loob namin sa kanila dahil tinulungan nila kami pero bahay namin ito, isa pa may pinaglalamayan kami, ang hangad ko lang naman ay kaunting respeto pero hindi nila ibinigay. Hindi ba sila nahiya? Hindi ba sila naaawa? "Ineng, naiintindihan ko ang hinaing mo pero kami'y sumusunod lamang sa ipinag-uutos sa amin. Kayo'y minalasakitan ng munisipyo. Binigyan ng kabaong ang bangkay ng papa mo, binayaran din ang nag-eembalsamo tapos ganito ang ipapakita mo sa akin? Kawalanghiyaan? Hindi ka naman namin pinipilit... ngayon, kung ayaw mo pang ipakuha ang kabaong sa amin at nang mailibing na sana 'yang papa mo, edi kayo ang gumastos. Ang tanong mayroon ba kayong pera? Ha? Mahal ang magpalibing, aabutin ng libo! Eh, ni singkong duling nga yata ay wala kayo tapos ganyan ka pa magsalita sa akin?" "Bro, tama na 'yan. Bata lang 'yan." "Iyon na nga, eh! Bata lang pero ang bunganga kala mo'y nakikipag-usap sa katulad niya. Ineng, bahala na kayo dyan, ha? Aalis na kami, ilibing niyo na lang 'yang tatay niyo sa bakuran niyo nang mapakinabangan pa, ha?" Grabe iyong poot na nadarama ko ngayon habang pinagmamasdan silang isa-isang umalis sa bahay. Kung hindi lamang ako ginigising ng mahigpit na kapit ng mga kapatid ko, baka kung ano na ang nasabi't nagawa ko sa mga parak na iyon. "Ate-- ayaw ko na pong maging pulis. Ayaw ko pong mang-away ng kapwa," sabi ni Jekjek. Garalgal ang kaniyang boses dahil sa nagbabadyang luha sa kaniyang mata. Umupo ako, lumuhod at niyakap silang dalawa. "Tahan na... hindi naman lahat ng pulis ay ganoon. Nasa sa iyo kung magiging abusado ka o magiging mabuti, ha? Baka gusto niyo pang kumain ng sopas mayroon pa dyan. Sige na, papakainin ko pa si mama," sabi ko sa kanila. Sakto at dumating na rin si Toto at noong makita niya kaming nag-iiyakan ay kaagad siyang lumapit sa amin. "Anong nangyari? May mga nakasalubong akong pulis sa daan pabalik. Dito ba sila galing? Anong ginawa nila?" sunod-sunod nitong tanong. Pinipigilan ko pa ring umiyak dahil magiging maingay na sa loob ng bahay kapag dumagdag pa ako. "Gusto na nilang kunin si papa at ilibing ngayon. Hindi ako pumayag kasi ito na lang nga iyong natatanging araw na makakasama natin siya, sisirain pa nila. Ang sabi nila kung ganoon, sa bakuran na lang daw natin siya ilibing dahil paniguradong wala tayong panggastos," kwento ko. Hindi kumibo si Toto ngunit mabibigat na paghinga ang pinapakawalan niya. Mahigpit din ang pagkakahawak niya sa supot ng bigas habang nakatingin sa amin. "Grabe naman sila. Porket hindi nila dinaranas... hayaan na te, mas mabuti nang dito na lang si papa ilibing. Baka kung sila pa ang maglibing ay hindi natin malaman kung saan nila dadalhin si tatay." "Tama... Oh, sya, wag na nating pag-usapan pa iyan, hmmm? Pakakainin ko pa si nanay," wika ko. Kawawa naman si nanay, nakakailang subo pa lang siya ng sopas. Ngayon palang siya kumain simula kanina. Kung hindi pa ako nagmakaawa sa kaniya na kailangan niyang sumubo kahit kaunti dahil manghihina siya hindi pa siya babangon mula sa pagkakahiga. "Pasensya ka na nay kung kailangan mong makita ang ganoong eksena. Alam kong masaya ka na sa likod ng bahay na lang natin ililibing si papa pero nalulungkot lang din ako kasi gusto ko rin pong ibigay kay papa ang maayos na burol kaso--" Tumigil ako sa pagsasalita dahil maiiyak na naman ako. Wala nang mapagsidlan ang sakit sa puso ko. Nag-uumapaw na. Masakit man ang dinanas natin sa araw na ito, ipinapangako kong hindi ko kalilimutan kung ano ang ekspresyon na nakita ko at kung anong damdamin ang nadama ko ngayong araw... Gagamitin ko ang sakit na sumasakop sa puso ko para hindi na ito maulit na muli. Ang sitwasyon namin ngayon ang gagawin kong gabay para para huwag sumuko. "Ipinapangako ko nay, aahon din po tayo. Ilalayo ko po kayo rito. Ito na po ang huling beses na mararanasan natin ang ganitong pangmamaliit. Pangako ko po 'yan." DAHIL sa nadatnang eksena kanina, patin ang langit ay nahabag sa pamilya ni Cassandra. Sinong mag-aakala na mismong sila pa ang maglilibing sa kanilang ama. Napakapait na tunay. Kung may mas sasakit pa sa makita mo ang minamahal mo na wala nang buhay, ang maghukay ng paglilibingan nito at makita siyang kinakain ng lupa ang siyang pinakamasakit sa lahat. Malakas ang buhos ng ulan sa kalangitan, tila ba nagpapahiwatig na nakikiramay rin ito sa pagluluksa ng pamilya Cabrera. Walang patid ang pagluha ng magkakapatid. Kahit pa basang-basa na sila't mabalot ng putik ang katawan, hindi nila ito alintana. Bukod sa tunog ng ulan, sigaw ng magkakapatid ang maririnig. Paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng kanilang ama. "Pa... Papa koooo! Bakit kayo pa ang kinuha sa amin! Bakit kayo pa ang nawala!" Magkakayakap ang mga bata, sama-sama silang nakatingin sa nakatusok na krus na gawa sa kawayan at tinalian lamang ng straw na yari sa sako. Ilang sandali lang ang lumipas at hindi na lamang ang tinig ng ulan pati ang kanilang hikbi ang maririnig. Isang malakas na lagabog ang umalingawngaw sa tenga ng magkakapatid na siyang ikinagulat nilang lahat. "Ate... Ate si nanay!" "Nagkukumbulsyon si nanay!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD